Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 14 - Chapter 12

Chapter 14 - Chapter 12

NALAMAN ni Daisy na wala naman palang importanteng pag-uusapan ang Wildflowers at si Rob. Gusto lang palang magkita ng mga ito. Kasama pa raw dapat ang dating vocalist ng Wildflowers na si Cham, hindi lang daw nakapunta. Sa totoo lang, hindi maiwasan ni Daisy na bumilib sa pagkakaibigan ng mga ito. Hindi katulad niya at ng mga kabarkada noon. Ngayon ay napagtanto ni Daisy na wala siyang tunay na kaibigan. How pathetic.

Pagkatapos ng early lunch, nagboluntaryo si Rob na ihatid siya sa TV8. Pumayag siya dahil gusto pa niyang makasama ang binata nang mas matagal. Sa sandaling napagtanto ni Daisy na gusto niya si Rob ay parang ayaw na niyang malayo rito. She didn't like the guy before. O marahil, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magkagusto sa kahit na sino dahil palagi na ang mga lalaki ang unang nahuhulog sa kanya.

Ngayon lang natuklasan ni Daisy ang pakiramdam ng magkahalong kirot at sarap na dulot ng nagliliparang paruparo sa sikmura, ng sa tuwina ay nagbabadyang ngiti sa gilid ng kanyang mga labi dahil nasa tabi niya si Rob, ng udyok na hawakan ang binata, and that feeling like she could not stare at him enough.

Gustong mapaungol ni Daisy sa pagkadismaya nang humimpil ang sasakyan ni Rob sa tapat ng TV8. Bakit ba ang lapit lang ng restaurant kung saan sila kumain? Hindi niya agad inalis ang seat belt.

Si Rob naman ay may dinukot at iniabot sa kanya ang isang calling card. "Keep this."

Kinuha iyon ni Daisy at hindi napigilang mapangiti. Naramdaman niya na natigilan si Rob kaya nag-angat siya ng tingin. Nakaangat ang mga kilay nito at ang gilid ng mga labi.

"What?" tanong niya.

"You've suddenly become acquiescent," sagot ni Rob.

Natigilan si Daisy nang umangat ang kamay ng binata at haplusin ang kanyang panga, pababa sa leeg. Uminit ang kanyang pakiramdam.

"It's good. But I like you better when you spit fire." May himig ng pagbibiro ang tono ni Rob na noon lamang narinig ni Daisy.

Hindi na siya nakatiis. Inilapat niya ang isang kamay sa panga ni Rob, tumiyad palapit at siniil ito ng halik sa mga labi. Saglit lang natigilan ang binata bago dumausdos sa kanyang batok ang kamay nito at gumanti ng halik. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay nagkatitigan sila. His eyes looked darker than before.

"Ganti ko sa ginawa mo kanina sa conference room," usal ni Daisy sa mga labi ng binata.

"Ah, the woman I know is back," sagot ni Rob.

Napangiti si Daisy at kumalas sa binata. Mabilis niyang inalis ang seat belt at bumaba ng kotse bago yumuko upang tingnan si Rob. "Thank you for letting me meet Wildflowers."

Gumanti ng ngiti ang binata. "No problem. You just happened to show up at the right time."

May punto si Rob. Subalit natulungan pa rin siya nito. Gayunpaman ay tumango na lang siya at matamis na ngumiti. "See you, then." Nang tumango ang binata ay saka lang siya umunat at naglakad palayo. Hindi siya lumingon kahit nararamdamang nakasunod ang tingin ni Rob sa kanya. Hindi na napalis ang ngiti sa kanyang mga labi.

PAGPASOK ni Rob sa common area ng Bachelor's Pad kinagabihan ay saglit siyang naengganyo na muling lumabas nang makitang naroon si Brad. Nasa bar area ito kasama si Ross. Nakatalikod si Ross sa direksiyon niya subalit si Brad ay nakita na siya.

Ngumisi ito. "Hey, Rob. Kumusta ang conference room escapade?"

Tumiim ang kanyang mga bagang subalit lumapit naman sa dalawang lalaki. Nadaanan niya ang ilang residente na naglalaro ng billiard sa game room. Ang nagsisilbing harang sa game room mula sa common area ay salaming pader at pinto. Kumaway ang mga ito kay Rob at tumango siya bilang pagbati bago tuluyang lumapit kina Ross at Brad.

"It's none of your business."

Tumingin na rin si Ross sa kanya. "Anong escapade?" May hawak itong baso ng alak at sa harap ay ang bote.

Umangat ang kanyang mga kilay. Mukhang inis ang kanyang pinsan.

"Nahuli ko siyang may kasamang babae kanina," pambubuska ni Brad sa kanya.

Umangat ang isang kilay ni Ross. "Si Rob? Nahuli mo? Ako ngang pinsan niya, kahit isang beses ay hindi ko siya nahuli na may kasamang babae maliban sa mga alaga niya. Rob is more discreet than a cheating husband."

"Kaya nga nagulat ako," natatawang sabi ni Brad.

"Brad, ang daldal mo, do you know that?" inis na sita ni Rob.

Ngumisi lang si Brad. "I know."

Bakit ba kasi nakalimutan ni Rob na i-lock ang pinto ng conference room kanina? Simple lamang ang sagot. He had become too impatient to be alone with Daisy. Hindi niya inaasahan na makikita ang dalaga sa Diamond Records. At lalong hindi niya inaasahan ang naging epekto sa kanya na muli itong makita. He was consumed with an indescribable desire that he had never felt for any woman before. Lalo na nang maalala ang pakiramdam ng makinis nitong balat nang hawakan niya noong huli silang nagkita. So he decided to make small talk to control himself. Na hindi rin nangyari nang sandaling makita niyang kumislap ang vulnerability sa mga mata ni Daisy. At sa unang pagkakataon sa buong buhay ni Rob, hinayaan niya ang sariling pagbigyan ang impulse at hindi ang utak. Hinalikan niya si Daisy. At wala siyang nararamdaman ni katiting na pagsisisi.

"Damn, don't tell me magkakatotoo ang sinabi ko sa `yo noong nakaraan?" manghang bulalas ni Ross.

"About what?" tanong ni Rob.

Ikinumpas ni Ross ang kamay at napagtanto ni Rob na medyo nakainom na ang pinsan. "Na baka magaya ka na kay Cade."

Kumunot ang kanyang noo at napailing. "Kapag interesado ka sa isang babae, does that mean you want to marry her?"

Totoong interesado si Rob kay Daisy. Attracted siya sa dalaga. Subalit alam niya na pisikal lamang ang nararamdaman para kay Daisy at ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanya. Bakit ba palaging iginigiit ni Ross na magagaya siya kay Cade? Iba ang namamagitan sa kanila ni Daisy. Ni hindi siya sigurado kung hanggang kailan siya sa Pilipinas. Ang sigurado lang ni Rob, hindi siya habang-buhay na mananatili roon. What was wrong with giving in to his desires?

Nagkatinginan sina Brad at Ross, pagkatapos ay sabay na natawa at kapwa itinaas ang hawak na mga baso ng alak na parang sinasaluduhan si Rob.

"Good point." Ngumisi si Ross na mukhang nakahinga nang maluwag.

"Mr. Invincible talaga. Walang babaeng magpapatinag," sabi naman ni Brad.

Magkokomento pa sana si Rob nang tumunog ang kanyang cell phone. Agad niyang dinukot at sinagot iyon kahit number lang ang nakarehistro sa screen. "Rob Mitchell," bungad niya sa kung sino mang tumatawag.

Ilang segundo ang lumipas bago nagsalita ang nasa kabilang linya. "Hi."

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi niya nang ma-recognize ang boses ni Daisy. "Hey." Tumalikod siya at hindi pinansin ang nakamaang na mukha nina Brad at Ross. Bago tuluyang makaalis ay nahagip pa niya ang usapan ng dalawa.

"Tama ba ang nakita ko? Ngumiti si Rob?" manghang bulalas ni Brad.

"Damn right, he did. It must be the woman you were talking about. Noong huli kaming magkita ay mamatay-matay siya sa boredom, ah. Ngayon, mukhang hindi na," sabi naman ni Ross.

Hindi na lumingon si Rob at tuluyang lumabas ng common area.