SANDALI lang nagdalawang-isip si Daisy kung tatawagan niya si Rob o hindi. Kung noon niya nakilala si Rob at kagaya ito ng ibang lalaking nagkagusto sa kanya, malamang ay hindi niya ito tatawagan. Hahayaan niyang habulin siya ni Rob, paglalaruan sa mga kamay hanggang magsawa siya.
Subalit ibang kaso si Rob. Wala pang nakikilala si Daisy na lalaking gaya ng binata. Wala pang humalik sa kanya na gaya ng paghalik nito. Wala pang tumingin sa kanya nang may ganoon katinding intensidad. Lalong wala pang nakapagpalambot sa mga tuhod niya na gaya ng palaging ginagawa ni Rob sa kanya.
Higit sa lahat, naniniwala si Daisy na ibang tao na siya kompara noon. That she was slowly growing up and changing. Hindi man kumbinsido ang maraming tao na kaya niyang magbago, alam niya sa sarili na kaya niya. At isa sa pagbabagong nais gawin ni Daisy sa sarili ay ang mas maging tapat hindi lamang sa iba kundi maging sa sarili niya. Gusto niyang marinig ang boses ni Rob kaya tinawagan niya ito.
"Rob Mitchell," bungad nito pagkatapos sagutin ang tawag.
Marinig pa lamang ang baritonong boses ni Rob malapit sa tainga niya ay para nang may hinahalukay sa sikmura ni Daisy. Napapikit pa siya at ilang segundong hindi nakahuma.
"H-hi…" usal niya sa wakas. Gosh, iyon lang ba ang kanyang sasabihin? Umaakto siyang teenager!
"Hey," sabi ni Rob.
Kahit hindi nakikita ni Daisy, alam niya na may ngiti sa mga labi ng binata. Muntik na siyang mapabuntong-hininga. Gosh, she was really turning into a teenager.
Kinalma niya ang sarili at umayos ng upo sa love seat sa kanyang silid. "Gusto kong magpasalamat uli sa ginawa mo kanina. Natuwa ang immediate boss ko sa ibinalita kong pagpayag ng Wildflowers." Sa katunayan, hindi lang natuwa si Lottie kundi muntik pa siyang yakapin nang sabihin niya ang magandang balita. Mukhang big deal talaga para sa Foundation ang benefit concert. Nakaramdam siya ng satisfaction na unti-unti nang nakukuha ang kompiyansa ni Lottie at ng ibang kasama niya sa Foundation. Pakiramdam niya ay nasa tamang daan siya.
"Hmm… that's good," sagot ni Rob sa tinig na nagdulot ng kakaibang pakiramdam kay Daisy.
May init na naglandas mula sa kanyang sikmura pababa sa puson.
Pasimpleng huminga siya nang malalim. "Yes, it's good," sagot niya sa mas mababang tinig kaysa sa talagang intensiyon.
Ilang segundong natahimik si Rob sa kabilang linya bago sumagot, "I'd like to hear you say that in a different situation." Mababa ang tinig ng binata, husky, at humahaplos sa kanyang pandinig.
Nakagat ni Daisy ang ibabang labi upang pigilan ang mapangiti nang husto. "Really?"
"Yes, really," sang-ayon ni Rob. "Ano'ng ginagawa mo ngayon, Daisy?" biglang tanong nito.
Ang sarap pakinggan ng kanyang pangalan kapag si Rob ang nagbanggit. Lalo siyang sumandal sa couch. "I'm in my bedroom."
Narinig ni Daisy ang paghugot ng binata ng malalim na hininga sa kabilang linya at lalo siyang napangiti. Hindi siya mahilig magtelebabad. Bihira nga siyang sumagot ng tawag sa kanyang cell phone. Subalit ngayon ay nalaman niya na masarap din palang makipag-usap sa cell phone nang ganito. Kahit hindi sila magkasama ni Rob ay parang ang lapit pa rin nila sa isa't isa.
I can even sleep like this.
"Pagod ka na ba?" tanong uli ni Rob.
"Hindi naman. Bakit?"
"Go out with me tonight."
Napaderetso ng upo si Daisy at sumikdo ang puso sa sinabi ng binata. "What?"
"Go out with me. I want to see you," ulit nito.
"Okay," mabilis na sagot niya kasabay ng pagtayo, pagkatapos ay natigilan at nanlaki ang mga mata nang marinig ang mahinang tawa ni Rob sa kabilang linya. Hindi pa niya ito nakikitang tumawa. Gosh, she wanted to see what he looked like right now. "Kapag nagkita tayo, gusto ko tumawa ka uli nang ganyan. Gusto kong makita kung ano ang hitsura mo kapag tumatawa ka."
"Then you'll have to try to make me laugh again," halatang amused na sagot ni Rob.
Hindi alam ni Daisy kung may kakayahan siyang magpatawa nang hindi kailangang mamahiya ng ibang tao. Ganoon kasi ang ginagawa niya noon pero hindi na ngayon. Gayunpaman, gusto talaga niyang makita kung ano ang hitsura ni Rob na tumatawa.
"Saan tayo magkikita?" tanong niya habang naglalakad patungo sa malaking walk-in closet.
"Susunduin kita. Give me your address."
Napangiti si Daisy. Iyon ang unang pagkakataon na may lalaking nagboluntaryong sunduin siya sa bahay. At malamang, kung mayroon mang iba ay hindi siya papayag. "Okay." Ibinigay niya kay Rob ang address ng kanilang bahay. Nang matapos ang kanilang pag-uusap sa cell phone ay mabilis na siyang nagbihis.
Dahil hindi sinabi ni Rob kung saan siya dadalhin, pinili ni Daisy na isuot ang isa sa kanyang little black dresses. Sleeveless iyon na bahagyang kita ang itaas na bahagi ng kanyang dibdib. Lace ang bahagi ng palda na ang haba ay hanggang kalahati lang ng kanyang hita. Itinali niya ang buhok sa isang side para ma-emphasize ang isang bahagi ng kanyang leeg at balikat. Manipis lang ang inilagay niyang makeup. Lip-gloss lang sa kanyang mga labi. Hindi siya lalabas para mag-party na gaya noon. Lalabas siya kasama ang isang lalaking malakas ang atraksiyon sa kanya.
Nagsuot ng high-heeled shoes si Daisy. Pinakiramdaman niya ang mga sakong. Hindi na masakit. Nakangiti at kontentong kinuha niya ang clutch bag at lumabas ng silid. Sa baba na niya hihintayin si Rob.
Naglalakad na siya patungo sa grand staircase ng kanilang bahay nang biglang bumukas ang pinto ng library. "Saan ka pupunta?"
Napatingin siya sa kanyang ama na nakahalukipkip at nakatingin sa kanya. Mukhang nagtatrabaho pa rin ito. Nagsisilbi rin kasing opisina ng kanyang papa ang library sa mansiyon. "I'm going out for a while."
Kumunot ang noo nito. "Sino'ng kasama mo?"
Gustong itirik ni Daisy ang mga mata. Kung magtanong ang papa niya, para namang teenager pa siya. "With a friend, Papa."
"Hindi ko gusto ang mga kaibigan mo. Dapat kang lumayo sa gulo, Daisy. Isa pang eskandalo ang kasangkutan mo ay mababale-wala ang kahit anong effort na gawin mo sa Foundation para makuha ang tiwala ng board of directors."
Napabuga ng hangin si Daisy. "Hindi sina Eric ang tinutukoy kong kasama, Papa. Matagal na akong walang balita sa kanila."
Bumakas ang pagtataka sa mukha ng ama. "Kung ganoon, sino ang kasama mo?"
Umiling siya at nagsimula na uling maglakad pababa ng hagdan. "Someone far, far better than my former friends. Bye, Papa," paalam niya bago pa makapagsalita ang kanyang ama.
Tumunog ang cell phone ni Daisy nang nasa living room na siya. Muli siyang napangiti nang makita ang pangalan ni Rob sa screen at sinagot agad ang tawag. "Hi."
"Nasa loob na ako ng subdivision. I think I'm a few houses away," sagot ng binata mula sa kabilang linya.
Nasabik si Daisy. "Okay. I'll meet you." Nang matapos ang tawag ay mabilis siyang lumabas ng bahay hanggang sa gate, at huminto sa gilid ng kalsada upang hintayin si Rob. Gusto niyang matawa sa sarili na ganoon siya kadesperadang maghintay. Noon, siya ang nagpapahintay sa mga lalaki. Subalit hindi niya iyon gagawin kay Rob. Not when she wanted to see him this much.
Sumikdo ang puso ni Daisy sa antisipasyon nang may nakitang paparating na kotse. At nang humimpil iyon sa harap niya at bumaba si Rob mula sa driver's seat, hindi niya napigilan ang mapangiti. Naglakad siya palapit sa binata at akmang gaganti ng ngiti nang matigilan. Humagod ang tingin ni Rob mula sa mukha niya, pababa sa leeg, balikat at sandaling tumagal sa bandang dibdib, pababa sa kanyang mga hita, binti, at paa. Nahigit niya ang hininga at nag-init ang pakiramdam sa hayagang pagmamasid ni Rob sa kanyang kabuuan. Hindi siya nagsalita at hinintay na muling umangat ang tingin nito sa kanyang mukha.
Nagpabilis sa tibok ng puso ni Daisy ang ekspresyon sa mga mata ni Rob. He looked as if he wanted to devour her right there and then. May bumikig sa kanyang lalamunan nang tuluyang makalapit si Rob sa kanya. Kahit tuloy gusto niyang magsalita ay hindi niya magawa.
Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob at marahang hinaplos ang pisngi ni Daisy pababa sa kanyang leeg. Nagtama ang kanilang mga mata.
"Beautiful."
May lumukob na saya sa kanyang kalooban at confident na ngumiti. "I know."
Naningkit ang mga mata ni Rob at bigla ay mahinang tumawa.
Napatitig si Daisy sa mukha ng binata. He had a very sexy laugh. Hindi lang ang tunog niyon na mababa at tila mainit na haplos sa kanyang balat, pati ang ekspresyon sa mukha nito kapag tumatawa ay makapigil-hininga. Mabuti na lang pala at bihirang tumawa si Rob dahil kung hindi, mas maraming babae ang mababaliw rito. At ayaw niyang isipin iyon. Bigla siyang nakaramdam ng possessiveness na dati ay nakatuon lamang para sa mga magulang laban kay Lily. Hindi niya akalaing mararamdaman din niya iyon para sa isang lalaki. Subalit agad niyang pinigilan.
No, I'm not going there. I've been there and it was the worst feeling ever. Hindi ko na uulitin ang mga pagkakamali ko noon.
Bumaba ang kamay ni Rob sa kamay ni Daisy at pinisil iyon. Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Daisy.
Umatras ang binata palayo na may munting ngiti sa mga labi. "Let's go. Hindi na ba masakit ang mga paa mo?" May himig ng pag-aalala ang tinig nito at muling tumingin sa kanyang mga paa.
Huminga nang malalim si Daisy at gumanti ng ngiti. "Hindi na masakit. Don't worry." Noon lang siya kumilos palapit sa sasakyan ni Rob. Pinagbuksan siya ng binata ng pinto at inalalayan pa na makaupo sa passenger's seat.
Nang makaupo na rin si Rob sa likod ng manibela, inaasahan ni Daisy na bubuhayin nang muli ng binata ang makina. Subalit hindi iyon ang nangyari.
"Before anything else…" Bumaling ito sa kanya.
Napangiti si Daisy nang magaan na lumapat ang mga labi ng binata sa kanyang mga labi. Sandali lamang iyon, para bang gusto lang tumikim. Napasinghap siya nang bumaba ang mga labi ni Rob sa gilid ng kanyang leeg at marahan ding humalik doon, padausdos sa balikat niya. Wala sa loob na umangat ang kanyang kamay at marahang isinuklay ang mga daliri sa buhok ni Rob nang muling umangat ang halik nito sa kanyang leeg pabalik sa mga labi niyang nakaawang.
Mayamaya ay marahang inilayo ng binata ang mukha sa kanya at umangat ang gilid ng mga labi. "Hmm… that's good."
Ilang segundo ang lumipas bago natawa si Daisy nang maalala ang usapan nila ni Rob sa telepono kanina. "Yes, it's good," sang-ayon niya.