MAGANDA ang gising ni Daisy kinabukasan. Kahit halos alas-dose ng hatinggabi na siya nakauwi pagkatapos ng dinner nila ni Rob, nagising siya nang mas maaga pa rin kaysa karaniwan. Gayunpaman, mas maaga pa ring nagising ang kanyang ama. Bago umalis ay nakita niyang wala na sa garahe ang sasakyan nito. Patunay na nasa istasyon na ang kanyang papa. Ito lang yata ang kilala niyang nagmamay-ari ng isang kompanya na ganoon kaaga pumasok.
Naglalakad na si Daisy sa lobby nang mapansin ang kakaibang tingin sa kanya ng mga taong naroroon. Ipinagtaka niya iyon dahil mula nang lumabas ang balita tungkol sa benefit concert ay hindi na siya masyadong tinitingnan nang ganoon ng mga tao sa paligid niya. Subalit ngayong umaga ay naroon na naman ang ganoong klaseng tingin. That look of judgment combined with hostility and disgust.
Lumukob ang kaba sa puso ni Daisy. Ano na namang mali ang ginawa ko? Lalong tumindi ang kanyang kaba nang tumunog ang kanyang cell phone at makitang ang papa niya ang tumatawag.
"Nasaan ka? Nasa bahay ka pa rin ba?" bungad nito nang sagutin niya ang tawag.
Napangiwi si Daisy sa galit na tono ng kanyang ama. "Nasa lobby ng TV8."
"Come to my office. Now." Iyon lang at tinapos na ng ama ang tawag.
Napabuga ng hangin si Daisy at muling napalinga sa paligid. Mabilis na nag-iwas ng tingin ang mga tao ngunit nakita niyang nagbubulungan ang mga ito. Itinaas niya ang noo at nagsimulang maglakad patungo sa elevator, paakyat sa opisina ng kanyang ama.
"ANO `TO?" galit na bungad ng papa ni Daisy pagpasok pa lamang niya sa opisina nito. Inihagis nito sa mesa ang kopya ng mga tabloid.
Sinulyapan niya ang mga diyaryo at tila nilamutak ang kanyang sikmura. Nakabalandra ang malaking larawan nila ni Rob na naghahalikan. Kuha iyon kagabi, sa mismong lobby ng TV8. At nanlamig siya nang mabasa ang headline sa itaas ng larawang iyon.
Daisy Alcantara with Wildflowers' manager in an evening rendezvous.
"Maaari mo bang ipaliwanag sa akin ang ibig sabihin nito?" malamig na tanong ng kanyang ama.
Itinaas ni Daisy ang noo at sinalubong ang tingin ng ama. "Hindi ko maintindihan kung bakit paborito akong isulat ng mga reporter lately. Hindi naman ako celebrity."
"You are. Dahil tagapagmana ka ng isang television network. At huwag mong ilayo ang usapan."
Napabuntong-hininga siya at humalukipkip. "Wala akong nakikitang masama if I'm seeing someone."
Naningkit ang mga mata ng kanyang ama. "Dapat bang bale-walain kung masama ang sinasabi ng mga reporter tungkol sa inyo? At kung nakabalandra sa buong madla ang larawan mo na nakikipaghalikan sa isang lalaki?"
Naitirik niya ang mga mata. "Come on, Papa. It was just a kiss."
Tumiim ang mga bagang nito. "Kahit anong kilos ang gawin mo ay maaaring makaapekto sa kinabukasan mo sa kompanyang ito, Daisy. At kasama sa responsibilidad mo ay siguruhing walang masasabing hindi maganda ang mga tao tungkol sa iyo. Alam mo ba kung ano ang nakasulat sa mga tabloid na ito? That you've been using your body to negotiate Wildflowers' participation in the benefit concert. Maraming tinanggihan ang bandang `yon na imbitasyon mula sa iba't ibang kompanya. And most of them are sore losers. Malisyoso ang mga isinusulat tungkol sa `yo at sa lalaking ito. I don't like it. Gusto kong tigilan mo na ang pakikipagkita sa lalaking `yon kung walang kinalaman sa trabaho."
Napaderetso ng tayo si Daisy at mariing naglapat ang mga labi. Sumikip ang kanyang dibdib sa isiping hindi na niya makakasama si Rob. Ganoon pa ang mangyayari pagkatapos ng napakagandang gabing pinagsaluhan nila. Naghapunan lang sila at nag-usap. Then they shared a kiss before he bid her goodnight. Gusto ni Daisy ang pakiramdam kapag kasama niya si Rob. Bakit kailangan niyang putulin ang personal nilang ugnayan ng binata dahil lang sa malisyosong isip ng ibang tao?
Kumuyom ang kanyang mga kamay. "Hindi ka naging ganyan kahigpit kay Lily nang ipakilala niya si Michael sa `yo." Alam niya na may-halong panunumbat ang kanyang tinig at huli na para mabawi pa iyon.
Bumuga ng hangin ang kanyang ama. "Magkaiba kayo ng kapatid mo. Hindi habulin ng mga reporter si Lily. Pareho na rin silang stable ni Michael kaya wala akong kailangang ipag-alala sa kanilang dalawa. Pero ikaw, nagsisimula ka pa lang, Daisy. At gusto kong malaman mo na hindi kasindali ng inaakala mo ang mundong gusto mong pasukin nang sabihin mo sa aking handa kang manahin ang posisyon ko. Mahalaga ang malinis na reputasyon. Mag-focus ka sa career mo. I don't want you to be distracted."
"Hindi patas `yan," usal ni Daisy, kahit alam niyang may punto ang sinasabi ng kanyang ama.
"Yes, this business is not fair, Daisy. Totoo man o hindi ang mga balita tungkol sa `yo ay hindi maganda kung makakaapekto iyon sa reputasyon mo. I want you to stop seeing him. Para ito sa ikabubuti mo."
Natawa siya nang pagak at napailing. "I can't believe this." Tumalikod na siya at akmang lalabas na ng opisina nang muling magsalita ang ama.
"Isa pa, foreigner ang lalaking ito, hindi ba?"
Lumingon si Daisy. "Yes, so what?"
"Ibig sabihin, hindi siya mananatili sa Pilipinas habang-buhay, Daisy. Soon enough, magdedesisyon siyang bumalik sa sarili niyang bansa. Kung mamanahin mo ang posisyon ko sa kompanya, hindi ka puwedeng sumunod sa kanya. At base sa naririnig ko, hindi ang lalaking ito ang tipo na isusuko ang nakasanayang buhay para sa isang babae. He will leave you."
Kung alam ng kanyang ama na para siya nitong sinaksak sa dibdib ay hindi masabi ni Daisy. Subalit ayaw niyang aminin kahit sa sarili na labis siyang naapektuhan ng isiping aalis din si Rob balang-araw. Ngumiti siya nang mapait. "Huwag kang mag-alala, Papa. Alam ko `yan umpisa pa lang. Anyway, alam ko kung paanong iwan when my mother left me. So I can handle this."
May bumakas na frustration sa mukha ng kanyang ama. "Pinag-usapan na natin ang tungkol diyan, hindi ba? May dahilan kung bakit ka iniwan ng mama mo. She just… couldn't handle my lifestyle anymore. At mas sakitin si Lily sa `yo noong mga bata pa kayo kaya si Lily ang dinala niya at hindi ikaw."
Tumango si Daisy. "Naiintindihan ko, Papa. Pero hindi ibig sabihin na por que rasyonal ang dahilan ng pang-iiwan sa akin ay mababawasan na ang sakit ng pakiramdam na inabandona. Kaya huwag kang mag-alala. I know how to protect myself now. Hindi ko na uli mararamdaman ang sakit na iyon." Iyon lamang at tuluyan na siyang lumabas ng opisina.