Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 20 - Spiral Gang, Ang Simula (1)

Chapter 20 - Spiral Gang, Ang Simula (1)

NAGPUNTA sila sa perya sa bayan para magkaroon ng masayang alaala ng huling summer vacation nila bilang high school students. Pero higit pa roon ang naranasan nina Ruth, Selna, Danny at Andres. Isang mahiwaga at nakamamanghang karanasan na hindi nila puwedeng sabihin kahit kanino kasi wala rin naman maniniwala sa kanila.

Nalaman nila na sila pala ng hinahanap ng mga sakay na tanod ng service vehicle na dumaan sa dirt road kung saan sila napadpad. Nagulat pa ang mga ito nang makita sila kasi ilang beses na raw nakaikot sa lugar na iyon ang sasakyan at pumasok pa nga daw ang mga ito sa gubat pero hindi sila natagpuan.

Sa gabi pala na lumabas sila ng perya para gawin ang test of courage, nakabalik lahat ng mga kaklase nila at nakakuha ng premyo. Sila lang daw ang hindi nakabalik kahit gaano katagal na naghintay ang mga kaklase nila at bantay ng booth. Kaya humingi na raw ng tulong ang mga ito sa tanod para hanapin sila. Nakakapagtaka lang daw kasi sa park lang naman daw sila nagpunta kaya imposibleng basta na lang sila nawala.

Nang banggitin iyon ng tanod nagkatinginan silang magkakaibigan. Kasi sigurado silang apat na gubat ang pinasok nila nang gabing iyon at hindi park. At dahil sa sentro ng bayan dumaan ang sinasakyan nilang service vehicle itinuro pa ng mga tanod ang parke na katabi ng perya. Mukha iyong pinagsamang man-made forest at flower garden. Bagong bukas pa lang daw iyon last week. Hindi nga lang masyado napagtuunan ng atensiyon ng mga tao sa Tala kasi mas naging interesado ang lahat sa perya.

Nakatitig pa rin sila sa parke nang biglang may naalala si Andres at may dinukot mula sa bulsa ng pantalon nito. Isang nakatuping papel. Ang mapa na ibinigay sa kanila para sa test of courage. Basang basa iyon at halos kupas na pero sapat na ang natitirang nakaguhit doon para malaman nilang totoong mapa nga iyon ng park. Tinawag lang yata na 'gubat' ng nasa booth para magmukha sigurong nakakatakot ang test of courage.

Ibig sabihin pinaglaruan talaga sila ng mga Engkantong nakisaya sa perya kaya dinala sila sa bahagi ng gubat na malayo sa sentro ng bayan. Pero hindi nila puwedeng sabihin iyon sa mga tanod o sa mga kaklase nila. Lalo na sa mga magulang nina Andres, Danny at Selna. Sabi ng nanay ni Ruth noon pa mang maliit siya na natural lang na katakutan at hindi paniwalaan ng mga tao ang mga bagay na hindi nila naiintindihan.

Kaya imbes na maging tampulan sila ng tukso, mas pinili na lang nilang magkakaibigan na magsinungaling. Sinabi nila na habang nagte-test of courage sa parke, nagdesisyon silang subukang totohanin ang laro at magpunta sa gubat. Pero nagkandaligaw-ligaw sila kaya nagdesisyong manatili na lang sa isang lugar at hintayin mag-umaga.

Mukhang naniwala naman ang mga tanod at ang mga kaklase nilang nagpunta sa munisipyo nang maaga para hintayin ang pagdating nila. O kung tutuusin, si Andres lang naman talaga ang mukhang inaalala ng mga ito. Ang binatilyo lang kasi ang nilapitan at kinamusta ng mga ito.

Pagkatapos tumawag ng isang staff sa munisipyo para ipasundo sila sa kanilang mga magulang, ina ni Andres ang unang dumating sakay ng isang mamahaling kotse. Nagmamadaling nilapitan ng may-edad na babae ang binatilyo, hinawakan ang magkabilang pisngi nito at ininspeksiyon kung may injury ito. Nang masigurong maayos ang kalagayan ng anak ay saka naman ito naluha at mahigpit na niyakap si Andres. Mukhang nahihiya na hindi nila maintindihan ang binatilyo pero gumanti naman ng yakap.

Nagkatinginan na lang sina Ruth, Selna at Danny. Nagkangitian. Kasi ang dami nila napagdaanan at marami rin nakaharap na iba't ibang nilalang kagabi. Pero ngayon lang nila nakitang nawala ang composure ni Andres. Ngayon nila nakita na kaedad lang talaga nila ito. Mayamaya kumalas si Andres sa yakap ng ina at nilampasan ang mga kaklase nilang gusto itong kausapin at kamustahin. Lumapit ito sa kanilang tatlo. Pagkatapos nagulat sila sa sumunod nitong ginawa.

Ibinuka nito ang mga braso at niyakap silang tatlo. Napapagitnaan si Ruth nina Selna at Danny kaya siya ang nasubsob sa dibdib ni Andres.

"Anong nangyayari sa'yo?" natatawang tanong ni Danny na tinapik ang likod ng binatilyo.

Humigpit pa lalo ang yakap nito sa kanilang tatlo. Nakadikit ang mukha nito sa ulo ni Ruth kaya naramdaman niya nang gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. "Masaya lang ako na nakauwi na tayo," bulong ni Andres. "Masaya ako na kayo ang mga naging kaibigan ko. Kung iba ang kasama ko kagabi… malamang hindi sila nagdalawang isip na iwan ako sa lugar na iyon para iligtas ang mga sarili nila. Ang tatapang niyong tatlo kaya naging matapang din ako."

Dahan-dahan sila nitong pinakawalan. Ngumiti ito. "Hindi ko makakalimutan ang nangyari sa atin. Malamang hanggang pagtanda natin maaalala ko pa rin ang lahat. That was memorable in a crazy way."

"Sinabi mo pa. Ngayon may secret na tayong apat," natatawang sagot ni Selna.

"Wala naman maniniwala sa atin kahit ipagsabi natin sa iba eh," katwiran naman ni Danny.

Natawa na rin si Andres at saka bumaling kay Ruth. Nagtama ang mga paningin nila. Naging masuyo ang ngiti nito at hinaplos ang pisngi niyang may sugat. "Gamutin mo ang mga sugat mo ha. Ingat kayo sa pag-uwi. See you sa pasukan." Magaan pa nitong pinisil ang baba niya bago tinapik ang mga balikat nina Selna at Danny at naglakad palayo. Kumaway pa ito bago sumakay sa kotse ng nanay nito.

Nagulat si Ruth nang bigla siyang sikuhin ng bestfriend niya. Nawala ang tingin niya sa direksiyon na tinungo ng kotse at napatitig sa nanunudyong mukha ni Selna. "Iba ang treatment niya sa'yo. Tapik lang sa amin sa'yo may haplos at pisil pa sa baba."

Uminit ang mukha niya, mariing tinanggi ang sinasabi nito. Nang ayaw tumigil ni Selna bumaling siya kay Danny para humanap ng kakampi. Pero mukhang distracted ang kababata nila kasi kung hindi pa niya ito tinapik sa braso hindi pa ito kukurap at parang napilitan lang ngumiti at makisali sa biruan.

Mayamaya may dumating na tricycle. Tatay ni Danny ang nagmamaneho. Natensiyon sila kasi nakasimangot ito nang bumaba at lumapit sa kanilang tatlo. Namaywang ang matandang lalaki. "Kayong tatlo, ano na namang kalokohan ang ginawa ninyo at nareport kayong nawawala? Nagdamay pa kayo ng ibang kaklase."

Napangiwi sila. "Sorry po," sabay sabay na sabi nila.

Bumuntong hininga ang tatay ni Danny at inakbayan ang anak. Hindi na nakasimangot. Duda tuloy si Ruth kung totoong galit ito. Mga bata pa kasi silang tatlo mahilig na sila maglaro sa gubat na malapit sa bahay nila. Maraming gabi pa nga silang nagka-camping kaya kung tutuusin hindi na bago sa pamilya nila kapag nawawala sila. Ang kaibahan lang, hindi sila nakapagpaalam kagabi.

"Tara na. Ihahatid ko na rin kayong dalawa kina Manang Saling. Nandoon ang nanay at tatay mo, Selna. Binisita ang baby."

Napasinghap si Selna. "Nanganak na si ate Faye! Yes!" masayang tili nito.

"May baby girl na sa pamilya natin," nakangiti namang sabi ni Ruth.

Gulat na napatingin sa kaniya ang tatay ni Danny. "Paano mo nalaman? Hindi naman nagpa ultrasound ang ate mo 'di ba?"

Nawala ang ngiti niya at naitakip ang kamay sa bibig. Hindi niya kasi napigilan sabihin ang impormasyon na sinabi sa kanila ni Lukas.

"Nanghula lang siya, papa," mabilis na salo ni Danny.

"Ang galing mo, Ruth. Tumama ka ng hula!" sabi naman ni Selna.

"Ah. Ganoon ba? Tara na nga at umuwi," sabi ng matandang lalaki na tumalikod na para lumapit sa tricycle.

"Salamat," bulong niya sa mga kababata nang makalayo sa kanila ang tatay ni Danny. Mabagal silang naglalakad pasunod sa matandang lalaki kaya nagawa niyang kausapin ang mga kababata niya. "Ayokong banggitin si Lukas kasi mahirap ipaliwanag ang tungkol sa kaniya."

"Ayos lang," sabi ni Danny.

Mayamaya pa sakay na sila ng tricycle at bumiyahe pauwi sa kanila. Siguro dahil nasuong sila sa panganib kagabi, parang ayaw nila maghiwalay kaya nagsiksikan silang tatlo sa loob kahit puwede naman umangkas sa mismong motor ang isa sa kanila. Tahimik lang sila habang bumibiyahe, nakatitig lang sa dinadaanan nila. Lalo na nang makarating sila sa mahaba at makipot na tulay na lupa na naghihiwalay sa sitio nila sa ibang bahagi ng Tala. Puro bundok at gubat kasi ang makikita sa magkabilang gilid at kung yuyuko naman sila, ilog naman na malakas ang agos.

Nakaupo si Ruth sa maliit na upuan sa loob ng tricycle kaya madali niyang nakikita ang mukha nina Selna at Danny na magkatabi naman nakaupo. May kakaibang ekspresyon sa mukha ng mga ito habang nakatingin sa labas. Narealize niya na nakikita na ng mga kababata niya ang Tala sa ibang paraan. Na hindi na lang iyon simpleng bayan. Alam niya na naniniwala ang mga ito sa kaniya noon kapag nagkukuwento siya tungkol sa iba't ibang nilalang na naninirahan sa paligid nila. Pero ngayon niya nakikita na talagang nabuksan na ang mga mata nina Danny at Selna sa katotohanan na puno ng hiwaga ang bayan ng Tala.

Pagkatapos nakinita ni Ruth si Andres, nakaupo sa likod ng kotse, nakatingin din sa labas. Sigurado siya na katulad ng mga kababata niya, mas naging malalim na ang pagunawa nito ngayon sa mundo nila. O siguro noon pa nito alam pero wala lang masabihan.