Chapter 17. "I know he will come"
"Nasa kanya pala ang orb ng heaven's heart."
"Kaya nga, ano naman kaya ang iniisip ng anghel at nilagay ito sa isang mortal."
"Ayos na rin iyon. Madali nating makukuha ang orb."
Nakatingin sa salamin ng restroom sa school si Penelope at pangahas na ngumiti. Nagtungo siya sa gym kung nasaan ang klase ngayon nila Ethriel nang mapahinto siya sa nakitang ginagawa ni Ethriel at Aria. Kasalukuyan silang nag-si-sit ups. Si Ethriel ang nakahiga at nag-si-sit up habang hawak naman ni Aria ang paa at tuhod nito. Napangisi si Penelope sa nakita.
"Gehanna, ano kaya ang mararamdaman ni Circe kapag nakita niya ito." ani Gefion. Natawa naman si Penelope.
"Malamang ay uusok ang ilong ni Circe at tapusin agad ang babaeng iyan." sagot naman ni Gehanna.
Sumanib ang kambal na sina Gefion at Gehanna sa katawang mortal ni Penelope upang mapalapit sa heaven's heart. Sila ang sunod na inutusan ni Satan na kunin ang heaven's heart nang malaman nilang nasawi si Draven sa laban nila ni Ethriel. Sa iisang katawan lang sila sumanib na isa sa kanilang mga special magic. Kung iisipin, mukhang baliw ang mortal na si Penelope na kinakausap ang sarili habang nag-uusap ang kambal na demonyo.
"Gehanna, paanong natapos ni Ethriel si Draven sa ganyang anyo." tanong ni Gefion sa kambal.
"Hindi ko rin alam, Gefion." sagot nito.
Kulang na lang ay lamunin na ng lupa si Aria kapag bumabangon si Ethriel sa pag-si-sit ups nito na titig na titig pa sa kanya. Ang kinakainis niya pa ay pang-asar pang nakangiti ang lalaki sa kanya.
"65...66...67..." pagbibilang ni Ethriel habang nag-si-sit ups.
"Tama na yan, alam kong hindi ka tao kaya alam kong di mo na kailangan ng ganitong physical exam." nanggigigil at mahinang sabi ni Aria. Natawa naman si Ethriel at huminto na sa pag-sit ups.
"Oh ikaw naman." sabi ni Ethriel kay Aria.
Nahiga naman sa mat si Aria saka naman hinawakan ni Ethriel ang kanyang tuhod. Nang hawakan pa ng binata ang kanyang tuhod ay ramdam niya ang biglang paglukso ng kanyang dibdib. Tiningnan niya ang lalaki sa harap na nakangiti sa kanya. Napasinghap siya sa inis dito at nagsimula nang mag-sit up nang pagbangon niya ay siya namang lapit ng mukha ni Ethriel. Nanlaki ang mga mata niya at malakas na nasapak ang lalaki sa gulat.
"Aray ko!" bulyaw ni Ethriel.
"Eh ikaw kasi!" sigaw ni Aria.
"Bakit ako?" ganti ni Ethriel.
Hindi na sumagot si Aria at napasapok na lang ng palad sa kanyang noo at padabog na naglakad patungo sa drinking fountain nang madapo ang kanyang mga mata sa direksyon ni Penelope. Kitang-kita niya ang masamang titig sa kanya ng babae. Napakunot siya ng noo sa pag-iisip kung ano bang problema ng babaeng ito sa kanya.
Nang mag-lunch break, hindi sa cafeteria si Aria kumain at niyaya na lang si Millie na sa garden kumain. Naka-upo silang dalawa sa damuhan na nasisilungan ng puno ng mangga.
"Pero alam mo Aria, tingin ko type ka ni Ethriel." biglang sabi naman ni Millie na biglang kinapait ng mukha ni Aria. If Millie knows who is Ethriel. Alam naman ni Aria na hindi ito totoo. Na marahil dahil lamang sa orb na nasa loob niya kaya panay ang lapit sa kanya ni Ethriel. Naalala niya pa ang sinabi nito na proprotektahan siya nito.
"Hay nako Millie, tigilan mo nga ako. At wala pa sa isip ko yang sinasabi mo." iritang sagot niya sa kaibigan.
"Pero bestie aminin ang yummy ni Ethriel! Kita mo kanina di ba? Ang kinis, ang puti, at may pa baby abs pa kanina!" napangiwi si Aria sa nakitang reaksyon ni Millie na parang hindi maanak na pusa sa kilig.
"Baliw nga yon, bakit naman magbibihis ng P.E. sa classroom mayroon namang locker or restroom." ani Aria saka subo ng pagkain nito.
"Eh hindi ba mga galing ibang bansa, you know liberated." sabi naman ni Millie. Natatawang napa-iling na lang si Aria sa sinabi ng kaibigan dahil hindi naman sa ibang bansa galing si Ethriel kundi sa impiyerno.
"Kumain ka na lang diyan at magbe-bell na." saway niya sa kaibigan at tinuon ang pagtapos sa pagkain
Hindi naman niya sinasadya na mapatingala sa rooftop at doon ay nakita niya si Penelope na nakatingin sa gawi nila. Iniwas ni Aria ang tingin kay Penelope at malalim na napaisip sa kakaibang mga tingin sa kanya ng babae.
Nang uwian na ay nagmamadali siyang bumalik sa kanilang classroom. Kakatapos lang ng kanyang shift as student assistant sa library. Pagbukas niya ng pinto, akala niya ay makikita niya na naroon si Ethriel tulad nang madalas na nangyayari ngunit wala ito. Marahil ay hindi pa tapos ang training nito sa basketball. Nauna naman nang umuwi si Millie.
Inayos na niya ang kanyang gamit at lumabas na nh school building. Paglabas niya, ramdam niya ang malamig na hampas ng hangin. Napalibot siya ng tingin sa paligid, hapon pa lamang ay papalubog ang araw.
Nagpatuloy siya sa paglalakad pauwi ngunit bigla siyang napahinto nang makaramdam na may sumusunod sa kanya. Napalunok siya ng laway at huminga ng malalim. Marami naman ang tao sa paligid kaya alam niyang ligtas siya at agad na makakahingi ng tulong kung masamang loob man ang sumusunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglalakad pero ramdam pa rin ni Aria ang pagsunod sa kanya ng kung sino. Hindi niya ito nililingon para kapag inatake siya nito ay agad din siyang aatake. Sa pagliko niya sa kalsada malapit sa kanilang apartment ay napahinto siya nang makita ang isang kilalang babae. Napakunot siya ng noo.
"Ikaw?" aniya. Ngumisi naman ang babae at doon ay biglang lumabas sa katawan nito ang dalawang babaeng demonyo.
Nanlaki ang mga mata ni Aria sa nakita. Kitang-kita niya ang nakakatakot na anyong demonyo ng dalawang babae sa harap niya. Itim na itim ang mga mata nito, may mahahabang sungay, itim na pakpak at matulis na buntot.
"Tempus congelo" ani Gefion at muling huminto ang oras sa mga mortal. Napaatras si Aria sa nakikita.
"Ethriel..." mahina niyang sambit.
"Kukunin na namin sayo ang heaven's heart!" sabay na sigaw nina Gefion at Gehanna saka buka ng mga itim na pakpak at sumugod palipad kay Aria.
Mabilis naman ang pagkabog ng dibdib ni Aria dahil sa takot habang tulala sa pasugod na mga demonyo. Mariin siyang pumikit at sumigaw.
"Ethriel!"