Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 13 - Kabanata Onse: Paggising sa natutulog na kapangyarihan (1)

Chapter 13 - Kabanata Onse: Paggising sa natutulog na kapangyarihan (1)

NAKAKABINGING KATAHIMIKAN ang maririnig pagkatapos bitiwan ni Xerxes ang mga salita. Bakas ang takot sa mga mukha ng mga kawal at pati si Kira ay napatulala.

Akala niya ay ang mga higante na ng Oun ang makakapag-paramdam sa kaniya ng takot, ngunit noong narinig niya ang malamig at ma-awtoridad na boses ni Xerxes ay tila nagsitayuan ang kaniyang balahibo. Puno ng awtoridad na halos maihahambing sa boses ng isang hari.

Tahimik na tahimik ang paligid at kahit ang mga halaman at ang hangin ay nanahimik dahil na rin sa boses ni Xerxes. Pati ang mga paminsan-minsang mga boses ng mga nahihirapang nilalang ay nagsitigil at ang mga larawan sa mga puno ay tila tumigil na rin sa mga pinapakita.

At kilala niya ang heneral na isa sa mga nilalang na gusto niyang paslangin.

Tiningnan niya ang kasama.

Sino ka ba talaga, Xerxes?

Itinaas ni Xerxes ang hintuturo sa may bibig at ngumisi. "S-Sino ka? B-Bakit mo ako kilala?" Nanginginig ang boses ng heneral at hindi alam ni Kira kung tatawa ba siya dahil mukhang basang tuta ang heneral o matatakot sa kasama na nagawang takutin ang lahat gamit ang kaniyang boses.

Hindi sumagot si Xerxes bagkus ay biglang lumabas ang mga matitinik na halaman sa paanan ng mga nagbabantay sa heneral. Mga tinik na kasing talim ng kutsilyo na noong gumapos ito sa apat na kawal ay agad nahiwa at naputol ang mga laman nito gaya ng bagong katay na karne.

Hindi na nakadaing ang mga kawawang kawal dahil nalagutan agad sila ng hininga.

Ngumisi ang kasama, pagkatapos ay nawala ang halaman. Lumunok ng laway ang dalaga sa nakita. Kayang-kayang paslangin ng binata ang heneral ngunit binubuhay pa nito ang heneral para sa kaniya—para siya ang pumaslang sa heneral gaya ng kaniyang nais, hindi ang binata.

Hindi niya alam kung magpapasalamat siya o matatakot—na napakalakas ng lalaking nagmamay-ari ng kaniyang kaluluwa.

"Wala ka nang pakialam, doon," nakangising ani ng binata.

"T-Tampasalan! Pakawalan ang mga higante!" Nanginginig na wika ng heneral at halos isiksik na ang sarili sa loob ng kalesa na hindi umaandar dahil patay na ang kabayo.

Dumagundong ang tunog ng drum na halatang sintunado dahil sa takot ng kawal na nagpapatunog dito. Inalis ang mga kadena ng mga higante at agad na umatungal ang mga ito na nagpayanig sa lupa.

Napaatras naman si Kira sa takot ngunit matiim siyang tiningnan ng kasama. "Asa'n ang tapang mo kanina? Mahina ka," wika nito at sa huling sinabi nito ay naramdaman nanaman ng dilag ang apoy sa kaniyang puso.

Kinuha ng dilag ang madugong espada sa sahig at mahigpit itong hinawakan. "Patayin sila!" utos ng heneral at nagpakawala ng tunog ng trumpeta kung kaya't humarap ang mga galit na higante at tumakbo papunta sa kanila.

Yumanig ang lupa at nagkalat ang mga alikabok dahil sa lakas nang pagtakbo ng mga higante at dahil na rin sa mga bigat nito.

Sinalubong ni Kira ang pasugod na higante gamit ang kaniyang espada na agad din namang sinaluhan ng malaking machete nito. Napakalakas ng pagkakatama ng malaking sandata sa kaniyang espada kung kaya't napa-atras si Kira.

Pilit na sinasabayan ni Kira ang lakas ng higante hanggang sa magawa niyang paatrasin ng kaunti ang malaking machete mula sa kaniyang espada, gamit ang kaniyang bilis ay isinipa ang lupa papunta sa harapan ng higante dahilan upang umatras ito at umungol.

Hindi na hinintay ng dilag na makabawi pa ang higante, sinipa niya nang malakas ang kamay ng higante at nahulog ang machete. Lumapit siya sa higante at aambahin sana ng saksak ito nang biglang ginamit nito ang isang kamay upang hampasin si Kira.

Dahil sa lakas ng higante ay sapat na iyon upang mapunta ang katawan ni Kira sa malayo—sa isang matigas na bato na agad ikinasuka ng dugo ni Kira. Naramdaman ng dilag na nabali yata ang ilan sa kaniyang buto sa lakas ng pagkakatama. Napa-daing siya sa sakit at naramdaman ang mainit na luha na saganang tumutulo mula sa kaniyang mata.

Agad namang napatingin si Xerxes na abala sa pagpapadugo sa higante gamit ang kaniyang mga halaman. Akmang sasaklolohin niya ang dilag ngunit matiim siyang tinitigan ng dalaga na huwag makialam.

Huling beses na siyang iiyak sa sakit, hindi maaring umiyak na lang siya lagi at magpasaklolo sa iba.

Kailangan niyang maging manhid sa lahat ng sakit upang hindi ito maging sagabal sa pagiging malakas niya.

"Hindi na puwedeng buhayin ang mahinang si Kira," bulong niya sa sarili at mahinang tumayo, pagkatapos ay nilinis ang dugo mula sa bibig gamit ang kaniyang braso.