Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 15 - Kabanata Dose: Lakas na tuluyang magigising (1)

Chapter 15 - Kabanata Dose: Lakas na tuluyang magigising (1)

NAKADIKIT lang ang tingin ni Xerxes sa sumisigaw na dilag. Hindi makapaniwala na ngayo'y unti-unti nang lumalabas ang kakayahan nito. Naging gawa sa purong yelo ang hawak nitong espada, naka-ukit sa espada ang mga sinaunang simbolo na alam niyang isang malakas na mahika, sa may taas hawakan nito ay isang ulo ng dragon at nakapalibot ang buong katawan nito sa buong hawakan.

Ngunit, kahit na nakikita niya ang lakas nito ay hindi niya alam kung kaya ba ng katawan nito na kontrolin ang malakas na kapangyarihan-at kanina pa ito sumisigaw at umiiyak habang hawak-hawak ang espada at sa itsura pa lamang ng hangal na heneral sa may kalesa ay alam niyang iniisip na ito na walang kwenta ang kapangyarihan kung hindi handa ang may-ari nito.

Nagaalala siya para kay Kira, ngunit naniniwala siyang makakaya nito.

"Sugurin ang kriminal! Huwag kayong matakot!" Nagkalakas na ng loob ang hangal na heneral upang sabihin ang kahangalan.

Hindi makapaniwala ang tingin nito sa mga bangkay ng mga kawal at pati na rin ang mga alas nitong mga higante.

Sumasakit na ang ilong ni Xerxes dahil sa amoy ng dugo, ayaw niya ang amoy ng dugo dahil naalala lang niya ang mga nangyari sa kaniya pero alam niyang kailangan.

Kailangan niyang pumili sa dalawang katotohanan. Dugo ng iba para sa dugo niya? Buhay ng iba o mismong buhay niya? Dadanak man ang dugo ay hindi pa siya maaring mamatay... Hindi pa hanggang sa nalalasahan ng kaniyang uhaw na bibig ang hustisyang kaniyang hangad at hanggang sa araw na maari ng maging puro ang dugo niyang buhok.

Hanggang sa makikita niyang hindi na lumuluha ang dahilan kung bakit pa siya nabubuhay ngayon.

"Ano? Tutunganga na lang ba kayo? Sugurin sila!" Bumalik sa wisyo si Xerxes at muling napatingin sa heneral.

Nag-aalangang tumango ang sampung natitirang kawal at napa-iling na lang si Xerxes, diniretso ang tayo at isa-isang tiningnan ang mga mata ng kawal na ngayo'y nangangatog ang mga binti sa kaniyang mga titig.

"Bibigyan ko kayo ng pagkakataon, umalis kayo rito at bubuhayin ko pa kayo, pumili kayo," wika niya sa mga kawal.

"Huwag niyo siyang sundin! Ako ang inyong heneral!" lumipat ng tingin ang mga kawal at mahigpit na hinawakan ang espada.

"Pwera siya," tinuro niya ang nangangalit na heneral. "Bubuhayin ko kayo at hahayaang umalis dito, may isa akong salita kung marunong kayong sumunod." inayos-ayos pa niya ang kaniyang suot na maskara at ngumisi.

Ang sama ng tingin ng heneral at inalis sa kaha ang espada. "Mga bobo! Ako na lang ang gagawa!" wika nito at lumapit sa kinaroroonan ni Kira, ngayon ay nakalabas ang itim na anino sa likod nito-isang maitim at sinaunang kapangyarihan.

Hindi inakala ni Xerxes na magagawa nitong yumakap sa masamang kapangyarihan. Dati pa lang puno na nang inggit ang puso nito ngunit hindi inasahan ni Xerxes na hahantong ito sa ganito.

Lumakas ang hangin sa paligid at dumilim ang langit sa nilalabas na kapangyarihan ng heneral. Napangisi si Xerxes at napatingin muna kay Kira na sumisigaw pa rin at kalaunan inilabas niya ang mga halimaw na halaman na kaniyang kapangyarihan.

"Kung hindi mo pa kaya ngayon, ako ang gagawa kahit na ikagagalit mo pa." Hinarap niya ang heneral at nagsimulang sumugod.

Sana ay magbago nang kaunti ang kakayahan ni Kira sa kaniyang gagawin.