Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 16 - Kabanata Dose: Lakas na tuluyang magigising (2)

Chapter 16 - Kabanata Dose: Lakas na tuluyang magigising (2)

SAMANTALA, hindi maigalaw ni Kira ang katawan niya na para bang nanigas na rin ito sa lamig at hindi niya mapigilan ang sigaw at luha na kumawala. Para bang hindi na siya ang may kontrol sa katawan niya.

Ngunit, ramdam niya ang kakaibang sakit na para bang ano mang oras ay sasabog na ang kaniyang katawan dahil sa matinding kapangyarihan na sana ay hindi na lang niya hiniling.

Hindi rin niya alam ang mga nangyayari dahil wala siyang marinig kung'di sarili niya lang boses.

Lagi na lang na siya lamang ang nakakarinig ng kaniyang mga saloobin—ng kaniyang mga panaghoy at pagmamakaawa.

Naalala niya ang mga panahong sinakop ng Titania ang kanilang kaharian noong siya'y bata pa.

Napaka-ingay ng paligid, puno ng mga lalaking naglalaban at mga bangkay na kalunos-lunos ang itsura. Puno rin ng mga sira na bagay at mga muwebles. Sa gitna ng kwarto ay may naka-luhod na lalaki sa kaniyang leeg ay may nakatutok na espada, puno ng sugat ang lalaki at nanginginig.

Habang sa medyo kalayuan ay may isang batang babae na nakaluhod at umiiyak, sa likod ng bata ay dalawang kawal.

"Ama! Ama! Huwag ninyong saktan ang ama ko! Pakiusap!" Iyak nang iyak ang bata at nais lapitan ang kaniyang ama ngunit pinipigilan ng dalawang kawal.

Nanlulumo ang tatay ng bata na isang konde ng kaharian. "H-Huwag ninyong saktan ang anak ko." Pagmamakaawa nito.

"Ama! Ama! Huwag po!" Paulit-ulit na sigaw at iyak ng bata nang hinataw ng kawal ang espada sa leeg ng ama.

Gumulong ang ulo nitong umiiyak.

Napasigaw ang bata at tumakbo papunta sa bangkay ng ama at niyakap ito. "Ama...ama. Huhuhuhu."

Siya ang batang iyon.

Kahit anong sigaw niya sa mga kawal ay nagawa pa rin nitong putulan ng ulo ang kaniyang ama.

Walang ni isang nakikinig sa kaniya, kahit na ngayon ay sarili lang niya ang may pakialam. Siya lang ang laging may pakialam kaya madalas siyang gamitin ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Wala na ba talaga? Kahit isa lang?

Nakaramdam siya ng kaunting kuryente sa kaniyang katawan at maya-maya pa ay naramdaman na niyang naigagalaw na niya ang kaniyang katawan at naririnig na niya ang mga boses-ang mga kalampag ng espada at mga sigaw.

Unti-unting luminaw ang kaniyang paningin at nakita ang isang takot na kawal na nakatingin sa kaniya, tumutulo pa ang sipon nito at sumisinghot.

Kilala niya ito, ito si Vien ang pinakamahina at pinakamatatakot na kawal ngunit hindi siya puwedeng magtiwala lalo na't noong tingnan niya ang paligid ay may mga bangkay ng mga kawal na halatang sinaksak.

Naalerto siya agad at itinaas niya ang kaniyang espada at itinapat sa kawal na ngayo'y nanginginig. "H-Huwag po! Wala po akong balak na masama sa inyo, binibining Mystearica! Ngunit kailangan po kayo ng inyong kasama! Ginamit ng heneral sa kaniya ang kapangyarihang nakuha nito sa kasamaan na siya ring ginamit nito upang pabagsakin ang kaharian ng Yue upang magawa nitong patayin ang kaniyang reyna, mga anak, mga konseho at ang kaniyang sarili sampung taon na ang nakakalipas! Kailangan niyo pong tulungan ang Thesearo."

Ang kaharian ng Yue... Ang dati niyang kaharian noong bata pa siya.

Hinigpitan niya ang hawak sa kaniyang espada. Kahit na nakakapagtataka kung bakit nalaman ni Vien ang lahat ay wala siyang pakialam.

Kasalanan pala ng heneral kung bakit nangyari sa kaniya ito. Hindi lang sa dahil malapit na siya nitong gahasain kung'di ito rin ang may sala kung bakit nagawa ng hari ng Yue ang nagpabagsak sa sariling kaharian.

Ito ang dahilan kung bakit nawala ang kaniyang tahanan , hindi matagpuan ang kaniyang ina, namatay sa kaniyang harapan ang kaniyang ama at nagawa ng Titania na gamitin siya sa napakahabang panahon.

Ito ang may kasalanan lahat. Malaki ang kasalanan nito sa kaniya.

Idiniin niya ang hawak na espada sa lupa at lumamig ang paligid, nagyelo ang lupa at naramdaman niya ang kakaibang kapangyarihan na dumadaloy sa kaniyang katawan.

Dahil sa nagalit ay hindi niya nabigyang pansin ang mga kalampag ng mga sandata sa paligid at sa palitan ng mga kapangyarihan.

"Binibining Mystearica!" Masama niyang tiningnan ang kawal at agad itong natakot at nagtago sa may bato.

Iniisip na niya kung paano patayin ang heneral. Kung papatagalin niya ba o madalian.

Ngunit natigil ang kaniyang pag-iisip nang marinig ang malakas na sigaw ng lalaking nagligtas sa kaniyang buhay at noong humarap siya ay kalunos-lunos ang kaniyang nakita. Ang binata na halatang tumilapon mula sa malayuan, maraming sugat, nanginginig ang katawan at sumisigaw habang kinakain ng itim na anino.

Ang heneral ay mala-demonyong nakangisi, "Sana ay hindi mo na lang tinulungan ang kriminal na iyon, sana ay hindi ka pa nadamay," narinig niyang ani ng heneral at humalakhak.

Isang panaghoy lamang ang kaniyang narinig mula sa binata habang kinakain ito ng anino.

Tumulo ang kaniyang luha. Hindi niya alam kung bakit nasasaktan siya nang ganito na makita ang kasalukuyang kalagayan nito na dahil lahat sa kaniya.

Hinawakan niya ang kaniyang dibdib noong bigla itong kumurot at sumikip at naramdaman niyang parang nasusunog ang kaniyang balat. Para bang nararamdaman niya ang mga nararamdaman ng binata.

Siguro dahil utang na loob lamang ito na niligtas nito ang kaniyang buhay kaya nararamdaman niya ito o pinaparusahan kaya siya nito na wala siyang magawa at napaka-hina niya?

Hindi puwedeng wala siyang magawa sa binatang minsan nang nagligtas sa buhay niya kailangan siya nito ngayon at iyon ang kaniyang gagawin.

"XERXES!" Hiyaw niya at napatingin ang buhong na heneral ngunit bago pa man ito gumalaw ay ibinato niya sa perpektong presisyon ang kaniyang espada sa tiyan nito.

Gumuhit ang gulat sa mukha nito habang sapo-sapo ang espada at ang sugat na maya-maya ay nagkalat ang yelo sa sugat nito, naging matalas at madiing sumaksak pa sa sugat at sa paligid nito.

Panahon ng siya naman ang magligtas dito—at mali siya na walang nakikinig sa kaniya, naroon ang binata na kahit ginagamit lang siya ay higit na may malasakit at hindi siya iniiwan.

Tiningnan niya ang gulat at duguang heneral. Kinuyom niya ang kamao hanggang sa maramdaman ang namumuong malamig na singaw sa paligid nito.

Alam niyang hindi basta-basta mamatay ang duwag na heneral na umaasa lamang sa maitim na salamangka.