Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 17 - Kabanata Trese: Kira laban sa heneral (1)

Chapter 17 - Kabanata Trese: Kira laban sa heneral (1)

"HINDI ka pa pala namatay dahil sa kapangyarihan na nasa katawan mo, kating-kati na si prinsesa Tsukino na mamatay ka." Tumunog ang mga buto ng heneral at unti-unting kinain ng maitim na anino ang sugat at agad na naghilom.

Kinuyom ni Kira ang kamao at hanggang sa ito'y dumugo nang narinig ang pangalan ng dating kaibigan. Mas lumamig ang kaniyang mga kamay hanggang sa kumorte uli ang malamig na usok bilang espada na binato niya kanina sa heneral.

"Bakit mo pa ako kinakausap kung gusto niyo akong patayin? Hayaang ang pakikipaglaban ang maghusga sa lahat," ani ng dalaga at naunang sumugod. Buong lakas na winasiwas ang hawak na espada sa katawan ng heneral na pinoprotektahan ng itim na kapangyarihan.

Hindi man lang makapasok ang talim ng espada dahil sa mga itim na anino at tanging ngisi lamang ang ginagawa ng heneral hanggang sa kumorteng bunganga ang itim na anino at unti-unting nilulusaw ang espada.

Agad na umatras si Kira nang maramdaman ang papalapit na panganib na baka siya ang isunod ng itim na anino.

"Mabuti't alam mo kung kailan ka nararapat umatras." Itinaas ng heneral ang kamay at mas lumaki ang anino at naging korteng ahas, dahil din doon ay nagsimatayan ang mga puno at tumuyot ang lupa.

Dumilim ang paligid at parang mas naging pugad ng kamatayan ang buong gubat. Sa puntong ito, alam ni Kira na kung magpapatuloy pa ito ay maaring ikamatay ito ng buong gubat.

Ang gubat na ginawa ni Xerxes.

Hindi niya maaring hayaan na lamang na masira ang pinaghirapan ng lalaking nagligtas ng kaniyang buhay at kung hindi niya mapapatay ang heneral ay maaring ikamatay din ito ni Xerxes na hanggang ngayo'y sumisigaw at pilit winawaksi ang itim na anino sa katawan.

At hindi rin maaring mawala ang nakuha niyang tapang sa puso dahil lamang sa kapangyarihan ng heneral.

Lumunok muna siya ng ika-ilang beses at ipinikit ang mga mata, inisip ang isa sa mga natutunang orasyon mula sa libro na ngayo'y nawawala kasama ang batang si Violet at ang unang beses niyang ginamit ang alkemiya at mahika gamit nito upang mailigtas ang sarili mula sa mga kampon ng kadiliman noong ang hari ng Titania ay pinapunta siya sa isang lumang templo upang nakawin ang yaman nito.

Naalala niyang halos ikamatay niya ang paggamit nito, ngunit... Medyo malakas at mulat na siya ngayon sa mahika baka konti lamang ang maging epekto nito sa kaniya.

"Tali ng buhay, maging ginto at maging malakas,

Iwaksi ang kampon ng kadiliman,

Ispirito ko'y gawing lakas

Upang mailigtas ang sinuman!

Sàgrado Aurēllí!"

Naramdaman niya ang pagliwanag ng sariling katawan at ang paglamig pa lalo ng hawak na espada, nakakaramdam siya ng kirot mula sa kaibuturan ng kaniyang kaluluwa pero nararapat niya itong baliwalain kung'di, wala siyang magagawa upang puruhan ang buhong na heneral.

"Paano mo natutunan ang sinaunang alkemiya? Ito ay matagal nang nawawala! Pero hindi bale, hindi mo pa rin ako matatalo!" Itinaas ng heneral ang kamay bilang isang pahiwatig sa kaniyang malahalimaw na anino upang sugurin si Kira.

Umatungal ang halimaw na anino at sumugod sa direksyon ni Kira, nagpakawala ng lilang mga apoy na winaksi lamang ng nagliliwanag na espada ni Kira. Para bang inalis ng atake ni Kira ang kasamaan ng pag-atake ng heneral.

Pinigil ni Kira ang sarili upang bitawan ang hawak na sandata dahil parang pinupunit nito ang kaniyang laman hanggang sa dumugo ito, kumakalat ang sakit sa kaniyang buong sistema—napaluhod siya ng kaunti.

Pinilit niyang tumayo at tumakbo papunta sa direksyon ng mga halimaw ng heneral at sa heneral mismo. Hinigpitan niya ang hawak ng espada at umusok ang nagliliwanag na sandata. Tiniis niya ang sakit hanggang sa maramdaman niyang tumutulo ang pulang likido mula sa dalawa niyang mata.

Inatake niya ang mga maitim na halimaw at pinagtataga ang mga ito, sa bawat taga niya ay nagiging mga bulaklak na gawa sa yelo ang mga naputol na parte hanggang sa nagsayawan ang mga ito sa hangin na para bang isang magandang pagnyebe. Ngunit, sa bawat pangyayaring iyon ay ang pagtulo ng saganang dugo mula sa kaniyang mata at iba pang bahagi ng kaniyang katawan.

"Baka naman bago ka pa makalapit sa akin ay mauuna ka nang mamatay sa iyong sariling kapangyarihan?" Natatawang ani ng heneral at mas lalong dinamihan ang mga maiitim na halimaw.