~ SA DULOM BAGO ANG LINDOL ~
Ang 'Dulom' ay ang kuta ng mga habo na maliit na islang nabuo mula sa itim na mahika. Isang patay na isla na sumibol mula sa ilalim ng karagatan dahil sa lakas ng kapangyarihan ng kasamaan. Ang mismong hari ng mga habo ang lumikha ng isla. Parte pa rin ng karagatan ng Ezharta ang Dulom, ngunit malayo na sa lupa kaya mahirap matuton at protektado pa ng itim na mahika kaya hindi ito mahanap ng mga diwatang sundalo. Maging ang kapangyarihan ng reyna ng Ezharta na si Reyna Kheizhara ay walang magawa para hanapin ito sa tulong ng Batong Verlom. Walang mga halaman at puno sa isla, tanging itim na bato lang na bumubuo sa isla at mga patay na corals na nasama sa pag-angat nito mula sa ilalim ng karagatan ang naroon. Dahil ang mga habo ay sa mga pagkawasak o pagkasira ng kalikasan kumukuha ng lakas. May mga kuwebang nagsisilbing tirahan ng mga habo. At ang pinakamalaking kuweba sa isla ang nagsisilbi nilang palasyo na tirahan ng hari. Sa gilid ng mga kuweba, may mga nakakulong na hayop na nagsisilbi nilang pagkain. Mas gusto ng mga habo ang karne, kaysa sa mga prutas at gulay na karaniwang kinakain ng mga norwan. Mga nakaw mula sa mga diwatang nilusob nila ang mga hayop na iyon at ang ilan ay mga wild o ilang na hayop na nahuli nila. Madali silang makapunta sa kagubatan ng Ezharta kung saan may mga naninirahang mga diwata at iba pang norwan, gamit ang kakayahang mag-teleport sa tulong ng itim na marhay na gamit nila. Nakaw rin mula sa mga sinalakay nilang diwatang naninirahan sa kagubatan ang mga gamit nilang marhay. Na ginamitan nila ng mahika upang maging itim at mas malakas sa pangkaraniwan.
Ang mga 'habo' ay ang mga diwata at ilang nilalang sa Anorwa na inayawan o itinakwil, mga diwatang itim na nagnanais ng kapangyarihan at sumasamba sa kasamaan, itim ang kanilang mga pakpak at matulis ang kanilang mga antena na animo'y sungay. Mula sa iba't ibang kaharian sa mundo ng Anorwa ang mga habo sa isla ng Dulom, na nagkaisa para sa kanilang masamang hangarin. May lalaki, babae, matanda at mga kabataang norwan sa pangkat nila, at karamihan sa kanila ay mahusay sa pakikipaglaban, at lahat may kanya-kanyang armas na sandata sa digmaan. Maging ang mga tagasilbi lamang ay may patalim at hindi papahuli ng buhay. Ngayon, nagtipon-tipon sila sa kuwebang nagsisilbing palasyo ng Dulom para sa isang malaking kaganapan, isang makasaysayang pangyayari sa kanilang lahi sa pangunguna ng kanilang hari – ang pagbuhay sa 'sugo', na pinaniniwalaan nilang pinakamalakas nilang sandata na magpapabagsak sa mga kalabang diwata, na magiging dahilan ng kanilang tagumpay at paghahari sa buong mundo ng Anorwa!
Malawak ang loob ng kuwebang palasyo. Sa bukana nito, tila pangkaraniwang kuweba lang na may mababangis na itim na 'ayam' na bantay na mga malalaking asong malahalimaw, pero kapag pumasok ka na, ilang metro mula sa bunganga ng kuweba, tatambad sa 'yo ang malawak na bulwagan kung saan naroon ang makapangyarihang trono ng hari. Makinis na ang sahig doon na makintab na itim na marmol. Maraming palamuting ginto na simbolo ng kapangyarihan. Malinis ang lugar at bakas ang katanyagan na animo'y hindi mga puganti at mga kriminal na may masamang loob ang nananahan. Lahat ng habo sa isla ng Dulom ay naroon mula sa iba't ibang lahi ng norwan. Dahil sa bawat lahi, hindi talaga mawawala ang ugaling sakim, pagkainggit, at kagustuhang magkaroon ng mas mataas na kapangyarihan. Sa Dulom may mga habong diwata, ugpok, mga 'hatao' na anyong tao ngunit may ulong hayop tulad ng tigre, liyon, turo at agila na may pakpak pa. May mga siyukoy at sirena ring habo na itim ang mga buntot, nasa gilid lang sila ng isla. Maraming nilalang na kasapi sa habo, nasa tatlong libo na ang bilang nila at may ilan pang nakakalat lang at nagpapanggap na panig sa kabutihan. At may isang nasa palasyo mismo ng Ezharta na nakakasalamuha ni Nate.
Lahat ng mga habo sa dulom ay may kasuotang itim. Itim rin ang metal na baluti nila. Kadiliman ang simbolo nila at kasamaan ang sinasagisag nila. Bagama't itim ang mga kulay ng pakpak nila at kasuotan, at kanilang pag-uugali, malinis naman sila sa kanilang katawan. Ang ilan sa kanila ay may maaamong mukha tulad ng hari, na mapanlinlang. Patunay lamang na ang kasamaan o kabutihan ay wala sa hitsura. May ilang hayop din doon na maamong tingnan ngunit nagiging mabagsik at halimaw sa labanan na lumalapa ng kalaban.
"Mahal na Hari, handa na ang lahat para buhayin ang sugo," sambit ng matandang habo na si Kamak. Lumapit ito sa haring nakaupo sa kanyang trono. Mataas na itim na metal na tronong patulis-tulis na may palamuting mga bungo ng mga diwata at may mahabang dalawang itim na sungay na pakurba sa gitna.
Tumayo ang haring si Hastro. "Simulan na ang paggising sa sugo!" makapangyarihang utos niya sa mga tagasunod na habo. Tulad rin sa mga hari't reyna ng Anorwa, napapalamutian rin ng ginto ang itim niyang kasuotan. At suot niya ang itim na koronang simbilo ng paghahari niya sa kasamaan. Sa gilid ng trono ng hari, naroon ang kanyang makapangyarihang espada na kulay itim, espadang humihigop ng kasamaan ng mundo upang mas lumakas. Kakaiba ang itim na pakpak ng hari ng mga habo, animo'y pakpak ng paniki na matatalim ang dulo. At sungay ang meron siya, hindi antena.
Ang diwatang si Hastro ang muling bumuhay sa mga habo at masamang hangarin ng mga ito maraming taon na ang nakakalipas matapos siyang mabigo sa kanyang buhay at buhay pag-ibig. Napuno ng galit at puot ang kanyang dibdib dahil sa batas ng mundo ng Anorwa na hindi dapat suwayin. Isang pag-uutos na batas na para sa kanya ay walang kabuluhan. Kinasuklaman niya ang buong Anorwa. At nais niyang baguhin ang buong batas nito – batas na siya ang magtatakda. Nais niyang pagharian ang mundo ng Anorwa na naaayon sa kanyang kagustuhan. At nais niyang makitang lumuhod sa kanya ang hari't reyna ng limang kaharian ng Anorwa, lalo na ang reyna ng Ezharta na si Reyna Kheizhara.
Pinarusahan si Hastro dahil sa nagawa niyang mortal na kasalanan, pinutol ang kanyang mga pakpak at antena, doon nagsimula ang lahat. Nag-aral siya ng itim na mahika, bumili siya ng mga marhay na ilegal na ipinuslit mula sa palasyo, tumawag siya sa mga itim na espirito at sumamba sa kasamaan. Nalaman niya ang ipinagbabawal na salamangka at kapangyarihan. Nagkaroon siya muli ng mga pakpak, hindi isang pangkaraniwang pakpak ng mga diwata, kundi animo'y pakpak ng isang paniki. Itim na mga pakpak na may malalapad at mahahabang balahibo at kayang humiwa ng punong-kahoy, at kumitil ng buhay dahil sa matatalim na dulo nito. Sa noo niya, hindi antena ang tumubo, kundi matulis na pakurbang sungay. Naglakbay sa iba't ibang kaharian ng Anorwa si Hastro, nag-recruit siya ng mga kasamahan. Naririnig niya sa puso ng mga diwata at iba pang nilalang ang kasamaan nitong natatago at nilalason niya ang mga isipan nito para sumapi sa kanya. Binuhay niya rin ang ilang mga mandirigmang habo na nasawi sa digmaan ilang daang taon na ang nakakaraan. At ngayon, may bubuhayin silang sugo – isang dalagang pinaniniwalaan nilang magiging pinakamalakas nilang sandata laban sa buong kaharian ng Ezharta, ng buong Anorwa, maging sa mundo ng mga tao.
Humakbang si Haring Hastro, matangkad na lalaking may nakakamatay na titig ngunit mapang-akit na mga mata. Kahit madalas nanlilisik ang itim na itim na mga mata ng haring si Hastro, mababakas pa rin ang kagandahang lalaki niya. Kaya nga madali niyang napasunod ang ilang kababaehang habo dahil sa taglay niyang kaguwapuhan. Lahat ng habo sa loob ng kuwebang palasyo ay nakaabang sa bawat kilos ng kanilang hari, lahat nasasabik sa pagkabuhay ng sugo na nahihimlay sa loob ng malaking cocoon na kasya ang diwata na tinatawag nilang 'kozvee', nabuo mula sa itim at kulay abong sapot. Nasa harap ni haring Hastro ang kozvee na kimikislot-kislot at may pagtibok, tanda ng buhay sa loob nito. May dalawang malapad na batong itim ang naroon, at sa isang bato, nakahiga ang isang nanghihinang lalaki na halos hindi na makapagsalita at luhaan ang mga mata. Nakagapos ang mga kamay at paa nito ng itim na lubid. Inabot kay Haring Hastro ng matandang habong si Kamak ang matalim na punyal na may disenyong buto ng kamay. Nilapitan ng hari ang kozvee na pinaghihimlayan ng sugo, ang sugo ng mga habo, na sugo ng kasamaan. Hinawakan niya ang kozvee at pinakiramdaman. Gumuhit ang patabingin ngiti sa labi ng haring si Hastro.
"Handa na nga ang sugo sa muli niyang paggising!" sigaw ni Haring Hastro at nagsigawan din ang lahat ng habong naroroon, sigaw ng pagdiriwang.
Itinarak ng hari ang hawak niyang punyal sa taas ng kozvee at pababa itong hiniwa. Bumulwak mula roon ang berde at malapot na likido. Tumalsik ang berdeng likido sa katawan ng hari at mukha na ikinatuwa niya. Isang malakas na kapangyarihan ang naramdaman niya. Binitiwan niya ang punyal, tumunog ang pagbagsak nito sa sahig. Ibinuka ng hari ang kozvee gamit ang malalakas niyang kamay, hawak niya ito sa hiwang ginawa niya. Pagkabukas niya, tuluyan nang naglawa ang berdeng likido sa sahig at nasilayan ng lahat ang sugo. Napuno ng sigawan ang loob ng kuweba, lahat nagdiriwang, lahat nakikita na sa kanilang harapan ang tagumpay.
Sinalo ng hari ang dalaga na balot ng berdeng likido ang hubad na katawan na mula sa loob ng kozvee. Binuhat niya ito at hiniga sa isa pang malapad na bato.
Napagmasdan ng lalaking bihag ang dalagang sugo na inihiga ng hari sa malapad na batong malapit sa kanyang kinahihigaan. Nanlaki ang kanyang mga mata. Umuungol siya't may gustong sabihin ngunit walang lumalabas na boses sa bibig niya. Pagluha na lamang ang nagawa niya.
May lumapit na babaeng diwata kay Haring Hastro, ibinigay nito sa hari ang itim na kumot at umalis din. Tinakpan ng hari ang hubad na katawan ng sugo na may itim na buhok. Pinunasan ni Haring Hastro ang mukha nitong may malapot na berdeng likido, tumambad sa lahat ang maamo't magandang mukha ng kanilang sugo.
"Para sa huling bahagi ng pagbuhay sa sugo, ang buhay ng alay na wagas na umiibig!" siwalat ni Haring Hastro. Inabot ng kanyang kanang-kamay na si Kamak ang espada niyang may itim na patalim. Itinaas niya ito bilang pagpapakita ng kapangyarihan, na siya ang hari! Itinaas din ng lahat ang kanilang sandata kasabay ng malakas na sigawan.
Nang ibaba ng hari ang espada at iumang ito sa leeg ng lalaking luhaang nakatingin sa sugong wala pa ring malay, tumahimik ang lahat at nag-abang sa susunod na mangyayari. May isinaboy na itim na pulbos si Haring Hastro sa bihag, itim na marhay na nagpatulog sa lalaki. Itinaas ng hari ang espadang itim na hawak ng kanyang mga kamay at diretso itong pinatama sa leeg ng lalaking nanlaki na lamang ang mga mata. Mabilis na nahiwa ng espada ang leeg ng bihag, napugutan ito sa isang tama lang at gumulong ang ulo nito sa sahig na dilat ang mga mata. Naglawa ang dugo ng lalaki sa batong kinahihigaan ng katawan nito at sa sahig kung saan bumagsak ang ulo nito. Tila nasiyahan ang lahat sa nasaksihang pagpugot ng kanilang hari sa kaawa-awang bihag, at mas lalong nasabik ang lahat sa mangyayari.
Umangat ang katawang walang ulo na gapos pa rin ang mga kamay at paa, sa leeg nitong pugot, lumabas ang itim na usok na tila may buhay at tila ba sumasayaw-sayaw sa ere. Malumanay ang galaw ng itim na usok na biglang mabilis na bumulusok diretso sa bibig ng sugo. Napaangat ang katawan ng sugo at lumutang ito. Nanginig ang katawan ng sugo. Lahat ng tingin ay narito.
Nagsambit ng dasal si Haring Hastro, nakaharap siya sa sugong nakalutang na tila hirap na hirap sa pagpasok ng itim na usok sa bibig nito. May isinaboy na itim na marhay ang hari sa sugo na nagpakalma rito at tuluyan nang pumasok ang lahat ng itim na usok. At naganap na ang inaabangan ng lahi ng mga habo, ang pagkagising ng kanilang sugo!
Dumilat ang mga mata ng sugo kasabay ng malakas na pagyanig! Pagyanig na naramdaman ng buong kaharian ng Ezharta. Pagyanig na pinangambahan ng lahat sa palasyo ng Ezharta na siya namang ikinatuwa ng mga habo sa Isla ng Dulom. Nabalot ng kasiyahan at sigawan ang loob ng palasyong kuweba ng mga habo at pinatunog pa nila ang kanilang mga metal na sandata bilang pagsalubong sa nagising na nilang sugo. Ang haring si Hastro ay tumawa ng malakas, tawang nakakapangilabot at nagpasalamat siya sa Diyos nilang sinasamba, si Vegthor, ang Diyos ng Kadiliman.
Nang mga sandaling iyon, nakahiga na sa malapad na bato ang sugo na naguguluhan sa mga nangyayari at natatakot sa ingay na kanyang mga naririnig. Binalot niya ang sarili niya ng kumot na itim dahil nakaramdam siya ng panlalamig. Hindi siya nanghihina, ngunit hindi niya malaman at dapat na gawin dahil gulong-gulo siya, kaya nahiga na lamang siya at tinakpan ang hubad niyang katawan. Hindi mawari ng kagigising lamang na sugo kung nasaan siya at kung ano bang nangyayari sa paligid niya. Tila sanggol siyang kalalabas lang sa sinapupunan ng isang ina at wala siyang alam o ideya sa mundong kinaroroonan niya. Ni hindi niya alam ang kanyang pangalan.
"Gising na ang ating sugooooooo!" puno ng pananabik na sigaw ni Haring Hastro na nakataas ang mga kamay. Hawak niya ang kanyang espada sa kanang kamay at nakasara naman ang kanyang kaliwang kamay, tila pagpapakita na hawak na niya sa kanyang kamay ang buong mundo ng Anorwa. Nakangiti niyang nilingon ang nakahigang sugo na 'di mawari ang gagawin at kinaroroonan.
Gumamit ng mahika si Haring Hastro, sa pagsenyas lamang ng kanyang kamay ay napaupo niya ang sugo sa kinahihigaan nito. "Makinig ang lahat!" sigaw niya at nilibot ang paningan sa lahat ng nilalang sa loob ng kuweba. Tumahimik ang lahat. "Magmula ngayon, siya na ang inyong Prinsesa! Kikilalanin ninyo siya bilang si Prinsesa Deza!"
"Hoooo!" sigaw ng lahat. "Maogma, Prinsesa Deza! Arova raot, Prinsesa Deza!" Arova raot, na ibig sabihin ay 'mabuhay ang kadiliman'.
Walang reaksiyon ang tinutukoy na prinsesa ng lahat. Natakot ito at bumilis ang tibok ng puso nang masulyapan ang pugot na ulo ng bihag na nasa sahig sa naglalawa nitong sariling dugo. Nakatagilid ang ulo na nakaharap sa bagong prinsesa ng mga habo.
Nilapitan ni Haring Hastro ang sugo na ipinakilala niya sa lahat bilang si Prinsesa Deza. "Binabati ka nila," malumanay ngunit makapangyarihang sambit niya. Hinaplos niya ang buhok nito, pagpapakita na dapat siyang pagkatiwalaan. "Huwag kang matakot. Ako ang iyong ama," pakilala niya sa kanyang bagong prinsesa. Nakangiting pinagmasdan ni Haring Hastro ang sugo at nilalatag na niya sa kanyang utak ang mga susunod na hakbang para sa pananakop.
Alam ng mga panig ng kabutihan ang tungkol sa sugo ng mga habo. Ngunit bukod do'n, ang alam lang nila ay ang tangkang pananakop ng mga habo at panggugulo sa kaayusan ng kanilang mundo. Hindi nila alam ang paraan ng mga ito at balak na gawin para maisakatuparan ang pananakop. Masamang balak na nasimulan na at walang kaalam-alam ang mga tagapalasyo ng Ezharta. Maging si Pinunong Kahab na eksperto sa mga pamamaraan at strategy sa labanan o digmaan ay walang ideya sa balak ng mga habo. Sina Reyna Kheizhara naman at ang saday nitong si Philip ay hindi rin mawari ang mga susunod na hakbang ng mga kampon ng kadiliman. Naguguluhan sila sa mga ginagawa ng mga habo na pasulpot-sulpot lang sa kung saang bayan ng Ezharta at manggugulo, ngunit aatras din bigla kahit pa nanalo ang mga ito laban sa mga sundalo. Tila ba may mga pinag-aaralan ang mga ito. Tila sinusukat ang kakayahan o kung gaano kalakas ang isang sundalo.
Kung ano ang susunod na mangyayari? Walang nakakaalam. Basta dapat maging handa sa madugong digmaan – digmaang magsasabi sa kahahantungan ng lahat ng nilalang, ang digamaang hahatol sa kinabukasan ng mundo ng Anorwa.