Chereads / The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World) / Chapter 17 - CHAPTER 16: Ang Kapangyarihan Ng Sugo At Ang Unang Pagharap Sa Mga Habo

Chapter 17 - CHAPTER 16: Ang Kapangyarihan Ng Sugo At Ang Unang Pagharap Sa Mga Habo

~ SA ISLA NG DULOM ~

MULA SA MALALIM na bahagi ng karagatan, umahon ang maalamat na halimaw na tinatawag na 'Atervih', ang sinaunang halimaw na ito ay may malakas na kapangyarihang kayang pumatay ng isang batalyong sundalo sa isang kumpas lamang. Mula sa pagiging halimaw na may anyong pagong na may mahabang leeg, buntot at mga palikpik, ang asul na nilalang na may kulay itim na kristal sa noo at may mga batong kumikislap-kislap sa buong katawan ay naging kawangis ng diwatang may taas na sampung talampakan. Agad natuyo ang kulay langit na balat na kumikinang-kinang ng babaeng Atervih na nagngangalang 'Rangawey', may manipis na mahabang berdeng na kasuotan at pakpak na kawangis ng palikpik ng isda, siya ang Atervih ng dagat ng Ezharta. Nilipad-lipad ng hangin ang mahaba niyang kulay putting buhok. Bawat kaharian ay may anim na Atervih, at kung sino man ang makahanap sa mga ito at makatalo sa labanan, maaari itong maging isang tagasunod ng kung sino man ang makatalo sa kanya.

Natalo ni Haring Hastro ang Atervih na si Rangawey sa tulong ng kapangyarihan nitong ipinagkaloob ng espirito ng dilim, ang espritong lumalakas kapag ang isang norwan ay nababalot ng galit, inggit, poot, pagkamuhi, kalungkutan, kasawian at kasamaan, lahat ng negatibo ay nagiging lakas ng espiritong nabubuhay sa dilim. Sa panahon ng labis na kalungkutan ni Hastro at labis na pagkamuhi sa kanyang mga kalahi, doon sila nagtagpo ng espirito na ngayon ay nabubuhay sa kanyang katawan. Tinanggap niya nang buong puso ang magpasakop sa kadiliman at nagpasya siyang maging hari ng mga itim na diwata at ng mga iba pang itim na nilalang na tinatawag na mga habo. Nararamdaman ni Haring Hastro ang kasamaang bumabalot sa bawat nilalang. At dahil sadyang ang bawat nilalang ay may natatagong kasamaan o ano mang negatibong ugali sa kanilang pagkatao, kaya dumarami ang kasapi ng mga habo. Kayang makontrol ni Haring Hastro ang pag-iisip ng bawat nilalang, inaatake niya ang kahinaan nito at sinasamantala upang umanib sa puwersa ng kasamaan. Isa siyang tusong nilalang at mapanlinlang. Ang maghiganti sa kaharian ng Ezharta at sa diwatang labis na nanakit sa kanya ang tangi niyang kagustuhan.

Ang mahanap ang lahat ng Atervih sa kaharian ng Ezharta ang plano ni Haring Hastro. Dahil kapag nakumpleto niya ang anim na Atervih at maging alagad ang mga ito, matitiyak na ang kanyang pagkapanalo laban sa puwersa ng kabutihan. Sapagkat kapag napasakamay ni Haring Hastro ang kristal na pangangalaga ng bawat Atervih, maaari niyang buhayin ang dakilang maalamat na halimaw ng Ezharta na nananahan sa kailaliman ng kaharian, na tiyak na magpapabagsak sa kalaban, hindi lamang sa kaharian ng Ezharta kundi maging sa apat pang kaharian sa Anorwa. Ang nilalang na iyon ay tinatawag na Anawo Levih. Bawat kaharian ay may Anawo Levih na nananahan sa kailaliman. Sa panahon ngayon, wala nang nabubuhay pang nilalang sa buong Anorwa na nakakita sa anyo ng dakilang maalamat na nilalang at makakasukat ng matindi nitong kapangyarihang taglay. Kahit pa walang katiyakan kung makukontrol ni Hastro ang Anawo Levih ng Ezhart, tiyak niya namang magdudulot iyon ng sobrang kaguluhan sa kahariang kanyang kinamumuhian.

Nakaupo sa trono niya si Haring Hastro, at katabi sa kabilang trono ang prinsesang si Deza. Nasa harapan nila ang kanilang mga tagasunod na mga habo. Pinatawag niya ang mga ito upang masaksihan ang pagbigay niya ng kapangyarihan sa kanilang sugo na si Prinsesa Deza, na paniwala nilang magiging susi upang magwagi sila sa digmaan laban sa mga Ezhartan. Napangisi si Haring Hastro nang masulyapan niya ang pagdating ng Atervih na si Rangawey, ginawa nitong yelo ang mga habo na nakaharang sa daraanan nito, normal na lamang ang tagpong iyon. Sa kabila ng kakayahang gawing yelo ang ano mang bagay, mainitin ang ulo ni Rangawey na 'di kayang palamigin ng kanyang kapangyarihan.

Kay Prinsesa Deza, normal na lang din sa kanya ang makakita ng binabawian ng buhay. Mula nang magising siya sa mahaba niyang pagkakatulog, itinanim na sa utak niya ni Haring Hastro na kinikilala niyang ama ngayon na kalaban nilang mga habo ang mga diwata at iba pang norwan sa Anorwa. Na sila ang dapat maghari at 'wag bigyan ng awa ang mga kalaban. Araw-araw siyang sinanay ni Haring Hastro sa pakikipaglaban, sa paghawak ng sandata at paggamit ng itim na marhay.

"Tamang-tama ang iyong pagdating," saad ni Haring Hastro kay Rangawey nang makalapit ito sa kanila.

Gumawa ng sarili niyang trono na yari sa yelo ang ang Atervih na si Rangawey. "Kailangan mo na ba ang kristal ko?" nakangiting tanong nito nang makaupo na. Nakayuko ito sa kausap na hari dahil sa taas nito.

Napangisi si Haring Hastro na pinagmasdan ang itim na kristal sa noo ng Atervih, dating kulay asul ang pahabang kristal sa noo ni Rangawey na naging itim dahil sa pagpapasakop nito sa kasamaan. "Kung sana nga ay ganoon na nga. Ngunit nag-iisa ka pa lamang na napapasa-kamay ko, kaya itago mo na muna ang iyong kristal."

Nagliwanag ng kulay asul ang kamay ni Rangawey. "Kung ganoon ay ito ang kailangan mo?" may lumabas na isang malaking kulay asul na perlas mula sa liwanag sa kanang kamay nito. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Haring Hastro. "Ang baluti ng Prinsesa."

Tumayo ang hari at galak siyang iniliyad ang mga palad upang hingiin ang asul na perlas. Unti-unting naging kulay lila ang perlas. Hinarap ni Haring Hastro ang kanyang mga tagasunod.

"Saksihan ninyong lahat ang pagiging ganap na sugo ng ating Prinsesa!" dumagundong ang sigaw ni Haring Hastro sa kabuoan ng kuweba. Nilingon nito ang tinutukoy na prinsesa. "Tumayo ka aking anak."

Tumayo si Prinsesa Deza na may itim na mahabang kasuotan at lumapit ito sa kanyang amang hari, nilipad-lipad ang kanyang mahabang itim na itim na buhok na halos umabot na sa kanyang tuhod. Napatitig ito sa lilang perlas na unti-unting nababalot ng itim na enerhiya mula sa kamay ni Haring Hastro.

"Kasabay ng pagkakaloob sa iyo ng baluti mula sa perlas ng Atervih, muli kong ibabalik ang iyong mga pakpak at antena. Upang muli ka nang maging ganap na diwata. Diwatang nakaligtas sa sumpa ng kamatayan, na aming sugo. Sugong magpapalaganap ng kasamaan at lulupig sa kabutihan sa mundo ng Anorwa!"

Lahat ay nakaabang sa susunod na magaganap. Nasasabik. Natutuwa. At tila ba nalalanghap na nila ang amoy ng kanilang tagumpay.

Ang perlas ay naging itim na enerhiyang nakalutang sa hangin. Kumilos ito at pumasok sa katawan ni Prinsesa Deza. Naramdaman ng magandang prinsesa ang kakaibang enerhiya, may init at lamig na pakiramdam. Nabalot ng kulay lila o purple na liwanag ang katawan ng prinsesa, kulay na sagisag ng kanyang pagiging sugo na siya ring sumasagisag na kulay sa kamatayan – kamatayang kanyang nalusutan.

"Tanggapin mo rin aking sugo ang mga dati mong kakayahan, ang magpagaling at pagalingin ang iyong sarili, ang magbaltas at kumausap sa isip. At iyong tanggapin ang kakayahang pagkontrol sa kidlat at ang kakaibang bilis," mahinang usal ni Haring Hastro.

Umangat sa hangin si Prinsesa Deza. Ramdam niya ang puwersang nagbibigay ng lakas sa kanya at ang kapangyarihang nagiging kaisa niya. May mga markang gumuhit sa buo niyang katawan, sa mukha, sa mga kamay at sa mga paa, pastel na purple na may maliliit na pagkislap. Ang dulo ng mahaba niyang buhok ay nagkulay lila rin. Kasunod noon, umusbong sa likod niya ang mga kulay purple na pakpak at ang mga kulay lila din na antena sa kanyang noo. Pumagaspas ang kanyang mga pakpak na nagpamangha sa mga habong nakasaksi. Napakaganda nito na unang beses pa lamang nilang makakita ng gano'ng kulay ng mga pakpak. Maging ang Atervih na na si Rangawey ay napatayo sa pagkamangha sa purple na mga pakpak na may kumikislap-kislap pa. At ang haring si Hastro ay napahalakhak sa kasiyahan.

May lumabas na itim na enerhiya sa katawan ng prinsesa na naghalo sa lilang liwanag. At sa ilang saglit lang ay nakasuot na si Prinsesa Deza ng dark purple na baluti. Sa paglapag niya sa sahig, nakangiting inilibot niya ang kanyang tingin sa kanilang mga alagad. Mas lalong namangha ang lahat. Sa likod ng mala-anghel na kagandahan, mararamdamang ang malakas at nakakatakot na kapangyarihan.

"Bilang huling handog, tanggapin mo ang iyong sandata aking prinsesa," pahayag ni Haring Hastro, nagkaroon muli ng itim na enerhiya sa kanyang kanang kamay at lumabas ang isang metal na sangtron na may malapad na patalim sa dulo. Inabot niya sa prinsesa ang itim na sandatang may kumikislap na kulay pula at lilang mga bato sa patalim nito.

"Arova raot, Prinsesa Deza!" masayang sigaw ni Haring Hastro.

"Arova raot! Arova raot, Prinsesa Deza!" sigaw ng lahat. Nabalot ng kanilang sigaw ng pagdiriwang ang buong Isla ng Dulom.

~~~

~ SA PALASYO ~

"NARARAMDAMAN KO SIYA," may pag-aalalang sambi ni Reyna Kheizhara. Tumayo sa kinauupuan at hinawakan ang Batong Verlom. Ngunit bigo muli siya na mahanap ang kinaroroonan ng mga habo.

Ang sugong si Prinsesa Deza ang nararamdaman ni Reyna Kheizhara. Alam niya ang tungkol sa sugo at tunay nitong katauhan – bagay na na hindi nila masabi kay Nate. Ang iba pang balak ng mga itim na diwata ay wala silang nalalaman bukod sa madalas na pag-atake ng mga ito sa iba't ibang parte ng kaharian. Maging ang tungkol sa makapangyarihang haring si Hastro ay hindi nila alam.

Nagliwanag si Reyna Kheizhara, at sa pagkawala ng liwanag ay nakasuot na siya ng kanyang gintong baluti.

"Saan po kayo pupunta mahal na Reyna?" tanong ni Philip.

"Nangangamba ako sa mga maaaring maganap. Nais kong libutin ang buong kaharian. Hindi ako mapanatag."

"Pasasamahan ko po kayo sa ibang kawal."

"Huwag na, Philip. Alam mong kaya kong ipagtanggol ang aking sarili."

Magsasalita pa sana ang saday na si Philip ngunit naglaho na sa kanyang harapan ang reyna.

~~~

~ SA KAGUBATAN ~

"NATE, MAGHANDA KA," paalala sa 'kin ni Pinunong Kahab. Nakapaikot kami sa biglang pagpapakita ng mga habo, isa-isa silang biglang lumitaw sa iba't ibang direksyon.

BANGIS, MAGTAGO KA.

Agad akong sinunod ni Bangis sa utos ko sa kanya. Alam kong sanay siya sa labanan, ngunit 'di ko alam kung paano lalaban na kasama siya. Hindi ko na-practice lumaban habang nakasakay sa kanya.

Matagal ko nang naririnig ang tungkol sa kanila, ang mga habo, ngunit ito pa lang ang unang beses na makakita ako ng tulad nila. Para silang mga emo, naka-all black na may parang mga eyeliner na itim pa, at parang kumain ng pusit dahil sa nangingitim na mga labi nila. Itim ang suot nila maging ang baluti, itim ang mga pakpak at may mga sungay sa noo. Nakangiti ang mga animal, pinanindigan ang pagiging villain. Nakakatakot nga sila. Ang lalaki pa ng mga hawak nilang sandata.

Kinabahan ako sa unang beses kong makaharap ng mga habo, unang araw ng paglalakbay namin, sabak agad sa laban.

"Gagamitin na po ba natin ang ating kapangyarihan?" narinig kong tanong ni Shem-shem. Lumilipad siya sa tabi ko.

"Mukhang hindi iyon kailangan. Iilan lamang ang bilang nila," sagot ni Mapo Nhamo. Tumira siya ng pana sa isang habo ngunit nakailag ito. Kaya naman palipad na sinugod na niya ito.

Isa-isa na ring sumugod sina Pinunong Kahab, Mira at Claryvel sa napili nilang habong labanan. Naiwan kaming tatlo nina Rama at Shem-shem sa kinatatayuan namin. Pinoprotektahan ako nina Rama. Pero 'di dapat ako laging protektahan. Ako ang tinatawag nilang tagapagligtas, dapat kaya kong ipagtanggol ang sarili ko.

Kaya tumkabo ako para harapin ang isang habo. Pero shit! Ang laki ng hawak na palakol ng habo sa harapan ko na may dalawang talim. Lumipad ito pasugod din sa 'kin, at ang bilis niya kumilos. Nasa hangin ang habo sa pag-atake niya sa 'kin, nailagan ko ang malaking palakol. Nahati na sana sa dalawa ang katawan ko, may tinamaan itong malaking bato sa lupa na nabiyak. Gumanti ako at tinamaan ko siya sa katawan ng sangtron ko. Na ikinagalit nito at mabilis ding gumanti sa 'kin. Nasalag ko ng sangtron ang talim ng palakol, hawak ko ng dalawang kamay ang sangtron. At kung di ko nasangga ang atake nito, hati na talaga siguro ako sa gitna at 'yon ata talaga ang balak ng habong kalaban ko. Idinidiin nito ang kanyang sandata, nais niyang putulin ang aking sangtron. Nasa gano'ng posisyon kami nang sumugod si Rama – nasugatan niya sa tagiliran ang habo. Umatras ang habo. Nakangiti pa ito bago naglaho.

Hinarap namin ang iba pa. Umatras din ang ibang kalaban at naglaho. Pero ang kalaban nina Pinunong Kahab at Mira ay nakahandusay sa damuhan na sa palagay ko ay wala nang buhay.

"Ganyan ba sila kapag namatay?" tanong ko nang magkakasama na kaming pito at sa harapan namin ang dalawang bangkay ng habo. Pumayat ang mga bangkay, na parang natuyo.

"Oo, Nate," sagot ni Rama.

"Mukhang hindi sila narito upang makipaglaban?" sambit ni Pinunong Kahab.

"Tama ka, Pinuno," si Rama.

"May kung ano silang ginawa sa lugar na ito," si Mira. Nakatingin siya sa mga paparating na diwata na galing sa iisang direksiyon mula sa kagubatan.

"Zombie?" nasabi ko. Tila mga naagnas na diwata ang papalapit sa 'min. At umalingasaw ang nabubulok na amoy at maririnig ang mga ungol nila. Napakarami nila. May ilan pang bata.

"Hindi ko sila mapapatawad! Masyado na nilang nilalabag ang kautusan ng ating mundo! Pati mga nanahimik na mga namayapa na ay ginugulo nila!" galit na galit na sambit ni Mira, gusto manakit.

"Mga kago!" galit ding sabi ni Mapo Nhamo.

"Lalabanan ba natin sila?" tanong ni Rama. Ilang dipa na lamang ang layo sa 'min ng mga diwatang zombie.

"Hindi na sila ang dating mga diwatang nabuhay," sambit ni Claryvel.

"Tama. Wala na silang mga kaluluwa, hindi na sila ang mga diwatang may mahal sa buhay," madiing sambiti ni Pinunong Kahab.

"Gagamitin na po ba natin ang ating kapangyarihan?" tanong ni Shem-shem.

"Sa palagay ko tamang gamitin natin, para hindi na patagalin pa ang kanilang paghihirap," sagot ni Pinunong Kahab.

Hinanda ko ang aking sarili.

Humakbang si Claryvel, nagliwanag siya at inilabas niya ang kanyang mga sandata sa kamay, sa pagkawala ng liwanag ay nakasuot na siya ng baluting pandigma. Inikot niya ang kanyang mga kamay, may nabuong hangin at itinira ito sa mga papalapit na bangkay ng mga diwata. Nagtalsikan ang mga zombie. Lumipad siya ulit at muling umatake.

Sumugod si Pinunong Kahab, nakasuot na siya ng baluti. Sa pagtakbo niya, naging tatlo siya at tumakbo sa magkakaibang direksyon. Hinawi ng malalaki nilang espada ang mga zombie.

Sumugod na rin si Rama, nagpalit siya ng anyo, naging malaking hayop siya na may tatlong sungay at sinuwag niya ang mga zombie.

Nagsuot na rin ako ng baluti, nagliwanag ang mga kamay ko, kinontrol ko ang mga tuyo at mga nalaglag na dahon mula sa mga puno at ilang putol na sanga. Naghugis bilog ito at parang malaking batong inihagis ko sa gitna ng nagkukumpolang diwatang zombie.

Nakita kong umatake na rin si Mapo Nhamo, gamit ang liwanag na lumalabas sa kanyang mga kamay.

Medyo nakakaramdam ako ng awa, dahit hindi lumalaban ang mga zombie. Lumalapit ito sa 'min pero hindi umaatake. Nagkalat na ang mga putol-putol na bahagi ng mga katawan ng iba sa kanila sa damuhan.

"Anong nangyayari?" natanong ko. Hindi na nabigyan nang pagkakataon si Shem-shem para umatake, nakasuot na rin siya ng kanyang baluti. Napahinto na kami sa pag-atake at napaatras na lamang. Ang mga diwatang zombie ay biglang huminto at hindi na kumikilos. Nalapitan ko si Mira, hindi siya umatake at luhaan siya ngayon na ipinagtaka ko. Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa kanya. Mabait siya, pero parang siga at ayaw sa lampa.

Magkakatabi na kaming pito at clueless sa nangyayari. Si Pinunong Kahab, iisa na lang siya. Si Rama, bumalik na rin sa anyo niya.

"Habang nasa taas ako, may nakita akong libingan sa di kalayuan, maaaring doon sila nagmula," sabi ni Claryvel.

"Kailangan natin silang maibalik," sambit ni Mapo Nhamo.

"Ginamitan sila ng itim na marhay." May luha pa rin sa mga mata ni Mira.

"Mapo Nhamo, makagagawa kaya kayo ng mahika para maalis ang itim na mahikang ginamit sa kanila?"

"Gagawin ko ang makakaya ko," sagot ni Mapo Nhamo kay Pinunong Kahab.

May itim na usok na mula sa kung saan na gumapang sa paligid ng mga zombie. Nabuo muli ang mga nagkapira-pirasong mga bangkay at lahat sila ay tuwid na tumayo. At nagkaroon silang lahat ng itim na espada.

"Mira, Mapo Nhano, kami na ang bahala rito," sambit ni Pinunong Kahab. Agad nag-teleport ang dalawa at napunta sila sa mataas na puno. Nauunawaan ko kung bakit 'di muna makikipaglaban si Mapo Nhamo, para sa mahikang gagawin niya. Pero nagtataka talaga ako kay Mira. At parang hindi siya 'yong Mira na nakilala ko, na mahilig sa laban.