Chereads / The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World) / Chapter 16 - CHAPTER 15: Ang Handog Na Kakayahan At Simula Ng Paglalakbay Ng Pitong Magiting

Chapter 16 - CHAPTER 15: Ang Handog Na Kakayahan At Simula Ng Paglalakbay Ng Pitong Magiting

AKALA NAMIN AY tapos na kami sa paghahanda para sa paglalakbay kinabukasan. Pero muli kaming nag-teleport, dinala kami ni Reyna Kheizhara sa bulwagan kung nasaan ang kanyang trono. Nakaharap siya sa aming pito, suot pa rin namin ang aming mga pandigmang baluti.

"Lalabas ang kapangyarihan sa oras ng pangangailangan. Kakayahan ay magpapamalas ng husay sa labanan," sambit ng mahal na Reyna. Tumayo siya sa kanyang trono at isa-isa kaming lumapit sa kanya.

Unang lumapit si Pinunong Kahab. May hugis dahon na liwanag na lumabas sa kanang kamay ni Reyna Kheizhara at inilapat ito sa dibdib ni Pinunong Kahab.

~ ANG ISA AY LUBOS NA MAAASAHAN NA, PAANO PA KUNG MAGING TATLO NA.

Nakikita sa isip ni Kahab na nagliliwanag ang buo niyang katawan at siya ay naging tatlo na may iisang pag-iisip at kakayahan, at husay sa labanan. ~

Sunod na lumapit si Mira.

~ SA HUSAY HUMAWAK NG SANDATA, KAHIT ILAN PA ANG BILANG AY MAHAHAWAKAN.

Nakikita ni Mira na ang dalawa niyang hawak na espada ay naging walo, ang anim ay nakalutang sa hangin, may berdeng liwanag mula sa kanyang likod na nagdudugtong sa mga ito. Mistulan niyang naging galamay ang mga espada, tig-tatlo sa kaliwa't kanan na kayang humaba ng ilang metro at makokontrol ang mga ito. ~

Sumunod si Rama.

~ MATUTUPAD ANG INAASAM, ANO MANG WANGIS ANG NAIS.

Nakikita ni Rama sa isip niya na nagagawa niyang magbago ng anyo, ang wangis na hayop na kanyang maisip ay kanyang magagawa, kahit pa ang pinakamalalaking uri ng hayop sa Anorma na maituturing nang halimaw. ~

Si Shem-shem ang sumunod kay Rama. Dumapo siya sa kamay ni Reyna Kheizhara na may liwanag na hugis dahon.

~ ANG MALIIT NA NAKAPUPUWING, AY MAAARI NANG MAKAGIBA NG BANGIN.

Nakikita ni Shem-shem ang paglabas ng liwanang sa kanyang katawan na unti-unting lumalaki na naging kawangis niya na may hawak din na sandata. Nasa gitna siya ng liwanag at nakokontrol niya ang paglaki at ang kilos nito. ~

Sunod na lumapit sa reyna si Mapo Nhamo, hinawakan din siya sa dibdib tulad ng ibang nauna.

~ ANG HUSAY SA MAHIKA UPANG MAKATULONG, AY MAAARI NANG MAGAMIT UPANG MAKAPAGTANGGOL.

May puwersa ng liwanag na makikita si Mapo Nhamo na lalabas sa kanyang mga kamay, magagamit niya bilang panangga sa atake ng kalaban na maaari din ipang-atake sa kalaban. ~

Sumunod na lumapit si Claryvel.

~ KILOS NA KASING BILIS NG HANGIN, KALABAN AY PALILIPARIN.

Nakikita ni Claryvel ang pagpapaikot niya sa kanyang mga kamay na unti-unting nakakabuo ng ipo-ipo, at sa kanyang mismong pag-ikot, mas malaking ipo-ipo ang mabubuo na kaya niyang kontrolin ang galaw. ~

Ako ang sunod na lumapit. May kaba akong nararamdaman. Hindi ko alam kung anong kapangyarihan ang ipapahiram sa 'kin ni Reyna Kheizhara. Nagbulungan kami ni Rama, ang sabi niya lang, may kakayahang ibinigay sa kanya ang reyna. Na tiyak daw ikakagulat ko kapag nakita ko. Tinanong ko rin si Shem-shem, gano'n din ang sagot niya, tiyak daw magugulat kami sa kanya.

Kaharap ko na ang reyna. Inangat niya ang kanyang kanang kamay na may kulay berdeng liwanag na hugis dahon, mainit ito.

MAGIGING KAISA ANG KALIKASAN NA MAGIGING SANDATA SA LABANAN.

Narinig kong tinig ni Reyna Kheizhara sa isip ko. Napapikit ako nang may mainit na puwersang pumasok sa katawan na gumapang sa kabuoan ko. Malinaw kong nakikita sa isip ko ang pag-ikot ko ng nagliliwanag kong sangtron, may mga dahon itong nahihigop na magagamit kong pang-atake sa kalaban. Maaari ko rin makontrol ang galaw ng mga puno't halaman sa paligid ko. Ang mga dahong nabuo, kaya kong makontrol sa ano mang hugis na naisin ko. Natatawag ko ang mga dahon na maaari maging kasing talim ng espada at makokontrol ko para atakehin ang kalaban.

Sa pagdilat ko, napaatras ako sa pagbawi ng kamay ni Reyna Kheizhara.

Ang kakayahang ibinigay sa 'kin ng reyna ay ang kakayahan din na nakita kong nagagawa noon ni Nael.

~~~

MAAGA AKONG NAGISING para makaligo nang maaga. Hindi ko alam kung makakaligo pa kami sa ilang araw naming paglalakbay, kaya naman naligo ako na pangsampung araw na, todo kuskos ako sa 'king katawan at makailang beses nagsabon. Paglabas ko ng paliguan, gising na sina Rama at Shem-shem.

"Akala namin ay nagpasya ka nang manirahan sa loob ng paliguan," bungag sa 'kin ni Rama. Napangiti lang ako sa biro niya. Siya ang sumunod sa 'kin.

"Naghahanda ang palasyo ng agahan para sa ating pag-alis," balita ni Shem-shem. Parang send-off party lang. O huling kain sa palasyo? Dahil sa aming paglalakabay ay walang nakakaalam sa posibleng mangyari. Tinanong ko kagabi kay Shem-shem kung puwedeng malaman sa Aklat ng Isi ang mangyayari sa aming paglalakbay, sagot niya ay hindi lahat ng bagay ay kailangang alamin sa aklat na 'yon at nagkukusa ang Aklat ng Isi sa pagpapakita ng nakasulat sa maaring maganap.

Nang makapaghanda na sina Rama at Shem-shem, agad na kaming lumabas ng kuwarto namin. Pinuna ni Rama ang dala kong bag na kagabi niya pa pinupuna. Halos kalahati lang kasi ng dala ko ang dala niya. Siyempre may three sets ng bihisan ako at hygiene kit, at panlamig din. Dark-green na –t-shirt ang suot ko at dark-brown na pantalon. Ang sarap sa pakiramdam ng damit nila rito, presko at may mga kakaibang disenyo. At ang bag nila, tali ang ang nagsisilbing pangsara. Hinabi ito na may iba't ibang kulay din, parang gawa ng mga Ifugao sa Baguio. Naka-sandals ako na kumportable sa paa at ang gaan lang sa paglakad. Sabi ni Rama, 'yon ang karaniwang suot nila sa paglalakbay dahil nga kumportable na ay matibay pa, at boots naman ang suot nila kapag nakikipaglaban. May artificial na mga pakpak na kulay green akong nakakabit sa likod ko, na parang naging kapa na lang. Hindi kasi puwedeng malaman ng ibang norwan na isa akong tao. Kabaliktaran ng kulay ng suot ko ang kay Rama, siya ay dark-brown ang pantaas na long sleeve at dark-green na pantalo. Si Shem-shem, naka-dress siya ng kulay dilaw na 'di lagpas sa kanyang tuhod.

Napahinto ako sa paglalakad. "Mauna na kayo, may nakalimutan ako," sabi ko kina Rama. Hindi na sila nagtanong pa at nauna na silang maglakad.

Bumalik ako sa kuwarto, pagkabukas ko ng pinto, bumungad sa 'kin si Reyna Kheizhara. Tinawag niya ako sa isip ko kaya ako nagpaiwan.

"May handog ako sa 'yo," sabi niya nang magkaharap na kaming dalawa. Inabot niya sa 'kin ang gintong singsing na may design na parang guhit-guhit sa dahon, may maliit na kulay berdeng bato ito. "Isuot mong nasa iyong palad ang bato."

Sinunod ko ang sinabi ng reyna at isinuot ko ang singsing sa aking hintuturo sa kaliwang kamay. "Para saan po ito?" tanong ka habang nakatitig sa bato ng singsing.

"Iilaw ang bato, kapag nasa malapit ang iyong minamahal," sagot ni Reyna Kheizhara.

Hinaplos ko ang bato sa singsing, isa itong regalo. "Maraming salamat," sabi ko. Ngumiti ang reyna at naglaho siya.

~~~

LUMABAS NA KAMI ng palasyo matapos naming mag-agahan. Wala na kaming mga dalang bag, na kay Mapo Nhamo ang mga bagahe namin, sa hood ng suot niya. Hindi ang karaniwang pahabang sumbrero ang suot niya, kundi isang cape na may patulis na hood, kulay green at brown ito. Ang galing ng hood niya, parang bulsa ni Doraemon, lahat ng gamit namin nagkasya. Pati ang pana na sandata niya itinago niya do'n at ang ilang bagay na magagamit niya sa pagma-magic. May kanya-kanya din kaming marhay na dala, tig-iisa kaming dakot ng mahiwagang pulbos. Ibinigay ito ng reyna na nakalagay sa maliit na bag na isinuot namin sa aming beywang, para na kaming kolektor na nagpapa-jueteng.

Pini-flex ni Pinunong Kahab ang muscle niya, naka-sleeveless siyang kulay dark-brown. At nag-flex din ng kaseksihan niya si Mira, naka-sleeveless din at labas ang pusod niya. Buti 'di siya naka-pekpek short, para siyang naka-leggings at parehas na green ang suot niya. Si Claryvel na kanina pa panakaw na pinagmamasdan ni Rama, parang a-attend ng prom – it reminds me no'ng prom namin, kung saan unang naganap ang first kiss namin ni Chelsa. Malamig sa mata ang suot niya, neon color na pinagsamang purple at blue, 'yong maiisip mong anyo ng diwata sa mga fairytale. At dahil sa purple na kulay, mas lalo kong naalala sa kanya si Chelsa. May hati sa gitna ang suot niya kaya makikita ang layer na puting tela na nasa ilalim nito. Nililipad-lipad ng hangin ang suot niya. Napalunok ako nang mahagip ng mga mata ko ang leeg niya, nakatali kasi ang buhok niya. Hindi ko masisisi si Rama kung may paghanga nga talaga siya ka Claryvel. Kakaiba ang mga suot nila rito, magaganda at may kakaibang detalye. Sa ilang araw ko rito, kapuna-puna 'yon, mapagpahalaga sila sa kalikasan at iyon ang inspirasyon nila sa kanilang design sa kanilang mga kasuotan.

Nasa harapan namin ang mga sundalo ng palasyo, nakapila sila at sabay-sabay na yumuko sa 'min, isang pagbati at upang sabihing mag-ingat kami sa aming paglalakbay. Yumuko din kami sa kanila bilang tanda ng pasasalamat. Habang wala si Pinunong Kahab, si Pinunong Darum na muna ang pansamantalang mamamahala sa pagprotekta sa palasyo. Kahapon may mga sundalong ipinakalat sa ibang bahagi ng Ezharta para sa mga posibleng pag-atake ng mga habo. Lahat ay nakaalerto, hindi lamang ang mga taga-palasyo maging ang mga bayan na sakop ng Ezharta. Unpredictable ang kilos ng mga habo, may mga talang pagpapakita nila ngunit hindi umaatake. Minsan naman mangugulo, ngunit bigla rin maglalaho. At sabi ni Reyna Kheizhara, nararamdaman niyang mas lumalakas pa ang puwersa ng mga itim na diwata.

"Maghanda!" sigaw ni Pinunong Kahab.

"Hooo!" sigaw namin.

Inihanda nila ang kanilang mga pakpak at ipinagaspas ito. Si Mapo Nhamo, pumadyak-padyak at nagliwanag ang kanyang sapatos na suot.

"Tayo na!" sa pagsigaw na iyon ni Pinunong Kahab, isa-isa na silang umangat at lumipad pataas.

Iniwan nila ako!

"Pinuno!" sigaw ko.

Inilibot ni Pinunong Kahab ang kanyang paningin bago niya ako binalikan. "Pasaway na arikon," nakatiim-bagang na sambit niya. "Nandito siya kagabi at binilinan ko siyang pumarito ngayon upang sa kanya ka sumakay." Inilipad ako ni pinuno.

Nakaharap kaming lahat kay Reyna Kheizhara, nasa beranda siya ng palasyo sa pinakamataas na tore.

NAWA'Y GABAYAN KAYO NG NAKATATAAS SA LAHAT SA INYONG PAGLALAKBAY MGA MAGITING NA MANDIRIGMA NG EZHARTA.

Narinig kong tinig ng mahal na Reyna sa isip ko. Alam kong hindi lang ako ang nakakarinig sa kanya, kaming pito ang kinakausap niya.

"Hooo!" sabay-sabay naming sigaw. At tinahak na namin palipad ang direksiyon patungo sa kagubatan ng Barhass kung saan magsisimula ang aming paglalakad. Nasulyapan ko pa ang pagkaway ng mga sundalo sa 'min.

Bakas sa mukha naming lahat ang kahilingang magtagumpay sa 'ming misyon. May ngiti sa 'ming mukha sa kabila ng panganib na aming kakaharapin. Malayo-layo na rin ang nararating namin, binusog ko ang aking mga mata ng magagandang tanawin, kahit ilang araw na ako sa Ezharta, 'di pa rin mawala ang paghanga ko sa ganda ng mga nakikita ko; ang mga kakaibang bahay na ang ilan ay nasa malalaking puno, ang kakaibang ayos ng mga bayan, ang mga kakaibang hayop at halaman, at ang simpleng kumpulan ng mga diwata.

Kagubatan na ang natatanaw ko. "Maghanda ka, Nate," sambit ni Pinunong Kahab. Walang ano-ano, binitiwan niya ako!

"Pinuno!" sigaw ko habang nasa isang hukay na ang isang paa ko. Mabilis akong bumubulusok pababa, nakaharap ako sa babagsakan ko. "Oh, shiiiiiiiit! Shit! Shit! Shit! Shit!!" Hinigpitan ko ang hawak ko sa aking sangtron at para akong tangang pinagaspas ang mga kamay kong piling pakpak. Ang pakpak na artificial sa likod ko, pinanindigan ang pagiging fake niya.

May nilalang na biglang nasa harapan ko at nasalo ako, si Bangis. Nilipad niya ako paitaas, nakaupo na ako sa likod niya.

NAKITA NIYA ANG PAGDATING KO, NATE.

Baliw na Pinunong Kahab. Pero natawa na lang ako at nagpasalamat kay Bangis. Ilang saglit lang, kasabay na naming lumilipad ang lahat. Si Shem-shem, naupo siya sa kanang balikat ko.

"Ano ang iyong isinigaw. Nate?" tanong ni Mira.

"Shitiiit!" sabay na sigaw nina Rama at Pinunong Kahab, sabay tawa sila. Mga gago. No'ng unang araw ko dito sa Anorwa, ginawa rin nila sa 'kin 'yon.

"Shiiiit! Sigaw ni Claryvel. Napangiti ako. Nagkatinginan kaming dalawa at nakangiti rin siya.

"Shiiit!" sigaw ni Mira.

At sabay-sabay silang sumigaw ng shit maging si Shem-shem. Si Mapo Nhamo lang ang KJ.

"Mukhang hindi maganda ang ibig sabihin ng salitang iyan?" komento ni Mapo Nhamo. Natawa na lang ako.

"Ano nga bang ibig sabihin no'n?" tanong ni Shem-shem.

"Sa mundo namin, kapag masaya ka, kapag takot ka, kapag nalulungkot ka, mapapa-shit ka na lang talaga! Shit, happens!" gawa-gawang sagot ko at sinabihan ko si Bangis na bilisan ang paglipad. Ang pangit ng natutunan nila sa 'kin.

Sinundan nila kami habang nagsisisigaw sila ng shit. At pinanindigan ni Mapo Nhamo ang pagiging killjoy niya. Si Mira, nitong mga nakaraang araw ko lang nakuha ang loob, at sabi niya sa 'kin, tinatanggap na niya ang pagiging tagapagligtas ko, pero hindi pa rin daw sapat ang husay ko sa pakikipaglaban. Si Claryvel, nang ipakilala kami sa pagpupulong kahapon lang ang masasabi kong interaction namin at ang ngayon dahil sa shit. Sinasadya ko kasing iiwas ang tingin ko sa kanya, ramdam ko kasing gusto talaga siya ni Rama. Pero may gumugulo talaga sa isip ko, ramdam kong ang una naming pagkikita ay 'di talaga ang unang beses na nagtapo kaming dalawa. At sa tuwing nakikita ko siya, parang nakikita ko sa kanya si Chelsa lalo na kapag nakatali ang buhok niya. Ang weird.

Hindi ko pa lubos na kilala ang mga kasama ko sa paglalakbay na 'to. Pero may tiwala ako sa kanila at nararamdaman kong may mabuti silang puso. At lahat sila ay tapat na tagapagtanggol ng Ezharta.

~~~

~ SA PALASYO ~

NASA SILID NG Verlom sina Reyna Kheizhara at Philip, nakikita nila sa Bato ng Verlom sina Nate at ang mga kasama nito.

"Sa tingin mo, magagawa nila?" pag-aalala ni Reyna Kheizhara.

"Sa palagay ko ay sapat na ang ibinigay ninyong kakayahan sa kanila mahal na Reyna. Ang inaalala ko na lamang ay ang kahahatungan ng kanilang desisyon. Dahil ang pagkakaroon ng malakas na kapangyarihan ay isang lason," pahayag ni Philip.

"Tama ka. Lalo na ang binatang si Nate. Paano niya kaya tatanggapin ang lahat. Dapat siguro ay ipinagtapat na natin sa kanya ang lahat na dapat niyang malaman."

"Pero mahal na Reyna, mas lalong gugulo ang sitwasiyon sa palagay ko. Maaaring hindi niya tanggapin ang misyon. At naniniwala akong may mabuti siyang puso. Kapag nakita niya ang kasamaan ng mga habo, tiyak papanig siya sa kung ano ang ipinaglalaban natin. Nararamdaman ko ang kabutihan ang papanigan niya."

Hindi na sumagot pa si Reyna Kheizhara. Dahil alam niyang masyadong makapangyarihan ang pagmamahal – ang wagas na pag-ibig ay 'di basta-basta mababali at lahat ay hahamakin.

~~~

~ SA KAGUBATAN ~

NAGPASYA KAMING BUMABA saglit para uminom ng tubig sa ilog, ilang oras na rin kaming nasa himpapawid. Kahit nakaupo lang ako kay Bangis, napagod din ako. Tahimik sa paligid ng ilog, walang mga wild na hayop na nasa paligid, maging mga ibon sa puno ay wala kang maririnig. Hindi tulad sa ilog na pinagsasanayan namin ni Pinunong Kahab.

"Ang tahimik naman sa lugar na ito," puna ni Rama.

"Tama ka," sambit ni Mira, inililibot niya ang kanyang paningin.

Bumaba ako sa kay Bangis at uminom ako ng tubig sa ilog gamit ang mga palad ko. May lagayan kami ng tubig na pinatago namin kay Mapo Nhamo, may laman ang mga iyon, pero sa paglalagi ko rito, nasanay na rin akong kapag nasa gubat kami, sa palad ko ako umiinom. Uminom na rin ng tubig ang mga kasama ko.

"Ikaw si Bangis, hindi ba?" narinig kong boses ni Claryvel. Nilingon ko siya, himas niya ang mukha ni Bangis. Nasa likuran ko sila.

Idinikit ni Bangis ang noo niya sa noo ni Claryvel. Tulad 'yon nang ginawa niya sa 'kin. Parang may alaalang sumagi sa utak ko na nakita ko nang ginawa nila iyon. Ano 'yon? Natanong ko sa isip ko. Napaiwas ako ng tingin nang lapitan siya ni Rama at alokin ng tubig. Narinig ko ang pagpapasalamat ni Claryvel. Nakatingin ako sa reflection ko sa malinaw na tubig ng ilog. Ano bang nangyayari sa 'kin? Pinagmasdan ko ang bato sa singsing na bigay ni Reyna Kheizhara.

May patusok na tumama sa mukha ko sa repleksiyon ko sa tubig, itim na arrow na mula sa kung saan.

"Mga habo!" sigaw ni Mira.

Tumayo ako at inalerto ko ang aking sarili. Lahat kami nakahanda sa pag-atake ng mga kalaban.