Chereads / AFTER ALL (Tagalog Novel)(Book 1) / Chapter 56 - C-55: BACK IN HOME

Chapter 56 - C-55: BACK IN HOME

Pagkahatid sa kanya ng mga tauhan ni Anselmo sa pantalan. Deretso na siyang pumasok sa loob ng Barko. Mas pinili niyang dito siya sumakay imbis na sa eroplano papuntang Cebu.

Pero saglit lang naman siyang nanatili sa loob nito. Dahil agad din siyang bumaba ng makita niyang paalis na ang mga tauhan ni Anselmo.

Mabilis siyang bumaba ng Barko ng matantiya niyang paalis na rin ang Barko. Pakubli-kubli siyang lumabas at dere-deretso sa ibaba. Luminga-linga lang muna siya sa paligid at naghanap ng comport room ng makakita  tuloy-tuloy lang siya sa loob nito.

Ang sabi niya kay Anselmo kanina bago sila maghiwalay mas gusto niyang sumakay ng Barko. Hiniling rin niya na manatili muna siya ng Cebu para dalawin ang mga dating kaibigan. Agad naman itong sumang-ayon hindi naman ito tumutol.

Kanina naramdaman niyang nais nitong umalis na siya agad ng Sta Barbara.

Kaya naman sinamantala na rin niya ang pagkakataon na wala sa kanya ang atensyon nito at hindi na siya mabibigyan pa ng pansin.

Dahil ang atensyon nito ngayon maaaring nakafocus na sa anak nitong teenager na bigla na lang sumulpot kung saan kanina.

Pero hanggang ngayon hindi pa rin niya maisip kung ano ang dahilan, kung bakit kailangang ikaila pa nito sa kanya ang anak ng asawa nito?

Gayung hindi naman talaga siya interesado na makilala ito. Kaya hindi naman niya ito aagawan ng posisyon.

Lalong hindi naman niya aagawin dito ang walanghiyang ama-amahan nito. Nungka!

Makalipas pa ang ilang sandali nagawa na niyang ayusin ang  sarili at nakapagpalit na rin siya ng damit.

Mula sa maong na bestidang suot niya kanina, nagpalit na siya ng maong pants at t-shirt. Saka niya pinatungan ng hoody Jacket para mas komportable siyang kumilos.

Mabuti na lang unisex sneakers ang suot niyang sapatos. Sadyang ginaya talaga niya ang paboritong porma ng kanyang Papang.

Idagdag pa ang pagsuot niya ng sunglasses. Ganito-ganito noon ang kanyang Papang.

Sino ba ang magsasabi na hindi siya anak ni Darius Ramirez sa mga nakakakilala sa kanyang Papang sa porma, ayos at kilos niya ngayon. Dahil kamukha na talaga niya sa Darius.

Marami man ang nagulat at nagtaka sa kanya, paglabas niya ng Comport Room. Hindi na lang niya ito pinansin at tuloy-tuloy lang siyang lumabas at tuluyang nang umalis.

Sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa isang direksyong alam niya. Ang nag-iisang lugar na nais niyang balik-balikan dito sa Bayan ng Sta. Barbara.

-

-

Ang Barrio Magiliw...

Matagal na siyang nakatayo lang habang nakatanaw sa dati nilang bahay at aligaga ang kanyang isip sa pagbabalik tanaw sa mga nakaraan. Hindi niya magawang pumasok sa loob ng mag-isa ng sandaling iyon.

Dahil hanggang ngayon hindi pa rin niya matanggap ang mga huling alaala niya sa lugar na iyon. Kaya naman nagkasya na lang siya sa pagtanaw dito. Habang nasa labas ng gate ng dati bahay.

Nasa ganu'n siyang posisyon ng maramdaman niyang may biglang tumusok na bagay sa kanyang likuran.

Kinabahan man siya ng mga oras na iyon, ngunit kailangan pa rin niyang tatagan ang loob. Hindi niya alam kung riple ba o kung ano man ang nakatutok sa kanya ngayon.

Kahit paano may alam naman siya sa self defense, pinag-aralan talaga niya ito noon pa man na nasa poder siya ni Madi. Kahit pa may kapayatan siya noon hindi naging hadlang ito para hindi siya matuto.

Bukod pa sa naging batak siya sa mabibigat na trabaho. Matapos niyang ipanganak si Kisha at ilang buwan lang ang lumipas. Kahit pa trabahong panlalaki ay pinasok niya, malaking tulong rin ang pagiging matangkad niya.

Kaya kung sino man itong naglakas loob na tutukan siya humanda ito. Bulong niya sa sarili at pagpapalakas na rin ng loob.

Ngunit bago ang lahat kailangan muna niyang kilalanin ang kalaban.

Huminga muna siya ng malalim at sinikap na kalmahin ang sarili, magsasalita na sana siya ng maunahan pa siya nito.

"H'wag kang kikilos ng masama! Sino ka anong ginagawa mo rito, magnanakaw ka no?"

Bigla ang pagsulak ng inis sa kanyang sistema. Ngunit bigla rin siyang natigilan para kasing kilala niya ang boses nito.

Pero kailangan muna niyang makumpirma.

Tinangka niya itong kausapin sa pinaka mahinahon na salita. Sinadya pa niyang palakihin ang kanyang boses...

"Hindi po ako masamang tao at wala po akong ginagawang masama... Relax lang po!"

Kalmado niyang saad habang unti-unti rin siyang lumingon. Hinayaan naman siya nito subalit naramdaman niyang bahagya itong lumayo.

Tila pinaghahandaan rin nito ang ano mang masama niyang kilos.

Nang tuluyan na sila nitong magkaharap saka pa lang niya nakumpirma na tama ang hinala niya...

"Tatay Kanor!" Masaya niyang bulalas at pagtawag sa kaibigan ng kanyang ama.

Ngunit iba ang naging reaksyon ng matanda pagkakita nito sa kanya. Tila ito namutla at biglang natigilan at sa simula hindi agad ito nakahuma. Hindi rin nito naiwasang banggitin ang pangalan ng kanyang Papang.

"D-Darius?" Patanong nitong saad.

Ngunit dala ng kasabikan balewalang nasugod niya ito ng yakap wala nang nagawa ang matanda. Nabitiwan pa nito ang hawak na riple na siyang ginamit nitong pantutok sa kanya kanina.

"Tatay Kanor ako po ito hindi n'yo na ba ako nakikilala?"

Tanong niya sabay baba ng hood ng suot niyang Jacket. Tinaas na rin niya ang shades sa kanyang ulo at nakangiting humarap dito.

"I-ikaw? Pambihira ka anak tinakot mo naman ako! Ang akala ko tuloy ay nagmumulto na nga ang amang mo." 

"Natakot po ba kayo sa akin, kamukha ko na ba talaga ang Papang? Pero teka bakit naman po magmumulto ang Papang."

Tanong niya...

"Ah' hindi ka maniniwala Iha, pero usap-usapan ng mga taga Baryo. Nakita rin nila si Darius dito minsan, dito raw mismo sa loob ng bakuran. Ang sabi nang nakakita pinagmamasdan daw ni Darius ang buong bahay."

"Tatay Kanor baka naman dito na ulit ako tumira n'yan. Kung makikita ko rin dito ang Papang ko." Ngumiti siya ng hindi naniniwala.

"Sabi ko na nga ba hindi ka maniniwala eh' pero talagang nakita daw nila ang Papang mo o kun'di man kamukha rin ni Darius. Kaya nga akala ko ikaw na ang nakita nila. Sandali ngayon ka lang ba naparito anak?" Muling tanong nito.

"Ngayon lang po ako nagpunta dito pagkatapos ng lahat..." Muli na naman siyang nakaramdam ng lungkot, kasabay ng pangingilid ng luha.

Hindi naman na kaila sa mga mata ng matanda ang damdamin niyang iyon.

Maya maya ay nagpalinga linga ito sa paligid. Pagkatapos ay bigla siyang iginiya papasok sa loob ng bahay. Puno ito ng pag-aalala.

"Halika doon tayo sa loob hindi ka nila p'wedeng makita dito sa labas. Pumasok na tayo sa loob madali ka! Hindi ka na dapat bumalik dito, baka ikapahamak mo pa ang pagparito. Hindi ka ba natatakot na bata ka?" Nag-aalala saad nito.

"H'wag po kayong mag-alala nag-ingat naman po ako ng pagpunta dito. Saka hindi naman mahahalata ni Anselmo na narito pa rin ako. Dahil ang alam po niya papunta na ako ngayon ng Cebu. Pero tinakasan ko po ang mga tauhan niya kanina sa pantalan. Ang akala po nila nakasakay na ako ng Barko, ngunit ang hindi nila alam bumalik ako rito."

"Yun na nga baka malaman ni Anselmo na narito ka pa baka mapahamak ka lang anak? Saka walang dapat makaalam na narito ka kahit pa ang mga taga Baryo. Hindi natin alam kung sino ang tapat sa ama mo. Hindi dapat malaman ni Anselmo na nagpunta ka rito. Hindi ka na dapat bumalik! Ang paglayo mo sa lugar na ito ang tanging paraan para maging ligtas ka at mamuhay ng tahimik at alam mo 'yan anak." Habang paupo na sila sa kubling bahagi ng bahay.

"Tahimik? Kahit kailan hindi ako natahimik! Dahil patuloy akong sinusundan ng anino ni Anselmo Tatay Kanor. Katunayan kasama ko pa nga siyang bumalik ng Sta. Barbara." Kwento pa niya na ikinagulat naman nito.

"Ano, a-anong ibig mong sabihing kasama mo siya?" Naguguluhang tanong pa nito.

"Kagaya pa rin po ng dati gusto niya akong kilalanin bilang anak niya. Lagi na lang niya akong pinasusundan sa mga tao niya at sa tuwing nahuhuli nila ako sumasabay na lang ako sa agos. Kahit mahirap para sa akin na tanggapin ang sitwasyon. Ang makasama ang taong mismong pumatay sa aking Papang at Mamang at naging dahilan kung bakit miserable ang buhay ko ngayon!"

Hindi na rin niya napigilan pa ang patuloy na paglandas ng luha sa kanyang mga mata. Kahit patuloy rin niya itong pinapalis ng kanyang palad.

Nagpatuloy lang siya sa kanyang pagsasalita ng hindi kumibo ang matanda na parang bang may iniisip pa ito.

"Wala yatang pinakaligtas na paraan kun'di ang sumabay ako sa agos at hayaan ko na lang na kilalanin niya ako bilang anak."

"Pero mahirap ang ganu'n anak paano kung...?"

"May naisip na po akong paraan sa pagkakataong ito makakaganti na rin ako sa kanya. Magbabayad siya sa lahat ng mga kasalanan niya!"

Mariin niyang saad habang matalim ang tingin sa kawalan. Nasa mukha niya ang galit at sama ng loob.

"Anak! Delikado ang iniisip mo, kahit ang iyong ama hindi ka niya hahayaang maging gan'yan."

Nag-aalalang saad ng matanda habang napapailing na tumingin sa kanya. Hindi nito mapigilang hindi mag-aalala sa nakikitang galit sa kanyang mukha.

"Hindi ako matatahimik hangga't nariyan siya. Saka gusto kong bawiin ang lahat ng kinuha niya sa amin Tatay Kanor. Gusto ko ring pagbayaran niya lahat ng ginawa niya sa amin!"

"Anak h'wag na, lalo lang magiging magulo ang buhay mo kapag ginawa mo 'yan! H'wag mong hayaang balutin ng galit ang puso mo anak. Dahil alam ko 'yan din ang sasabihin sa'yo nang amang mo!"

"Pero paano kami magkakaroon ng katahimikan kung patuloy niya kaming susundan. Hindi kami matatahimik ng anak ko hangga't hindi siya nawawala sa buhay namin."

"Anak, may anak ka na?" Magkahalong tuwa at pagtataka ang nasa mukha nito.

"Opo! Hindi po alam ni Anselmo ang tungkol sa kanya at hindi ko rin hahayaan na malaman pa niya. Kaya hangga't hindi siya nawawala sa landas namin hindi na kami magkakaroon ng katahimikan."

"Pero hindi mo kailangang maghiganti, kahit alang-alang man lang sa anak mo."

"Hahayaan ko na lang bang ganu'n ang lahat? Paano na lang ang ginawa niya sa pamilya ko Tatay Kanor?"

"Mas mabuti kung lalayo na lang kayo kasama ng ama ng anak mo!" Suhestyon pa nito.

"Wala hong ama ang anak ko."

"Ha! Paanong?"

"Magulo po ang buhay ko Tatay Kanor. Mula ng mamatay ang Papang pagkatapos ang Mamang. Mula noon ako na lang mag-isa ni hindi ko natapos ang pag-aaral ko. Dahil kailangan kong magtago sa kahit anong paraan. H'wag lang malaman ni Anselmo kung nasaan ako. Kaya hindi ako nagkaroon ng normal na buhay simula pa noon. Ngayon sabihin n'yo nga sa'kin, kung bakit hindi ko gugustuhin na tuluyan ng mawala si Anselmo sa landas ko?" Napailing na lang ang matanda dahil sa sinabi niya.

"A-ang kapatid mo nga pala nakita mo na ba siya, nagkita na ba kayo anak? Magkasama na ba kayo ngayon?" Sunod-sunod nitong tanong.

Pagak siyang tumawa bago pa sumagot...

"Hindi ko na siya maaasahan pa Tatay Kanor, wala siyang kwenta! Kinalimutan na nga niya kami ng Mamang. Dahil wala na talaga siyang balak na balikan pa kami noon pa man. Dahil masaya na siya ngayon at hindi man lang niya kami naiisip." Masama ang loob niyang saad.

"Baka naman may dahilan siya Iha? Sigurado ako na hindi 'yun gagawin ng kapatid mo. Nagkita na ba kayo, sinabi mo na ba sa kanya ang nangyari sa iyong Mamang nagkausap na ba kayong dalawa?" Tanong ulit nito.

"Paano ko gagawin 'yun kung nagkukunwari siyang hindi ako kilala? Ang galing nga niyang umarte e' akala mo totoong hindi niya ako kilala. Kahit kaharap ko na siya ang galing-galing niyang magkuwari. Hindi man lang niya magawang iparamdam sa'kin na magkapatid kami..."

Sa pagkakataong iyon hindi na niya napigilan pa ang sariling emosyon.

Niyakap na lang siya ni Mang Kanor para kahit paano gumaan ang kanyang kalooban.

"Hindi pa rin ako makapaniwala na magagawa 'yun sa'yo ng kapatid mo. Baka lang talagang hindi ka niya nakilala. Dahil sa malaki ang ipinagbago ng itsura mo ngayon?" Saglit pa siya nitong pinagmasdan.

"Kalokohan! Limang taon lang kaming hindi nagkita at hindi ako naniniwala na hindi niya ako makikilala. Kapatid niya ako Tatay Kanor hindi ako kung sino lang..." Pagmamatigas pa rin niya.

"Bakit hindi mo siya kausapin? Sabihin mo sa kanya ang mga nangyari sa inyo ng Mamang mo magmula ng iwan niya kayo para naman matulungan ka ng kapatid mo anak."

"Bakit pa? Mukha namang wala na siyang interest sa akin. Kasi masaya na siya ngayon, napunta siya sa mayamang pamilya kaya kinalimutan na niya kami. Nagpapanggap siya ngayon na ina ng isang batang hindi naman talaga niya anak. Pero ang totoo maaaring sinasamantala lang niya ang pagkakataon para patuloy na madikit sa pamilyang 'yun palibhasa maganda ang naging buhay niya ngayon. Hindi tulad ko na dapat sana siya ang nagpapasan ng lahat ng ito!"

"Anak huminahon ka! Baka lang hindi kayo nagkakaunawaan pa? H'wag mo sabihin 'yan sa iyong kapatid. Bakit sa nakikita ko sa'yo ngayon parang nagtatanim ka ng galit sa kanya? Alalahanin mo na kapatid mo pa rin siya. Hindi ka dapat magalit sa kanya."

"Hindi ko na siya kapatid, wala akong nakikita na kahit anong palatandaan na naaalala pa niya kami o iniisip man lang! Dahil wala na rin siyang pakialam sa akin, kaya wala na rin akong pakialaman pa sa kanya! Subalit sisiguraduhin kong pagsisisihan niya na kinalimutan niya kami." Malakas na niyang salita.

Dahil hindi na niya makontrol ang sarili sa nararamdamang sama ng loob.

Lagi na lang niyang itinatago ang lahat ng nararamdaman niya at ngayon lang ito nasabi sa iba.

"Anak tama na! Huminahon ka napupuno ng galit ang puso mo. Hindi 'yan magugustuhan ng Papang mo anak!" Pagpapakalma nito sa kanya.

"Tama kayo Tatay Kanor hindi ito magugustuhan ng Papang ko! Ang ginawa niyang paglimot sa amin, ang pagpapabaya niya, ang hindi niya pagtupad sa kanyang pangako. Lumalabas lang ang tunay niyang kulay palibhasa may pinagmanahan!"

"Tama na, hindi tamang sabihin mo iyan! Alam kong wala akong karapatang panghimasukan ang buhay n'yong magkapatid. Pero bilang pinagkakatiwalaan at kaibigan ng iyong ama. Saksi ako kung paano niya kayo pinalaki at alam ko rin kung paano kayong lumaking magkapatid. Kaya sigurado ako na sa puso n'yo naroon ang pagmamahal sa isa't-isa at hindi 'yun ganu'n kadaling mawawala. Para ko na rin kayong mga anak o apo kaya ayokong nakikita kayong gan'yan na may galit sa isa't-isa. Alam ko 'yun din ang gugustuhin ng inyong ama."

"Hindi n'yo kasi alam, marami nang nagbago mula noon. Hindi n'yo alam, kasi hindi n'yo na siya nakita pa ulit. Binago na siya ng karangyaan na tinatamasa niya ngayon. Marahil natatakot siya na mawala sa kanya ang lahat kaya hindi na siya bumalik."

"Kausapin mo siya anak para malaman mo kung ano ang dahilan niya at kung bakit hindi na soya nakabalik? H'wag mo sanang pangunahan ang lahat. Dahil mas mabuti kung sa kanya mo mismo malalaman ang totoong nangyari, kung bakit bigla siyang nagbago sa'yo?"

"Bakit n'yo ba siya pinagtatanggol tulad rin kayo ng Papang. Palagi na lang siya ang kinakampihan n'yo palibhasa siya ang paborito n'yo!" Sabi niya na bagama't sa mahinahon nang salita subalit naroroon ang hinampo.

"Hindi naman sa ganu'n anak, pinapaunawa lang namin sa inyo sa makatwirang salita."

"Palibhasa hindi n'yo naman alam kung ano ang pakiramdam ko saa tuwing kasama ko siya at alam kong binalewala lang ang niya ang lahat ng pangako niya! Paano kung sabihin ko sa inyo na magkasama lang kami sa iisang bahay pero parang hindi kami magka-kilala?"

"Ha! A-anong ibig mong sabihin anak, anong m-magkasama na kayo?"

*****

By: LadyGem25