PARANG zombie na si Jemaikha nang lumabas ng kuwarto. Nanlalalim na ang mga mata niya at lutang ang pakiramdam. Isang buwan nang wala siyang matinong tulog muna nang isugod ang ama sa ospital at ma-confine doon.
Isang lalaki na nakasuot ng puting long sleeve polo at black pants ang lumapit sa kanya. Nakilala niya ito bilang driver ng pamilya ni Hiro na nagbitbit ng prutas at pagkain nang dumalaw ang mga magulang ni Hiro sa ama niya sa ospital. "Ma'am, ipinapasundo po sila ni Ma'am Estella Hinata."
Nakilala niya ang pangalan ng ina ng nobyo. Tumango siya at sumunod sa lalaki. Isang itim na Cadillac ang naghihintay sa kanya. Ipinagbukas siya ng pinto ng sasakyan at nakaupo na ang ina ni Hiro sa leather seat. Tinapik nito ang bakanteng upuan. "Get inside, Jemaikha."
"Good afternoon po, Ma'am," bati niya sa babae at umupo sa tabi nito.
"Nagsabi ako kay Hiro na magdi-dinner tayo. Di natuloy ang outing natin dati. I hope that is fine."
"I-It is an honor," sabi niya. Bagamat ngumingiti ang babae ay may kapormalan pa rin. Idinala siya nito sa isang garden cafe sa Old Balara.
Pakiramdam niya ay nakasalang siya sa isang job interview habang kinukumusta nito ang pag-aaral niya at ang kalagayan ng ama. Nabigyan siya ng warning ni Hiro na may kapormalan ang magulang nito. Hindi niya napaghandaan iyon.
"May mga concerns lang ako, hija. Nag-charge nang mahigit one hundred thousand ang credit card niya," sabi ng babae nang akmang susubo si Jemaikha ng matcha cheese cake.
"Nagamit po iyan ni Hiro dahil sa emergency. K-Kinailangan lang po ng para sa operasyon ni Tatay. Mapilit po siya. S-Sabi po niya maiintindihan ninyo. Babayaran ko po iyon," maagapa niyang sabi.
Tumaas ang kilay nito. "How?"
Alumpihit siya sa upuan. "Hindi ko pa po alam sa ngayon. Pero m-may lupa pa po kami. Pwede po naming isanla iyon pero kailangan po munang masabi sa tatay ko. H-Hindi ko pa lang po masabi ngayon dahil baka lumala ulit ang kondisyon niya."
"We don't need the money. Keep it. Nagbenta na ang anak ko ng stocks para lang di lumobo ang utang. It is his money anyway. Di na ako nakikialam sa mga desisyon niya mula nang mag-eighteen siya."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Alam niyang nai-set up ng magulang ni Hiro ang stocks na iyon mula pagkapanganak dito para may sarili itong pera pagdating sa tamang edad. At sa pamilya niya napunta. Katwiran ni Hiro ay maliit na bagay iyon para sa buhay ng ama niya pero mukhang big deal iyon sa magulang ng binata. "Sorry po." Baka isipin ng mga ito na gold digger siya o sinasamantala niya si Hiro.
"I'll be frank. Hindi kita gusto para sa anak ko."
"Dahil po mahirap ang pamilya ko?" tanong ng dalaga.
"I don't mind if you are dirt poor. Hindi isyu sa akin kung mahirap ka basta galing sa kagalang-galang na pamilya."
Kagalang-galang? Di ba kagalang-galang ang pamilya niya? "May problema po ba kayo sa amin? Wala naman pong masamang ginagawa ang pamilya ko."
"So, you are not aware of your father's embezzlement case. Here." At inilapag ang folder sa harap niya. "Bata ka pa siguro nang mangyari iyan kaya wala kang alam."
Nanginginig ang kamay na dinampot iyon ng dalaga. Naroon ang dokumento na naglalaman sa mga record ng pagnanakaw ng ama niya sa dati nitong kompanya. Nangilabot siya dahil nasa tatlong milyon din ang halaga niyon. At nangyari iyon nang matuklasan na may cancer ang ama.
"Pero malaya si Tatay. Wala ring kaso na isinampa sa kanya," argumento niya.
"Ibinenta niya ang mga ari-arian ninyo kaya hindi siya nakulong."
Gusto man niyang ipagtanggol ang ama na mabuti itong tao, ano pang laban niya? Nasa harap na niya ang lahat ng ebidensiya. At pinagbayaran iyon ng ama niya.
"Pero wala po akong kinalaman dito," anang si Jemaikha.
"Meron. Kapag kumalat ang tungkol dito,pati pangalan ng pamilya namin masisira. We have enemies, Jemaikha. Laging humahanap ng ibubutas sa amin. We have investors and shareholders who are very concerned about their investments. If they will learn about our family background, it could ruin our family as well. Naiintindihan mo ba?"
Napilitan siyang sumang-ayon kahit na sukal sa kalooban niya. "O-Opo."
"At the end of this semester, Hiro will go back to Japan to end his studies in Tokyo University. Mas makakabuti siguro kung maghihiwalay na kayo no'n."
Natulala siya. "Po?"
"Mas mabuting hiwalayan mo na siya kaysa naman malaman niya ang tungkol sa sekreto ng ama mo at siya pa ang lumayo sa iyo. Kung mahal mo talaga ang anak ko, hihiwalayan mo siya. Para sa kapakanan niya. Naiintindihan mo ba ako?"
Bakit kailangang mangyari ito sa pamilya niya? May sakit na nga ang tatay niya, kailangan pang gamitin ang kasalanan nito noon para lang ilayo siya kay Hiro.
Tumango siya at tahimik na umiyak. Isa iyong giyera na di niya kayang ipanalo. Para sa kinabukasan ni Hiro. Para sa katahimikan ng may sakit niyang ama. Wala siyang magagawa kundi isakripisyo ang puso niya.