Chapter 45 - Chapter 5

"BYE, Tay. Pupunta na po ako sa UP."

Hinalikan ni Jemaikha ang amang si Elpidio sa noo. Nakataray ito dahil sa liver cancer na natuklasan nila noong taon. "Enrollment na ba ninyo? Pasensiya ka na kung wala akong maiaabot sa iyo," anitong hirap magsalita.

"Okay na po iyon. Basta po magpagaling kayo."

Sa isang linggo pa ang enrollment niya pero kailangan niyang magtanong-tanong sa mga professor at kakilala kung may maiaalok na trabaho sa kanya ang mga ito. Wala pa rin kasing sagot sa pinost niya sa bulletin board.

"Ikaw na ang nagtatrabaho para sa atin," malungkot na sabi nito.

"Tatay, huwag po kayong magi-guilty. Alam ko naman na kung gugustuhin ninyo, kayo ang magtaguyod sa amin. Magagawa po ninyo ulit iyan paggaling ninyo. Hindi naman ako tumigil sa pag-aral, di po ba? Scholar pa rin ako. Honor pa si Robin."

She was running out of options. Gusto niyang makapagtrabaho bilang freelance translator kung saan di niya kailangang pumasok sa opisina. Niyayaya na siya ng mga kaklase na maging online translator pero tinanggihan niya dahil priority niya ang pag-aaral. Nakita kasi niya kung paanong di nakakapasok ang iba sa mga ito klase dahil mas priority na ang pagtatrabaho. At ilan sa mga ito ang titigil na sa pag-aaral. Ang matataas na grades niya ang nagpapasaya sa ama niya kaya ayaw niyang sukuan ang pag-aaral.

"O! Magdadrama po ba kayo na mag-ama? Ang aga namang telenovela. Umalis ka na at baka ma-traffic ka pa," pagtataboy ng tiyahin ni Paloma sa kanya.

Maayos ang buhay nila dati hanggang magkasakit ang ama niya. Ngayon ay tiyahin na nila ang katuwang. Mula sa probinsiya ay lumuwas ito para tumulong sa pag-aalaga sa tatay niya at sa kanilang magkapatid. May bukid na pinauupahan ang tiyahin niya sa probinsiya at iyon ang pantustos sa pagpapagamot sa tatay niya.

"Kayo na po ang bahala sa Tatay. Tulungan mo si Tiya dito," bilin niya sa kapatid na naglilinis ng sahig. "Baka mamaya kasama ka sa mga tambay diyan sa kanto na ang ginawa lang maghapon ay mag-abang ng magagandang babae."

"Oo, Ate. Magbabait ako. Ikaw ang magbabait. Baka bigla kang mag-boyfriend," panunukso ng kapatid sa kanya.

Pinanlakihan niya ito ng mata at inambaan ng suntok bago lumabas ng bahay. Wala na ngang makain, magbo-boyfriend pa. She didn't have the luxury to date. Mahalaga sa kanya ang pag-aaral niya. She loved UP. Bata pa lang siya ay doon na niya pangarap mag-aral. At excited na siyang bumalik sa eskwelahan.

May kasama ring pag-aalinlangan dahil kailangan niya ng trabaho. Nagpatulong na siya sa mga kakilala at nag-ask ng recommendation sa agency ng professor niya.

Dasal lang. Magkakaroon din iyan. Samahan lang ng dasal.

Pagbaba sa jeep sa overpass sa Philcoa ay naglakad siya papunta sa terminal ng jeep papasok ng UP. Natigilan siya nang makita ang isang matangkad na lalaki na pinagkakaguluhan ng mga batang kalye. Pawang nakalahad ang kamay ng mga ito sa lalaki. Madudungis ang mga ito, nakayapak ang iba at parang ilang araw nang hindi naliligo.

"Son Gokou, give me money!" sabi ng isang bata at naggayahan na na ang iba.

"Me! Me! I want money," anang isa pa.

Hindi sana papansinin ni Jemaikha ang mga ito dahil normal naman nang pagkulumpunan ng mga batang kalye ang mga nagbibigay ng limos sa mga ito. Kapag nagbigay sa isang batang kalye, maggagayahan din ang iba. Hanggang mapagmasdan niyang mabuti kung sino ang pinagkakaguluhan ng mga batang kalye - si Hiro.

Tatlong araw na ang nagdaan mula nang makulong sila sa elevator. Akala niya ay hindi na sila magkikita ulit. Anong ginagawa nito sa Philcoa? Mag-isa lang ba ito? Nasaan ang bruhang girlfriend nito?

"Food only. Okay?" anang lalaki at inabutan ng cupcake ang mga ito. May feeding program ba ang lalaki?

Napansin ni Jemaikha na may mga batang dismayado sa natanggap na pagkain. "Money! I want money," sabi ng isa at inabot ang bag ni Hiro.

"Hoy! Hoy! Hoy!" sabi ng lalaki at pumihit nang maramdaman na may kumukuha ng bag nito. Hindi marahil nito alam kung paano sasawayin ang mga bata.

"Hoy, bata!" bulyaw ni Jemaikha at lumapit sa mga ito. "Anong ginagawa ninyo? Binigyan na kayo ng pagkain, kailangan pang pati pera? Di man lang kayo mag-thank you?"

"Pero marami naman siyang pera. Bigyan na lang niya kami," sabi ng pinakamalaki sa mga bata na sa tantiya niya ay nasa dose na.

"Huwag na kayong manghingi at mapasasalamat kayo! Gusto ba ninyo huwag na kayong makaulit na bigyan?" tanong niya at pinanlakihan ng mata ang mga ito. Umiling ang mga ito. "Sabihin ninyo, "arigatou gozaimasu"." At yumuko.

"Arigatou," sabay-sabay na sabi ng mga bata at nagsiyuko rin gaya niya.

Ngumiti si Hiro. "Douitashimashite," sabi naman ng lalaki at ginulo pa ang buhok ng ibang bata.

Bumanat pa ang pinakamalaki sa mga ito. "Maraming salamat, Kuya. Ang sungit ng girlfriend mo." At biglang nagtatakbo palayo. Nagtawanan ang ibang bata at nagsunuran sa tumatayong leader ng mga ito.

"At ang mga lokong ito. Halika nga dito. Bumalik ka!" bulyaw niya at inambaan ito ng suntok.

"Omoishiroi desu (You are funny)," sabi ni Hiro na lalong gumuwapo habang tumatawa.

Nakakatawa daw siya. Siya na nga ang nasabihan ng masungit dahil sa pagtatanggol dito, ginawa pa siyang katatawanan. Uminit tuloy ang ulo ni Jemaikha. Hindi man lang nito naisip kung gaano kadelikado ang wallet nito kanina. Nagagawa pa nitong tumawa.