Chapter 48 - Chapter 8

"JEM, sama ka sa La Union. Dadalaw kami sa grape farm ng tito ko tapos mag-swimming tayo. Marami daw guwapong surfer sa San Juan sabi ng tito ko," kinikilig na yaya ng kaibigang si Rheinn sa kanya.

"Di pwede. Alam n'yo naman na tipid na tipid ako dahil kay Tatay," sabi niya at sumipsip ng softdrink.

Nakipagkita siya sa mga high school friends sa sari-sari store at maliit na kainan na pag-aari ng pamilya ni Cherie. Ito kasi ang bantay sa gotohan at nagpasama sa kanilang tumao doon. Ito kasi ang kahera at sa halip ba magkita sa mall, ililibre na lang daw siya nito ng unlimited lugaw. Iyon di ang tambayan nila noong high school sila. Iba't ibang university na ang pinapasukan nila, iba't iba rin ng kurso pero kapag may pagkakataon ay nagkikita-kita sila.

Gustong-gusto niyang mag-beach pero alam niya ang prioridad sa ngayon. Di ata niya maatim na magsaya habang nahihirapan ang pamilya niya at may sakit ang ama.

"Wala ka namang babayaran sa sasakyan at pagkain. Ikaw na lang ang kulang," anang si Cherie na ni-refill ang lugaw niya. "Saka na 'yang trabaho kapag nakauwi na tayo. At least fresh na fresh ka mula sa bakasyon."

"Kami na ang magpapaalam kay Tito," prisinta naman ni Mayi kung nag-aalala siya na di ka payagan. "Papayagan ka no'n. Di pwedeng ikaw lang ang maka-miss ng mga chika at adventure."

Maasim siyang ngumiti. Alam naman niya na papayag ang amang si Mang Elpidio. Nagi-guilty na nga ito na kailangan niyang magtrabaho at di na niya nae-enjoy ang pagiging teenager. "Salamat na lang pero may trabaho na ako. Japanese na exchange student ang tuturuan ko."

"Guwapo ba?" kinikilig na tanong ni Rushell. "Baka naman pwede mong ipakilala sa amin."

"Hindi. Maganda. Mas maganda pa sa akin."

Totoo naman na nakaka-insecure ang gandang lalaki ni Hiro. Mas makinis pa ang balat sa kanya at maamo ang mukha. At parang di niya feel na ipakilala sa mga friends niya. Okay na siya sa impaktang si Shobe para maging girlfriend ni Hiro. Hindi na kailangang makisawsaw sa gulo ng mga kaibigan niya.

Tumango-tango si Cherie. "Ah, babae. Pwede mo naman siguro siyang isama sa atin. Pati kami tuturuan siya na mag-Japanese. Para naman makita niya kung gaano kaganda ang Pilipinas."

"Nag-sign up kasi siya sa intense lesson. Three weeks na lang ang natitira sa amin bago ang simula ng klase. Kailangan niyang matuto agad. May pagka-uto-uto kasi. Namigay ng pagkain sa mga street children at muntikan nang manakawan kung hindi ako dumating," kwento niya. "Pakiramdam ko responsibilidad ko siya. Di ko basta maiwan. Saka baka mailang siya sa ibang tao ngayon."

"Ayan! May blessing naman na kapalit dahil may trabaho ka na," sabi ni Rushell.

"Sige na nga. Pasalubungan ka na lang namin," sabi ni Cherie at napunta naman ang usapan sa crush ni Rushell na nakasabay nito sa bus nang magbakasyon sa Laguna.

Matapos ang meet up nila ay tumuloy siya sa condo ni Hiro. Sa hapong iyon ang unang session nila. Magluluto din siya at maglilinis ng bahay kung kinakailangan. Dala din niya ang kasunduan nila ng lalaki na nakasulat sa English at kanji para maintindihan nito. Mabuti na lang at isang professor niya sa pagta-translate. Sana lang ay sapat na iyon kay Hiro. Huwag na sana itong tumawad sa labinlimang libo na sinisingil niya sa pagtuturo dito dahil may extra service siya bilang kasambahay. Mabuti na iyon kaysa naman wala siyang trabaho.

Nag-doorbell si Jemaikha pagdating sa unit ng lalaki. Nasa pinakadulong unit ito nakatira. "Konnichiwa!" bati niya pagbukas ng pinto.

"Konnichiwa," bati rin nito. "Ohairikudasai." Pumasok daw siya.

Hinubad niya ang sapatos at isinuot ang panloob na tsinelas na pinagamit nito. Namangha siya pagpasok dahil malinis ang unit nito. Organized lahat. Walang kahit isang kalat. May dalawang kuwarto ang unit at may balkonahe pa. Maaliwalas ang lugar at maganda rin ang view ng Marikina Valley na natatanaw doon. May Sony Bravia LCD TV sa sala at sound system. May floor chair na nakapaikot sa low table. May white L-shaped low sofa na nakadikit sa malaking Japanese wooden latice na nakadikit sa dingding. Very zen. Nakaka-relax. Parang wala siyang lilinisin. Walang naligaw kahit na isang alikabok.

Inalik siya ni Hiro ng inumin at pagkain pero tubig lang ang hiningi niya. Inilapag niya ang module na gagamitin sa low table at umupo sa low chair. Umupo sa tabi niya ang binata matapos siyang bigyan ng baso ng tubig. "Dare ga koko ni sunde imasu ka? (Who lives here with you?)" tanong niya kung sino ang kasama nitong nakatira doon.

"Watashi dake. (Just me)," mag-isa lang daw itong nakatira doon. Ipinaliwanag nito na gusto nitong maging independent lalo na't beinte uno na ito. Gusto nito na makatayo sa sarili nitong paa.

"Read this," aniya sa lalaki at ibinigay ang magiging kontrata nilang dalawa.

"Nani?" tanong nito at puso ng kuryosidad na sinipat ang papel.

"A contract."