"Sino nga pala yung tinutukoy mo na babaeng dumating?"
Tanong ni Roland kay Kapitan Tyago sa telepono.
Kapitan Tyago: "Si Isabel ho, Tyong, Isabel delos Santos!"
"Huh?!"
Nagulat si Roland sa narinig na pangalan.
'Sya din kaya yung Isabel na pinamanahan ni Luis ng Sampung Milyon?'
Natural lang na hindi nakilala ni Kapitan Tyago ang mga dating nakatira sa San Roque kagaya ni Isabel, dahil hindi sya dito ipinanganak at lumaki.
Si Roland at si Santiago ay sa parehong nagmula sa bayan ng Santol, Laroza duon sila ipinanganak at lumaki.
Malayo layo layo din ito sa bayan ng San Roque mga ilang bayan din ang pagitan.
Napadpad si Roland sa bayan ng San Roque dahil kinuha itong katiwala ng ina ni Luis sa bakery na ipinatayo nito.
Hindi rin nagkakilala si Roland at Issay dahil ni minsan hindi nagkukrus ang landas nila. Malayo kasi ang bakery nila Luis sa bahay ni Issay at hindi naman ito nabili ng tinapay. Sinangag lagi ang nakasayan nilang agahan.
At si Kapitan Tyago naman kaya napadpad dito sa San Roque ay dahil dito sila nakabili ng bahay ng asawa nya.
Roland: "Tyago, sigurado ka ba na yung tinutukoy mong Isabel ang mayari? Baka naman nagbabakasyon lang!"
Naalala ni Roland, nung isang araw, nakausap nya ang kanyang pinsan na si Ruben.
Isa si Ruben sa mga kamag anak nila ni Luis na nanggulo sa prutasan ni Isabel.
Ayon kay Ruben, hindi daw nagbubukas ng prutasan nya si Isabel dahil nagbakasyon.
Kapitan Tyago: "Hindi ko pa ho tyak, Tito Roland, pero huwag kayong magalala, aalamin ko!"
Roland: "Mabuti pa ngang alamin mo muna ng hindi tayo nanghuhula! At saka ka na tumawag kung may maganda kang sasabihin!"
Kapitan Tyago: "Sige, Tyong aalamin ko agad!"
Hihirit pa sana ito pero binabaan na sya ni Roland. Masama tuloy ang loob nya dahil hindi man lang sya nakadelehensya sa tyuhin nya.
"Haaay naku, ang kuripot talaga ng tyuhin ko na yun, kahit kailan ang hirap maisahan! Akala ko pa naman makala delihensya na ako!"
Simula ng naupo ito bilang kapitan ng baranggay, mga anim na buwan na ang nakararaan, inutusan na sya ni Roland na asikasuhin na mailipat ang pagaari ng bukid sa pangalan nya.
Si Kapitan Tyago ang nagpakita sa kanya ng bukid na ito at unang kita pa lang nya dito, nagkainteres na sya agad.
Kaya ito ang ipinangako ni Kapitan Tyago sa kanya. Tutulungan nya itong mapasakanya ang bukirin kung tutulungan sya ni Roland na makaupo bilang kapitan ng baranggay.
At pumayag naman si Roland. Hindi sya basta basta magbibigay ng pera ng walang magandang kapalit.
Kaya pagka upong pagka upo pa lang ni Santiago Ledesma bilang Kapitan ng Baranggay Ilaya, ito na agad kanyang inaasikaso.
Pero sadyang binabagalan nya ang pagaasikaso sa paglipat ng pagaari sa pangalan ni Roland para sa ganun ay makahuthot pa ito ng pera sa tiyuhin.
Malay ba naman nya may biglang darating na Isabel delos Santos.
*******
"Hoy Issay! Ikaw ba yan?"
Napalingon si Issay nang may tumawag sa pangalan nya.
Kasalukuyan itong nasa labas at may binibili na personal na gamit.
Tinitigan ni Issay ang tumawag, pilit inaalala ang pangalan.
'Kilala ko sya, pero hindi ko maalala ang pangalan nya, nasa dulo ng dila ko!'
Alam nyang kaeskwela nya ito pero, sa tagal ng panahon hindi nya nakikita, hindi nya alam kung papano hahagilapin sa kukote nya ang pangalan ng dati nyang kaeskwela.
"Uhmm.... mabuti naman! Ikaw? kamusta?"
Bati na lang nya sa kausap.
Hindi pinapahalata ni Issay na nakalimutan nya ang pangalan ng kausap at baka ito magtampo. Habang kinakagat naman nya ang dulo ng dila at baka sakaling maalala.
"Kelan ka pa dumating? Naalala mo pa ba ako? Ba't wala ka nung reunion?"
Sunod sunod na tanong ng kaeskwela.
Sunod sunod din ang halukay ni Issay sa memorya nyang unti unti ng bumabalik.
"Oo naman kilala kita! Hehe!
Diba ikaw si ....si si Elen?"
Nahimasmasan sabi ni Issay ng biglang maalala ang pangalang ng kaeskwela.
Naalala nya ito sa boses ni Elen na parang maingay na ibon.
"Hehe! Akala ko nakalimutan mo na ako e, babanatan kita dyan!"
Masayang biro ng kaeskwela.
Si Elen ay isa sa mga naging malapit na kaibigan ni Issay nung high school.
Miyembro sila ng isang grupo sa skuwelahan na sila din magkakaeskuwela ang gumawa.
"Mabuti pa tatawagin ko ang grupo at ng makapag reunion tayo! Punta kami senyo mamaya, ha!"
Sabi ni Elen na sobrang na excite ng makita and kaibigan at dating kaeskwela.
"Okey sige, sige! magandang ideya yan!"
Nangingiting sagot ni Issay na halata ang pananabik sa dating kagrupo.
Pagdating ng bahay ni Elen agad nitong tinawagan ang mga dati nilang kagrupo.
Elen: "Oy Thelma, nabalitaan mo na ba? dumating na si Issay!"
Agad na sabi ni Elen.
Thelma: "Ha? Talaga? Kelan pa?"
Gulat na tanong nito
Elen: "Nung lunes pa daw!"
Thelma: "Loko yun! puntahan nga natin! Di man lang tayo sinipot nung reunion!"
Elen: "Oonga eh! Sinabi ko pupunta tayo mamaya. Ikaw na tumawag ke Avie at ako na ke Mache at sa iba pa!"
Thelma: "Ok sige magkita na lang tayo dun!"
Isa si Chedeng sa grupo nila na nakatanggap ng tawag kay Elen.
Nasa munisipyo ito ng mga oras na iyon, at binabasa ang nakapaskil sa bulletin board na nakatawag ng pansin sa kanya.
Pagkatapos ay kinuha ang nakapaskil na anunsiyo at dinala sa asawa.
"Arnold, anong ibig sabihin ng ganitong anunsiyo?"
Tanong ni Chedeng sa asawa.
Kinuha ni Arnold ang dalang anunsiyo ng asawa at binasa.
"Ahh... ito ba? Anunsiyo ito dun sa nakakakilala ng may ari ng lupain na iyan!
Napasama kasi yan sa mga nasunog na papeles, e me nag ke claim.
Ginawa yan para makasigurado na maibibigay sa tunay na mayari ang lupa!"
Paliwanag ni Arnold.
"Me nagke claim? E sino ba yun nag ke claim?"
Nagtatakang tanong ni Chedeng
"Si Roland Ledesma!"
Sagot ni Arnold.
Nagulat si Chedeng ng madinig ang pangalan ni Roland.
Marami na kasing lupain sa lugar nila na pilit binibili ni Roland at pagkatapos ay pinatatayuan ng subdivision.
Nakita ni Arnold ang pagduda sa mukha ng asawa kaya nagtanong ito.
"Bakit? Kilala mo ba ang mayari nyang lupa?"
Tanong ni Arnold
"Oo Si Aling Carmen ang nanay ng kaibigan kong si Issay. Patay na si Aling Carmen pero si Issay, narito sya, dumating nung isang araw at mamaya magtutungo kami sa kanila!"
Sabi ni Chedeng.
"Mabuti kung ganun. Dalhin mo yang anunsiyo para malaman nya!"