Chereads / The Best Chapter / Chapter 4 - Chapter 4

Chapter 4 - Chapter 4

KINABUKASAN ay masaya muling gumising ang dalaga. Ngayon ay mas ganado siyang bumangon at magtrabaho sa resort dahil sa nandoon ang binata. Habang may inaayos ang dalaga sa computer ay naisip niyang hindi pala niya alam ang check out date ni Adam. Kaya pinul-out niya ang record nito. Nakita niyang walang nakalagay na date kung kailan ito aalis.

"Naku! Stalking yan ma'am!" sita ni Iza nang biglang sumulpot ito sa likod ni Lovely at nakitang tinitignan ng amo ang record ng binata.

"Hindi ah!" sabay close ng file nito

"Wala talagang check-out date ma'am. Ako nag-asikaso nun kay Sir."

"Talaga?"

"Opo ma'am.Naalala ko pa nga, maghahating gabi na noon, amoy alak nga po yan at pinaalalayan ko pa kay Tonyo para ihatid sa kwarto niya. Siya yung tinanong niyo sa akin na guest na bakit walang apelyido sa file." Kwento ni Iza habang nag-aayos ng gamit dahil pauwi na siya

"Ah siya pala yun. That was two days before ko siya nakilala."

"Opo ma'am. Nakakulong lang talaga sa kwarto niya. Sige ho ma'am ayan na si Rose, babye po." Paalam nito

Napaisip si Lovely sa mga naikwento ni Iza. Nakaramdam siya ng awa sa binata. Nagkaganoon siya dahil sa naikwento nitong hindi natuloy ang engagement niya. Natigilan siya bigla. Naisip niyang baka kaya siya nilalapitan nito ay para lamang makalimot sa dati nitong girlfriend. Ang nararamdaman niyang awa kanina ay napalitan ng inis.

"Ano ako? Panakip-butas?" sa isip nito

"Goodmorning Lovely!" matamis na pagbati ni Adam paglapit nito sa kanya

Umirap ito sa binata at hindi pinansin. Agad nagtaka si Adam sa inakto ng dalaga.

"Oh bakit?"

"Wala, umalis ka na." matabang na tugon nito

Dahil mukhang wala sa mood ang dalaga ay hindi na nangulit pa si Adam.

"Teka nga pala! Yung sa record mo, kailan yung checkout date mo?" pahabol na tanong nito na tila naiinis

"Just leave it that way, wala pa akong planong umalis." Kalmadong tugon ng binata at saka umalis.

HABANG nag-iisa si Adam na nagkakape sa may cottage ay lumapit sa kanya si Mang Teban. Naitanong nito kung anong plano niyang gawin sa araw na iyon. Kibit-balikat lang ang tinugon ng binata sa matanda. Nagmungkahi ito ng mga pwedeng gawin at pasyalan ngunit tumanggi ang binata. Tila nabasa ng matanda ang problema nito.

"Nag-away kayo ni ma'am?" usisa nito

"Yun na nga ho Mang Teban eh, hindi kami nag-away. Okay na okay ho kami kagabi noong nagdinner kami. Tapos nitong binati ko ng umaga, inirapan ho ako." Takang-takang pagkukwento nito

"Naku Sir! Mga babae talaga, mahirap basahin. Pero alam niyo ho, sa mahigit tatlumpung taon kong kasama ang aking irog na si Tessie, may mga panahon pa ring hindi ko siya maintindihan." Sabay tawa nito

"Ano kaya ho yun?" tanong nito sa matanda

"Hindi talaga nila sasabihin bakit sila umaarte ng ganoon, ikaw na ang bahala mag-isip kung anong dahilan. Ang tanging ginagawa ko lang ay lambingin si Tessie hanggang sa kusa nitong sabihin ang dahilan kapag nawala ang inis niya sa akin."

Napatingin ang binata sa matanda. Tumayo na ito tinapik siya sa balikat.

"Alam mo ng dapat mong gawin." Ika nito sabay nagpaalam

Matapos ang usapang iyon ay nag-isip ito kung anong pwede niyang gawin para mawala ang inis sa kanya ng dalaga.

ALAS SINGKO na ng hapon, pasimpleng lumilinga-linga si Lovely sa paligid. Napangiti ito ng may natanaw siyang papalapit. Nakitang si Nanay Tessie pala at hindi ang taong inaasahan niya. Nadismaya ito ngunit hindi niya ito pinahalata. Nginitian niya ang matanda. Inaya siya nitong maglakad lakad tutal naman ay wala na siyang ginagawa sa front desk. Pumayag naman ang dalaga dahil hindi niya mahindian ang nanay-nanayan niya. Habang naglalakad sa dalampasigan ay nagkukwentuhan ang dalawa tungkol sa napapansin ng matanda sa kanya simula ng dumating ang binata sa resort.

"Napansin kong masaya ka nitong mga huling araw anak, tiyak kong masaya ang iyong mamamo sa nakikita niya." Wika nito habang nakakapit sa braso ng dalaga.

Sa di kalayuan ay napansin niyang kumakaway mula sa bangkang nakadaong si Mang Teban.

"Tinatawag tayo ng irog mo nanay." Natatawang wika nito

"Hayaan mo siyang maghintay, hindi tayo makakatakbo at matanda ang kasama mo" sabay tawa nito

Pagkalapit ng dalawa ay inaya sila ni Mang Teban na panuorin mula sa bangka ang pagbaba ng araw. Nakita ni Lovely ang kislap sa mata ni nanay Tessie. Ligaya ng tunay na pag-big sa isip isip niya. Bumaba si Alvin upang umalalay sa dalawa. Pumalaot ang mga ito. Si Lovely ay nakatabi at naka-alalay kay nanay Tessie. Panay ang tawa nila sa tuwing magtutungayaw ang matanda kapag tumataas ang alon. Halos lumabas ang ngala-ngala nila sa kakatawa habang nakikinig sa mga nakakatawang kwento ni nanay Tessie tungkol sa mga gawi ng asawa. Hindi namalayan ni Lovely na nasa isla na pala sila. Pagdaong ng bangka ay lumakas ang tibok ng puso niya. Hindi agad nakatayo si Lovely.

"Baba na anak, kanina ka pa hinihintay ni Adam." Malumanay na utos ni nanay Tessie.

"Kayo po?" pag-aya nito sa mga kasama sa bangka

"Hindi kami kasali sa date niyo anak." Tugon ng matanda