Chereads / Ang Kampilan na Humahati sa Hangin / Chapter 1 - Ang Ikaisang Kabanata

Ang Kampilan na Humahati sa Hangin

🇵🇭oinonsana
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 50.7k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Ang Ikaisang Kabanata

Sa Kapuluang Baha-Bahagi, sa pulo ng Alonsiya, sa napakalawak na lungsod na may mutya't batong mga dingding, namumuhay ang dalawang magkapatid. Sundan mo ang tigmamamanukan, kulay bughaw na lumilipad sa langit, papalapit sa barangay ni Datu Ranao. Pinupuno ng mga bahay kubo, gawa ng kawayan at rattan at kahit ano pang mga kahoy, ang lungsod. Sa gitna ng mga bahay ay isang bahay na bato, mahaba at malaki. Ito'y torogan, ang tahanan ng mga datu. Sa gitna ng buong lungsod matatagpuan ang Ilog Tararo, na siyang dumadaloy patungo sa karagatan.

Ayun, sundan natin ang lipad ng tigmamanukan, galing sa himpapawid hangga't sa kalupaan. Baba, baba. Pababa siya. Pasisid patungo sa lupa, patungo sa isang bahagi ng Kinulong na may dalawang magkapatid.

Dalaga't binata na.

Nakahiga yung isa sa lupa, nakataas ang isang kamay. Isa siyang malumanay na bata, mapuraw maliban sa isang batuk na umiikot sa kaniyang bukung-bukong. Tumadyak siya ng paatras. "Huwag po!" sigaw niya. Ang buhok ng lalaking ito ay nakatali at abot sa kaniyang mga balikat. Mukhang binata at mapayat.

"Ha? Wala kang karapatan na sabihan ako kung ano gagawin ko!" sagot ng lalaking papalapit sa kaniya, nakaangat ang isang panghampas na gawa sa rattan. "Isang alipin ka lamang! Wag ka umano!" Sabay baba ng panghampas.

Pumikit ang batang lalaki, umiiyak. Naiisip niya na hindi siya karapat-dapat na magkaroon ng batuk, kahit na nakapatay na siya ng mandirigma. Kung ganito siya katakot sa sariling niyang kabarangay, ano na magagawa niya sa isang totoong kalaban?

Hinintay niya ang paghampas ng matigas na rattan sa kaniyang balat.

Hindi dumating.

Binuksan ng lalaki ang kaniyang mata.

"Hoy! Gago ka ah! Wag mong guluhin kapatid ko! Wala siyang ginagawa!"

"Mangmang! Natamaan niya ako habang naglalakad at hindi siya humingi ng tawad!"

"E, ano ngayon? Maghanap ka ng tawad sa mga umalagad!"

Isang babaeng nakabalot sa pula na yambong ay gumitna sa kanila. Mahaba ang buhok niya, abot hita, at mayroon na siyang batuk na galing sa kaniyang bukung-bukong hanggang sa kaniyang hita at kanyang mga bisig.

Walang dudang isang matapang at magilas na mandirigma ang lalaki, sapagka't may batuk na siya na umaabot sa kaniyang dibdib.

Pero nandoon ang babae. Ang kapatid niyang si Mayumi. Walang takot, walang hiya.

"Ikaw na bata ka. Wala kabang galang sa mga nakakataas sa iyo?"

"Mayroon naman," ani niya. "Pero kayo po ay nagagalit sa wala. Paano ko mabibigyan galang ang isang taong nagagalit sa wala?"

"Isa lang siyang horohan!"

"Ako rin, aliping horohan lang, kuya," ani Mayumi. "Pero horohan kami ni Datu Ranao. Sabihin mo nga sa akin--kasama ka ba sa kaniyang dulohan?"

"Kawalang galang!" ani ng lalaki, sabay angat at hampas ng panghampas. Tumama ito sa pisngi ni Mayumi. Napasigaw siya at napadapa sa lupa.

"Mayumi!" sigaw ng bata.

Si Mayumi ay madaling tinulak ang sarili ng patayo. Tinignan niya ang kaniyang kapatid na si Bolan. "Huwag ka magalala, Bolan. Nandito lang ako." Lumingon siya, tapos umikot para harapin ang mabangis na lalaki. Sumimangot ang lalaki.

"Walang makakaurong sa akin dito, Siburan. Hindi mo sasaktan ang aking kapatid."

"Hoy! Bakit ang ingay dito sa labas?"

Napalingon ang tatlo. Parating na ang isang matangkad na lalaki. Kayumanggi yung balat niya, na medyo mas-maitim dahil sa araw. Siya'y nakabalot sa mga batuk, na umaabot sa kaniyang mukha. Ang batuk niya sa mukha ay ginuhit na parang isang panga ng buwaya, na tawag ay "bangut". Dahil medyo malamig ngayon sapagka't umiihip na ang hanging amihan, nakasuot ang Datu ng mahabang damit na galing sa kaniyang bakung-bakong, na kung tawagin ay yambong.

Kasama niya ang kaniyang panganay na anak sa kaniyang ika-isang asawa, nakasuot ng baluti, na gawa sa makapal na abaka, at sa ilalim niyon ang habay-habay na gawa rin sa abaca. Abot ito sa kaniyang tuhod. Mayroon siyang dalang pana sa kaniyang likuran.

Kasama rin ni Datu Ranao ang isang napakandang babae, medyo maitim na kayumanggi. Kasing itim ng buhok niya ang pinakamalalim na bahagi ng dagat. Nakabalot siya sa isang mahabang puti ng yambong, na may huwaran ng okir. Nakapiring siya, gamit ng isang telang itim. Kilala ni Bolan ang mga ito--ang anak ni Datu Ranao ay si Galura, isa ring maginoo. At ang magandang babae ay si Baylan Ylona, na hindi naman talaga bulag, nagsusuot lang ng piring para masmadaling makapaganito sa mga nilalang. Hawak niya ang kaniyang sibat na gawa sa buto ng buwaya.

"E, ah, Datu Ranao! Nanggugulo ang iyong mga walang galang alipin!"

Lumitaw ang tinig ni Mayumi. "Hindi 'yan totoo, Datu Ranao! Nabunggo lang siya ng aking kapatid, at hindi niya mapakawalan!"

Napaisip si Datu Ranao, sabay tingin kay Bolan. "Humingi ka na ba ng tawad?"

Lumingon si Siburan kay Bolan. Binuka ni Mayumi ang kanyang bunganga upang may sabihin pa, pero tumango si Bolan. "Patawad po, Datu. Hindi pa ako naghihingi ng tawad."

Tiningnan ni Datu si Siburan bago lumingon uli kay Bolan. "Timawa si Siburan, Bolan. Karapat-dapat lang na humingi ka ng paumanhin."

Tumungo si Bolan. Lumuhod siya sa harapan ni Siburan, hindi niya tinitignan ang timawa. "Timawa Siburan, naghihingi po ng paumanhin ang inyong nakababa."

Tumingin si Siburan kay Mayumi, na nakataas ang isang kilay. Nakakapamatay ang simangot ni Mayumi. "O, tignan mo. Andali lang naman pala, hindi ba? Pinapatawad kita, alipin. Sulong, punta ka sa iyong Datu."

"Salamat po, timawang Siburan." At tumayo si Bolan. Lumingon siya kay Mayumi. Nakita niya na parang umaapoy ang titig niya kay Siburan, at natakot siya.

"Mayumi, halika na."

Iniling niya ang kaniyang ulo, tapos naglakad patungo kay Datu Ranao. "Hayaan mo, Bolan. Gaganti rin tayo."

Huminga si Bolan ng malalim at hinabol ang kaniyang kapatid.

Nung lumapit sila sa Datu, yumuko ang magkakapatid. "Salamat po, aming Datu."

"Mayumi at Bolan," ani ng Datu. "Mabuti naman na hindi kayo napahamak..." Nakita niya si Mayumi. "...na labis."

"Ah, ito? Wala ito, Datu." Ikinibit ni Mayumi ang kaniyang balikat. "Patawad po na naabala kayo sa ingay namin."

Umiling si Datu Ranao. "Alam ko naman kung ano ang nangyayari. Nais ko lang mapangalagaan ang aking mga alipin."

Ngumiti si Mayumi. "Salamat po, Datu."

"Tara. Mag-aanito na ako."

"Mag-aanito po? Para saan?" Tanong ni Bolan.

"Ah, hindi ko ba nasabi sa iyo? Tayo'y mangangayaw sa hilaga. Nagtapon na ako ng ipin ng buwaya tatlong araw bago ngayon. Maganda ang lumabas."

"Marikit ang kapalaran," ani Galura, ang anak ni Datu Ranao.

"Bilang aliping horohan ko, karapat dapat lang na kasama kayo."

"Opo, Datu Ranao," ani Mayumi, habang nakayuko.

Lumusad na sila patungo sa ulango.

Sa kanang bahagi ng barangay ni Datu Ranao sa harapan ng kagubatan, matatagpuan ang isang ulango. Nakatindig ito sa tabi ng daan para madaling makapagbigay pugay ang mga maglalakbay. Nandoon si Datu Ranao, pinapanood si Baylan Ylona, habang siya'y nag-aanito. Sumasayaw sa harapan ng ulango, tinutusok tusok ang baboy na iniligay sa harapan. "Ayan na," ani Datu Ranao. "Magsisimula na ang taruk."

Gumawa sila ng isang malaking bilog na pinapalibutan siya, upang hindi makatakas ang baboy.

Habang nagtataruk si Ylona, hindi makapigil si Bolan na hangaan ang galing ng Baylan. Nakapiring ang magandang babae na it. Habang tinutusok tusok ang baboy na nasa gitna, na kung tawagin ay tinorlok, kumakanta kanta siya. Sa isa niyang kamay, mayroon siyang isang tambuli na gawa sa kawayan, at ito'y hinihipan niya at tinotorotot niya habang kumakanta, sinisigawan at kinakausap ang mga nilalang nakatira diyan sa hangin, diyan sa lupa, diyan sa tubig.

Tapos, biglaan, narinig ni Bolan ang nakakatindig balahibo na tinig ni Baylan Ylona. Nagiba ang kaniyang tinig. Naging hindi na sa kanya. Ang tinig niya ay parang umuungol na buwaya. "Ang baylan ay tumatabo," ani Galura.

Tumango si Datu Ranao. "Sinapian na siya ng mga umalagad."

Maganda ang tinig ni Baylan Ylona ngunit hindi ito maintindihan. Parang papalipad patungong langit, at humuhukay rin sa lupa. Nalula si Bolan sa kagandahan at kagalingan ni Ylona.

Natapos ang pabilis na pabilis na pagtataruk ni Baylan Ylona noong tuluyang tinusuok at pinatay ang tinorlok.

Nagsigawan, naghiyawan, at nagsaya ang mga kasama nina Bolan at Mayumi, ang ibang mga mandirigma na kasama sa dolohan ni Datu Ranao. Si Bolan at Mayumi rin ay nakisama sa pagtapos ng pag-aanito. Gamit ang kaniyang sibat, pinugutan ni Ylona ang ulo ng tinorlok, at inilagay sa loob ng ulango, sa harap ng mga lik-ha ng mga anito nila. Kasama noon, naglagay rin siya ng kanin, at tuba na nasaloob ng bao ng niyog.

Ang ulango na iyon ay gawa sa kawayan at mangkono. Ang mga likha ay gawa rin sa kahoy, at bukas ang kanilang likuran. Ang mga likha na ito ay mukhang tao, pero mayroong apat na salimao sa kanilang mga bunganga, at naipinta ng iba't ibang kulay. Tatlo sila doon sa loob ng ulango na iyon.

"Mga umalagad namin dito sa barangay," ani Ylona, ang tinig niya ay bumalik sa tinig ng isang babae. "Inaanyaya po namin kayong makikain at tanggapin ang aming pag-anito, at bigyan ninyo po kami ng tagumpay sa aming pangangayaw sa susunod na mga araw."

Pagtapos noon, tumayo si Ylona at tumango. Tinanggal ang piring. Nung tinanggal ang piring, nagsi-ingay ang mga dulohan ni Datu Ranao, nagbiro-biroan pa. "Hoy baka makain mo ulit ang ulo ha!" "Hoy, hindi naman. Mas gusto ko yung pwet!" "Parang nais kong kumain ng manok ngayon kaysa sa baboy." "Mangmang! Ikaw mag-anito ng manok. Tignan natin kung anong gagawin sayo ng mga umalagad!"

Tumingin si Bolan kay Datu Ranao, at nakita niya na nakangiti ang dakilang datu. Napangiti na rin si Bolan. Doon niya napagtanto na wala na pala si Mayumi sa tabi niya. Kasama na niya ang ibang mga mandirigmang kasama sa dulohan, nakikipagbiro at tumutulong ibahagi ang baboy at tumutulong ring magbigay ng kanin sa mga kasama nila sa barangay at pati na rin ng tuba.

At doon, kumain at nagsaya ang mga kasama sa barangay ni Datu Ranao. Kahit sa loob ng lungsod ng dingding na kung tawagin ay Kinulong, nagsaya pa rin sila. Tumingin si Bolan sa kanyang paglilibutan. Puno ng damuhan at mga puno at mga kawayan ang kapiligiran. Mga ibon at mga unggoy ay palibot-libot sa kalikasan, at iba'y tumatalon talon pa sa mga bubong ng mga kubo. Malakas ang sinag ng araw, na parang pinagpapala rin ang dulohan ng Datu. Gumanda ang loob ni Bolan. Lalo na na kasama siya sa pangangayaw ng Datu.

"Hoy." Napalingon si Bolan sa tinig ni Mayumi. "Bakit parang ang lalim ng iniisip mo?"

"A, wala lang, umbo. Minsan, maganda lang talaga ang kalikasan."

Ngumiti si Mayumi. "Hay. Tama ka diyan. Ayos lang ba ang iyong mga kamay at paa?"

Tumango si Bolan. "Opo, ayos lang. Wala namang malala nangyari. Nahulog lang ako sa lupa."

"Hay. Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo!" aniya. Umupo siya katabi ni Bolan at binigyan siya ng kanin at ng baboy. "Makikibahagi nalang ako ng tuba. Isang bao lang ng niyog ang nakuha ko, e."

"Ayos lang, umbo. Maraming salamat." At nakikain si Bolan. Pinanood nila ang dulohan na kumakain at nagsasaya.

"Mm! Alam mo ba-" lumunok si Mayumi, "-na naginip ulit ako?"

"Siya rin ba ulit, umbo?"

Tumango si Mayumi. "Oo! Yung Diwatang Puti ang Buhok. Kahit kailan, parati siyang nasa panaginip ko, kahit iba-iba ang napapaginipan ko. Nakakapagtaka. Minsan, nakakatakot rin."

"Sino ba siya sa tingin mo, umbo?"

Ikinibit ni Mayumi ang kanyang mga balikata. "Ewan ko. Pero, gusto ko sana, na siya ang Inda natin, Bolan."

Tumango si Bolan ng dahan-dahan puno ng kalungkutan. "Gusto ko rin sana."

"Oo nga eh. Buti nalang, naging horohan tayo ni Datu Ranao. Ibig sabihin noon, marami tayong babaeng makikita sa ating mga pagngayaw!"

"Sa tingin mo, buhay pa siya, umbo?"

"Baka. Malamang. Malamang oo. Isipin mo, oyo: gaano na ba tayo katanda? Labing-walong taon palang! Hindi ba, bagong batuk ka palang, dahil napatay mo ang una mong kalaban? Mga bata palang tayo. Hindi pa tayo lubos na matanda. Ibig sabihin noon, hindi pa patay ang ating Inda dahil sa pagtatanda. E, hindi ba, madalas hindi pinapatay ang mga babae at mga bata? Hindi ba, ginagawa lang silang bihag? O, ibig-sabihin noon, malaki ang pag-asa na buhay pa si Inda!"

Napangiti si Bolan. "Sobrang palaasa ka sa mabuti, umbo."

"Ganoon lang talaga," ani Mayumi. "Tignan mo, ipinagpala tayo ng umalagad. Maganda ang pag-asa na makikita natin siya. Tiwala lang, Bolan. Tiwala lang sa mga umalagad, sa mga anito, at sa may Katha nitong lahat."

Tumango si Bolan. "Naiintindihan ko po, umbo."

"Mabuti naman. O, bilis, inom ka na. Bilisan mo! Hahanapin pa natin si Urduya."