Chereads / Ang Kampilan na Humahati sa Hangin / Chapter 3 - Ang Ikatatlong Kabanata

Chapter 3 - Ang Ikatatlong Kabanata

"Mabuti naman. Umupo kayo at pagusapan natin ang dadating nating pangayaw."

Umupo ang tatlo sa pinakamalayong panig. Nung nakaupo na sila, nagsalita ang Datu. "Ang pupuntahan nating pulo ay ang pulo ng Nataban, sa hilagang bahagi ng Baha-Bahaging Kapuluan. Doon itinayo ni Datu Keraya ang kaniyang lungsod ng Tahan. Si Datu Keraya ay dati ko pang kalaban at kagalitan. Siya'y sumugat sa akin at pumatay mismo sa aking mga tauhan. Pero ngayon, nakakuha ako ng kaalaman na ang aking kapatid, na si Datu Sudsu, ay kaniyang ningayaw at ginawang mga alipin. Nandoon na ang kaniyang barangay, kasama na sa lungsod niya. Hindi ito maari. Kaya ako ay mangangayaw para isarinlan ang aking kapatid na galing sa ibang Inda. Ito rin ay magandang pagkakataon para sa ating pangangalakal. Dahil sa kaniyang posisyon, si Datu Keraya ay nakikipagngalakal sa mga rajah ng hilaga. Sa Bayan ng Manalo, na nakataga sa baybay ng hilaga, at ang Bayan ng Sinagan na nakataga sa Ilog ng Ririran, katabi ng Sapa ng Laki. Kung hindi ninyo alam, ang mga bayang ito ay mayaman dahil nangangalakal sila sa mga kaharian ng Melong at Patana sa hilaga-kanluran, sa kaharian ng Sinuntuan sa Silangan, at lalo na sa kapuluan ng Wakoku at tangway na kaharian ng Giro'jji sa pinakahilaga, kung saan maraming nangangalakal ng bakal at sandata kapalit ng ginto. Marami tayong ginto. Kapag nakapagtaga tayo ng lungso doon, tiyak na yayaman tayo."

Sigawan at pagsaya.

"Mabuting balita iyan, Datu Ranao!" sigaw ng isang maraming batuk at naka pudong na pula. Ang kaniyang ngipin ay may ginto. Nakasuot siya ng damit na gawa sa bulak, at kulay pula rin. Kilala iyan ni Bolan: naalala niya na ang pangalan niya ay Tiba."Ano ang mga mapapagasahan naming mga bahandi at dangin?"

Tumango si Datu Ranao. "Pagasahan niyo na lahat ay mapapasainyo. Dadakutin natin ang buong lungsod. Huwag kayong matakot magtaban ng kahit anong gusto ninyo. Walang dudang maraming mga babae at kayamanan doon, dahil maganda ang kinatatayuan ng lungsod sa banwa. Maraming mangangalakal ay dumaraan dito."

Hiyawan ulit.

"Narinig mo iyon, Bolan? Maraming babae raw! Baka isa sa kanila ang babaeng puti ang buhok!"

Ang mukha ni Bolan ay nagibang anyo. Naging harapan ng alinlangan. "Nasabi mo na iyan dati pa, Mayumi."

"Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Malay mo, Bolan: Inda talaga natin iyon! Ayaw mo ba makita ang ating Inda?"

Sa kalagitnaan ng hiwayan at sayahan, napaisip si Bolan. Ang kaniyang mga kaisipan ay lumipad paurong. Malayong liparan. Ang ibon ng kaniyang kaisipan ay dumapo doon sa pag-alala nung siyang isang bata pa lamang, na wala pang masyadong naiintindihan sa kalibutan. Wala pang batuk, at halos limang pag-aani pa lamang siyang namumuhay. Marunong na gumamit ng balaraw at kris, sapagka't tinuruan siya ng nanay niya.

"Ganito, Bolan. Iwitik mo ang balaraw. Huwag matakot. Ang sandata ay dapat parang kasama na sa inyong pagkatao."

Tumango lamang siya noon. Nakangiti. Naalala niyang sobrang ganda ng kaniyang nanay, subalit hindi niya lubos na naalala ang kaniyang anyo. Matangkad ang kaniyang nanay noon. Kinailangan niyang tumingin sa taas para makita siya. Masinag ang araw noon. Parang nabubulag siya pagtingin niya sa taas. Nakabalot ang kaniyang Inda sa sinag ng araw. Hindi niya naaalala ang totoong kulay ng kaniyang buhok dahil dito.

Napahinga nalang si Bolan ng malalim. "Gusto, umbo. Gustung-gusto."

"Eh, bakit hindi ka napupukaw sa balitang ito?"

Ikinibit nalang ni Bolan ang kaniyang mga balikat. "Ewan ko, umbo. Matagal na akong nawalan ng pag-asa, eh."

Ngumiti nalang si Mayumi at napahinga. Ginulo niya ang mahabang buhok ni Bolan.

"Aalis tayo pagkatapos ng tatlong araw," sabi ng Datu. "Maghanda na kayo. Aalis tayo habagn odto ang araw, para bago pa magnasirakna, habang igsirinto palang, makakarating tayo. Habang sobrang dilim pa, at wala pang araw. Si Baylan Ylona ang magsasabi kung saan pupunta."

"Walang tigil ba ang ating pagtahak, Datu?"

Iniling ng datu ang kaniyang ulo. "Mayroon, huwag kayo magalala. Dalawang pulo ang titigilan natin. Ang buong tahak papunta doon ay isang buong araw, gamit ng ating karakoa."

Tumango ang dulohan at na-engganong magngayaw.

"Ayan. Ngayo'y tapos na iyan, tara't magsalo!"

"Bolan! Bolan gising!"

Nagising si Bolan sa tinig ng kaniyang umbo. Ayaw niya idilat ang kaniyang mga mata. "Bolan! Tara na. Pinapa-ensayo tayo ng Datu!"

Napahinga si Bolan, at tumango nalang. Tumalikod, sabay tulak ng sahig, para lang makatayo siya. "Bilis! Heto oh, tubig." Lumingon si Bolan. Hindi niya pa rin madilat ang kaniyang mata. Itinaas niya ang kaniyang kamay upang kunin ang tasa na gawa sa luwad.

Sa halip niyon, ang nakuha niya ay malamig na malamig na tubig diretso sa kaniyang mukha.

Napadilat na siya doon.

Napadilat ng malaki. "Mayumi! Ano ba?!"

Tawa ng tawa si Mayumi. Sinugod ni Bolan si Mayumi, at parang sumayaw lang ang kaniyang umbo palabas ng maliit nilang silid na ginawa ni Datu Ranao para sa kaniyang mga horohan. Nakita ni Bolan na wala nang tao dito. Kadalasan dapat walo sila.

"Hoy! Umbo! Kainis!"

"Habulin mo ko!" Sabay takbo palabas. Si Mayumi hindi ni kinailangang gumamit ng hagdan. Tinalon nalang niya ito, sabay salpak sa lupa. Nakabakya na si Mayumi, para hindi madumihan ang kaniyang paa sa lupa.

"Kainis naman! Mga umalagad, bigyan ninyo ako ng mahabang pagtitipon." Sabay malalim na hinga, tapos sulong palabas.

Hinabol niya si Mayumi papunta doon sa harap ng torogan. Hindi na ito simbahan--nawala na ang mga sibi na gumawa ng parang krus. Doon, nakaupo ang mga horohan at mga timawa at maharlika, nanonood sa dalawang taong nagaaway sa loob ng bilog na gawa ng maliliit na kawayang itinapon na.

Nakita ni Bolan na ang dalawang nakikipagsapalaran sa loob ng bilog na ito ay si Urduya at si Siburan. "Hay." Napasabi si Bolan. "Siya nanaman."

Tinawag ni Mayumi si Bolan, at nakiupo ang bunso katabi niya. "O, oyo. Panoorin mo. Sino sa tingin mo mananalo?"

May tinig na nanggaling sa tabi ni Mayumi. "Kung ako tinanong mo, sa tingin ko, si Urduya. Tignan mo o! Binalot na ng batuk. Parang isang bagani."

Napalingon sina Mayumi't Bolan. Sa tabi nila, si Tandang Tuko, nakaalampay ang telang galing sa Melong, na kulay asul at may disenyo ng mga bakunawa't buwaya. Bukod doon, nakasuot siya ng bahag at may asul na damit na nakasingal sa kaniyang baywang. Ibig sabihin noon, nakapalibot ang damit sa kaniyang baywang na parang isang saya o bahag na hindi idinadaan sa pagitan ng paa. Bukod rin doon, nakapudong siya ng pula. Naalala ni Bolan na kapag pula ang pudong, tawag dito ay magalong.

Si Tandang Tuko rin ay nakabalot sa batuk. Hanggang sa mukha niya, hanggang sa noo niya. Kahit ang kaniyang daliri. Pero matanda na si Tandang Tuko, nakayuko na parati, nakikita na ang buto-buto. Pero alam ng lahat malakas pa rin. Nakikita pa rin ang matigas niyang laman habang hawak niya ang kaniyang mahabang rattan na pamalo.

"Panoorin niyo! Magiging maganda ang palabas na ito."

Si Siburan ay nakasimangot, nakatitig lamang kay Urduya. Hawak na niya ang kaniyang kalasag at kampilan.

Si Urduya nakahanda na. Gamit lang niya ay sibat at tabak. Ang sibat ay mahaba, na may tunod na gawa sa matibay na kawayan. Ang tabak naman ay gawa sa bakal na pinagkalakal sa Kaharian ng Senya Ibayung, na kung saan ang kanilang bakal ay galing sa mga bituin. Dahil dito tinatawag sa bakal na ibinebenta ng Sennya Ibayung: talambakal.

Parehas silang nakabaluti, isang kagamitang pangdepensiya na sinusuot at gawa ng sungay ng karabaw o madalas abaka at sa ilalim ay may damit silang gawa sa bulak na abot sa kanilang tuhod, na kung tawagin ay habay-habay. Si Urduya ay walang bakya, at ang kaniyang habay-habay ay walang manggas. Nakikita ang kaniyang mga baluktot at pasikoy-sikoy na batuk na naglalarawan na siya'y isang mabangis na mandirigma.

Ang isang atubang ni Datu Ranao, nakasuot ng kulay lila na yambong, at hawak ang kaniyang kalasag sa isang kamay. Sa kabilang kamay hawak ang isang kalis--isang mahabang kris na madalas ginagamit lamang ng mga maginoo. Ibinababa niya ito, sabay sigaw: "Laban!"

Si Urduya'y madaling sumugod, na parang walang takot. Sa kabiglaang galaw, napaurong si Siburan. Walang dudang alam ni Bolan na matatalo na si Siburan doon kung hindi niya nataas kaagad ang kanyang kalasag. Dalawang talim ay lumubok sa kahoy ng ito--ang talim ng sibat at ng tabak.

Itinulak ni Siburan si Urduya ng pabalik. Hinatak ni Urduya ang kaniyang mga sandata, at umurong rin, naglakad habang nakaharap sa kaniyang kalaban. Sumugod na doon si Siburan, sabay sigaw. Mabilis na lumabas ang kaniyang kampilan, humihiyaw at naghahanap ng dugo. Mabilis na witik, at naitaboy ni Urduya ang hampas gamit ang tunod ng kaniyang sibat. Sabay witik ng kaniyang tabak, na naitaboy rin ni Siburan gamit ang kanyang kalasag.

Napasimangot si Siburan, at sumugod ulit. Naging ganito ang kanilang laban. Parang sayaw. Minsa'y sumusugod ang mas malaki, at pagkatapos noon sumusugod ang batang mas-maliit, at sa sunod ang kabila naman. Para talagang isang pag-iindak ng dahas ang kanilang gawa, na kahit anong maling galaw ay magmumulta ng sakit at sugat.

Ayun! Si Urduya, sa kaniyang karunungan sa paglaban, ay nagawang piliting magkamali si Siburan. Isang mataas na hampas galing sa langit, at ihinalang ni Siburan ito gamit ang kaniyang kalasag. Hindi nang mapigilang mapamura si Siburan noong na hiwa ang kaniyang paa dahil sa mabilis na pagpasok ng sibat ni Urduya sa pagkakataong nabuksan.

Mabilis na itinaas ni Atubang Kanilad ang kaniyang kalis, sabay sigaw: "Tapos na ang paglalaban! Ang nakapagkuha ng unang dugo ay si Urduya. Siya ang nanalo! Mabuhay!"

Sabay sabay na sigaw ng mga mandirigmang palibot sa kanilang dalawa: "Mabuhay si Urduya! Mabuhay si Datu Ranao!"

Nung tumingin lang ulit si Bolan kung saan sina Urduya at Sibura niya nakita na natumba pala si Siburan. Naka simangot pa rin, pero yumuko si Urduya at ibinigay ang kaniyang kamay. Huminga ng malalim ang lalakit, bago tumango at kinuha ang kamay ni Urduya.

"Sunod! Ah, kita kong gising na kayo, mga huling horohan. Ikaw, Bolan! Dito sa gitna."

Napalunok si Bolan at tumango. Si Mayumi ay hinawakan siya sa kaniyang balikat. "Maganda ang palad mo. Talunin mo kung sino man ang magiging kalaban mo! Manalo ka!"

Tumango si Bolan at naglakad papuntang sa gitna ng bilog na kanilang iginawa. Biglaang napaisip siya na siya'y parang isang manok na lalaban sa sabong.

"Hm, sino kaya ang puwede mong kalabanin…"

Doon sa kung saang nakaupo si Mayumi, nakitabi sina Urduya at SIburan. "Uy, si Bolan o! Yung oyo mo. Sa tingin mo, mananalo siya?"

Tumango si Mayumi at ngumiti. "Siyempre naman, kapatid! Kadugo ko iyang oyo ko."

"Atubang Kanilad," ang tinig na malalim ng isang lalaki ay narinig ni Bolan. "Huwag kanang pumili. Ako ang kakalaban kay aliping Bolan."

Tumalikod si Atubang at yumuko ng malalim. "A-a! O-Opo, aking minamahal na Maginoo." Tumalikod ulit sya, humarap kay Bolan. "A-Ang kakalabanin ni Bolan ay si Maginoong Galura!'

Napabulong ang mga mandirigma. Nahulog ang panga ni Mayumi. Lumaki ang mata ni Bolan.