Ang torogan ng datu ay malawak, at pinupuno ng asawa ni Datu Ranao at ang kaniyang tatlong inaasawa. Karaniwang gawa sa matibay na kahoy ang torogan ng isang datu, pero gawa sa bato ang torogan ni Datu Ranao. Sa harap ng bahay, doon sa ikalawang patag, mahahanap ang mga lik-ha ng angkan nila. Limang mga likha, na naglalarawan sa kanilang mga ninuno, mga magiting na Karanduun ng sinaunang panahon. Silang mga umalagad ng angkan nila. Ipinikit ni Galura ang kaniyang mga ata at nagdasal ng mabilisan sa mga umalagad. Nagpasalamat na pinoprotektahan siya.
Nasa loob ang asawa ni Datu Ranao at Inda ni Galura na si Dayang Sinaya. Nakaupo ang ginag sa sahig, sa harap ng isang hapag-kainan, kung saan mayroong kahoy na plato na mayroong mga dahon ng saging na kung saan nakabalot ang mga kanin at mga karne. Sa tabi niya ay isang batang babaeng nagpapaypay sa kaniya. Sa kabilang tabi ay ang kaniyang atubang, si Atubang Nalinan. Parehas silang nakaupo, subalit si Dayang Sinaya lamang ang may bahandi at gintong mga alahas sa kaniyang mga taenga, at kasikas sa kaniyang leeg at mga kamay at mga bukung-bukong, at ang kaniyang buhok ay nakahakot sa taas ng kaniyang ulo, na nakatali gamit ng isang gintong aguhilya.
Noong pumasok si Galura, malalim at mabigat ang paghihinga, napatayo si Dayang Sinaya at ang kaniyang atubang. "Anak! Ano ang nangyari sa iyo?"
Iniling ni Galura ang kaniyang ulo. "Huwag kang magalala, Inda. Maliit na kalmot lamang ito. Nagsanay lang po kami ng sandatahan sa labas ng torogan ni Baba."
"A, mabuti naman." Sa mg anakakakubling salitang ito, umupo muli ang Dayang at ang kaniyang mga atubang. "Akala ko mayroong masamang nangyari--may narinig akong sigawan sa labas!"
"Wala iyon, Inda. Ako'y napapagod. Matutulog muna ako."
"A, ikaw ba ay nauuhaw? Nagugutom? Mga alipin! Magdala kayo ng baboy at manok at malinis na tubig!" Gumalaw ang dalawang alipin na nakatayo sa likuran niya, naglakad palabas ng bahay ng nakayuko at nakaharap kay Dayang Sinaya. Alam ni Galura na hindi sila tumatalikod sa kanilang Panginoon hanggang malayo na sila.
"Hindi mo kinailangang gawin iyon, aking Inda," aniya, sabay pasok sa kaniyang silid. Nasa shig ang kaniyang banig, at mayroon siyang salamin na gawa sa tanso. Napaupo lang siya sa banig na gawa sa abaka, at wala ibang ginawa. Nakaupo lamang doon. Anong hinihintay niya? Anong nais niyang gawin?
Huminga ng malalim. Biglaan niyang naalala ang kaniyang galit kay Bolan. Sa totoo lang, hindi naman ito galit. Masmalapit sa kaniyang karamdaman ang sabihing nagseselos siya. Nagseselos na hindi niya nakita ang Tagbundok na iyon, na malapit na siyang mamatay. Bakit pa si Bolan ang nakakita? Hindi ba isang alipin lamang si Bolan? Wala siyang pormal na pagsasanay sa digmaan. Si Galura, nakapagsanayan sa mga pinakamagaling na manlalaban sa Kapuluan.
Kung hindi siya masmagaling kay Bolan, papano niya matatalo ang kaniyang Baba? Paano siya magiging isang masmagaling at masminamahal na Datu?
Pumasok ang kaniyang Inda. Mayroong dalang ulam at kanin at tubig ang kaniyang mga alipin. Inilatag nila ito sa maliit na kahoy na hapag-kainan. "Iwanan ninyo kami." At sila'y umalis.
Tinignan lamang ni Galura ang pagkain. Bahagyang gutom siya, bahagyang hindi. Hindi sila gumalaw. Nakataga sila sa mundo ng katahimikan.
Tapos: "Nalaman ko ang nangyari sa labas ng torogan."
Tumango si Galura. Walang ibang sinabi.
"Natalo ka sa isang horohan."
"At mabuti lang," sinabi ni Galura. "Dapat lang na magagaling ang ating mga mandirigma."
"Pero siya ang nagtanggol sa iyo nung isang araw."
Tumango si Galura ulit, at huminga ng malalim.
"Hindi ka ba nahihiya doon?"
Dinilaan ang kaniyang labi. "Hindi," ani Galura. "Huwag mo na sundan. Hindi ko alam ang inyong sinasabi."
"Isa pa. Sinasabi nilang sinapian ang horohan. Sinabi nila binaliw."
"O, ano ngayon? Magiging bayugin siya, lalaking baylan. Ano naman ang kahalagahan nito sa akin?"
"Ang isang alipin, kapag naging isang taong nakakapagsalita sa mga nilalang na hindi natin nakikita at nakakapaganito, ay magiging isang magiting na taong kasinguri ng isang Maginoo."
Huminga ulit si Galura at tumango. "Inda, napapagod po ako sa iyong sinasabi, at kung anong bugtong ang nais niyong ipalabas. Iwanan niyo po ako, para ako'y makakain ng mapayapa."
Tinignan muli ng Inda ni Galura ang batang maginoo. Bahagyang malungkot ang kaniyang pagtingin. "Sige. Kumain ka na, aking anak. Parating na ang Baba mo." At doon, lumuwas ang kaniyang nanay galing sa kaniyang silid.
Humigpit ang hawak ni Galura sa kaniyang kainan.
Sa loob ng bahay ni Baylan Ylona, nakahiga si Bolan. Tumitibok ang puso. Tumataas-baba ang dibdib. Humihinga.
"Humihinga," ani ng Baylan. "Mabuti naman. At iyon, gumagaling na ang kaniyang sugat." Tinalian ng bulak ang sugat ni Bolan. Si Mayumi nakatayo katabi ang kaniyang oyo. Nakahiga si Bolan sa isang banig. Mayroong konting dugo sa sahig.
"Kailan po siya makakagising, Baylan Ylona?"
"Tiyak na hindi sa mahabang panahon. Mamayang gabi, o baka bukas ng umaga, magigising na siya at siya'y magaling na."
"Paano niyo po nagawa iyon?" tanong ni Mayumi.
"Gaya nga ng sinabi ko: ang ninuno ninyo naging umalagad na ninyo. Ang umalagad ang nagpapabilis sa kaniyang paggaling," sagot ni Baylan Ylona.
"A, oo nga pala, si Nunong Kuwago!"
"Kaya dapat magpasalamat. Alam mo kung paanong magdasal sa mga umalagad, diba? Magbigay ka ng pagsasalamat."
Tumango si Mayumi, at nagpasalamat sa kaniyang umalagad. "Ano po mangyayari? Na ngayong alam na natin na magiging Bayugin si oyo?"
"A, ang pangunahin nating gagawin ang pagpatuloy na pagdilt ng ikatlong mata ng iyong oyo."
"Magkakaroon siya ng ikatlong mata?!"
Napangiti ang Baylan, pero iniling ang kaniyang ulo. "Ang ikatlong mata ang sinasabi sa kakayahang makita ang daigdig na hindi natin makita gamit lamang ang ating hubad-mata. Ako, kaya kong makita ang mga nilalang na hindi mo nakikita, hindi ba? Ibig sabihin noon, mulat na ang aking ikatlong mata."
"A! Nauunawaan ko po, Baylan Ylona. Paano natin gagawin iyon?"
"Hahanapin natin ang pinakamalapit na Balete, at itatali natin siya doon."
"Bakit Balete, Baylan?"
"Ang Balate ang pinakamalakas na ugnayan natin sa daigdig na hindi nakikita. Ang Baylan ay isang dambana, na siyang tinitirhan ng higit sa isang mga nilalang. Kaya kapag naitali natin siya sa Balete, makakakita siya at baka rin masasapian siya muli. Doon tuluyang mamumulat ang kaniyang ikatlong mata, at iyon ang kaniyang unang hakbang patungo sa paggiging totoong Bayugin."
"Bakit pa tayo maghahanap ng balete? E, diba, mayroon diyan sa labas ng barangay?"
"Wala na tayong panahon para maglakbay papunta doon, Mayumi. Paalis na tayo sa madaling araw, sa loob ng dalawang araw. Kinakailanganang maghanap ng balete sa labas ng ating banwa, doon sa mga pulong pagtitigilan natin."
"Nauunawaan ko po, Baylan Ylona." Napatahimik ang dalawa at pinanood lamang ang natutulog na si Bolan.
"Bakit po siya napili maging isang Bayugin?"
Ikinibit ni Baylan Ylona ang kaniyang balikat. "Hindi ko alam. Hindi ko nga alam kung bakit ako napili maging isang Baylan rin, e. Ang bata bata ko pa noon. Minsan, Mayumi, kailangan mong maunawaan na ang kapalaran ay walang ipinipili. Ang Tadhana ay ganoon lang talaga—tadhana. Puwede siyang sigawan, pagalitan, tanungin ko bakit iyon ang naging palad mo. Minsan mapipili mo pa kung ano ito. Mas madalas na hindi. Malaman na ang Tadhana ang pinakamataas ng kapangyarihan dito sa Daigdig na Ikinatha. Alamin mo ang katotohanang ito, at hindi ka magugulat sa mga pangyayari sa mundo."
"E, hindi po ba ang diwata ang may kapangyarihan sa mundong ito?"
"Isa lang sila sa mayroong kapangyarihan. Masmalakas rin sila kaysa sa atin, at mas marami sila, kaya tama lang na magbigay pugay sa kanila. Sila ang mga Poon natin."
Tumango si Mayumi. "Alam ko po iyon."
"Mabuti naman. O, ano, gusto mo ba maghintay lang dito para sa oyo mo? O gusto mo munang lumabas at bumalik nalang mamaya?"
Napangiti si Mayumi, at tinignan ang kaniyang oyo. Huminga, at iniling ang ulo. "Magaaso po kami ni Urduya sa gubat po, para sa pagkain namin. Alagaan ninyo po ang aking oyo."
Tumango si Baylan Ylona. Nakangiti. "Tiyak, Mayumi. Sulong, wag ka magpahuli."