Si Bolan ay nakasuot lamang ng simpleng bahag at baluti na may habay-habay sa ilalim. Hinigpitan niya ang kaniyang hawak sa kris niya. Itinaas niya ang kalasag niya. Nakasuot siya ng bughaw na pudong, sapagkat wala pa siyang masyadong napatay na makakapagbigay sa kaniya ng pulang magalong. Nakasuot siya ng damit na nakaalampay sa kaniyang mga balikat. Ito'y walang dekorasyon at itim lamang.
Si Galura naman ay nakasuot ng pulang magalong. Gamit niya isang mahabang kampilan na may ginto at iba-ibang batong hiyas na nakataga sa hawakan nito. Suot niya ang isang baluting gawa sa mangkono. Wala siyang kalasag. Sa halip noon, nakatali sa kaniyang likod ang kaniyang pana na gawa sa kawayan.
Napatahimik ang buong dulohan nung tumapak pasulong si Galura. Ngumiti siya kay Bolan. "Bolan, kapatid. Sana'y hindi ka magagalit sa akin!"
At doon, ngumiti rin si Bolan. "Maginoong Galura. Bakit naman ako magagalit sainyo! Matagal na tayong hindi nagensayong pantalim!"
"Ha! Iyan ang gusto ko sa iyo. Parating maaasahan! Laban, Bolan. Ipakita mo sa akin na marunong ka pang gumamit ng kalis!"
Napalunok si Bolan. Naku, napaisip siya. Alam kong dati pang ginugusto ni Galura na kalabanin ako. Alala kong iniisip niya na mas-magaling ako sa kaniya, dahil ako ang nakamuslak ng taga-Bundok na iyon.
Magpapatalo ba ako ngayon? Para lang mapuksa ang galit niya sa akin?
May naglakad palabas ng ulango sa tabi ng torogan ng Datu. Nakabokot ng puting yambong. Nakatanggal ang kaniyang piring, at nanonood kay Bolan at Galura.
Nagkitaan sila ng mata.
Napalunok ulit si Bolan.
Hindi. Hindi ako maaring matalo dito. Huwag muna. Kailangan kong patotoohanang marunong ako lumaban.
At doon niya itinaas ang kaniyang kalasag at tumango.
Ibinababa ng Atubang ang kaniyang kris. "Laban!" sigaw niya.
Itinaas ni Bolan ang kaniyang kalasag. Umikot si Galura, nakataas ang kaniyang kampilan, handa sa kahit anong hampas o sugod na gagawin ni Bolan. Si Bolan naman ay umurong. Naglakad silang ng paikot sa isa't isa, naghihintay sa pagkakataon. Nararamdaman ni Bolan na bumubusilak ang Gahum ni Galura. Naghihintay lang siya ng tamang pagkakataon.
Ayun! Sumugod si Galura. Mabilis ang kaniyang pagtapak. Masmabilis ang kaniyang pagwitik. Lumipad ang kaniyang kampilan at humampas ito sa matigas na kahoy ng kalasag ni Bolan. Pero marunong si Galura, sanay siya sa sandatahan. Inikot niya ang kaniyang galanggalangan at ang kampilan niya'y lumipad sa kabilang direksiyon, kung saan hindi humaharang ang kalasag ni Bolan.
Ang kaloobing pakiramdam ni Bolan ay magaling. Sa pagngayaw niya na kasama si Datu Ranao, nahasa ang kaniyang pagtauli laban sa mga sandata. Nung lumapit ang talim ng Kampilan sa kaniya, biglang gumalaw ang kaniyang kamay, winitik ang kaniyang kalis, at itinaboy ang kampilan ni Galura. Sabay sipang patulak, at napabalik si Galura ng ilang talampakan.
Habang inaayos ni Galura ang kaniyang pagtayo, sumugod si Bolan, at nagtapon ng isang patusok na atake. Kaso lang, si Galura ay sa katotohanang mas magaling sa kaniya sa sining sandatahan. Nung lumapit ang talim, umiwas si Galura ng pakanan--dahil kanang kamay ang kamay-sandata ni Bolan--at nagtapon ng atakeng pahiwa na pataas.
Buti nalang, ang natamaan niyang bahagi ng kaniyang katawan ay kung saan makapal ang abaka. Ang mabigat na kampilan ni Galura ay humampas lamang doon, at lumipad si Bolan pabalik ng ilang talampakan.
Hindi nahulog si Bolan. Nakatayo pa rin. Itinaas ang kalasag at huminga ng malalim. Nakita si Ylona, nanonood sa malayo, tinitignan silang dalawa na may pag-alala sa kaniyang mata.
Huwag muna, inisip ni Bolan. Tinaas ang kalis…
...pero nandoon na na si Galura, pahampas ang kaniyang kampilan. Itinaas ni Bolan ang kaniyang kalasag at ito'y nasira sa lakas ng paghampas. Sumabog ito sa baha-bahaging mga kahoy na nagliparan sa kung ano-anong direksiyon.
Napamura si Bolan habang umiwas kay Galura, papunta sa malawak na lugar. Itinaas ang kaniyang kalis, hinawakan ng dalawang kamay. Wala paring dugo ang natutulo.
Sumugod si Galura at nakuha niya ang ulo ni Bolan. Hinawakan niya ang ulo at itinaas. "Ikaw. Wala kang hiya!" Tinutok niya ang talim ng kampilan sa leeg ni Bolan. Napatahimik ulit ang dolohan, na hanggang ngayon lamang nagiingay at humihiyaw. Nakita ni Bolan na nanonood na pala ang buong barangay.
"Kaya kitang patayin."
"M-Maginoong Galura…"
"Huwag kang makialam, Atubang!" Umapoy ang mga mata ni Galura, na parang sinag ng araw.
Tumahimik ang atubang.
"Akala mo mas-magaling ka sa akin? Akala mo di ko kaya ipagtanggol sarili ko? Ha?" Hinigpitan ang hawak sa leeg. Hindi na makahinga si Bolan. "Mali ka diyan. Isang horohan ka lamang."
Habang lumapit ang talim ng kampilan ni Galura, nakita ni Bolan ang lumilipad na kuwago sa himpapawid ng umaga. Ito'y lumilipad ng tahimik, at walang tunog ang paghampas ng kaniyang mga pakpak. Pero nung nakita ito ni Bolan, ito'y huminto, at tumingin sa kaniya.
Tapos biglang sumisid sa hangin, papunta sa lupa, papunta…
...papunta kay Bolan.
Napasigaw nalang si Bolan nung lumapit ang kuwago at hindi huminto.
Napapikit ang batang alipin. Hindi niya naramdaman ang pagsalpak ng kuwago sa kaniyang mukha o noo. Sa halip noon, naramdaman niya ang lamig ng hangin, ang init ng araw, ang kanta ng damuhan, ang sigaw ng bundok.
Nung binuksan niya ang mata niya, ang una niyang nakita ay si Galura, paurong ng mabagal, na parang takot sa tinitignan niya. E, paano iyon? Isip ni Bolan. Si Bolan lamang siya. Paano matatakot ang isang magiting na maginoo na katulad niya laban sa kaniya?
Doon niya napagtanto na ang mga kamay niya ay gumagalaw ng sarili nilang kalooban. Ang kaniyang mga mata ay tumitirik. Nakikita niya ang sarili niya na parang hindi siya nakatira sa loob ng kaniyang balat. Nangilabot. Nanginig. Ang buhok niya ay namuti, at gumagalaw siya na parang binaliw na tagasayaw.
Ang nasapian na Bolan na ito ay biglang sumugod patungo kay Galura. Nakuha ang Maginoo na walang depensiya—ang kris ni Bolan na parang rumami ng higit pa sa apat ay sumugod, tumutusok-tusok na parang buntot ng alakdan. Nalaktawan ni Galura ang unang apat na tusok na kasing-bilis ng kidlat, pero ang pang-apat ay hindi na niya naiwasan, at napamura siya noong linaslas ng talim ang kaniyang pisngi.
Mabilisang itinaas ni Atubang Kanilad ang kaniyang kalis. "Tapos na ang laban! Si Maginoong Galura ang nanalo sa labanan!"
Lumaki ang mga mata ng nilalang na hindi si Bolan ngunit si Bolan pa rin. Noong tinignan niya ang kaniyang sinapupunan, nakita niyang may malakaing hiwa na dito galing sa kampilan ni Maginoong Galura.
Patawad, apo. Ang narinig ni Bolan, bago siya'y nahulog sa walang karanasan.