Chereads / Ang Kampilan na Humahati sa Hangin / Chapter 2 - Ang Ikalawang Kabanata

Chapter 2 - Ang Ikalawang Kabanata

Gumapang sila noon ng mabagal sa loob ng gubat. Nakakita na sila ng ahas, pati na rin ng buwaya, at nagbigay pugay sila sa mga ninuno. Hindi sila inatake.

Kapag sa gubat, naalala ni Bolan ang salita ni Ylona, kailangan mong matandaan kung nasaan ka. Kailangang alalahanin na ang gubat ay hindi lungsod ng tawo. Ito ang lungsod ng mga diwata. Ang mga nilalang na nakatira dito sa kagubatan, karagatan, kalangitan, at kalupaan. Alalahanin raw dapat na ang kalikasan ay sa kanila, at hindi sa mga tawo.

Iyon ang iniisip ni Bolan habang sila'y sumulong sa gubat. Malaki naman ang daanan, at hindi ito gubat na pataas sa isang bundok, pero ito'y delikado parin. Kasama na niya ang buong dulohan ni Datu Ranao, na kinakatawan ng labing-anim na mga maharlika, kasama na siya doon at pati na rin ang kaniyang umbo, si Mayumi.

Sa pagmartsa, nasa likuran ni Galura si Bolan. Sa kanang kamay, hawak niya ang balaraw, at sa kabila, ang kaniyang bangkaw, na inilubog sa lason. Sa harapa ni Galura ang kaniyang ama, si Datu Ranao. Papunta sila patungo sa kabilang panig ng pulo ng Atiba, para magyangaw sa barangay ni Datu Kislap, na siya'y pumatay sa dating asawa at Inda ni Galura, si Dayang Astoa, na galing sa mga pulo sa timog.

"Huwag kang mag-alala Galura," sinabi ng Datu. "Gaganti tayo sa ginawa nila sa atin."

Walang sinabi si Galura. Nakasarado lamang ang kaniyang bibig.

Ilang sandaling nakalipas at narinig ni Bolan ang pagkaluskos ng mga damuhan sa kanang bahagi ng kanilang dinadaanan. Muntikan na siya mapatigil, pero naalala niya na mayroong siyang ibang kasama sa pagmartsa. Kapag tumigil siya matatamaan niya lang ang iba. Kaya naglakad na lang siya ng dahan-dahan.

Ayun! May kumakaluskos ulit. Tumingin si Bolan sa mga damuhan sa kanan. Liniitan ang mga mata para makakita ng mas-maayos. Nakinig.

May gumalaw. Parang pumapadpad sa lupa. Dahan-dahan, tapos, biglaan. Gumalaw si Bolan. Inasahan ang likas na ugali. Lumipad ang kamay na hawak ang balaraw. Sulong. Witik.

Nahati ng balaraw niya ang sibat na biglang lumabas galing sa mga damuhan. Witik ulit ng balaraw niya pababa, at ang talim ng kaniyang sandata ay humiwa ng leeg. Isang taga-bundok ay nahulog pasulong. Labas-dugo, na parang pag-anito sa mga diwata ng kagubatang ito.

Bumilis ang hinga ni Bolan. Lumaki ang mga mata. Nakita niyang hinila na ni Galura ang lubid ng kaniyang pana. Si Datu Ranao ay nakatayo lamang, tinitignan ang namatay na taga-bundok. Sinuri ni Bolan na taga barangay Kakali ang taong ito, dahil sa mga batuk nito.

Tumango lamang si Datu Ranao. "Magaling, Bolan."

Malalim pa rin ang mga paghihinga ni Bolan. "Salamat…" Lunok ng kung anong napadikit sa kaniyang lalamunan. "Datu."

"Iyan ba ang pinakauna mong pagkapatay sa laban?"

Tumango si Bolan.

"Magaling. Paguwi natin sa barangay, ipapabatuk na natin ang iyong pagkatiklad."

Tumango ulit si Bolan, bahagyang nalulula, pero bahagyang pinupunuan ng halong tuwa at takot.

Sa gabing noon, pagkatapos nilang mangayaw sa barangay ni Datu Kislap, nakuha ni Bolang ang kaniyang unang mga batuk.

* * *

Nahanap ni Mayumi at ni Bolan si Urduya sa tabi ng daan, nakikipagtalo sa isang malaking mandirigma sa paligsahan ng lakas, kung saan naghawak sila ng mga kamay at sinubukang itaboy ang kalaban.

Pagdating nila doon, itinaboy ni Urduya ang malaking mandirigma. Tawanan ang lahat na nakalibot sa kaniya, sabay bigay ng tuba. Inom naman si Urduya.

Maganda ang katawan ni Urduya, masmatipuno pa kaysa kay Bolan at Mayumi. Nakikita na ang kaniyang mga matigas na kalamnan. Suot lang niya ay lambong para sa kaniyang baywang at baba, tapos isang sinina na damit para sa pantaas. Ito'y isang makulay na panamit na walang manggas at maiksi, na nakikita ang puson niya. Doon sa puson niya makikita na nakabalot na si Urduya ng batuk. Isa siyang dakila na binatukan.

Bukod dito, mahaba ang buhok ni Urduya, pero nakatali sa itaas ng kanyang ulo para hindi maging sagabal kapag nakikipag-away,. Lubos rin na kayumanggi ang balat.

Ng nakita ni Bolan ang mga batuk ni Urduya, naalala na rin niya ang una niyang batuk, na-inilagay sa kaniyang bukung-bukong. Pagkatapos noon, ay tinetrato na siyang isang matanda na may mga tungkulin at pananagutan.

Na maraming batuk si Urduya ay nagsasabi ng pinakamaraming mga bagay. Pero isa ay totoo--marami nang napatay si Urduya. Isang magilas at mabangis na mandirigma si Urduya.

"Oy, Mayumi't Bolan! Ang mga magkakapatid na parang araw at buwan. Hinanap niyo ako, no?"

"Oo," ani Mayumi. "Inanyaya ka na ba ni Datu Ranao na sumama sa pangayaw sa hilaga?"

"Ha? Ako pa? Siyempre naman. Sayang naman ang isa sa pinakamagaling na maharlika ni Datu Ranao kung hindi sasama sa pangayaw, hindi ba? Kasama ba kayo?"

Tumango si Mayumi. "Tiyak na oo. Horohan po kami. Nakalimutan mo na ba?"

"Ah, ganun ba?" Sabay ngiti si Urduya. "Kasi parang mga aliping namamahay lang kayo eh. Wala naman kayong ginagawa."

Napatawa si Mayumi. "Ikaw nga, parang namamahay! Parati umiinom, parati lang nandiyan!"

"Ha? Mangmang! Parati kayang nagsasaka at may ginagawa ang mga namamahay!"

"Totoo! Kaya nga masmababa ka pa sa kanila, kasi hindi ka nagsasaka!" Tawanan ang lahat. Kahit si Urduya napatawa.

"Magaling, Mayumi. Kahit na minsan, nadudulas ang iyong labi."

Ikinibit ni Mayumi ang kanyang balikat. "Ikaw Urduya, tapon ng tapon lang ng mga salita."

"Ibig sabihin, dapat tayong dalawa ay magsanay pa, at hasain ang ating talasalitaan at balarila."

"Ganoon na nga. Tara, ipinagtatawag ka ni Datu."

"Ah, kaya pala kayo pumunta! Bakit hind ninyo sinabi nung una palang?" aniya, sabay tawa. "Tara. Baka malapit na ang panahong lumusad. Ayos na ba ang karakoa?"

Iniling ni Mayumi ang kanyang ulo. "Hindi ko alam. Baka alam ni Datu."

Nakarating sila sa torogan ng Datu sa huli. Isang malaking torogan, na gawa sa bato. Kumakain pa rin ang buong barangay, dahil maganda ang pagkalabas ng pag-anito. Nakatayo pa rin ang mga sibi ng pagdiwang. Sa mga hilagang, silangang, at kanlurang mga panig ng torogan ay nagtayo sila ng sibi, na parang maliliit na ulango na walang sahig, na kung saan naglagay sila ng mga salumpuwit at hapag kainan na gawa sa kahoy at kawayan. Sa bawat poste ng sibi, na kung tawagin ay mga sorihile, ay mayroong mga lampara na inilagay. Sa katimugang panig ng torogan ay may parang ganoon din, pero mas-mahaba at masmaraming tao. Nakikita ng iasng tao ang malaking lampara na nakalagay sa loob ng torogan sa gitna, na kung saan mayroong mga lutong baboy at kanin at manok.

Dito sila'y nagkakainan at nagsasamba sa magandang pag-anito. Kapag ginawa ito sa isang torogan, nagiging simbahan ito.

Ang torogan naman ay malaki rin. Sa sobrang haba nito, mayroon itong sampung mga harigi na gawa ng pinakinis na bato. Ang sahig nito ay gawa sa rattan at bamboo, para ang tubig na galing sa pagyangaw at pagbasa ng paa para malinis ang paa bago pumasok ay madaling tumulo sa lupa. Ang dingding rin nito ay gawa sa bato, pero ang bubong ay gawa sa kawayan na nakasuga sa mga katsaw.

Pumasok ang tatlong mag magkakaibigan sa torogan, na kung saang nahanap nila ang pinakabagong asawa ni Datu Ranao. Isang magandang at bahagyang masmatandang babae. Maputi siya, datapuwa't hindi masyado na bibilad sa araw ang kaniyang balat. Nakasuot ng magandang yambong, mahaba at hanggang bukung-bukong, gawa sa sutla na galing sa mga mangangalakal ng kaharian ng Melung. Ang dami niyang suot na ginto, galing sa tuktok ng kaniyang ulo hanggang sa paanan. Kapag gumalaw siya, nakikita ng tao ang mga gintong mga pulseras na nakaikot sa mga guya niya. Ang kaniyang mga bisig ay katulad ding nakapalibot ng mga pulseras na ginto. Nakasuot siya ng isang gintong mga singsing sa bawat daliri, at marami siyang alahas na nakasabit sa kaniyang leeg. Maraming mga hiyas rin ang nakalagay sa mga gintong alahas na ito.

Kasama ng Dayang ang kaniyang tatlong mga alipin sagigilid, isa sa kanila ay kaniyang atubang. Ang mga alipin ay nakasuot lamang ng malong, habang ang atubang ay nakadamit ring galing sa ibang bayan, pero ito'y nakakulay lamang ng itim.

Yumuko ang tatlong magkakaibigan. "Dayang Sinaya, magandang araw po sa inyo."

"Mabuhay kayo, mga tauhan ng ating minamahal na si Datu Ranao. Nakakain na ba kayo? Nakapagdasal na ba kayo sa diwata ng ating barangay, na kung tawagin ay si Kinawalang Takot?"

Tumayo si Urduya, sapagka't siya'y isang maharlika. Si Bolan at si Mayumi ay kapwang nakayuko pa rin. "Opo, Dayang. Salamat po sa inyong pag-alala. Kami po ay naririto para makipag usap kay Datu Ranao. Sinabi po sa akin na hinahanap po ako?"

Tumango si Dayang Sinaya. "Ay, oo. Nandoon siya sa hilagang sibi. Nakikikain sa kaniyang dulohan. Puntahan niyo na lang siya doon."

Yumuko si Urduya. "Maraming salamat po, Dayang Sinaya. Tara at puntahan na natin siya, mga kaibigan." At sumulong si Urduya papunta sa hilagang sibi. Naglakad sila Bolan at Mayumi ng nakayuko at nakaharap kay Dayang Sinaya hanggang tumalikod na siya. Doon lamang sila tumayo at naglakad ng tuwid.

Bumaba ang mga magkakaibigan sa hagdanan na gawa sa bato at hindi sa kawayan. Sa hilagang sigbi mayroong mahabang hapag kainan na kung saan ang Datu Ranao ay nakaupo sa pinaka hilagang panig nito. Ang mga dulohan niya, kasama na rin si Galura, ay nakaupo kasama niya. Nakasuot rin ang Datu ng yambong, na kulay nila. Kumakain sila galing sa mga dahon ng saging.

"Ah, Urduya at ang aking mga aliping horohan. Kumain na ba kayo?"

Tumango silang tatlo. "Opo, Datu."