CIUDAD MEDICAL DE ZAMBOANGA...
Nag-aalangan man ay pumasok si Ellah. Inabutan niyang nakatalikod si Gian.
"Kumusta ka na?"
Hindi ito umimik.
"Gian, alam kong galit ka, I'm sorry. Hindi ko alam na matindi pala ang inabot mo noon."
Hindi pa rin ito umiimik at naiirita na siya.
"Kung gusto mo talagang umalis, kakausapin ko si lolo-"
Bigla itong lumingon sa gawi niya. "Bakit ba atat kang umalis ako?"
"Ha? Hindi ba 'yon ang gusto mo?"
"Sinabi ko ba!"
Hindi na siya kumibo at lihim na natuwa.
Biglang may pumasok.
"Pare, nakuha ko na! Ito ba ang sumbrerong sinasabi mo?"
Itinaas ni Vince ang kamay na may hawak na sumbrero.
"Ayos 'to ah? Tiyak mamahalin 'to! O heto na!"
"Itapon mo."
"HA?!"
Napasugod si Vince palapit sa kaibigan. Pagkatapos siyang pagurin nito ng husto sa paghahanap, ipapatapon lang!
Hindi niya alam kung anong topak na naman pumasok sa utak ng butihing kaibigan at iba na naman ang timpla nito.
"Gian pare, hindi biro ang paghahanap ko diyan tapos ipapatapon mo? Eh hindi ba't halos magkandarapa ka nang hindi mo ito makita? Ano bang nangyayari sa'yo?"
"Tumahimik ka nga! "
Sumeryoso siya.
"Pinaghirapan ko 'yan kaya 'wag mong basta ipapatapon sa akin dahil para mo na rin akong inuto, pinahanap tapos ipapatapon? Lintek! Kung alam ko lang sana itinapon ko na!"
"Daldal mo! Nandiyan ang boss ko."
"Ha?" Napalingon siya sa babaeng nakayuko at nakaupo sa gilid ng ng upuan.
Napakurap si Ellah.
"B-boss? Boss mo? Tangina pare hindi mo sinabi! Pasensiya na hindi ko kayo agad nakilala madam, napakaganda niyo pala sa personal!"
"Vince," saway ni Gian na hindi niya pinansin at umupo sa tabi ng dalaga.
"Madam, bakit mo nga pala binigyan ng sumbrero ang kaibigan ko?"
"Ha? Ahm..."
"Kayo na ba?"
"Ha? Hindi ah!" Bigla itong nataranta na napatingin kay Gian.
Si Gian na madilim ang anyo.
"Vince pare, pwede bang lumabas ka muna?"
"Sabihin niyo madam, may gusto ba kayo sa kaibigan ko?"
"Ha?"
Hindi na nakatiis si Gian sa pinagsasabi ng walang hiyang kaibigan. Bigla siyang tumayo at kinaladkad ito palabas.
"Labas sabi!" Itinulak na niya ito ng malakas kaya napalabas.
"Pambihira, pre naman!" reklamo nito.
Ini lock niya ang pinto.
"Pasensiya ka na, gano'n talaga 'yon. Huwag mo na lang pansinin."
Tumayo ang dalaga at tinitigan siya.
Kabadong natigilan siya sa inaasta ng amo.
"Tungkol doon sa itinanong ng kaibigan mo, pag-iisipan ko ang sagot," anito bago lumabas.
"Mag pagaling ka agad, nakaka miss ang mag-isa."
Napanganga ang binata.
Anong ibig nitong sabihin?
May gusto ba talaga sa kanya ang isang Ellah Lopez?
Unti-unti siyang napangiti.
"Tangina... Hindi nga!"
Nasa byahe sila Ellah pabalik nang magsalita si Don Jaime.
"Nagkausap ba kayo ni Gian?"
"Ho? Ah, opo lolo."
"Kung hindi pa umamin ang kaibigan niyang si Vince wala man lang tayong alam."
"Lolo,saan niyo ba nakita 'yang si Gian? Gwardya lang ba talaga siya? Bakit may alam siya sa negosyo?"
"Hindi ko alam hija, basta ayusin mo pagtrato sa kanya at hiniram ko lang siya sa kaibigan ko."
Napabuga ng hangin ang dalaga.
'Sino ka ba talaga Gian?'
---
LOPEZ MANSION...
Nakauwi sila na ang utak ng dalaga ay lumilipad sa kung saan, patungo kay Gian!
"Nakakabaliw ka Gian! Nakakabaliw ka!"
Hinaplos niya ang swan na napanalunan nila ni Gian. Kung gaano kahalaga sa kanya ang swan na ito gano'n din kahalaga kay Gian ang sumbrero nito.
Kinapa niya ang tapat ng dibdib.
"May gusto ba ako sa kanya?"
Mariin siyang umiling.
'At kung meron mang gusto si lolo para sa akin ay tiyak na hindi kagaya ni Gian na isang hamak na gwaryda lang.
Wala akong panahon sa ganyan. Dapat kong unahin ang kapakanan ng kumpanya bago ang sarili ko.'
Hindi niya palalagpasin ni ang pagkakataong makamit ang katotohanan sa likod ng pananabotahe sa kanya ng kung sino mang tauhan nila.
Subalit ang ebidensiyang nasa kanya ay hindi legal dahil bawal mag espiya sa empleyado.
Kaya gumawa siya ng ibang paraan.
---
MEDC OFFICE...
Araw ng Lunes ay nagpatawag si Ellah ng meeting para sa lahat ng manager at supervisor.
"Magandang umaga sa lahat alam niyo ba kung bakit ko kayo ipinatawag?"
Tumahimik ang lahat ng nasa loob ng conference room.
"Ang agenda? Ang paglantad sa naninira sa kumpanya!"
Umugong ng husto ang bulungan.
"Hindi ko kailanman inisip na may gagawa ng ganito sa kumpanya. Na may maninira sa akin!"
Katahimikan.
Inilibot niya ang tingin sa lahat bago nagsalita.
"Ngayon alam ko na kung sino ang may pakana! Mr. Matias tumayo ka!"
Tumayo ang lalaking tinawag niya.
Umugong ang matinding usapan.
"Siya pala? Eh hindi ba foreman yan sa production?"
"Tama! Siya pala!"
Dinig niyang usapan ng dalawang lalake sa kanyang tabi.
"Pumunta ka rito Mr. Matias at sabihin mo kung sino ang salarin."
Muling umugong ang usapan.
"Hindi pala siya? Sino pala?" wika ng isang lalake.
"Si Serapio Santos po! Ang manager ng Production!" anito sabay turo sa lalaki na ngayon ay gulat na gulat.
Lumipad ang tingin niya sa itinuro ng saksi.
Napatayo ang salarin.
"Sinungaling! Bakit ako ang pinagbibintangan ninyo!"
Nagsimulang magulo ang lahat at binato ng kung anu-anong masasakit na salita ang lalake.
"Ipaliwanag mo Mr. Matias!" Matigas na utos niya.
"Noong nakaraang linggo ay kinausap ako ni Mr. Santos na sirain daw namin ang dating manager na si Mr. Valdez sa pamamagitan ng pagsira sa produkto.
Ang kapalit ay ang pagtaas ng posisyon ko.
Kapag siya ang pumalit sa manager ako ang magiging supervisor at ginawa namin. Nagawa naming patalsikin si Valdez!"
"SINUNGALING!" bwelta ni Mr. Santos.
"Nagsasabi ako ng totoo! Nagbayad kami ng iilang tao para lagyan ng lupa ang carbon bago ideliver."
Mas lumakas na ang usapan at panay naman ang pagtanggi ng salarin.
"Mr. Javier!" Tawag niya sa isa pang opisyal.
Tumayo ang tinawag.
Natahimik ang lahat.
"Ikaw ang Marketing manager bakit hindi mo man lang napansin na hinaluan pala ng lupa bago nadala sa planta? Kung nakita agad 'yon sana hindi tayo napahiya!"
"Sinuri ko po Ms. Sa ilalim inilagay ang lupa kaya hindi ko nakita sa ibabaw ng truck, doon na lang sa planta noong pagbuhos nila."
Umahon ang galit sa dibdib niya. Tumawag kasi ito matapos ang usapan nila ng manager ng planta at sinabing na reject sila.
Hindi lang naman pera ang usapin dito kundi ang reputasyon nila, ang kredibilidad ng kumpanya!
"Bakit Mr. Santos?" Hinarap na niya ito. " Bakit mo 'yon ginawa?"
"Huwag kayong maniwala Ms. sinisiraan lang ako niyan para siya ang pumalit sa akin! Walang hiya ka Matias!"
Bumaling ang tingin niya sa saksi.
"Sa akin po kayo maniwala! Hindi ako natatahimik sa nangyari! Hindi ko masikmura na gumawa ako ng masama para sa pansariling interes! Ang lahat ng ito ay pakana ni Santos!"
Nagwala ang tinuturong salarin at akmang susugurin na ang saksi mabuti na lang at maagap itong pinigilan ng ibang opisyal na naroon.
"Isa ka rin naman sa may pakana Mr. Matias! Dapat sa'yo makulong din!" Sigaw ng isa sa mga naroon din.
Sumang-ayon ang karamihan kaya naalarma at natakot ang saksi.
May kasalanan nga ito subalit mas may kasalanan ang tinuturo nito.
"Umamin ka na Mr. Santos baka maawa pa ako sa'yo!" Sigaw na niya.
"Wala akong kasalanan!"
Naubos ang pasensiya niya.
"Dakpin ninyo ang salarin!" Matigas niyang utos sa dalawang pulis na nasa labas lang naghihintay at inihanda niya sa oras na matapos ang usapan.
Pumasok ang dalawang pulis at inaresto ang Production Manager.
"Ms. Ellah! Wala akong kasalanan! Na set-up ako!" Hiyaw nito habang binibitbit ng mga pulis palabas.
"Sa presinto ka na magpaliwanag!" wika ng isa sa mga pulis.
"Magsasampa ako ng kaso! Ano ba! Bitiwan niyo ako!"
"Baunin mo ang ebidensiya Mr. Santos baka sakaling maalala mong ikaw pala ang may pakana!" Sigaw niya habang nagpupumiglas ito.
Nagkagulo ang lahat ngunit natahimik din nang mawala sa kanilang paningin ang mga ito.
"Mr. Matias, lumabas ka na."
"Opo Ms. Ellah." Mabilis itong tumalima at pagsarado ng pinto ay itinaas niya ang noo at hinarap ang lahat bago nagsalita.
"Alam kong hindi pa rin kayo tuluyang naniwala.
Panoorin niyo ito."
Isinaksak niya ang USB sa isang malaking tv projector at nagsimulang mag play ang video.
May dalawang lalaki sa loob ng opisina.
Umugong ang usapan.
"Hala? Si Santos 'yan at si Matias hindi ba!"
"Congratulations sir! Napakagaling mo talaga! Sinong mag-aakalang may plano ka rin!"
"Natural, hindi sila mag-iisip na ako 'yon dahil ako ang nagsumbong."
"Ngayon, hindi ka na lang supervisor!"
"Tama ka! Hindi tayo uunlad nito kung may sipsip tayong amo. Ngayong wala na si Valdez, madali na lang sa atin ang lahat."
Pinatay niya ang video at muling humarap sa naroon.
"Sa inyong lahat na naririto! Sana ay hindi na mauulit ang paninira sa kumpanya. Kung may problema o reklamo dumeretso kayo sa akin."
"YES MS.!" sagot ng lahat.
"This meeting is adjourned!"
Hindi magagamit ang ebidensiya kaya kinausap niya ang foreman bago ang meeting.
"Good morning Ms. Ellah, Ipinatawag niyo raw ako Ms.?"
"Have a seat Mr. Matias." Iminuwestra niya ang uluan sa harap ng kanyang mesa.
"Ilang taon ka na ba sa kumpanya?"
"Magsasampung taon Ms."
"Sampung taon pero nagawa mo pa ring magloko?"
"A-anong ibig mong sabihin?"
Tumalim ang tingin niya dito.
"Mr. Matias, alam kong kasabwat ka sa pagmamaniobra ng produkto at huwag mong tangkaing mag deny kung ayaw mong ipakulong kita."
Hindi ito nakaimik.
"Bibigyan kita ng isang pagkakataon kung makikipag cooperate ka sa akin," matigas niyang wika.
Marahan itong napalunok bago yumuko. "O-opo Ms."
"Mr. Matias sabihin mo nga hindi ka ba kuntento sa sahod mo?"
"M-Ms.?" Bahagyang umangat ang mukha nito.
"Kasi bakit mo nagawang sirain ang kumpanya? Pwede ka namang dumeretso sa akin."
"Patawad po Ms. nadala lang ako sa posisyon. Sabi po kasi niya kapag siya ang naging manager ako ang magiging supervisor."
"Bakit sa kanya ka naniniwala?"
"Pasensiya na po Ms."
Huminga siya ng malalim.
"Nandiyan na 'yan makipagtulungan ka na lang sa akin at ibibigay ko ang posisyong gusto mo."
Tuluyang umangat ang mukha nito at tiningnan siya.
"T-talaga po? Opo Ms. kahit ano pong ipapagawa ninyo gagawin ko po."
"Simply lang Mr. Matias, sabihin mo lang na si Mr. Santos ang may pakana pasimuno ng paninira sa kumpanya."
Napalunok ito bago tumango.
Ito ang paraang naisip niya upang hulihin ang salarin.
Hindi sapat ang ebidensiya kailangan may saksi, hindi sapat ang saksi, kailangan may ebidensiya.
Ngayong nalaman niya ang totoo walang kinalaman ang dating Manager, gano'n pa man, may kasalanan pa rin ito.
Nang araw na iyon ay pinabalik niya sa posisyon ang dating manager kasama ang dating foreman na ngayon ay supervisor na.
---
MEDC SITE...
Naiilang si Ellah habang magkasama sila ni Gian sa kotse patungo sa site.
Gano'n pa man ay masaya siya na naka recover na ito.
"Mr. Villareal, thank you."
Napangiti si Gian.
"Maraming salamat din sa paniniwala sa akin Ms. Ellah."
"Anyway, tumigil na si lolo sa paghahanap ng mapapangasawa ko."
"Talaga? Mabuti 'yon Ms. Ellah."
"Tingin ko rin, kasi nakakapagod na."
"Tama, nakakapagod talaga 'yon," masiglang tugon nito.
"You look happy do you?"
"Ha?" Napasulyap ito sa kanya habang nagmamaneho.
"Wala, masaya lang ako kasi nalaman na natin kung sino ang may pakana."
"At dahil 'yon sa'yo kaya thank you," nakangiti na niyang turan.
Habang nasa daan sila papasok sa area ay napatingin sila sa gabundok na coal doon.
"Ms. para saan ba 'yong mga 'yon?" turo nito sa produkto.
"Iyan na ang ni-reject ng planta na puno ng lupa."
"Tangina,' yan na ba? Ang dami pala!"
Huminto sila kaya nagtaka ang dalaga.
"Bababa ako Ms. Ellah, kung pwede gusto kong makita at mahawakan."
"Sige" bumaba na rin siya.
Hinawakan ng bodyguard ang produkto.
"Sa tingin ko pwede pa itong pakinabangan."
"Ha?"
"Linisin lang ito, pwede pa itong ma recover."
"Naisip na rin namin ang bagay na 'yan at dahil lugi pa rin kahit mabenta, hindi na lang namin itinuloy."
Napalingon si Gian.
"Ano bang iniisip niyo? Ibenta ng ganito pagkatapos linisin?"
"Oo, bakit?"
"Hindi gano'n ang naiisip ko Ms. Ellah."
Umawang ang bibig niya. "Anong ibig mong sabihin?"