Chereads / SHE'S A VAMPIRE[TAGALOG NOVEL] / Chapter 4 - SHE'S A VAMPIRE CHAPTER 2

Chapter 4 - SHE'S A VAMPIRE CHAPTER 2

Ran's POV

"NAKAKAINIS TALAGA ang lalaking `yon! Bakit ba kasi siya nasa bahay?" tanong ko sa sarili habang naglalakad papasok sa eskuwelahan. Bumabangon talaga ang inis ko sa isang iyon.

"Mabuti at hindi ka late ngayon, bata?" wika ng guard na nakangisi.

"Ah, opo. May bwisita kasi sa bahay kaya maaga akong pumasok," sagot ko naman.

Nagpatuloy ako sa paglalakad at napansin ko nga na wala pang masyadong mga estudyante. Nakakapanibago rin pala kahit paano. Naisipan ko na lang munang pumunta sa canteen para kumain dahil hindi pa ako nakapag-aalmusal. Ayaw ko kasi talagang makasabay sa hapag-kainan ang lalaking iyon kaya mas okay na huwag na ako roon kumain.

Habang nasa counter ako at tumitingin ng o-order-in kong kakainin ay narinig ko ang dalawang nagtitinda na nagkukwentuhan.

"Napanood mo ba `yong balita kaninang umaga?" tanong ng isang nagtitinda.

"Iyong tungkol ba sa mga bampira ang tinutukoy mo?" tanong naman ng isa. "Ah, oo. Napanood ko iyon! Salot talaga iyang mga bampirang iyan! Bakit ba naman kasi nandito sila sa mundo natin?"

"May makita lang talaga ako sa kanila, haist! Talagang tatagain ko sila sa leeg." Banta ng isang tindera na may hawak na kutsilyo.

Natigilan ako. Ang lakas ng kabog ng aking dibdib. Parang hindi ko kayang marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. Humakbang ko paatras at paalis na sana ako nang bigla akong tawagin ng isa sa mga tindera.

"Ano iyon, `neng? Lugaw? Sorry, mamaya pa `yon kasi hindi pa luto," sabi nito at lumapit sa akin.

Napatingin naman ako sa hawak nitong kutsilyo. Naalala ko tuloy ang sinabi nito na tatagain ang isa sa amin kapag nakita kami.

"A-ah, w-w-wala p-po," wika ko na nauutal saka dali-daling umalis sa lugar na iyon.

Pabalya akong naupo sa silya nang makarating sa silid-aralan. Sobrang kaba at nangangatog ang mga tuhod ko. Kahit anong kontrol, hindi ko mapakalma ang aking sarili. Mabuti at ako pa lamang ang nandito.

Buong klase ay nakatulala lang ako dahil sa mga narinig ko kanina sa canteen. Kaya naman, nang mag-lunch na ay hindi na ako lumabas pa sa classroom at nanatili na lamang doon.

Nakatingin lang ako sa labas ng bintana at pinagmamasdan ang mga ibon na lumilipad sa himpapawid.

"Buti pa sila, malayang lumilipad sa kalangitan at naglalakbay kahit saan man nila gusto," sambit ko sa mahinang tinig.

"Alam ko na! Para malaman natin kung tao ba o bampira ang nakasasalamuha natin dito sa classroom at sa labas, magsuot tayong lahat ng rosaryo! Sa nabasa ko kasi, takot ang mga bampira sa mga bagay na may krus."

Lumingon ako bigla sa gawi ng mga kaklase ko nang marinig ang pinag-uusapan nila.

Anong ibig nitong sabihin? Takot ang mga bampira sa krus? Eh, bakit nakapagsusuot ako ng rosaryo?

Napatingin tuloy ako sa kwintas na nakasabit sa leeg ko, isang kwintas na may maliit na krus.

"Nakakainis talaga ang mga bampira na iyan! Nag-aanyong tao pa sila kaya hindi natin alam kung isa rito sa klaseng ito ang bampira." Dagdag pa ng isa kong kaklase.

"Hindi ninyo ba alam? Kaya nag-aanyong tao sila ay para may maging kaibigan sila, at sa huli papatayin nila ito at iinumin nila ang sariwa at kulay pulang dugo mo," wika at komento pa ng isa kong kaklase.

"Ayoko na! Dapat talaga mawala na ang mga salot na nilalang na iyan eh!" sigaw ng kaklase kong babae.

"Mommy, ayoko pang mamatay," wika ng isa pa sabay yakap sa isa pa naming kaeskuwela.

"Makita ko lang sila, tatanggalan ko talaga sila isa-isa ng pangil!"

Napayuko na lamang ako sa mga naririnig ko.

Hindi naman totoo lahat ng binanggit nila tungkol sa amin. Hindi kami mamamatay tao. At higit sa lahat, hindi kami umiinom ng dugo ng mga ito. Ang gusto lang namin ay mabuhay ng normal. Walang pangungutya, at malayo sa diskriminasyon. Gusto lang naman naming maramdaman kung paano mabuhay nang maayos. Iyong may minamahal ka at may nagmamahal sa'yo.          

HABANG NAGTUTURO si Mr. Ballesteros sa harap ay parang umiikot ang paningin ko. Nagiging dalawa ang guro namin, at ang mga numero na nakasulat sa pisahara ay gumagalaw na para bang sumasayaw.

Napahawak ako sa ulo ko. Dahil siguro ito sa hindi ko pagkain kanina ng agahan at tanghalian. Ilang sandali pa ay tumayo ako sa kinauupuan ko at nagpaalam kay Mr. Ballesteros na magbabanyo lamang saglit.

Nang nasa banyo na ay pumasok ako sa isang cubicle sa pinakadulo. Umupo ako sa toilet bowl at kinuha ang isang pack ng dugo ng baboy sa bag na itinabi ng aking ama kagabi. Binuksan ko agad ito at agad-agad na nilagok.

Para akong isang sanggol na uhaw na uhaw sa gatas ng ina dahil naubos ko agad ito. Napatingin naman ako sa balat ko. Bahagyang nagkakaroon na muli ito ng kulay at hindi kagaya kanina na ang putla-putla.

Pagkatapos kong uminom ng dugo ay bumalik agad ako sa classroom dahil malapit na rin matapos ang klase para sa araw na ito.

Nang uwian na ay nakasabay ko si Abcde palabas ng gate.

"Ang weird ng mga classmates natin, `no?" tanong niya sa akin.

"Huh? Bakit mo naman nasabi?"

"Kasi tingnan mo, nagpapaniwala pa rin sila sa mga bampira. Dahil lang sa balitang napanood nila, naniwala na sila agad?" Umiiling na saad niya.

"Bakit, ikaw? Hindi ka ba naniniwala sa bampira?" tanong ko sa kanya.

"Hindi," sagot niya at tumingin sa akin.

"Bakit hindi ka naniniwala sa kanila?" tanong kong muli. Punong-puno ng kuryosidad.

"Maniniwala lang ako sa kanila kapag may isang kakagat sa akin at sasabihin niyang isa nga siyang bampira," sabi niya at tuluyang umalis.

Kalokohan! Sino namang bampira ang gugustuhing ipahamak ang sarili sa pamamagitan ng pagkagat at sabihin ang kanyang tunay na pagkatao?!

Isang napaka-laking kalokohan.

PAGKARATING KO sa bahay ay nadatnan ko si Papa na nanonood ng telebisyon sa sala.

"Nand'yan ka na pala," sabi nito habang nasa telebisyon pa rin ang mata. "Tingnan mo `tong balita, kayong mga bampira na naman ang pinag-uusapan dahil lamang sa isang bampirang nagwala sa isang resto bar at muntikan na niyang kagatin `yong isang waitress," wika pa nito.

Sinundan ko ng tingin kung saan naroon ang mga mata ni Papa. Tama nga, laman na naman kami ng balita. May mga taong na-interview na nagsasabing dapat daw talagang mawala na kaming mga bampira sa mundo dahil isa lamang kaming napakalaking salot sa lipunan.

Nag-init ang sulok ng aking mga mata. "Bakit gano'n? Bakit ang hirap sa kanilang tanggapin kami? Gusto lang naman naming mabuhay ng normal kagaya sa inyo," sabi ko kay Papa.

Lumapit si Papa sa akin at hinawakan ang aking dalawang kamay. "Tahan na, nasasabi lang nila iyon kasi hindi pa nila kayo lubusang kilala. Pero ako, anak? Kilala ko kayo, lalo ka na. Mabait, maalaga at mapagmahal kang anak. Siguro, sa ngayon nasasabi nila iyon dahil, ang pagkakakilala nila sa mga bampira ay masasama. Pero, oras na malaman nila na mabuti kayo, matatanggap din nila kayo. Kaya naman tahan na," turan nito sa akin na panay ang alo. Mayamaya pa, ako'y kaniyang niyakap.

"Salamat po, papa."

Mabuti pa si Papa naiintindihan niya ako kahit isa siyang tao at hindi niya ako tunay na anak. Sana lahat ng tao katulad ni papa.

Bigla akong napalayo sa pagkakayakap nito nang may marinig akong bumagsak sa kuwartong nakasara palagi malapit sa aking kwarto.

"Ano 'yon?" tanong ko. Tiningnan ko si Papa.

"Hindi ko alam."

"Diyan lang po kayo. Titingnan ko lang kung ano iyong nahulog," wika at bilin ko kay Papa. Agad akong pumunta sa kuwarto kung saan nagmumula ang ingay.

Saglit akong natigilan nang muling may bumagsak sa loob noon.

"May tao kayang nakapasok?" bulong ko sa aking sarili.

Nang nasa harap na ako ng kwarto ay dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto at unti-unting binuksan.

"Huli ka!" sigaw nito.

Napakunot ako ng noo. Tiningnan kong mabuti kung sino iyon.

"Akala mo makakatakas ka sa akin, hayop ka!" sabi nito.

Naikuyom ko ang aking isang kamao nang makilala ko ito. "Perzeus Lee! Anong kahayupan `to!?" sigaw ko rito.

Nagulat naman si Perzeus na napatingin sa aking direksyon.

Hindi naman ako makapaniwala nang bigla nitong lunukin ang hawak-hawak na buhay na daga. Tumawa pa ito nang peke. "H-hi?"

Nandidiri akong sumigaw, "Dugyot!" At dali-daling iniwan ito roon.

Bampira nga ako pero hindi naman ako kasing dugyot ni Perzeus na pati buhay na daga, kakainin. Hanggang karne ng manok, baboy, baka at kambing lang ang kinakain ko at syempre, niluluto iyon ni Papa bago ko kainin.