Ran's POV
MALAKAS NA sigaw ang ginawa ko sabay bangon sa kama nang makita ko sa wall clock kung anong oras na. "Late na `ko!" Agad akong pumasok sa banyo at nagmadaling naligo.
Hindi ko na alam kung paano ako natapos at nakapagbihis sa sobrang pagmamadali. Kailangan kong bilisan.
"Good morning, `nak!"
"Morning, papa! Sige, aalis na po ako. Ba-bye!" Paalam ko sa Papa ko.
"Teka, hindi ka pa kumakain, ah!" sigaw nito pahabol sa akin habang may hawak na kape at tinapay sa magkabilang kamay.
Mabilis kong kinuha ang tinapay sa kamay nito. "Salamat na lang dito sa pandesal, papa. Male-late na kasi ako sa school. Sige po, ba-bye! Love you!" sigaw ko ulit at sumakay na ako sa aking bike.
Mga thirty minutes lang naman ako kung mag-bike papuntang school kaya sigurado akong hindi pa ako masasaraduhan ng gate. Nasa may isang kanto na ako malapit sa paaralan nang makita kong sinasara na ni Kuyang Guard iyong mismong gate.
"Kuya, sandali!" sigaw ko rito. Rinig na rinig ang pagpreno ko ng aking bike.
Nagulat naman ang guard at napatingin sa akin. "Ikaw na naman?! Bakit lagi ka na lang late?" bulyaw sa akin nito.
Tumawa na lang ako nang mahina. "S-sorry po," nahihiyang sabi ko at nag-peace sign.
Binuksan naman nito ang gate kaya nakapasok na ako.
"Salamat po! Sana tumagal pa po kayo sa serbisyong ito!" nakangiting saad ko habang akay-akay ang aking bike. Iginilid ko ito sa isang tabi at nilagyan ng kadena at padlock.
Umiling-iling lang ito sa akin. "Ikaw talagang bata ka, pumunta ka na nga sa klase mo!"
Natawa na lang ako.
Lusot!
Ilang sandali pa akong naglakad papunta sa klase ko nang may isang lalaki akong nakasalubong sa corridor.
"Excuse me," tawag nito sa akin.
"Bakit?"
"Alam mo ba iyong room na `to? Kanina ko pa kasi hinahanap eh, pero hindi ko mahanap," sabi nito at sabay kamot sa sariling batok.
Aw. Ang cute niya.
"Ah, alam ko iyan. Room ko iyan. Tara! Sumabay ka na lang," sabi ko.
"Sige."
Habang naglalakad kami, panay ang lingon ko sa katabi kong lalaki at aking napansin na parang ngayon ko lang siya nakita rito.
"Parang ngayon lang kita nakita, bago ka?" tanong ko.
Tumango lang siya.
Sabi ko na nga ba!
Iba kasi ang itsura at pormahan nito kumpara sa mga lalaki rito kaya napansin ko agad ito.
"Nandito na tayo," anunsyo ko nang nasa harap na kami ng classroom.
Pagkabukas namin ng classroom ay nandoon na si Mrs. Marquez at nagtse-check na ng attendance.
"Kim, Ranya?"
"P-present!" sagot ko.
Matalim ang tingin ni Mrs. Marquez paglingon nito sa akin. "You! You're late again!" bulyaw nito sa akin at lumapit sa may pinto kung saan nakatayo pa rin ako kasama ang lalaking nakasalubong ko kani-kanina lang. "Pumunta ka ngayon sa library at ayusin mo lahat ng mga nagkalat na libro doon. Now!" sigaw nito sa akin.
"Pero, ma'am"
"Walang pero-pero! Sige na!" sigaw na naman nitong muli sa akin at pinanlakihan pa ako ng mga mata.
Tumalikod na ako at nagsimula na maglakad papunta sa library nang pinigilan ako ng lalaking kasama ko kanina.
"Sandali lang." Pigil nito sa akin habang hawak ako sa may pulsuan.
"Bakit?" tanong ko.
Hindi naman niya ako sinagot at hinarap si Mrs. Marquez at nagsalita. "Excuse me, ma'am. Baka p'wedeng papasukin ninyo muna siya? Oras po ng klase ngayon at hindi oras para maglinis," sabi nito.
Napataas naman ng kilay si Mrs. Marquez sa sinabi ng lalaking katabi ko. "At sino ka naman?" pagsusungit nito.
"I'm Abcde Xyz Jerusalemtransfer student." Pagpapakilala ng katabi ko. "Hindi ko alam na sa unang araw ko rito ay ito ang masasaksihan ko," umiling-iling na saad ng Abcde raw ang pangalan.
"Oh! Ikaw pala `yong transfer student? Come here! Come inside," sabi ni Mrs. Marquez at binigyan pa kami ng daan papasok sa classroom. "Okay, attention everyone!" sigaw ni Mrs. Marquez kaya umupo nang maayos ang mga kaklase ko.
Napailing na lang ako.
"Ang bilis talagang magbago ng mood ang mga tao," bulong ko.
"TULUNGAN NA kita," ani lalaki sa aking likuran.
Napatingin naman ako sa nagsalita. "Oh! Ikaw pala. Hindi na, kaya ko na ito!" sabi ko kay Abcde. Nandito kasi ako ngayon sa library at inaayos ang mga librong nagkalat.
"Kanina ka pa kaya nandito. Akin na `yang iba at ako na ang mag-aayos." Inagaw nito ang librong hawak ko.
Napailing na lang ako. Wala na akong nagawa. Baka makagawa pa ako ingay, mapagalitan pa kami pareho.
Habang nag-aayos ng mga libro ay naisipan kong tanungin siya. "Oy, bakit ka nga pala lumipat ng school?" tanong ko.
"Bakit nga ba?" sabi nito at kunwari'y nagiisip.
"Psh! Dali na! Pabebe nito!" sabi ko at ibinato sa kanya iyong encyclopedia na aking hawak-hawak.
"Oo na! Ang amazona mo," natatawang saad nito at pinulot ang ibinato kong makapal na libro.
"Ano na?" naiinip kong tanong.
"May hinahanap kasi ako," sagot nito at tumingin sa akin nang napakaseryoso.
"Sino naman iyong hinahanap mo? Si Ms. Right mo?"
"Isang bampira."
Parang may kung anong bagay ang bumara sa lalamunan ko nang marinig ang salitang 'bampira'. Pakiramdam ko ay nanlamig ang buo kong katawan.
"Joke lang! Bulok kasi ang sistema ng school na pinapasukan ko dati kaya naman lumipat ako," natatawang saad nito at napatingin sa akin. "Hoy, Ran! Okay ka lang? Takot ka ba sa bampira?" tanong nito at saka lumapit. "Joke ko lang naman iyon! Saka hindi naman talaga nag-e-exist ang mga iyon, eh! Nasa 21st century na kaya tayo kaya wala na `ang mga bampira-bampira na `yan. Hindi naman totoo ang mga `yon. Gawa-gawa lang nila," mahabang wika ni Abcde.
Anong hindi nag-e-exist? Isa nga ako sa mga bampirang nabubuhay pa!
"A-ah, oo! Tama ka!" Iyon na lang ang naisagot ko kay Abcde.
Tuwing naririnig ko kasi sa mga tao ang tungkol sa aming mga bampira ay parang nanghihina ako. Nangangatog ang mga tuhod ko pati ang akinh buong katawan. Kaya naman hindi ko nagustuhan ang dating ng biro ni Abcde sa akin.
PAGKAUWI KO ng bahay ay nadatnan ko si Papa na nagluluto sa kusina. Abalang-abala ito sa ginagawa habang nakasuot ng apron. Lumapit ako sa kinatatayuan nito. "Ano pong niluluto ninyo?" tanong ko sabay dukwang sa kaserola.
"Oh, nakauwi ka na pala," sabi nito at hinagkan ako sa noo. "Magbihis ka na. Malapit na maluto itong ulam nating karne ng baboy," anito at bumalik ang atensyon niya sa hinahalo.
Pumunta naman ako sa kuwarto at nagbihis ng pambahay na damit. Napatingin ako sa salamin na nasa aking harapan. Kung titingnan ay parang ordinaryong tao lang ako pero, hindi. Isa akong bampira na nabubuhay nang isang libong taon na ang nagdaan.
"Ran, kakain na!" tawag sa akin ni Papa.
Lumabas naman ako ng kuwarto para kumain.
"Heto, kumain ka nang marami para tumaba ka naman," nakangiting saad nito habang nilalagyan ng kanin at ulam ang plato ko. "Siya nga pala, mayro'n akong itinabi na dugo para sa'yo. Kapag nauuhaw ka, nasa ref lang," sabi ni Papa.
"Salamat po," nakangiting sambit ko.
Bampira ako pero, pinipilit kong maging normal kagaya ng isang tao. Kahit ayaw ko sa gulay dahil hindi ito ang tipo ko, kumakain pa rin ako. Gusto kong maging kagaya nila. Pati prutas na ayaw ko dati, ngayon ay nakakain ko na rin. Basta maipakita ko lang na normal ako at kaya kong makipagsabayan sa mundo ng mga normal kahit pa na iba ako. Ngunit, kahit anong kainin at isuot ko kagaya ng isang normal na tao ay may isang bagay ang hinahanap-hanap ng aking katawan. Iyon ay ang dugo.
Matapos kaming kumain ni Papa ay dumiretso agad ako sa aking silid. Puwesto ako ng higa sa isang kabaong kung saan ito ang nagsisilbing kama ko. Habang nakahiga ay nakatakip ang isang braso ko sa aking mga mata.
Iniisip ko kung paano kaya ang buhay ko kung hindi ako isang bampira.
"Kung hindi ako bampira, alam ko kaya ang lasa ng sariwang dugo?" bulong ko.
"Bakit mo naman naitanong? Nagsisisi ka ba na isa kang bampira?"
Napakunot naman ako ng noo nang marinig ko ang boses na iyon kaya mabilis kong tinanggal ang brasong nakatakip sa aking mga mata.
"Ay, bampira!" sigaw ko nang nasa harap ko si Perzeus.
Walang emosyon niya akong tinitingnan.
"Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?" tanong ko sa kanya.
"Bukas ang bintana mo," sabi niya at tinuro ang isang bintana sa kwarto na nakabukas nga. Tinatangay pa ng hangin ang kurtinang nakakabit doon.
Napahilamos na lang ako sa aking mukha.
"Ano ba kasing ginagawa mo rito?" Pagsusungit ko. "Umuwi ka na! Matutulog na ako." Pagtataboy ko sa lalaking ito.
"Na-miss lang kita," sabi nito na hanggang ngayon, wala pa ring emosyon.
"Eh? Na-miss asarin kamo," sabi ko at nahiga na lang ulit.
Ganoon na lang ang aking gulat nang bigla nito akong hilahin paupo at yakapin mula sa likod. "Hoy! Isa! Kakagatin kita kapag hindi ka pa umalis kakayakap." Pagbabanta ko rito ngunit himdi naman ito sumagot kaya nilingon ko siya.
Aba't! Ang loko nakatulog na!
"HOY! ANO BA? Bumangon ka na nga. Ang bigat-bigat ng braso at paa mo!" Panggigising ko kay Perzeus na magpahanggang ngayon ay nakahilata pa rin sa kama ko at nadadaganan pa nito ako. "Hoy! Bangon na! Male-late na ako, oh!" Muli kong gising dito.
Hindi ito sumagot pero umungol.
Bumangon ang iritasyon sa dibdib ko. "Ayaw mong gumising, ah? Humanda ka," bulong ko. Lumapit ako sa tapat ng tainga nio saka sumigaw. "Perzeus Lee, gising na!"
"Ano ba, Ranya!?" bulyaw nito sa akin. Biglang bangon ito habang nakahawak ang kamay sa tainga na sinigawan ko. Masama ang tingin na ipinukol nito sa akin.
"Good morning!" nakangiting bati ko bago unang bumangon at dumiretso sa banyo para maligo.
Ilang sandali pa, tapos na akong maligo at magbihis. Nang lumabas ako sa banyo ay wala na si Perzeus sa kwarto.
Mabuti naman.
"Umuwi na siguro ang mokong na `yon," bulong ko.
Pagpunta ko sa sala ay narinig kong may kausap si Papa. "Bakit hindi ka nagsabi? Eh, `di sana ay naayos `yung isang kwarto sa taas," wika ni Papa sa kausap.
Si Perzeus?! Akala ko pa naman umuwi na ang isang `to.
"Okay lang po, tito. Nakatulog naman ako nang maayo"
"Ako, hindi." Putol ko sa sinasabi nito. "Bakit hindi ka pa umuuwi sa inyo?" tanong ko pa.
"Wala lang. Mas gusto ko rito, eh," nakangiting sambit nito.
"P'wes, ako, hindi ko gusto na nandito ka," sabi ko. "Umuwi ka na nga!" Taboy ko rito. "Papa, punta na akong school," wika ko sabay halik sa pisngi.
Nakakainis! Bakit ba kasi siya nasa bahay? Ano na naman ba ang pakay niya?