IYA
Naupo sa sariling table n'ya si Mam Jacinta. May kababaan ang lamesa kaya naman walang kaso sa kanya ang maupo doon lalo na at mahahaba ang mga biyas n'ya.
"Sino dito ang gustong makipagbasag-ulo forever?"
Umikot ang paningin n'ya sa aming lahat. Wala ni isa mang nagtangkang magtaas ng kamay.
"Sino ang gustong forever ay nasa section C? Iyong walang planong pataasin ang mga grades nila at i-challenge ang sarili para makipag-compete sa mga estudyante sa higher section?"
Wala ulit nagtaas ng kamay.
"Ayaw nyo bang maging forever na ganun o wala lang talaga kayong paki? I tell you guys, kayo ang gumagawa ng sarili n'yong kapalaran. Kung hindi kayo magsusumikap at magbabago, walang mangyayari sa buhay ninyo,"
Tahimik lang akong nakikinig. Mukhang sermon ang first subject namin ngayon. Palihim akong sumilip sa mga kaklase ko. Tahimik ang lahat. Pawang mga naka-poker face. Ang mga lalaki naman akala mo'y nakakita ng dyosang sasambahin. Kung makaasta parang tunay na tunay na mga anghel. Kulang na lang ay tubuan ng kulay dilaw na halo sa ulo.
"Forty kayong lahat. Aasahan ko na sa pagtatapos ng taong ito, lahat kayo ay aalis sa silid na ito na pawang may mga desenteng grades. Igalang ninyo ang mga subject teacher na pupunta sa silid na ito dahil hindi madaling mag-akyat baba mula first floor hanggang 3rd floor. Hindi madaling gumawa ng lesson plan at mas lalong hindi madaling magturo sa sandamukal na estudyante at iba-iba pa man din ang mga ugali. Hindi ko sinabing magbago kayo agad-agad. Wala namang nakakagawa noon, hindi ba?"
Sa tahimik ng silid-aralan namin ay para talagang may dumaan na anghel.
"Walang taong perpekto alam nating lahat 'yan. Pero pakiusap ko naman, bawas-bawasan naman natin ang katigasan ng ulo,"
Muling huminto sa pagsasalita si Mam Jacinta. Inilibot n'ya ang paningin sa loob ng classroom at nag-stop over ang paningin n'ya sa direksyon ko. Napalingon tuloy ako sa kaklase kong tulog na tulog pa din. Palihim na ibinaba ko ang kaliwa kong kamay saka kinurot ng pagkapino-pino ang ma-muscle n'yang hita.
Yup, I can feel it. Muscle 'yun.
Naalimpungatan ang lalaking natutulog. Nag-aapoy ang mga mata n'ya habang nakatingin sa akin. Palihim kong inginuso si Mam. Hindi ko makita ang kabuuang itsura nya dahil sa buhok n'yang sabog-sabog at pagkahaba. Basta ang alam ko lang. Ang talim ng paraan nang pagkakatingin n'ya sa akin. Parang iniisip n'ya pa kung ano ba 'yung sakit na biglang nagpagising sa kanya.
"Mister Sleepyhead, pwede ka bang magpakilala? Isang litro na yata ng laway ang tumilamsik palabas ng bibig ko tulog na tulog ka pa rin." Mam Jacinta use her domineering and stern voice again.
Pero mukhang hindi na iyon tumalab sa lalaki dahil nagpalinga-linga s'ya.
"Who the hell pinched me?!"
Mahina lang ang boses n'ya pero dahil sa talaga namang napakatahimik sa classroom sabayan pa na ang lamig-lamig sa pandinig nung boses n'yang punong-puno ng pagbabanta ang tono, muntik na akong mahulog sa upuan dahil sa gulat. Pakiramdam ko, narinig ko na ang boses na iyon pero hindi ko maalala kung saan dahil mas nangibabaw ang takot na nararamdaman ko ng mga sandaling yun. Ngayon lang ako naka-experience na sa boses pa lang, alam ko ng galit ang kaharap ko at pinaninindigan na ako ng balahibo sa buong katawan.
Tila iisang tao na itinuro ako ng buong klase.
"Teka, anong ako? May ibedensya kayo?" paangil kong tanong sa kanila kahit na ang totoo, paramg gusto ko na lang magpalamon sa lupa dahil sa nerbiyos.
Pambihira, hindi pa s'ya magpasalamat na ginising ko s'ya. Kailangan nya pa talagang manakot at manigaw?!
"Walang nakakita, wala rin kaming evidence pero ikaw lang naman ang katabi n'ya," lakas loob na sabi ng kaklase kong bakla. Nang lumingon ako sa kanya, halos masilaw ang mga mata ko sa namumutok n'yang mga labi na mas mapula pa sa salitang 'mapula'. At kaagad ding na-insecure ang manipis kong kilay sa makurba n'yang kilay na ang ganda pa ng pagkakaayos.
"Are you courting death?" Sa pagitan ng pagtatangis ng bagang ay tanong ng lalaki. "Which hand did you use?"
Tanong pa ulit n'ya na ikinatayo nang balahibo ko sa katawan. Ano namang paki n'ya kung anong kamay ang ginamit ko sa pagkurot sa kanya?
"Which hand?" May kalakasan na n'yang singhal. Pinagsalikop ko ang mga kamay ko sa likuran ko.
Anak ka ng. Baliw yata ang lalaking 'to. Susmio naman Delaila, sa dinami-dami ng upuang nakabakante bakit naman sa tabi pa ng baliw na 'to pa?!
Palihim akong umusal ng panalangin at huminga ng malalim.
Relax Iya. Just Relax. Ano ka ba, pipitsuging monster lang 'yang katabi mo. You don't have to panic okay?
Muli akong huminga ng malalim saka bumaling sa lalaki. Ang takot na nararamdaman ko kanina ay tuluyan ko ng naitago from madlang people. Walang pwedeng makakita na nanginginig na ang tuhod ko sa takot at nerbiyos. Ako si Maria Delaila Magtanggol, apo ni Demetria Magtanggol...isa akong matapang na nilalang!
"Anong balak mong gawin sa kamay ko? Puputulin mo? Ipapagiling mo? Bakit ka kase natutulog eh may klase na. Ang kapal ng mukha mong matulog habang nagl-lecture si Mam!" Ganting panininghal ko sa kanya. O bakit, s'ya lang ba ang marunong?
Noon lang ako tumingin sa kanya kaya naman halos ilang dipa na lang ang pagitan ng mga mukha namin. Para s'yang na-estatwa dahil matapos n'yang makita ang mukha ko ay hindi s'ya makaimik.
Hala s'ya. Ngayon lang ba s'ya nakakita ng dyosa o baka naman mukha akong impakta sa paningin n'ya?
"Ngayon ka lang nakakita ng ganitong pagmumukha?" Tanong ko sabay ngising nakakaloko. Itinuro ko pa ang sarili kong mukha. Alam ko naman sa sarili ko na maganda ako. Pero ayaw ko lang magbuhat ng sariling bangko. Mahirap na, baka sabihin naman nila masyado akong feeling.
"You..." aniyang halos pabulong lang. Nabawasan na rin ang intensity ng galit n'ya kani-kanina lang. "What are you doing here?" sa halip na galit, gulat ang naririnig ko sa tono ng boses n'ya.
Para s'yang surprise na surprise. Akala n'ya naman yata close kami eh hindi ko nga s'ya kilala.
"Anong what are you doing here?" Nakataas ang kilay na tanong ko sa kanya. "Natural nandito ako para mag-aral. Alangan namang pumasok lang ako para kurutin ka," sabi ko sabay iling. Mukhang may problema talaga ang isang 'to. "Magsuklay ka kase para hindi magaya d'yan sa gulo-gulo mong buhok ang takbo ng utak mo," dagdag ko pa.
Hindi ko napansin na halos lahat ng bibig ng mga kaklase ko ay pawang mga nakanganga. Natahimik din mula sa kinapupwestuhan n'ya si Mam Jacinta.
Napataas ang kilay ko ng makita kong kinapa-kapa ng lalaki ang ulo n'ya. At napanganga ako ng maalis ang sabog-sabog na buhok.
"It's just a wig? " manghang tanong ko.
Feeling nasa cosplay convention lang?
"You! what are you doing here? Are you following me?!"
Ako naman ang natigilan sa tanong n'ya. Anong following him, baliw ba s'ya?
Pero naudlot ang mga sasabihin ko pa sana lalo na ng makita ko ang itsura n'ya noong matanggal na ang wig n'ya. Nanlaki ang mga mata ko. Ilang beses ko pang ipinikit at iminulat ang mga mata ko pero iisang imahe lang talaga ang nakikita ko. Ilang beses akong lumunok para pakalmahin ang nagwawala kong puso.
Anak naman ng.
Dear heart, pwede bang kumalma ka naman?
Wala sa sariling hinawakan ko pa ang magkabila n'yang pisngi para makasiguro.
Tama ba ang nakikita ko?!
Si Ivan nga ba 'tong nakikita ko? Iyong lalaking sinagip ni lola noong bumabagyo sa probinsya namin last year! Dalawang buwan rin s'yang nag-stay sa bahay namin dahil ayaw s'yang payagan ni lola na umalis kaagad-agad. Saka isa pa, may taong naghahanap pa rin sa kanya ng mga panahong iyon kaya itinago lang namin s'ya sa bahay. Kapag nangangahoy ako o nag-aani ng gulay isinasama namin s'ya. Sa bukid lang namin s'ya isinasama at never sa Bayan ng Katahimikan. Isang taon na rin pala ang lumipas mula ng maligaw s'ya sa buhay namin.
"Talaga pa lang puro kalokohan lang ang alam mong gawin sa buhay ano? Umayos ka nga, nagl-lecture si Mam hindi ka nakikinig," asar na binatukan ko s'ya saka ako muling bumaling kay Mam. Kailangan kong i-divert sa iba ang atensyon ko dahil kung hindi baka sumabog na ako sa sobrang sayang nararamdaman ko. Akala ko hindi na kami magkikita. Akala ko hanggang sa panaginip na lang kami magkakausap.
I take a deep breath.
Nang mapatingin ako sa mga kaklase ko ay bigla akong nagtaka ng makita ko ang mga facial expressions nila.
Parang mga nahipan ng hangin. Halos malaglag ang mga panga nila dahil sa pagkakabuka ng kanilang mga bibig. Ilang beses na tumikhim si Mam Jacinta bago tila natauhan ang lahat.
"Mister de Ayala sa pagkakatanda ko sa Grade 11 ka. Bakit nandito ka sa classroom ko?"
Tiningnan n'ya ng matalim si Mam Jacinta. Napailing na lang ako. Isang taon na ang lumipas hindi pa rin nagbabago ang paraan n'ya ng pagtingin sa mga tao. Kung makatingin s'ya parang tumutungin lang s'ya sa langgam. Asar na piningot ko ang tenga n'ya.
"Umayos ka nga, teacher 'yang kumakausap sa'yo," sermon ko sa kanya.
Tiningnan n'ya lang ako saka pinagtaasan ng kilay.
"So?" parang nang-iinsulto pa n'yang tanong. Kaya siguro napag-tripan 'to doon sa may amin. Napakayabang. Ang sarap naman talagang ilunod sa ilog ng mga taong may pag-uugaling ganito.
Ako naman ang nagtaas ng kilay.
"So? So, kung mag-aaral ka, mag-aral ka. Kung tatambay ka lang umuwi ka sa inyo para hindi ka nakakaabala ng iba." sikmat ko sa kanya. Tsk. Hindi pa rin talaga nagbabago ang kumag. Hay naku, hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko kung ano ang nagustuhan ko sa kanya.
Ilang beses akong umiling saka tumayo. Kailangan kong bigyan ng space ang sarili ko dahil hindi ko alam kung ano ang susunod na gagawin. Yayakapin ko ba s'ya o gugulpuhin dahil napakawalang-galang?! Mas malapit sa katotohanan ang paggawa sa huli, dahil iyong unang naisip ko... Ano namang karapatan kong gawin ang bagay na 'yun diba?
THIRD PERSON's POV
"So? So, kung mag-aaral ka, mag-aral ka. Kung tatambay ka lang umuwi ka sa inyo para hindi ka nakakaabala ng iba."
Iyon ang mga katagang narinig ng tatlong magkakaibigan pagkarating na pagkarating nila sa section C sa Building 3. Hindi nila maintindihan kung anong meron sa naturang building dahil kapag nawawala sa classroom nila ang magaling na si Ivan Kerwin de Ayala o Iker ay dito nila ito palaging natatagpuan.
Pero teka lang, sino 'tong babaeng mukhang manang ang may lakas ng loob para sermunan ang kaibigan nila?
"Good morning po Mam Jacinta," magalang na bati ng lalaking may clean cut na buhok. Kabilang s'ya sa top 5 ng mga male students na kabilang sa Heartthrob List.
"Good morning Jaire. Narito ka ba para sunduin ang kaklase mo?" Seryosong tanong ni Mam Jacinta sa estudyante. Alam na ng guro ang kilatis ng bawat estudyante sa naturang paaralan. Sa Junior High s'ya nagtuturo pero hindi matatawaran ang kasikatan ng mga estudyanteng nasa Senior High kaya naman kilalang-kilala sila ng mga guro.
"Opo Mam. Alam n'yo naman ang sakit n'yan. Wala s'yang sense of direction," natatawang wika naman ng estudyanteng may alunang buhok. Bad boy ang datingan ng lalaki at mukhang sandamakmak na kababaihan na ang pinaiyak.
"Well, Anthony Jam...kilala n'yo ba ang estudyanteng 'yan?" Turo ni Mam Jacinta sa dalagitang kumurot kay Iker kanina. Ngayon lang nakita ng guro ang naturang estudyante. Hindi s'ya kasama sa files ng mga estudyanteng ibinigay ng school principal sa kanya.
"Hindi po ba at estudyante n'yo s'ya Mam?" Nakakunot-noong tanong naman ng binatilyong may mahaba at itimang buhok. Hanggang bewang ang buhok n'ya at walang panama ang buhok ng mga kababaihan sa loob ng campus sa kintab at kinang ng buhok ng binatilyo.
Hindi mahigpit ang pamunuan ng paaralan kung anong klaseng style ng buhok ang gusto ng mga estudyante nila. Kahit nga iyong mga estudyanteng babae na ginawa ng mini-skirt ang kanilang mga paldang uniform ay pinapabayaan na lang nila total naman ay wala silang magawa dahil sila pa ang aawayin ng mga magulang. Ang katwiran ng mga ito, iyon ang gusto ng mga anak nila kaya iyon ang ibibigay nila.
"Hindi s'ya kasama sa files ng mga estudyante ko, Duke. Anyway, kunin n'yo na ang kaibigan n'yo bago pa magka-world war III dito,"
Hindi lingid sa kaalaman ng mga guro ang mga nangyayari sa loob ng paaralan. Alam naman nila na kung sino ang mayaman at matapang sa naturang school sila ang titingalain o katatakutan. Gusto man nilang baguhin ang kalakarang nakagawin na, wala na silang magagawa dahil iyon na ang nakasanayan.
Sumunod ang tatlo at lumapit sila kay Iker.
"Pare, nandito ka na naman, hehe." Si Anthony Jam o AJ ang unang lumapit sa kaibigan.
"What are you doing here?" Pasupladong tanong naman ni Iker dito. Napakamot na lang sa ulo si Aj. Lagot na, mukhang mainit na talaga ang ulo ng boss.
"Magsisimula na ang klase. Bumalik na tayo sa classroom," anaman ni Duke.
"Dalawang oras na kaming naghihintay sa'yo, dude," saad naman ni Jaire. Kung alam lang n'ya na sa ibang silid na naman magla-landing ang maliligawin n'yang kaibigan, dapat pala ay sumabay na s'ya dito pagpasok kaninang umaga. Nagkakilala silang apat noong Grade 7 sila at mula noon ay hindi na sila naghiwalay.
Magkakaiba sila ng ugali pero natutunan nilang pakisamahan ang isa't-isa. Lalo na si Iker na talaga namang pang-out of this world ang mga mood swings.
"Sa laki mong 'yan bini-baby sit ka pa?" Nakataas ang kilay na tanong ng malambing na boses.
Gusto sanang humiyaw nang 'CEASE FIRE!' nung tatlo pero huli na. Naibagsak na ng 'di nila kilalang babae ang pinakamabagsik na bomba sa history ng buhay nila.