Three weeks ago…
"Nana Judy, ako na ho ang bahala sa sarili ko. Iinom ako ng gatas gabi-gabi. Hindi ko na rin ho kakaligtaang magdasal kay Virgin Mary, kaya please payagan nyo na ho ako."
Hindi pa rin siya pinapansin ng lola. Patuloy pa rin ito sa paghihiwa ng talong sa may lamesa. Bawat hiwa nito'y sabay naman niyang napapangiwi. Nahabag siya ng bahagya sa mga talong dahil ito ang napagbuntunan ng Nana Judy niya.
"Nana Judy hindi ba't pakbet ang lulutuin ninyo? Para na ho kasing giniling ang sinapit ng talong lola."
Bigla nitong inihampas sa noo niya ang hawak nitong talong. "Hoy bata ka. Huwag mo akong binibiro-biro diyan at masama pa rin ang loob ko. Matagal kang nasa poder naming simula ng iniwan ka ng pabaya mong ina."
Haay. Ang walang katapusang kwento ni Lola. Mula pagkabata yata hindi na niya mabilang kung ilang beses na niyang narinig ang mga katagang iyon. Pagkapanganak palang ng di pa niya nakikilalang ina ay iniwan na siya nito. Hindi man lang siya binigyan ng pagkakataong makatikim ng gatas mula sa ina, gatas ng kalabaw na ang kinagisnan niya. Malaki ang utang na loob niya sa kanying Lola. Kahit na minsan ay napaka tabil ng bibig nito mahal na mahal niya ito.
Katatapos lang niya ng kolehiyo na pinaghirapang niyang matapos. Kung saang-saang karinderya o tindahan siya namasukan para lang maitaguyod niya ang kanyang pag-aaral. Wala kasing gustong tumanggap dahil nga napaka-bata niya pa. Nagdesisyon siyang makipag sapalaran sa siyudad para matupad ang pinapangarap niyang maging isang fashion designer at maibalik ang lahat ng sakripisyo ni Nana July sa kanya.
Nagtapos siya ng kursong Cosmetology. Yun ang kinuha dahil sa hilig naman niya ang magpinta, mura rin ang bayad ng tuition dito. Hindi man ganon kasikatan ang kolehiyong pinapasukan niya, ilang patimapalak na ang kanyang nasalihan kaya't kumpyansa siya sa angkin niyang abilidad.
Ang malaking sagabal lang niyang maituturing ay ang kanyang pananamit. Madalas siyang makatanggap ng mga mapanuring tinggin. Nasanay siyang balot at hanggang sakong lagi ang bestida dahil duon siya komportable. Hindi rin niyang magawang gumamit ng mga palamuti sa mukha dahil madikit palang ito sa mukha niya namamaga agad ito dahil sa allergy. Mas masaya siya na naipapamalas niya ang galing sa iba.
"Nakikinig ka bang bata ka ha? Aba'y kanina pa ako salita ng salita dine. Yan ang isa sa mga pinag-aalala ko bawal ang eengot-engot doon. Papatayin mo na ba ako sa pag-aalala sayo", sita nito. Halatang umiwas ito ng tingin.
Niyakap niya ito mula sa likuran. "Nana Judy, hindi man ako biniyayaan ng talino katulad mo. At wala man akong katapangan na kagaya ng iyo malakas naman ang kapit ko kay Lord. At hindi ko po papabayaan ang sarili ko doon. Gusto ko lang matupad ang mga pangarap ko sa inyo." Nginitian niya ito.
"Kuuu…. Ganyang ganyan di ang sinabi ng nanay mong magaling", bakas sa mukha nito ang hinanakit sa anak nitong nang-iwan sa kanya.
May hinanakit din siyang tinatago para sa ang-iwan niyang ina. Pero naisip niyang hindi makakatulong sa pag-unlad niya ang mga bagay na negatibo kaya't isinasang-tabi na lamang niya ang mga iyon. Kontento na siya sa pagmamahal na ibinuhos sa kanya ni Nana Judy.
"Basta't kung may problema umuwi ka kagad dine ha. Magpadala ka ng mensahe dun sa maliit na kahon na desak-sak para nalalaman ko kung ano na ang lagay mo doon."
Natawa siya sa sinabi nitong maliit na kahon na desak-sak, cellphone ang ibig nitong sabihin.
"Opo Nana Judy. Hinding hindi ko kayo bibiguin."
***
"Hey! This doesn't have anything to do about the kid. Why do I have to listen to this?", reklamo ni Brad.
"Wag ka ngang kill joy dyan. Baka mas interesting pa ang kwento ko sa personality mo. Hmp!", tsaka niya ito inirapan. Naipasok na nila ang baby na kanina ay nasa labas. Wala na itong nagawa dahil siya na ang nagbukas ng pinto at naghakot ng gamit ng sanggol.