Nalalagay ngayon sa alanganin si Raphael. Ano ang kanyang uunahin? Ang misyon niya sa lupa na maging tagapag-ligtas ng mga tao sa kumakalat na sakit o ang iligtas ang kanyang mahal na si Faye sa bingit ng kamatayan.
"Malalim yata ang iniisip mo Raphael? Dahil ba to kay Faye?" tanong ni Ton na nakatingin sa kaibigang nagmumuni-muni sa may terrace.
"Hindi lang siya. Iniisip ko ang lahat."
"Dahil ba sa malala na ang kumakalat na sakit? At kawawa na naman ang mga tao. Alam mo hindi ko rin alam kung paano natin malalabanan yung sakit. Umaasa na lang talaga ko sa dasal, kahit na dati hindi ko naman gawain yon." habang sinisindahan ang sigarilyo ni Raphael.
"Talaga? Mabuti naman kung ganon. Ako rin eh umaasa na maintindihan niya ko." sabay turo ng kamay sa itaas, tinuturo niya ang langit.
"Maintindihan?"
"Halika sa loob, andyan ba si Maki? Papaliwanag ko sainyo ang lahat. Panahon na siguro para malaman niyo."
Ngayon lang nila nakita na seryoso si Raphael. Malaking-malaki na nga ang pinagkaiba nito simula nang matagpuan nila ito sa ilog. Marahil ay bumalik na ang kanyang memorya sa isip-isip ni Maki.
"Bumalik na ba alaala mo?" excited niyang tanong. Tumango lang si Raphael bilang pagsang-ayon.
"Stay put lang kayo diyan. Huwag kayong magugulat ah." sa mahinang tono ay bumulong siya, "Anghel ako..." nagkatinginan ang dalawa at biglang bumulwak ang isang napakalakas na tawa.
"Ano ba yan kala namin kung ano!"
"Raphael diyos ko! lumala lang yata yang utak mo." maging si Raphael ay napapangisi ng bahagya. Paano nga ba naman maniniwala ang isang ordinaryong tao eh hindi naman sila nakakakita ng anghel.
Biglang lumamig ang simoy ng hangin, umiihip ito sa direkyson ng dalawa. Walang ano-ano ay ibinukas ni Raphael ang kanyang pakpak. Napakaputi ng mga ito, hindi tatagal ang iyong mata dahil sa liwanag na nagagawa nito.
"Oh my~" hindi makapaniwala si Maki, ano naman ang kanyang gagawin? para mapatunayan na hindi lang ito isang panaginip, mismong siya ay gustong hawakan ang pakpak pero inilayo ito ni Raphael.
"Hindi ito maaaring hawakan ng isang tao." paliwanag niya. Nagulat na lang siya nang biglang lumuhod ang dalawa at nagsimulang mataranta't matakot.
"Diyos ko! Sorry sa mga nagawa ko! Kukunin na ba kami ng langit!?" habang nakaluhod.
"Bakit kasi ngayon mo lang sinabi! Isa ka palang anghel edi sana nung una pa lang pinagsilbihan ka na namin." naiintindihan naman ni Raphael ang mga kasama, dahil akala rin nila ay isa lang siyang normal na tao katulad nila.
"Tumayo na kayo diyan ano ba! Oh edi naniniwala na kayo?"
"Opo~"
"Kahit oo na lang, hindi na kayo bago sakin, nagpapasalamat ako sainyo dahil kinupkop niyo ko at inalagaan."
"Isang malaking karangalan ang tulungan ka, Raphael? Ang anghel na bihasa sa panggagamot! Totoo nga yung nabasa ko! Ginagamot mo yung may mga karamdaman. Kaya pala ang galing mo!" ani ni Ton.
"Pero kelan pa bumalik yung alaala mo at nalaman mong isa ka palang anghel?"
"Nitong mga nakaraang araw lang bumalik ang aking memorya at nalamang isa akong anghel. Nung una ayaw lumabas nitong pakpak ko." tinuro niya ang taas at nagpaliwanag, "Siya ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon, hindi ko alam kung bakit niya ko pinag-stay sa lupa."
"Edi babalik ka rin sa langit Raphael?" tanong ni Maki na biglang nalungkot.
"Ayan ang hindi ko alam. Dati, gustong-gusto kong bumalik ng langit. Pero ngayon? Nahihirapan akong iwanan ang mundo."
"Dahil ba inlove ka kay Faye?" seryosong tanong ni Ton.
"Ano inlove ka sa bebe loves ko? Ay sige sige sayo na pala, pero sa isang tao? BAKIT?" pagtataka ni Maki.
"May dahilan ang lahat ng bagay, kung paano mangyayari ang isang bagay, Panginoon lang ang nakaaalam non. Tulad ko, may mission ako na tulungan ang mga tao sa kumakalat na sakit. Pero paano ko magagawa yon ngayon kung hindi pako isang ganap na anghel. Na sa katawan pa rin ako ng tao." pag-aalala nito.
"Eh yakang-yaka mo naman yon tutulungan ka namin!"
"Oo nga. Pero paano si Ate Faye? Kaya ba inutusan mo ko noong isang araw na ikalat ang larawan niyo ni Doc Krystal para lumayo ang loob niya sayo? Tapos pinabantayan mo pa siya sakin. Ano ng plano mo?" nag-aalala rin si Ton para sa mga kaibigan niya. Napapaisip din siya kung pwedeng magsama ang isang tao at anghel.
"Hmm." biglang lumungkot si Raphael, hindi naman niya dapat nararanasan ang maging malungkot kung isa lang siyang ganap na anghel ay hindi niya madarama ito. "Nine days na lang ang natitira kay Faye, malapit na siyang sunduin ng mga kasamahan kong anghel sa langit." malambot ang tono ng pananalita ni Raphael, marahil ay kinakabahan.
"ANOOOOO!? SI ATE FAYE MAMAMATAY!?"
"May paraan ba para matigil yon!?" tanong ni Kuya Maki na biglang napahawak sa kanyang puso, " Sandali, edi ako? kelan ako mamamatay? Sana wag naman bata pa naman ako huhu."
"Wala ng paraan. Ni minsan sa history ng langit wala pang nagtangkang makaiwas sa bingit ng kamatayan. May iba nadedelay ng ilang araw, pero namamatay pa rin sila." paliwanag ni Raphael.
"Edi hahayaan mo na lang siyang mawala? Hindi ba makikita mo rin siya sa langit kapag nawala siya? Pero teka hindi ko yata matatanggap yon!" sambit ni Kuya Maki.
"Sobrang dami ng tao na umaakyat sa langit. Marami rin pala sa impyerno ang bagsak ng iba. Sa oras na bumalik din ako sa langit mabubura lang ang alaala ko sakanya." malungkot na kwento nito.
"Shit! Anong gagawin natin? Sabihan mo lang kami ni Kuya Maki Raphael."
"Handa akong tanggapin ang parusa ng langit. Tatapusin ko ang mission ko at ililigtas ko si Faye."
"Teka lang~ Huwag mong sabihing may kapalit yan Raphael?"
"Isang-libo't limang daang taong gulang nako nabubuhay. Sapat na siguro yon na wakas. Dati rin akong tao kagaya niyo, isinilang lang ulit na anghel. Wala nakong mahihiling pa ngayon kundi ang iligtas ang mundo pati ang taong mahal ko."