Chereads / The Healing Angel / Chapter 33 - TAYO MISMO ANG HUHULI SAKANILA

Chapter 33 - TAYO MISMO ANG HUHULI SAKANILA

Paglapag na paglapag nila sa lupa ay nakamulat na ang mga mata ni Faye.

"Ayos ka lang?" tanong ni Raphael habang ineeksamina ang kanyang braso na nadaplisan lang. Gamit ang kanyang panyo ay tinalian niya ang sugat upang tumigil ang pagdurugo.

"Anong nangyari?" tanong ni Faye kahit na alam naman niya ang nangyari.

"May masasamang loob lang na nagtangka sa atin, pasensya ka na , sakin yata sila may atraso nadamay ka pa. Sa susunod hindi na kita isasama baka mapahamak ka pa." pag-aalala ni Raphael.

"Ah hindi hindi! ano ka ba ayos lang, hindi mo naman kasalanan. Hindi mo rin naman ginusto yon. Oo nga pala..." babanggitin na sana ni Faye kung anong ibig sabihin ng halik kanina. Bakit pa itatanong? May kiss ba sa labi na friendly lang? At bakit parang walang nangyari sakanya? Ganon pa rin ang reaction niya? Ganito ba ang anghel magmahal? Gising na Faye sa isip-isip niya dahil muntikan na nga silang mamatay tapos ito pa iniisip niya.

"Ano yon?" habang buhat-buhat pa rin niya si Faye.

"Pwede mo na akong ibaba." sambit niya. " Iuwi mo na ako ng maaga sa bahay." dagdag pa niya.

Maghahating-gabi na ng ihatid ni Raphael si Faye sa kanyang bahay. Sa may sala ay tahimik lang na naghihintay ang mag-asawa kasama si Jennie na nakasimangot dahil naunahan pa siya ng ate niya na makipag-date kay Raphael.

"Oh anak, kamusta yung lakad niyo?" tanong ni Tatay.

"Ayos lang po tay, medyo napagod lang sobrang dami naming ginawa."

"Ay gusto ko nga yon yung gumawa kayo agad!' ani ni Tatay Ricardo sabay batok sakanya ni Mama Lisa.

"Ikaw talagang matanda ka! Tingnan mo nga muna yung anak mo oh, nak, anong nangyari diyan sa braso mo?" tanong ni Mama Lisa.

"Eto ma? Nagbike kasi kami kanina nadisgrasya lang." paliwanag niya.

"Ang tanga-tanga naman talaga." pang-aasar ni Jennie.

"Excuse me, sino kaya ang walang date, ehem! Okay lang po ako."

"Akala ko ba ayaw mo siya nung una? Hala siya ang bilis magbago ha." pang-aasar ulit ng kapatid pero pumasok na ito sa kanyang room.

Hapong-hapo si Faye na humiga sa kanyang kama. Tumingin siya sa salamin, maganda siya ngayong araw, hindi dahil maganda talaga siya, pero dahil may nagpaganda ng araw niya kahit na muntikan na silang mamatay kanina.

Huminga siya nang malalim habang binubuksan ang laptop. Ito ulit ang pangalawang pagkakataon na magmamahal siya. Simula ng mawala si Miguel ay hindi na siya nagmahal ulit. Mahal nga ba niya si Raphael dahil kahawig lang ito ni Miguel? Isa pa, pilit niyang iniisip ang magiging future nila dahil isang anghel si Raphael. Hindi maaaring magsama ang tao at anghel.

Sinubukan niyang mag-research about angels, pero sa tuwing sinasabi ni Raphael na iba ang description ng tao sakanila ay minabuti na lng niya na matulog ng maaga kesa sumakit ang ulo kakaisip sa paasang anghel.

Tahimik ngayon na nakaupo sa kanyang office si Raphael. Wala siyang maisip na kahit anong atraso na nagawa niya sa tao. Sinubukan niyang isipin ang mga alaala ng dating Miguel pero nahihirapan siya. Karamihan sa memorya ni Miguel ay malabo at hindi klaro.

"Sir, sulat po galing sa inyo." ibinaba ng mailman ang sulat sa may pinto ni Raphael. Agad niyang binuksan ang sulat.

KAMUSTA KA NA ANAK NG DAKILANG DOKTOR? HINDI KO SUKAT AKALAIN NA BUHAY KA PA MATAPOS KANG PAPUTUKAN NG MARAMING BARIL NG MGA TAUHAN KO. HINDI KO SANA PAPATAYIN ANG IYONG AMA KUNG HINDI LANG MATALAS ANG KANYANG DILA. GANOON DIN NAMAN SAYO, DAHIL SA ORAS NA MAGSUMBONG KA SA MGA PULIS ALAM MO NG MANGYAYARI SA BUHAY MO AT SA BUHAY NG MGA MAHAL MO SA BUHAY. SIKAT KA NA NGAYON, HUWAG NA HUWAG KANG GAGAWA NG HAKBANG NA IKAMAMATAY MO.

NAGMAMAHAL, DON JOAQUIN

"Ughhh!" sumakit bigla ang ulo ni Raphael, kilala na niya kung sino ang matandang ito. Ito ang kumupkop sa batang Miguel na kanyang binabantayan. May hawak ng pinakamalaking ospital sa probinsya ng Laguna, may-ari ng pinakamalaking drug store sa buong Pilipinas at mismong nagkakalat ng iba't-ibang uri ng sakit at gamot nito. Kaya nga lang, natakot siya sa batang Miguel dahil baka dumating ang araw na mabulgar ang kanilang illegal na gawain lalo na ang pagkamatay ng kanyang ama na ikagagalit ng bata.

Naaalala na ni Raphael lahat. Kung paano eksperimentuhan ang mga tao sa lab ni Doctor Joaquin. Nagkalat rin ang mga bangkay sa hallway. Halang lang ang bituka at silaw sa pera ang gumagawa nito. Sa laboratory rin nila pino-produce ang mga gamot sa sakit na sila rin mismo ang gumagawa.

Maya-maya pa ay kumakatok nang mabilis ang dalawa niyang alalay.

"Buksan mo yung tv dali!" pinindot ni Ton ang remote.

"Hatid sa inyo ng maiinit na balita saan mang panig ng mundo. Ito ang A Broadcasting System, nanonood kayo ngayon ng Angel Flash News!"

"ISANG HINDI MAIPALIWANAG NA SAKIT ANG DUMAPO SA ISANG BARANGAY SA MAYNILA. NAGSIMULA RAW SUMAKIT ANG KATAWAN NG MGA TAGA-RITO HANGGANG SA HINDI MAKABANGON NG ISANG LINGGO DAHILAN PARA MAMATAY. INIREREKLAMO RIN NILA ANG MASANGSANG NA AMOY NG MGA BANGKAY. KUMALAT NA RIN ANIYA ANG SAKIT SA MAY KALAPIT NILANG BARANGAY NA PINAGMULAN PA NGA NG AWAY. AKO ANG INYONG LIKOD ANGELO LOPEZ NAGBABALITA!"

"Grabe naman nangyayari sa mundo ngayon, namamatay na nga ang tao sa gutom dadapuan pa tayo ng sakit. Pambihira!" sambit ni Kuya Maki.

"May nakalap akong impormasyon na sinasadya raw ng malalaking kompanya ng gamot na gumawa ng ganitong uri ng mga sakit. Tapos sila rin mismo ang gagawa ng gamot at ibebenta sa napakalaking halaga. Hindi ko lang alam kung totoo dahil sa may black market may mga nagbebenta na ng gamot." paliwanag ni Ton.

"Tama ka Ton, may kinalaman ang malalaking kompanya rito. Hindi na naawa sa mga buhay na mawawala para lang sa kasakiman nila sa pera. Kilala ko mismo ang may gawa niyan." sambit ni Raphael na ikinagulat ng dalawa.

"Ano?!"

"Edi totoo nga ang nakalap kong conspiracy sa dark web! Yung kumakalat kasing balita ngayon, simpleng lagnat lang daw yon. Diyos ko po !"

"Ano ng gagawin natin?" tanong ni Kuya Maki.

"Tayo mismo ang huhuli sakanila." sagot ni Raphael habang nanggigigil ang mga mata.