Chereads / Matakot Ka! / Chapter 28 - "Estranghero"

Chapter 28 - "Estranghero"

Isang gabi, sa loob ng selda nina Mang Ben ay nagkukumpulan ang mga preso.

Preso 1: Alam niyo ba ang nangyari kanina?

Sumagot ang mga preso na hindi nila alam kung ano ang nangyari at tinanong ang kasamahan kung ano ang ibig niyang sabihin.

Preso 1: Kanina si Mark, kilala niyo si Mark? Pumunta siyang CR nang mag-isa para tumae. Pumasok siya sa unang cubicle at doon nagpalabas ng hinaing niya sa mundo. Habang nakaupo siya at seryosong ginagawa ang kanyang misyon ay naramdaman niya na biglang may humawak sa noo niya. Tumingala siya, wala naman siyang nakita. Tapos, pagkatapos ng ilang segundo ay biglang may napansin na naman siyang tumutulo mula sa itaas. Nang tiningnan niya dugo! Kaya kahit na takot na takot na siya ay talagang tumingala pa rin siya, at nang tumingala na nga siya. Yun!

Biglang nagulat ang mga nakikinig na mga kasamahan.

Preso 1: Wala pa rin siyang nakita. Nang sa pangatlong pagkakataon ay bigla siyang may napansin na anino sa sahig na paduyanduyan at may narinig siya na konting tunog sa ibabaw kung saan siya nakaupo. Parang lubid. Kaya tumingala siyang muli nang pabigla at 'yun na nga laking gulat niya nang nakita niya ang isang lalaki na nagpatiwakal, tumutulo ang dugo mula sa leeg nito at abot ang noo niya ng mga paa nito habang nakatitig sa kanya.

Biglang kinilabutan ang mga presong nakikinig.

Preso 2: Eh 'yung nangyari kay Ben.

Napalingon ang lahat kay Mang Ben.

Preso 2: Hindi si Mang Ben, yung ibang Ben. 'Yong batang Ben. Kilala niyo?

Mga Preso: Oo.

Preso 3: Ano ba kasi ang nangyari sa kanya?

Preso 2: Isang linggo na ang nakakalipas mga dapit hapon eh lumayo siya sa grupo niya at pumuntang likuran. Sa may malaking puno ng mangga. Umihi siya doon. Tapos nagdesisyong tingnan ang itaas ng puno at baka may bunga, kaya umakyat siya. Hinanap siya ng kasama niya tapos nakita nga siya sa itaas ng puno kaya siya pinababa. Tinanong siya kung ano ang ginagawa niya sa itaas ang sabi lang niya tinitingnan lang daw niya ang ibabaw ng puno at baka may bunga eh wala naman pala. Kaya umalis na lang ang dalawa. Kinabukasan nagulat ang kasamahan niya nang nagdesisyon siyang umakyat muli ng puno. Tinanong siya ulit ng kaibigan at ganon pa rin ang sagot niya, para tingnan kung may bunga. Sinabihan niya ito na wala ngang bunga ang naturang puno, eh nagpumilit kaya pinagbigyan na lang niya ito pero nagbigay ito ng kaba sa kasamahan ni Ben.

Preso 3: O tapos?

Seryosong nakikinig ang mga kapwa preso sa nagkwekwento.

Preso 2: Sa pangatlong araw ay sinamahan muli si Ben ng kanyang parehong kaibigan sa puno ng mangga na may hinalang may hindi nangyayaring maganda. Nang paakyat na si Ben ay pinigilan siya nito at sinigawang wala ngang bunga ang puno ng mangga. Pero nagpumilit si Ben at biglang tumaas rin ang kanyang boses na siyang nagbigay atensyon sa ibang preso kaya sila nilapitan. Nang pinigilan siya ng kaibigan ay nagpumiglas siya bigla at galit na sinabi na papatayin niya ang kahit na sinong pumigil sa kanya na umakyat.. Pagkatapos na sabihin ni Ben ang mga katagang iyon ay bigla siyang hinagisan ng kanyang kasamahan ng asin at biglang umusok ang katawan ng binata at nahimatay.

Preso 3: Eh ano ba kasi ang nangyari?

Preso 2: Ayon sa kasamahan na nagligtas kay Ben ay natipuhan daw siya ng isang engkanto na nagbabalat kayo na isang magandang babae sa itaas ng puno ng mangga.

Preso 4: Kalokohan! Ano iyon, si Angel Locsin lang!

At nagtawanan bigla ang mga preso sa loob ng kanilang selda at nakisama naman si Mang Ben maliban kay Tolits. Seryoso siyang nakatitig sa nagbagong bigla na matanda.