Isang buwan na ang nakakalipas at wala pa ring kampanang tumunog na siyang hudyat ng pagtakas ni Mang Ben. Hindi na makapaghintay ang matanda sa araw ng kanyang paglaya. Lumipas pa isang linggo ay wala pa rin. Medyo naiinip na si Mang Ben dahil ilang linggo na ang nakakalipas at nasa loob pa rin siya. Hindi na niya matiis ang katotohanan na nasa likod na siya ng malalamig na mga rehas at binabalik tanaw niya ang magagandang araw na nagdaan habang nakaupo lamang siya sa harap ng kanilang bahay, humihigop ng mainit na kape habang tinitingnan ang napakaberde niyang bakuran hinihintay ang takip silim.
Nang dumaan pa ang isang linggo ay bumalik ang seryosong mukha ni Mang Ben at ang kanyang dating ugali na hindi umiimik at hindi nakikipag-usap sa iba. Tulala na naman siya parati habang nakaupo sa kanyang higaan at nakatingin lamang sa sahig. Dahil dito ay napaparusahan na naman ang grupo nila na maglinis, kung hindi ng banyo ay selda ng iba nilang kasamahan sa loob ng bilangguan.
Nang isang araw ay nagkita silang muli ng janitor....
Bigla niyang nilapitan ang janitor sa banyo habang sila lang dalawa sa naturang silid.
Janitor: O kumusta?
Mang Ben: Anong kumusta? Hindi maganda. Alam mo kung bakit? Kasi ang tagal ko nang naghihintay at wala pa ring nangyayari.
Janitor: Eh sa wala pang namamatay. Anong magagawa ko? Alangan naman may papatayin ako dito para lamang sa plano natin, eh ako naman niyan ang makukulong.
Mang Ben: Eh kung baguhin na natin ang plano?
Biglang napahinto ang janitor sa kanyang ginagawa at napapatitig sa matanda.
Janitor: Sige nga, tulad ng ano?
Napaisip bigla si Mang Ben, palakad-lakad siya sa harap ng kaibigan.
Janitor: O ano? Wala at isa pa binalaan na kita hindi ba na ayaw kung makakarinig ng reklamo mula sa iyo.
Mang Ben: Alam ko, pero hindi mo naman ako masisi kasi kay tagal ko nang naghihintay ay wala pa rin. Nandito pa rin ako. Parang hindi naman gumagana plano mo eh.
Janitor: Kung ganon, dahil sa wala ka nang tiwala sa mga plano ko, akin na ang susi.
Mang Ben: Ano? Sandali lang....
Janitor: Hindi gagana ang plano Ben kung hindi mo kayang pigilan ang sarili mo na makalabas kaagad. Kailangan sa planong ito ay pasensya. Kung ayaw mo nang magpatuloy ay sabihin mo na ngayon din at buong puso kung tatanggapin ang iyong desisyon at kunin ang susi muli sa iyo. Ikaw naman ang gustong lumaya dito hindi ba at hindi naman ako?
Biglang napahinto si Mang Ben at pilit na hinahabol ang paghinga. Alam niya kasi sa kaloob-looban niya na kung wala ang janitor na tutulong sa kanya ay hindi rin siya makakalaya. Kaya siya napabuntong hininga at buong tapang na sumagot....
Mang Ben: Sige pasensya. Hindi lang talaga ako makapaghintay. Patawarin mo na ako. Basta tulungan mo pa rin akong makalaya. Maghihintay na ako kung kalian man ang takdang oras na iyon. Hindi na ito mauulit.
Binalik muli nang janitor ang kanyang isang kamay sa hawak na map at nagpatuloy sa paglilinis.
Janitor: Kung gayon, tuloy ang plano.