Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 21 - Chapter 21

Chapter 21 - Chapter 21

21

Sinipat kong muli sa huling pagkakataon ang aking mukha sa salamin ng tricycle na aking sinakyan. Nang makuntento ako ay saka ako bumaba at nagpasalamat kay manong driver.

Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako na-concious ng ganito sa aking hitsura at sa magiging tingin sa akin ng mga tao, lalo na ni Sir Roderick. Halos abutin nga ako kanina ng isang oras kakapili ng isusuot ngayon. Ang dating shorts at maluwag na t-shirst kasi na madalas kong suotin ay hindi na pupwede ngayon. Kailangan kong magmukhang desente kahit papaano. Kailangan kong lumebel sa kagandahang lalaki ni Sir Rod kahit papaano. Lalo na ngayong naipagtapat ko na ang aking nararamdaman sa kanya.

Fitted na shirt na binili pa sa akin ni Nay Lordes nung nakaraang pasko ang sinuot ko ngayon. Tinernuhan ko iyon ng fitted na pantalon saka doll shoes. Itinali ko rin ang may kahabaan kong buhok para lalong magmukha akong mas matanda sa aking edad.

Sabi sa akin ni Sir Rod kahapon ay hintayin ko siya rito sa labas ng kanilang tarangkahan dahil may pupuntahan daw kami. Pero mukhang siya pa ang naghintay sa akin dahil pagkababa ko mismo ng tricycle ay namataan ko na siyang nakatayo at nakahilig sa kotse niyang nakaparada sa tapat ng kanilang gate.

"S-sir--"

"You're 30 minutes late."

"S-sorry Sir... N-natagalan po kasi ako sa pag-aayos." Pinasadahan niya ng tingin ang ayos ko mula ulo hanggang paa. Saka siya nagtaas ng kilay.

"Pasok," aniya saka ako pinagbuksan ng pinto. Nang pareho na kaming nakaupo at nailagay na rin niya ang seatbelt sa akin ay nanatili kaming tahimik. Hindi niya pa rin binubuhay ang makina ng sasakyan.

"Sir, may problema po ba?"

"You... you look nice," pag-iiwas nito ng tingin. Napangiti ako saka umiwas din ng tingin. Alam kong puladong pulado ang mukha ko ngayon. Nagbunga ang halos isang oras na ginugol ko sa pagpili lang ng damit.

Sa biyahe ay panaka-naka ang pagsulyap ko kay Sir Rod na abala sa pagmamaneho. Pero paminsan ay nahuhuli ko siyang nagnanakaw din ng tingin sa akin. Halos mapunit tuloy ang labi ko kakangiti.

Sinuri ko rin ang suot niya habang nagmamaneho siya. Simpleng gray t-shirt lang iyon na tinernuhan ng kupas na pantalon at puting sapatos. Kahit ganoon ay nag-uumapaw pa rin ang kagwapuhan niya. Kahit ano naman yata ang kanyang isuot ay hindi matatawaran ang kagandahang lalaki niya. Kahit nga yata walang suot e.

Hininto ni Sir Rod ang sasakyan sa tapat ng isang sosyaling tindahan. "Chocolate World," basa ko sa nakasulat sa taas nito. Halos maglaway ako nang pasukin namin iyon. Iba't ibang klase ng chocolate ang naka-display sa mga istante. Nakakatakam pero mukhang lahat mamahalin.

"Sir, ano pong ginagawa natin dito?"

"Diba gusto mo ng chocolates? Here, get all you want."

Gustung-gusto kong subukan lahat ng klase ng tsokolate roon pero nahihiya ako kay Sir Rod. Ang mamahal pa naman ng mga presyo ng isang piraso lang. Kaya naman kumuha lang ako ng tatlong piraso ng magkakaibang klase saka ipinakita ko iyon kay Sir Roderick.

"Ito na, Sir."

"Yan lang? Kuha ka pa."

"Hindi po, Sir. Ayos na ito. Tama na ang tatlo para ang ibig sabihin, I like you," pabiro akong kumindat kaya natawa siya. Lumapit siya sa istante saka kumuha ng isa pang piraso.

"Ito idagdag mo para... I like you too." Kumindat din siya kaya halos hikain ako sa kilig. Tawa nang tawa si Sir dahil sa namumula kong mukha. Binayaran niya iyong apat na chocolates bago kami lumabas at sumakay muli ng kotse.

Kinain ko ang mga iyon habang bumabiyahe ulit kami. Sarap na sarap ako sa mga iyon. First time kong makatikim ng ganito kasarap at kamahal na chocolate. Cloud 9 at Big Bang lang ang hiningi ko, pero Toblerone, Peppero at iba pang imported chocolates ang natanggap ko. Bait talaga ni Papa God!

"Sir, gusto mo?" pag-aalok ko sa kanya. Tutal siya naman ang bumili nun.

"No, thanks. Sayo lang 'yan."

"Sige na Sir oh..." Inilapit ko sa bibig niya ang tsokolate. Umiling-iling siya kaya lalo kong inilapit ang tsokolate hanggang sa dumikit iyon sa nakatikom niyang bibig. "Sige na Sir, wag ka nang mahiya."

Mahina siyang tumawa saka kumagat na rin doon. Ganoon ang nangyari hanggang sa maubos namin ang apat na chocolates, pagkatapos kong kumagat ay ilalapit ko sa kanya para siya naman ang kumagat doon.

"Inom ka oh," pag-aabot sa akin ni Sir Rod ng isang bottled water. Ngumiti ako saka tinanggap iyon. Napangahalatian ko iyon.

"Ako rin," aniya kaya inilapit ko rin ang bote sa kanya at ipinainom ang natirang tubig.

"Sarap," aniya nang maubos ang laman niyon.

"Wala namang lasa yun Sir ah?"

"Meron naman, Krisel. Lasang labi mo," kindat niya kaya kuntodo pula na naman ang aking mukha.

Napansin kong nabasa ang paligid ng labi ni Sir Rod dahil sa pag-inom kaya kinuha ko ang dala kong panyo saka pinunasan iyon.

"Thank you," aniyang nakangiti. Hindi maaalis ang ngiti ko habang tintago kong muli ang panyo. Hinding-hindi ko na iyon lalabhan pa kahit kailan.

Sunod na hinintuan namin ay tindahan ng mga alahas. Halos malula ako sa presyo ng mga kumikinang na singsing, hikaw, bracelet, kuwintas at kung anu-ano pang naka-display sa mga istante na pihadong gawa sa mga mamahaling bato.

"Good morning Sir, ano po bang sadya niyo?" bati ng balingkinitang babae sa amin. Todo iyon makangiti kay Sir Rod kaya napairap ako ng palihim.

"Hikaw miss," tipid na sagot ni Sir.

"This way Sir, para kanino po ba? Is it for your sister?" baling nito sa aking nakangiti. Pilit na lang din akong ngumiti dahil baka sabihin naman nitong ang suplada ko.

"Yeah, it's for her." Pinagsalikop ni Sir Rod ang aming mga kamay at itinaas iyon, sapat lang para makita ng babae. "And she isn't my sister."

"Ohh..." Pilit na ngumiti sa amin ang babae saka niya inisa-isang pinaliwanag kung saan gawa at kung gaano kaganda ang bawat klase ng hikaw na naroon.

Sa totoo lang ay lahat naman magaganda, lahat gusto ko. Sa sobrang gaganda nga ng mga iyon ay katumbas iyon ng napakalaking halaga ng salapi. Kaya naman tumanggi akong magpabili. Ayokong gumastos si Sir Rod sa akin lalo na sa hindi naman masyadong importanteng bagay.

Nagtalo pa kami dahil talagang pinagpilitan niyang bilhan ako niyon. Kahit nga daw buong set ng alahas ay kaya niyang bilhin. Alam ko naman iyon. Ang sa akin lang, ayokong magwaldas siya ng pera para lamang matugunan ang luho ng iba. Sa aming dalawa ay ako ang higit na nakakaintindi kung gaano kahirap ang kumita ng pera. At ang mga bagay na ganito kamahal at hindi naman gaanong kaimportante ay hindi na dapat pa pinag-aaksayahan ng kahit isang kusing.

"Okay," pagsuko niya. "Since ayaw mo namang bilhan kita ng hikaw. Ano na lang ang gusto mong bilhin ko sayo?"

"Sir, hindi mo naman ako kailangang bilhan ng kahit ano. Makasama lang po kita, masaya na ako."

Umiwas sa akin ng tingin si Sir Rod. Ngunit bago pa man niya tuluyang maiwas iyon ay nahuli ko ang pagpuslit ng ngiti sa kanyang labi. Narinig ko pa ang mahina niyang pagmura. Napaisip tuloy ako. May nasabi ba akong mali?