Elyssa
"Tutuparin ko ang pangako ko sa ama mo. I will protect you and Ashley. Kaya magtiwala ka lamang sa akin."
Tumango ako kahit pa nga may pag-alinlangan. Hindi ko man lubos na kilala si Ali, pakiramdam ko, kaya ko siyang pagkatiwalaan ng buo.
Napabuntong hininga ako.
"Ikaw ba talaga ito, Ely? Nagtitiwala ka agad sa kanya?" tanong ng isip ko.
"Siya lang ang puwedeng tumulong sa iyo. Huwag mo nang idamay ang iba. Huwag mo nang dagdagan pa!" Kontra ng kabilang utak ko. Naisip ko sila Mamang at ang isang taong lubos na inilapit ang sarili sa akin nang dahil sa kapatid ko, kay Anassa.
"So gusto mo bang idamay si Ali sa walang kuwenta kong buhay?" Muling kontra ng utak ko sa sarili. Ipinilig ko ang aking ulo. Nababaliw na talaga ako.
Walang ibang nakakaalam ng ugnayan ko kay Lauro kundi si Anassa lamang. Hindi alam sa loob ng Club ang naging ugnayan namin dahil palihim niya akong sinusundo noon. Kung nakikita man kaming magkausap sa loob ng club ay inakala nilang pinagsisilbihan ko lamang siya bilang isang customer. Naging maingat ako dahil ayokong husgahan nila ang pagkatao ko. Alam.kong bigating tao si Lauro. Ang isiping kami ay tila.isang panaginip. At alam ko kung ano ang tatakbuhin ng utak ng mga kasama ko.kapag nagajtaing nalaman nila. Na isa akong gold digger. Marumi rin palang babae.
Gusto kong maipagmalaki ako ni Lauro kaya nag-aaral akong mabuti. Ang pagkakamali ko lamang talaga, hindi ko man lamang inalam ang buo niyang pagkatao. Kung sino talaga siya sa likod ng mga ngiti, pag-aalaga at pagmamahal na inukol niya sa akin.
"Matulog ka na, maaga tayo bukas para asikasuhin ang burol ng iyong ama," untag sa akin ni Ali nang tila nawala ako sa kawalan dahil sa malalim na pag-iisip.
Tumayo ako para makapagpahinga na rin siya. Hunghang ang aking pakiramdam ng makahiga nang muli. Tumagilid ako para mapagmasdan ng mabuti si Ashley na payapang natutulog na sa tabi ko. Inalis ko ang buhok na nakatabing sa kanyang mukha bago ko iyon haplusin. Muling sumibol ang luha sa aking mga mata, tuloy-tuloy na dumausdos ang mainit na likidong hindi na napagod lumabas.
Kaming dalawa na lamang ni Ashley. Siya na lamang ang meron ako.
Kinagat ko ang aking labi para pigilan ang hikbi. Nang manlaki ang aking mga mata nang maramdaman ko ang mainit na katawan ni Ali sa aking likod at ang pagpulupot ng kanyang kamay sa aking beywang patungo sa aking tiyan.
Nahigit ko ang aking hininga nang maramdaman ko ang kanyang hininga sa aking batok. Hindi ako kumilos, natatakot akong magsalita. Tanging naririnig ko ay ang malakas na pintig ng aking puso.
Hindi ito tama. Hindi kami dapat ganito kalapit. Hindi ko siya dapat hayaang yakapin ako. Ngunit sa kanyang yakap, nakaramdam ako ng kapayapaan. Ipinikit ko ang aking mga mata. Pumanatag ang pakiramdam ko pagkaraan ng ilang sandali. Maging si Ali ay alam kong payapa nang natutulog sa tabi ko. Ipinahinga ko ang aking sarili, dahil bukas, alam kong ibang pakikibaka na naman ang haharapin ko.
Dumating ang bukas, panay ang iyak ni Ashley nang ipaalam ko ang nangyari kay Papa. Nasabi ko na rin ang tungkol sa aming ina. Na masaya na silang magkasama kung saan man sila naroroon. Kung magkasama nga ba sila? Tiyak kong susundan ni Papa si Mama kahit mapunta ito sa impiyerno.
Sa yugtong ito ng buhay namin, hindi nga umalis si Ali sa tabi ko. Nakaalalay lamang siya sa aming dalawa ng kapatid ko.
Tatlong araw lang ang ninais kong burol ni Papa dahil wala naman kaming kamag-anak na hinihintay. Galing sa malayong lugar sa Mindanao si Papa at hindi ko nakilala sinuman sa kanyang pamilya. Maging si Mama ay ganoon din. Dahil na rin sa kakapusan ng pera kaya hindi man lamang nila mauwian kahit minsan ang naiwan nilang kapamilya sa probinsiya.
Sa huling gabi ni Papa ay naroon sila Mamang at ibang katrabaho ko sa club. Maging ang mga kaibigan ni Ali na sina Heron at Aiden ay naroon din. Ang hindi ko lang inaasahan ay ang pagdating ni Lauro.
Nakakuha ang atensiyon ng lahat na naroon ang bigla niyang pagdating. Lalo na sa mga kasamahan ko sa club. Nagsimulang umugong ang bulong-bulungan. Parang mga bubuyog ang iba kong kasamahan at ang mga mata ay na kay Lauro.
Wala pa palang nakakaalam ng ugnayan namin ni Ali. Akala ng lahat ay isa lamang siyang kaibigan. Ang tanging nakakaalam lang na mag-asawa kami ay ang mga kaibigan niyang saksi sa kasal, at siyempre, ang bagong dating na si Lauro.
"Hindi ba, iyong VIP natin iyan?" Naulinigan kong tanong ng isang kasamahan kong waitress. Baguhan lang sila pero dahil ilang beses na rin naman si Lauro doon sa club ay kilala na siya. Lalo pa at pinagpapantasyahan rin siya ng ibang kababaihan doon.
Lalo na si Bev, kung narito lamang siguro siya, malamang siya na ang unang tataas ang kilay. Ilang linggo na rin talaga siyang hindi pumasok at parang bulang naglaho na walang paalam. Isa siya sa nakakakilala kay Lauro kahit noon pa.
Napabaling ako kay Mamang na may pagtataka rin sa mukha habang kausap si Ali. Nakatalikod si Ali sa may pinto kaya hindi nito napansin ang pagdating ng kanyang ama.
Napatayo ako sa upuang katabi ng kabaong ni papa nang malapit na sa akin si Lauro. Tumigil siya sa harap ko at hinuli ang aking tingin.
"Naparito ako para..."
"Pa, bakit ka naparito?" Naulinigan ko ang malakas na tawag at tanong ni Ali. Napabaling kami sa kanya. Papalapit na sa banda namin. Kahit si Mamang ay nakasunod kay Ali.
Tumikhim si Lauro at pilit ang ngiti na inilagay sa labi. Muli kong ibinalik ang tingin ko sa kanya. Naiiwas ko nga lamang uli iyon dahil maging siya ay nakatingin muli sa akin.
Inakbayan ako ni Ali pagkalapit niya. Napatngin ako sa kamay niyang nasa balikat ko. Hindi ko rin maiwasan na igala ang tngin sa mga naroroon na tila ba nanonood ng telebisyon sa pagkakatutok ng mata sa amin. Parang isang eksenang kaabang-abang sa drama ang nasasaksihan.
"Narito ako para makiramay," tugon niya sa tanong ng kanyang anak.
Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak ni Ali sa balikat ko. Tiningala ko siya at kitang-kita ko ang pagtatagis bagang niya. At ang tila nag-aapoy niyang titig sa kanyang ama, na pilitin man niyang itago, hindi naman niya kayang ipagkaila iyon sa akin.
"Sala..."
"Mr. De Silva?"
Nabitin sa ere ang sasabihin ni Ali dahil sumabat si Mamang. Bumaling ang seryoso nang mukha ni Lauro sa tumawag sa kanya. Pekeng ngumiti ito.
"Mrs. Olivarez."
Nakipagbeso-beso si Lauro kay Mamang.
"Hindi ko alam na..."
"He is my father, Mamang. And Elyssa here is his daughter in law, my wife!" Sabad ni Ali sa kanila na halos nakapagpalaki sa mga mata ng nakarinig. Nag-umpisa na ring magbulong-bulungang muli. Hindi makapaniwala sa nalaman.
Hindi tuloy mapalagay ang loob ko lalo na noong titigan ako ni Mamang. Napalunok ako ng ilang beses dahil sa nararamdamang tensiyon sa paligid. Burol ito ni papa pero pakiramdam ko, ako ang inilalamay.
Lalo na nang magtagis bagang si Lauro at tinitigan ako. Walang pakialam sa mga taong nakamasid. O kaya sa anak niyang kaharap niya lamang. Tuloy, gusto kong maglaho na lang. Maunang lamunin ng lupa at hindi na muling umahon pa.
Nang mahagip ng tingin ko ang isang bulto ng tao sa may pintuan. Matamang nakatitig rin sa akin. May galit ang mga mata niyang ewan kung para kanino. Tinanguhan niya ako bago tuluyang humakbang paalis. Gusto ko sana siyang habulin para kausapin, pero wala akong lakas ng loob para gawin iyon. Lalo na sa sitwasyon ngayon.
Pinanood ko na lamang ang likod niya habang papaalis.