Chereads / My Wife is my Father's Mistress / Chapter 29 - Chapter 28

Chapter 29 - Chapter 28

Nanggigigil akong umalis pagkatapos kong sabihin iyon. Padabog kong isinara ang pinto at mabigat ang mga paa kong bumalik sa kuwarto.

Dire-diretso ako sa banyo. Itinukod ko ang aking mga kamay sa gilid ng sink at marahas na napabuga ng hangin. Hindi pa nakuntento ay sinuntok ko iyon, paulit-ulit hanggang sa hindi ko na maramdaman ang aking kamao. Wala na akong pakialam kung madurog man ang mga buto ko sa daliri.

Binuksan ko ang faucet at itinutok ang kamay kong namumula. Napawi ng malamig na tubig ang sakit na dulot ng pagsuntok ko sa matigas na muwebles. Nanatili ako sa ganoon habang titig na titig ako sa aking repleksiyon.

Ipinapangako kong mananalo ako sa hamon ni Papa. Hindi man ako sigurado kung mamahalin ko si Ely, gagawin ko ang lahat para maging masaya siya sa piling ko. Kahit pa sabihing may expiration ang lahat sa amin, titiyakin kong makikita ng mga tao na mahal ko siya. Kahit kunwari lang. Hindi ko hahayaan si Papa na itulad ako sa walang kuwenta niyang pagkatao. Hindi ako gaya niya.

Winisikan ko ng tubig ang salamin dahil sa nakikitang repleksiyon ko roon. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin ay lalo lamang akong nagagalit. Kung bakit para kaming pinagbiyak na bunga ni papa. Kamukhang-kamukha ko kasi siya.

Tumalikod ako at napatitig sa pintuan. Nagulat ako nang makita si Ely na nakatayo roon, malungkot na nakatitig sa akin. Napasabunot ako sa aking buhok habang iniiwas ang namumulang mga mata. Narinig ko ang kanyang yabag na papalapit.

"Ali..."

Para akong tinuklaw ng ahas nang abutin niya ang mukha ko at haplusin. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang mainit niyang palad. Tahimik niyang hinagod ang mukha ko. Pinakalma niya ang nag-aalab kong damdamin dahil sa galit.

Maliban kay mama noon, siya lamang ako ang tanging taong nakakapagpakalma sa akin ng ganito. Isang tawag niya lamang sa pangalan ko at haplos niya lamang ay parang nawawala ang galit na meron ako. She has that power over me. Hindi ko talaga maintindihan sa sarili ko. Ilang buwan pa lang kaming magkakilala. Ilang linggo pa lang kaming magkasama, pero may isang bagay na nakahihila sa akin palapit sa kanya.

Siya ang tanglaw ko sa madilim kong mundo. Kaya siguro hindi ko talaga kayang magalit sa kanya kahit pa kapatid niya ang kabit ni Papa. I think... kaya ko siyang kapitan. I can live with her. Maybe, even without love, I can stay with her. I want to stay, I want her to stay.

Alam kong nagmumukha akong desperado, sira-ulo at walang kuwentang tao na gugustuhin kong hawakan siya dahil kinakapitan ko siya. Makasarili ako,oo, but I am not like my father. Hindi mahirap mahalin si Ely, ang problema ay ako. Hindi ko nga lubusang kayang mahalin ang sarili ko ng buo. Hindi ako kagaya ni Ely na labis na mapagmahal ang puso. Hindi ako marunong magpatawad. Nababalutan ng paghihiganti ang puso ko. Ngunit, alam kong kaya ko siyang alagaan, kaya kong maging responsable. Basta mapanatili ko lamang siyang nasa tabi ko. Maybe, sa pamamagitan niya, matututo akong magmahal na hindi natatakot.

"Bakit gising ka na, magpahinga ka pa. Kailangan mo iyon..." napapaos kong saad na nakapikit pa rin. Alam kong nakatitig siya sa akin. Ayaw kong makita ang mga mata niyang nagpapakita ng katatagan, kahit sobrang hirap na ang kanyang kalooban.

Kung kanina, para siyang nauupos na kandila. Alam kong ngayon, muli siyang nabubuhayan ng loob. Ramdam ko iyon sa tono ng kanyang boses. At alam kong dahil iyon kay Ashley.

"Okay ka lang ba?" mahina niyang tanong ngunit punong-puno ng pag-aalala ang tono niya.

Tumango lamang ako bilang tugon.

"You should rest more, ako na ang bahala sa tatay mo," saad kong nagmulat na ng mata at hinuli ang mga titig niyang hindi inaalis sa mukha ko.

Muling sumilay ang butil ng luha sa mata niya kaya naman agad kong pinahid iyon. Siya naman ang pumikit kaya pinagmasdan kong mabuti ang napakaamo niyang mukha. Dinama ang malambot niyang kutis.

"Huli na ito, Ali. Huling luha at iyak na gagawin ko. Para kay Ashley..." ika niya. Napalunok ako nang magawi ang tingin ko sa nagsasalita niyang labi. Naiiwas ko nga lamang iyon nang muli siyang magmulat. "Huli na na makita mo akong mahina."

Hinila ko siya para yakapin. Alam kong pinipilit niya lamang ang kanyang sarili. Alam kong durog na durog na siya.

"Puwede kang magpakita ng kahinaan mo sa akin Ely. Hindi kita huhusgahan. You can rely on me."

Yumakap siya pabalik sa akin. Nang humikbi na siya at suminghot ay nanahimik ako. Hinayaan siyang muling umiyak sa dibdib ko.

Hindi ko rin napigilan ang luha sa aking mga mata. Pasimple ko iyon pinahid nang may maaninag akong bulto ng tao sa may pinto ng kuwarto. Hindi ko nai-lock ang pinto ng silid namin dahil alam kong wala namang magtatangkang pumasok doon.

Gusto kong puntahan ngunit hindi ko magawa dahil kay Ely. Pilit ko na lamang sinilip kung meron ngang tao. Ngunit nakasara naman ang pinto. Guni-guni ko lamang siguro iyon.

Inabutan ko ng tubig si Ely nang mahimasmasan na siya. Nakaupo kami sa sofa at parehong nagpapakiramdaman.

"Can you trust me, Ely?" Basag ko sa katahimikang namayani sa amin. Dinilaan ko ang aking bibig dahil nanuyo iyon.

Tahimik lamang siya kaya binalingan ko siya ng tingin. Napakagat labi siyang tumango. Halatang pilit.

"Alam kong hindi mo pa ako lubos na kilala. But please, trust me." Muli siyang tumango. "Lets stay here, for the meantime." Pagpapatuloy ko habang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Pilit binabasa ang reaksiyon niya sa mukha. Noong una, nabasa ko ang takot at pag-aalala. Pagkatapos ay pagtutol. Ginagap ko ang kanyang kamay. "Para na rin kay Ashley. Sa ngayon kailangang-kailangan natin ang tulong ni Nay Minda para matutukan at maalagaan si Ashley. Hindi natin magagawa iyon kapag umalis tayo, alam kong nais mong magpatuloy sa trabaho."

Napalingon siya sa kamang kinaroroonan ni Ashley. Pagkatapos ay bumaling siya sa akin. Napupuno ng takot ang mga mata niyang iyon.

"Trust me about this, Ely. Hindi ka kailanman masasaktan o malalapitan ni Papa kahit pa nasa iisang bubong tayo. Kaya huwag kang mag-alala. Hindi ka niya ulit masasaktan o mababantaang iwanan ako."

Napabuntong hininga siya nang malalim.

"Hindi sa ganoon, Ali..." Bigla siyang nag-iwas ng tingin at hindi na nagpatuloy magsalita kahit pa ramdam kong may gusto pa siyang sabihin. Pinisil ko ang kanyang kamay. Ngumiti ako para bigyan siya ng assurance na magiging maayos ang lahat.

Tumango siya kaya mas lalo kong hinigpitan ang hawak ko sa kanyang kamay.

"Tutuparin ko ang pangako ko sa ama mo. I will protect you and Ashley. Kaya magtiwala ka lamang sa akin."

Muli siyang tumango.