Chereads / MURDER TO LIVE: The Abberant / Chapter 4 - [Crying Sushi]

Chapter 4 - [Crying Sushi]

Humihikbing nagtitipa sa screen ng cellphone ang dalagang si Astraea habang nakatalukbong ito ng kumot sa kama niya.

"W-what s-should I do if I killed someone?" Umiiyak na saad niya sa tina-type niya. Pinunas niya ang luha niyang walang tigil na umaagos mula sakaniyang namumugtong mata.

Alas diyes na ng umaga pero nakakulong pa rin siya sa kaniyang kwarto, mabuti nalang at wala ang kaniyang mama at siguradong hinila na siya nito palabas.

Mas lumakas ang pag-ngawa niya noong walang lumabas sa google. Inis niya sanang ibabato ang cellphone sa kaniyang kamay pero naalala niyang hindi siya bibilhan ng bago ng mama niya pag nasira ito. Maingat niya itong pinatong sa night stand niya at binagsak ang sarili sa malambot na kama.

"A-yoko, ayokong m-makulong—" halos hindi niya na matapos ang sasabihin dahil umiyak na naman siya ng napakalakas.

"Waaaaaaaah!"

——•——

"Astra! Astra!"

Mariin akong napapikit at huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili.

Nasaan ba itong si Astra? Kanina pa ako dito sumisigaw sa labas ng bahay nila, baka isipin pa ng mga tao dito nababaliw ako.

"Astraea! Hoy! Papasukin mo 'ko—!" Naubo ako sa kakasigaw at lumuha ang mata.

Ano naman 'to, oh!? Bahala na nga siya diyan!

Dapat pala ay natulog nalang ako sa bahay para mabawi lahat ng pagpupuyat nitong mga nakaraan. Hmp!

Suminghal ako at tumalikod nalang, aalis nalang ako tutal ayaw naman akong papasukin.

Hindi pa ako nakakalayo sa gate nila ay napatingin ako sa ikalawang floor ng bahay nila.

May umiiyak ba?

Lumapit ako ulit at nakinig ng mabuti. Nanlaki ang mata ko noong marinig ko ulit ang pag-iyak. Hindi ito gaanong maririnig dito sa labas pero kung pagtutuunan mo talaga ito ng pansin ay maririnig mo ang mga hikbi na nanggagaling sa ikalawang palapag.

"Hoo, baka si Astra lang 'yan, si Astra lang 'yan." Pagkukumbinsi ko sa sarili.

Imposible naman yatang may multo sa ganitong oras, alas diyes pa lang, oh. Tsaka nabasbasan naman ata itong bahay nila, kaya walang multo dito.

"Hehehe,"

"Mama, tumatawa ng mag-isa iyong lalake, oh."

"Wag mong iduro baka masapian ka pa ng kung ano. Bilisan mo nang maglakad!"

"Ay, wooow. . ." Nakangiwi kong tinignan ang mag-inang dumaan sa likuran ko.

Sapi, pwe! Parang may makukuha ako sa anak mo kung sasapian ko, heh!

Pumasok nalang ako sa gate nila Astraea since ayaw naman akong papasukin. Isinara ko ito bago pumunta sa pinto at pinihit ang door knob.

"Bukas?"

Hm? Kailan pa naging pabaya iyong babaeng 'yon at nakabukas ang pintuan ng bahay nila.

Dahan-dahan kong tinulak papasok ang pinto at napalunok. Parang may multong magpapakita sa akin.

Ang dilim kasi sa loob, nakasara lahat ng mg bintana at kurtina, nakapatay ang mga ilaw, at idagdag mo pa na ang kalat-kalat.

May crime scene yarn?

"Astra, pumasok na ako, ha? Ang tagal mo kasi, eh." Maingat kong sambit habang tumitingin sa bawat sulok ng bahay.

"Astra? Hello?" Medyo linakasan ko na ang boses ko at naisara ko na rin ang pinto, nakasandal ako ngayon doon.

Napakamot ako at tinanggal ang sapatos, inilagay ko ito sa shoe rack at kumuha ng tsinelas na pwede kong magamit.

Maingat akong naglakad papunta sa hagdan at tanging ang malalakas na tambol ng puso ko ang naririnig ko dito sa napakatahimik na bahay. Pakshet!

Nagmadali akong umakyat sa hagdan pero napatigil ako at napatakip ng ilong.

Ang lansa ng amoy!

Pagdating ko sa ikalawang palapag kung nasaan ang mga kwarto nilang magkakapamilya ay mas tumindi ito.

Parang may nabubulok na kung ano pero malinis naman dito. Walang kahit na anong bagay na pwedeng pagmulan ng amoy ang nakakalat sa hallway.

Ano kaya ang pinagmumulan nito?

Ipinilig ko ang ulo ko at pumunta sa pinakadulo ng hallway kung nasaan ang kwarto ni Astra.

Kumatok ako at naghintay habang nakatakip pa rin ang ilong. Ilang sandali pa ay hindi pa bumubukas ang pinto kaya kumatok ako ulit.

"Astra, si Damien 'to." May kalakasan kong pagtawag sakaniya.

May narinig naman akong paggalaw sa loob at maya-maya ay bumukas na ito.

What the fuck?

"O-oh, Damien? Ikaw lang pala." Matamlay na saad ni Astraea sa akin.

Ngumiwi ako at bahagyang tumango, tinignan ko ang itsura niya at napahilot sa sintido. Magulo ang buhok nito, namumutla ang mukha, may eyebags, mapula ang mga mata at siguradong dahil iyon sa pag-iyak niya dahil medyo sumisinok pa ito. Nakatalukbong din sakaniya ang kumot niya, tumingin ako sa loob at tama nga ang hinala ko, napakakalat, as in.

"Papasukin mo nga muna ako." Marahan ko siyang tinulak papasok at isinara ang pinto.

Dumiretso siya sa kama niya at ibinagsak ang sarili. Lumapit ako at namaywang.

"Oy, may problema ba?" Tanong ko at itinungkod ang isang kamay sa pader.

Nanatili itong walang kibo at nakabaluktot ang katawan habang nakahiga.

"Hoy,"

"Hoy, Astra."

Napipikon na ako dito, ah.

Huminga ako ng malalim at naupo sa gilid ng kama, sa bandang uluhan niya. Hinawakan ko ang balikat niya at mahinang yinugyog ito.

"Oy, may umaway ba sayo?" Nakakunot noong tanong ko pero wala pa ring kibo. "Oy, ano na? Na-basted ka ba? Depress? Anong nangyayare saiyo?"

Hinigpitan lamang niya ang pagkakatalukbong ng kumot sakaniya.

"Astraea," seryosong tawag ko sakaniya, medyo gumalaw siya bago ito umikot para maharap ako.

Nakanguso ito at namumugto ang mga mata, ang laki-laki na pero parang bata kung umasta.

"Bakit ka nagmumukmok dito? Summer at ang init-init dito, oh. Hindi mo nga binubuksan ang electricfan, magpapasakit ka ba?" Malumanay kong ani at tumayo para paandarin ang ceiling fan.

"Tapos ay hindi mo pa binubuksan ang kurtina ng kwarto mo, itim pa naman ito. Ano ka goth?"

Narinig ko ang mahinang pag-ungot niya sa panenermon ko, bumalik ako at nahiga sa tabi niya.

"Nakaligo ka na ba?"

Tumango ito at umusog sa akin. Hay, parang bata, pasalamat ka at naku-cutan ako sayo at baka hinila na kita palabas.

Naupo ako at sumandal sa headboard, hinila ko ang umiiyak na sushi at ikinalong ito sa bisig ko.

Baby sushi. . .

Pumulupot naman ang kamay niya saakin at ginawang unan ang dibdib ko. Napabuga nalang ako ng hininga at tinapik-tapik ang likod niya.

Kahit kelan talaga. . . nakasanayan ko na kasi itong ugali niya pag malungkot o pag may pinoproblema ito. Parang nagiging matampuhing bata pero gustong-gusto magpayakap. At kapag hindi naman ay nasobrahan sa pagiging independent at nonchalant, halos hindi nag-iingay.

"Astra— A-astra?"

Nagpipigil akong napakagat ng labi at pumikit. Hindi mo pa sinasagot yung mga tanong ko, Astra?!

Tinulugan mo na naman ako!