Chapter 15 - Chapter 15

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo Elysia. Huwag kayong maniwala kay Elysia kamahalan, noon pa man ay galit na siya sa aming mag-anak. Kahit ang pagiging alay niya ay pinagpilitan niya, at bilang isang maawaing tiyahin ay hinayaan ko siya." Salaysay ng ginang at napakuyom naman ang palad ni Elysia. Muli itong hinaplos ng binata at marahang tinapik-tapik.

"Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo tiya? Sino sa atin ang nagpumilit? Sino ba ang halos manikluhod na ayaw pang mamat*y? Sino ba ang nagbantang sisirain at susunugin ang lahat ng pag-aari ng aking mga magulang kapag hindi ako pumayag? Buong buhay ko naging sunud-sunuran ako sa pamilya niyo, dahil ayaw kong sirain niyo ang mga alaalang iniwan sa aking ng mga magulang ko. Buong buhay ko nanahimik ako, tiniis ko ang lahat. Pero hindi ngayon. Ngayong nasa akin na ang lahat ng iyon, wala na kayong magagamit para pasunurin ako." Napatayo pa si Elysia nang sabihin iyon. Naglandas sa kaniyang mga mata ang mga luhang matagal na niyang pinigil. Lahat ng hinanakit at galit niya sa pamilyang kaharap niya ay inilabas niya. Ang mga haplos ni Vlad ang nagbigay ng lakas sa kaniya upang masabi ang lahat ng gusto niya.

Alam niyang kakampi niya si Vlad sa pagkakataong iyon. Kaya walang takot niyang isinumbat lahat sa kanila. Napipilan naman ang mag-anak. Si Roman na kanina pa tahimik ay napanganga na lamang. Naninigkit ang mga mata nitong tila nagbabanta kay Elysia. Nang makita naman ito ni Vlad ay mabilis niyang sinenyasan ang kaniynag mga tauhan.

Isang bampira ang mabilis na lumapit sa binata at walang anu-ano'y isang malakas na hampas sa ulo ang natamo nito. Bumagsak sa sahig si Roman habang sumisigaw sa sakit na ikinagulat naman ng mag-ina. Gumapang ang takot sa kanilang dalawa at parehas pa silang napaatras.

"Mukhang nagkakamali kayo ng akala. Pinapunta ko kayo rito hindi dahil sa sinabi mong ang anak mo ang tunay na alay. Alam kong hindi si Elysia ang tunay na alay. Ang dahilan bakit ko siya kinuha, hindi dahil siya ang alay kun'di dahil hindi siya ang alay." Humahalakhak na wika ni Vladimir.

Napatingin naman si Elysia sa binata. Kung ganoon ay alam ng vinata na hindi siya ang alay at siya talaga ang pakay ng mga ito.

"Kung nais ng anak mo ang maging alay, puntahan niyo ang kastilyong itim na pagmamay-ari ng aking kapatid sa Kanluran, siya ang nangunguha ng alay bilang kaniyang pagkain." Dagdag pa ng binata at sabay na napaupo sa sahig ang mag-ina.

Napatingin naman si Elysia sa binata, ngayon ay naintindihan niya kung bakit hindi ang mga ito nagsalita noong sabihin niyang siya ang alay. Mga bampira sila at naaamoy nila ang totoo, hindi rin sila basta-basta napapaniwala ng mga nilalang na higit na mas mababa sa kanila.

"Kung gayon, ako talaga ang pakay n'yo sa simula pa lang?" tanong ni Elysia.

"Hindi ka nagkakamali Elysia, simula't sapol, ikaw talaga ang aming pakay, tatlong oras kaming maaga kaysa sa mga tauhan ni Vincent kung kaya't napunta ka sa aking poder," paliwanag naman ni Vlad.

"Pero bakit, ano bang mayro'n sa akin, bakit mo ako pilit na inilalayo sa kapatid mo?" naguguluhan pa rin niyang tanong sa binata. Hindi nila alintana ang mga titig sa kanila ng tatlong nilalang na umaapaw sa inis at galit. Lalong-lalo na si Alicia, na kulang na lang ay katay*n si Elysia ng mga titig niya.

"Kung gano'n, bakit niyo pa kami dinala rito?" halos pasigaw na tanong ni Alicia. agad na kumunot ang noo ni Vlad at isang malakas na sampal ang natanggap ni Alicia, mula sa bampirang nakatayo di kalayuan sa kaniya. Halos umikot ang paningin ni Alicia dahil sa lakas ng sampal na natanggap niya. Natumba siy at umiiyak na inalalayan siya ng kaniyang ina.

"Hindi pa rin ba malinaw sa inyo kung bakit kayo narito? Sige, ipapaalala ko kung bakit," panimulang sabi ni Vlad bago tumayo sa kaniyang kinauupuan. Nakangisi ito habang ang gintong mata nito ay tila ba nagliliwanag dahil sa liwanag na nagmumula sa chandelier na nasa kisame ng bulwagan.

"Ilang taong naghirap sa mga kamay niyo si Elysia? Ilang beses niyong inalipusta at inapakan ang pagkatao niya? Lahat ng iyon, ako ang magbabalik sa inyo, lahat ng hirap na dinanas ni Elysia sa kamay niyo y dadanasin niyo rito sa loob ng palasyo ko. Bawal kayong magreklamo, bawat reklamong maririnig ko o makakarating sa akin ay may katumbas na parusa. Parusang hindi niyo aakalain at mas hihilingin niyo na lamang na kayo ay mamat*y na."

Dahil sa narinig ay halos maglupasay sa sahig ang mag-anak. Tila nawalan na sila ng pag-asa nang mga sandaling iyon hanggang sa tuluyan nang hatakin sila palabas ng bulwagan ng mga tauhan ni Vladimir. Mga sigaw at pagmamakaawa nila ang nangibabaw sa tainga ni Elysia. Hindisiya makapaniwalang darating ang oras na maririnig niya ang salitang pagmamakaawa sa mag-anak na iyon.

Hindi niya namalayan ang pagtulo ng kaniyang luha habang nakamasid sa nakasaradong pinto ng bulwagan ng trono ni Vlad. Napagtanto na lamang niya ito nang maramdaman niya ang marahan at banayad na pagpalis ni Vlad sa mga luha niya.

"Hindi ka ba nasiyahan sa aking ginawa, Elysia? Bakit ka umiiyak, nais mo bang pakawalan sila, ganyan mo ba sila kamahal?" tanong ng binata at nanlaki ang mga mata niya. Mabilis niyang ipinilig ang kaniyang ulo bilang pag-iling at ngumiti ng tipid.

"Nasisiyahan ako, nagpapasalamat dahil sa ginawa mo. Hindi ko alam na ikaw mismo ang siyang gagawa ng paraan para makabawi ako sa kanila. Naiiyak ako dahil masaya ako, hindi ko na kailangan humiling dahil ginawa mo na. Maraming salamat, Vlad." Umiiyak pa rin niyang wika at mabilis na niyakap ang binata na ikinagulat naman nito. Tila pansamantalang tumigil ang kanilang mundo nang mga sandaling iyon. Dahil sa sobrang kagalakan ay nawala ang lahat ng pagdududa sa puso ni Elysia. Tama si Loreen, kung susubukan niyang buksan ang puso niya para kilalanin si Vlad, ay makikita niya ang kabutihan nito.

Hindi masamang nilalang si Vlad, sadyang napabilang lamang siya sa angkan na walang ginawa kun'di ang maghasik ng lagim sa mga tao.

Isang palakpak naman ang pumukaw sa kanila at sabay pa silang napalingon kay Galathea na may malapad na pagkakangisi.

"Parang bigla naman akong nainggit sa inyo. Natutuwa ako para sa'yo Elysia, pero huwag mo sanang kalimutan, sabay tayong gaganti." nakangisi pa ring wika ng dalaga.

"Oo naman, hindi ko nakakalimutan." sang-ayon lang ni Elysia at nagpabalik-balik lang ang tingin ni Vlad sa dalawa.

Kinaumagahan, nagising si Elysia dahil sa sunod-sunod na katok sa pinto ng kaniyang silid. Nauulinigan rin niya ang sabik na boses ni Galathea na tla ba nagmamadali pa. Kusot ang mata, hinatak niya ang sarili upang makabangon upang pagbuksan ng pinto ang kaibigan.

Hindi pa man nangangalahati ang pagbubukas niya ay tila kidlat na pumasok si Galathea sa kwarto na ikinabigla pa niya. Halos nawala ang antok sa katawan niya at agad niyang nasilayan ang malapad na ngiti sa mukha ng dalaga.

"Ely, hindi ka maniniwala sa nakita ko. Ang pinsan mong hilaw at ang nanay niya, tinangay ng mga serena kanina at kamuntikan nang malunod. Walang nagawa ang lalaking pinsan mo dahil sa bilis ng mga serena. Pero tawang-tawa talaga ako, kaya naisipan kong tawagin ka para naman may kasama ako," salaysay ni Galathea bago humalakhak ng tawa. Dali-dali siyang hinatak ng kaibigan sa labas at doon niya nakita ang pinsan niyang si Alicia at tiyahing si Elena na hinahatak ni Ramon palayo sa lawa, kung saan nakamasid sa kanila ang mga serena na nagtatawanan pa.

Hindi naman maawat sa pag-iyak si Alicia, habang pinipiga ang damit nitong basa na ng tubig. Maging ang mahaba nitong buhok ay basang-basa na rin. Wala rin namang pinagkaiba ang kalagayan niya sa kaniyang ina, na hanggang ngayon ay pumapalahaw pa rin ng iyak.

"Nararapat lang sa kanila 'yan. Hindi ba't nakakatawa," puna pa ni Galathea at nagkibit-balikat lang si Elysia. Hindi niya magawang matuwa dahil sa isip-isip niya, narumihan ang lawa dahil sa dalawa.

Nang makita naman ni Elysia na umahon mula roon si Vivian, ay mabilis siyang lumapit rito. Agad niyang napansin ang maliit na sugat sa pisngi ng bata.

"Ano'ng nangyari sa mukha mo Vivian?" Tanong ni Elysia at napailing naman ito.

"Naglalaro kami kanina sa tubig ng mga kaibigna ko, nang batuhin ako ng babaeng iyon. Natamaan ako ng bago kaya nagalit ang mga kasama ko, hinatak nila sa tubig ang dalawang babae at pilit na nilunod ngunit narinig kong kamag-anak mo sila kaya pinigilan ko ang mga kaibigan ko." Saad ni Vivian. Bakas sa mga mata nito ang pag-aalala.

"Elysia, huwag ka sanang magalit sa akin, dahil nasaktan ko ang pamilya mo."

"Hindi ka dapat humingi ng tawad, kulang pa nga 'yong ginawa niyo eh. Dapat tinagalan niyo pa para maranasan naman nila ang maubusan ng hangin," sabad ni Galathea.

"Tama si Thea, Vivian at isa pa, sinaktan ka nila, nararapat lang na maparusahan sila. At huwag kang mag-alala, hindi ako galit sa'yo. Halika at gagamutin natin 'yang sugat mo," alok naman ni Elysia at hinaplos ang ulo ni Vivian.