Dahil sa banayad na halik ng binata ay unti-unti na ring lumambot ang puso niya at tuluyan nang nagpatianod rito. Hindi rin naman nagtagal ang halik na iyon dahil matapos niyang tumugon ay pinutol na agad ito ni Vladimir. Bakas sa mukha ng binata ang kaluguran ngunit dahil sa nauna nitong pangako sa dalaga ay hindi ito nagpadala sa mapang-akit na temptasyon.
"Magpahinga ka na, bukas marami tayong tatalakayin kaya paniguradong mapapagod ka," wika pa ng binata at dali-dali nang humiga si Elysia sa kama at tumalikod sa binata habang sapo ang dibdib sa kaba. Hindi nagtagal ay dahan-dahan na rin siyang dinalaw ng antok at agaran ding nakatulog.
Sa muling pagmulat ni Elysia ay sumalubong sa kaniya ang banayad na sikat ng araw na lumulusot sa nakahawing kurtina sa malaki niyang bintana. Wala na roon si Vladimir kaya naman, mabilis na siyang bumangon at inayos ang sarili bago tumungo sa hapag kung saan niya nakitang kumakain na si Galathea at Caled.
Nang makita naman siya ni Loreen ay agad na siyang pinaupo at naghain na ito ng pagkain niya. Malambing siyang nagpasalamat bago tuluyang sinimulan ang pagkain. tahimik lamang sila noon, walang imikan at kapwa abala sa pagkain. Nang matapos na ay doon na rin sila nagsimulang magkumustahan, bago sila tuluyang tumungo sa bulwagan ng trono ni Vladimir.
Naabutan pa nilang may kinakausap ito na isang lalaking elf na sa tantiya ni Elysia ay isa sa mga mandirigmang tagapayo niya. Nang makita naman sila ni Vlad ay agad na rin itong tumayo at sumenyas sa kanila na sumunod. Pumasok si Vladimir sa isa pang silid na konektado naman sa trono nito at doon bumungad kay Elysia ang isang mahabang mesa na napapalibutan ng mga upuan.
Nang umupo si Vladimir sa kabisera ng mahabang mesa ay sumunod naman si Elysia at naupo siya sa gawing kanan nito. Sa kaliwa naman si Alastair na sinundan naman ni Luvan at ng Elf na lalaki. Sa tabi naman ni Elysia naupo sa Caled at kasunod nito si Galathea at Loreen.
Nang makompleto na ang grupo nila ay agad din nagsimula ang pagtalakay nila sa kanilang gagawin. Pero bago iyon, ipinakilala muna ni Vladimir sa kanila ang mandirigmang tagapayo nito.
Si Arowen.
Isa sa mga elf na kauri ni Gertrudis. Dahil sa angking katalinuhan at kalakasan nito ay nagkaroon ito ng mataas sa panunungkulan sa tabi ng hari. Bukod kay Alastair ay isa rin si Arowen sa pinagkakatiwalaan ni Vladimir. Subok na din niya ang katapan nito kaya naman sa lahat ng plano ay naroroon ito upang maging isang tagapayo at analisa ng mga bagay-bagay na kanilang pag-uusapan.
"Tulad ng naunang nasambit, papasukin ng grupo ni Elysia ang bayan ng Muntivor bilang royal envoy. Bukod sa pagbibigay ng tulong at pagsasaayos ng lugar, misyon ng grupo nila ang lipulin ang lahat ng salot na kumakalat ngayon doon. Utos lang ni Elysia ang masusunod, si Loreen at Luvan ang kaniyang magiging tagabantay. Arowen, magbigay ka ng kasamahan mong magsisilbing tagapayo ni Elysia," utos ni Vladimir na agad naman tinguan ng mga nabanggit.
"Kapunuan, iminumungkahi ko ang aking kanang kamay na si Florin bilang tagapayo ng prinsesa. Ilang taon na din siyang nagsasanay sa ilalim ng aking pagtuturo ay gamay na niya ang kalakaran ng ating pagkilos." suhestiyon ni Arowen. Tila nanindig naman ang balahibo ni Elysia nang marinig ang malamyos na tinig ng binata. Para kasi itong dinadala ng hangin. Hindi iyon kasing baritono ng boses ni Vlad, ngunit nagdadala iyon ng kakaibang emosyon sa nakakarinig. Tila malamig na hanging humahaplos sa puso ng bawat nilalang ngunit kaakibat namannito ay isang panganib na 'di mo aakalain. Napakaseryoso rin ng mukha nito na tila ba hindi ito marunong kahit ngumiti lamang.
"Ipatawag siya ngayon din!" utos ni Vlad at isang kawal niya ang lumabas ng silid upang tugunin ang utos ng hari. Saglit na tumahimik ang buong silid hanggang sa muling magbukas ang pinto at iniluwa nito ang isa pang makisig na binatang may kulay gintong buhok. Namumukod tangi rin ang berdeng-berde nitong mga mata na maihahalintulad mo sa bagong sibol na halaman sa gubat.
"Magandang araw po sa inyo Mahal na hari." pagbibigay galang nito kay Vladimir. Nang tumingin naman ito sa kanila ay bahagya rin nitong yumukod at ngumiti.
"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?" muling tanong nito habang ang inosenteng ekspresiyon nito sa mata ay sumasalamin ng pagtataka.
"Florin, siguro naman ay kilala mo na si Prinsesa Elysia na siyang balang araw na ating magiging reyna. Ipinatawag ka ng hari upang maging opisyal na tagapayo ng prinsesa sa misyon nila sa Muntivor. Maaasahan ko ba ang tulong at katapatan mo?" mahinahong wika ni Arowen at halos manlaki ang mga mata ni Florin sa narinig. Bigla itong napaluhod ay yumukod sa harap ng hari at ni Elysia, habang ang kanang kamay kamay nito ay nakatikom ay nakapatong sa kaliwang dibdib.
"Ikinalulugod ko ang pagsilbihan ang aking magiging reyna. maraming salamat Mahal na Hari sa pagtitiwala." emosyonal na wika nito na halos kulang na lang ay maiyak ito sa harapan nila.
Hapon na nang matapos ang kanilang pag-uusap. Naiwan naman sa bulwagan si Vladimir at Elysia kasama ang magiging grupo niya. Doon ay pinal nilang tinapos ang usapin patungkol sa kanilang misyon.
Sumapit na ang kinagabihan at abala pa rin si Elysia sa paghahanda ng mga dadalahin niya. Napapaisip pa siya kung ano pa ba ang dadalhin niya. Nakatayo siya habang matamang tinititigan ang kaniyang baul na halos ang kalahati ay mga damit niya na inihanda ni Loreen para sa kaniya.
Nasa ganoong sitwasyon siya nang maabutan ni Vladimir sa loob ng kanilang silid. Natatawang pinagmamasdan ng binata ang tila naguguluhang si Elysia habang titig na titig sa baul na dadalhin nito.
"Dalhin mo lang ang kahit anong gusto mo, wala namang magiging problema dahil may karwahe naman para sa mga baul niyo. Siyanga pala, magdadala kayo ng mga sako ng trigo at iba't-ibang uri ng pagkain upang maibsan ang gutom sa lugar na iyon. Magpapadala ako ng mga kawal upang maging proteksyon niyo sa pagpasok roon. Nagpadala na ako ng mensahe sa mga tao natin roon, kung wala kayong magiging problema sa daan ay magiging maayos ang pagpasok niyo sa lugar," saad ni Vladimir.
"Naiintindihan ko. Magdadala lang kao ng kailangan. Sanay ako sa hirap kaya, hindi mo na dapat ako alalahanin. Marami ka pang dapat atupagin at magtiwala ka lang sa akin." Nakangiti niyang wika at muli nang inayos ang kaniyang mga gamit.
Lumipas pa ang mga araw at dumating na nga ang araw na magsisimula na silang maglakbay patungo sa bayan ng Muntivor. Tahimik at wala sila gaanong pag-uusap habang nasa daan. Palabas pa lamang sila ng kahariang nasasakupan ni Vladimir.
Nakatanaw lang sa labas ng maliit niyang bintana si Elysia habang nakaupo sa loob ng kaniyang karwahe. Kasama niya sa loob, si Luvan, Loreen at Florin. May tatlong karwahe sa kanilang likuran na siya namang naglululan ng mga pagkaing inihanda ni Vladimir para sa mamamayan ng Muntivor. May tatlo din sa harap na siyang nagdadala naman ng mga armas at mga gamit nila. Sa harapan ng kanilang parada ay dalampung mangangabayo na kapwa kalahi ni Vladimir at sa likuran naman ay mga elf na magsisilbing tagamasid nila sa likuran. May mga kawal din na nasa magkabilang gilid ng kanilang karwahe na magsisilbi naman nilang proteksyon laban sa mga 'di inaasahang pag-atake.
"Nakalabas na tayo sa kaharian ni Haring Vlad, mas magiging mahigpit na ang pagbabantay na gagawin ng mga kawal. Sa ngayon ay ligtas pa tayo. Elysia, ang mabuti pa ay sulitin mo ang pagkakataong ito upang maidlip sandali. Maaga kang nagising kanina." Suhestiyon ni Luvan.
"Tama si Luvan, ipikit mo ang iyong mata sandali para makabawi ka." Sang-ayon naman ni Loreen.
Wala nang nagawa si Elysia nang pahigain na siya ni Loreen sa isang maliit na unan na halatang inihanda talaga nito para sa kaniya.
Agad na naramdaman ng dalaga ang malamyos na paghaplos nito sa kaniyang buhok dahilan para unti-unti niyang maramdaman ang pagbigat ng kaniyang mga talukap sa mata hanggang sa tuluyan na nga siyang makatulog.
Hindi niya alam kung ilang oras siyang nakatulog ngunit nang muli siyang magising ay halos lagpas na ng tanghali. Pagsilip niya sa labas ng bintana ay nasa mabatong lugar na sila. Matatayog ang mga bundok na halos hindi tinutubuan ng mga punong kahoy o kahit na anong klaseng halaman. Nagmistula iyong mabato kahit ang totoo ay lupa ang mga bundok na iyon.
"Bakit wala ong nakikitang buhay sa gawing ito? Nasaang lugar na ba tayo?" tanong niya at nagkatinginan naman ang mga kasama niya.
"Nasa bulubunduking bahagi pa tayo papasok sa bayan ng Muntivor. Natatayang nasa limang kilometro pa ang lalakbayin natin bago marating ang bukana ng bayan," tugon ni Florin.
Muling ibinalik ni Elysia ang tingin sa labas at tila binalot ng kalungkutan ang kaniyang puso. Ang buong akala niya noon ay mahirap na ang buhay niya sa bayang pinagmulan niya, ngunit sa pagkakataong iyon ay. Tila naisip niyang masuwerte pa pala siya.
Makalipas pa ang ilang oras ay tuluyan na nga nilang nabungaran ang bukana ng bayan ng Muntivor. Nangungunot ang noo ni Elysia habang nakatingin sa kalunos-lunos na sitwasyon ng bayang iyon.