Chapter 11 - Chapter 11

Sa kaniyang pagpasok ay nakasunod naman sa kaniya si Loreen. Mabilis niyang tinungo ang dating kuwarto ng kaniyang mga magulang na inukupa naman ng kaniyang tiyahin. Pagpasok ay napangiwi na lamang siya nang makaamoy ng kakaiba. Tila ba hindi na nalilinis ang lugar na iyon.

Dali-dali namang nilapitan ni Loreen ang bintanaat binuksan iyon at pumasok sa loob ang malamig na hangin. Napangiti naman si Elysia at tinungo ang malaking aparador na nasa tabi lang ng higaan. Alam niyang may isang lihim na pintuan roon kung saan itinatago ng kaniyang ama ang mga bagay na kailangan niya.

Noon pa niya nais kunin iyon ngunit simula nang ukupahin ni Elena ang kuwartong iyon ay hindi na siya kailanman nakapasok pa roon.

Pagbukas ng pinto ay agad niyang hinawi ang mga damit na nakalagay roon. Kinapa niya ang isang maliit na simbolo at marahang pinindot. Walang ano-ano'y nakarinig siya ng mahinang tunog, hudyat ng pagbubukas ng maliit na pintuan. Dahan-dahan niyang ipinasok ang kamay roon at kinuha ang isang kahon at inilabas iyon.

"Ano ang bagay na iyan Elysia?" tanong ni Loreen nang ilapag niya ito sa sahig. Binuksan niya ito at doon tumambad sa kaniya ang mga librong minsan niya nang nakita noong bata pa siya. Isa-isa niyang kinuha ang mga libro at pinagpag ang mga alikabok na namumuo rito.

"Ito ang mga alaalang iniwan sa akin ni inay at itay. Ang totoo, hindi ko na matandaan kung ilan o tungkol saan ito pero ang alam ko lang, mahalaga ito dahil minsan na akong sinabihan ni itay na mababasa ko lamang ito sa paglaki ko. Bata pa ako noon, kaya ni minsan ay hindi nila ito pinabasa sa akin," saad ni Elysia habang marahang kinukuha ang mga libro sa loob ng kahon. Sa kan'yang pag-angat ng mga libro ay nakita naman niya ang isang maliit na kahon sa loob. Nangislap ang mga mata niya dahil tanda niya ang desinyo ng kahon na iyon. Iyon ang isa sa mga mahahalagang pamana sa kan'ya ng magulang niya. 

Nang buksan n'ya ito ay doon niya nakita ang isang kuwentas na gawa sa ginto ang palawit na may pendant na kulay pulang kristal. Pabilog iyon na napapalibutan ng maliliit na desinyo na animo'y mga baging na nakapulupot dito.

Nang makuha na niya ang mga nais niya ay tinungo naman niya ang maliit na basement sa loob ng bahay. Doon ay nakita niya ang dalawang malalaking kahon kung saan naman nakatago ang mga lumang gamit ng kaniyang mga magulang.

"Kaya ba nating iuwi ang mga ito Loreen? Nais ko sanang dalhin lahat ng ito sa palasyo at doon na ayusin. Ayokong iwan pa ang mga ito rito, dahil baka sunugin lang ni tiya." Bakas ang kalungkutan sa tinig ni Elysia nang sabihin iyon.

"Oo naman, kahit anong nais mong dalhin ay maaari. Kakit itong bahay pa." tugon ni Loreen at natawa naman si Elysia. Kahit paano ay gumaan ang bigat na dinadala niya sa dibdib niya.

"Hayaan na natin ang bahay na ito sa kanila, ang mga gamit lang naman ng aking mga magulang ang kailangan ko. Ang bahay na ito ay matagal nang nabahiran ng kanilang presensya. Lahat ng alaala ng mga magulang ko rito ay wala na. Puro pasakit at hinanakit na lang ang mararamdaman ko sa tuwing makikita ko ito," saad ni Elysia habang umiiling. Nang matapos na sila ay binalikan na nila si Alastair. Nakaupo na ito sa upuaan habang nasa harap nito ang tatlo na nakaluhod at nakayuko.

"May mga kahon sa loob na kailangan nating dalhin. Kinuha ko na ang isa, ikaw na ang bahala sa mga natira pa." wika ni Loreen at tumango naman si Alastair at tinungo ang lugar na pinanggalingan nila.

"Akmang lalabas na sila ay mabilis naman silang hinarang ni Alicia na nakaluhod pa rin. Napatingin si Elysia rito, kitang-kita niya ang inggit sa mata nito at poot dahil sa sitwasyon nila ngayon.

"Ako ang dapat na nasa posisyon mo, kung alam ko lang na ganito ang kahihinatnan ng lahat , dapat sana ay hindi na ako nakipagpalit sa iyo," mabilis na saad ni Alicia bago tumingin kay Alastair.

"Maniwala ka, ako ang dapat na alay, hindi si Elysia. Ako ang dapat na tumatamasa ng karangyaan at hindi siya. Ma, sabihin mo sa kanila, hindi pa dise-otso si Elysia at ako ang dapat na alay." sigaw ni Alicia, bakas sa boses nito ang kasakiman, maging ang mga mata nito ay nanlalaki, nagbabaka-sakali na mapansin ang kaniyang hinanaing.

Napaismid lang naman si Alastair bago tuloy-tuloy na lumabas ng bahay, ngunit bago ito makalabas ng tuluyan ay muli itong lumingon.

"Araw ng byernes, may darating na karwahe rito upang sunduin ka." Turan lang ni Alastair at gulat na nagkatinginan pa si Loreen at Elysia. Nangislap naman ang mga mata ni Alicia at nakangiting napatango. Tinaasan pa niya ng kilay si Elysia na tila nagsasabing babawiin nito ang posisyong hinahawakan niya ngayon. Nagkibit-balikat lamang si Elysia at dali-dali na silang sumunod sa lalaki hanggang sa makalayo na sila roon.

"Anong ibig mong sabihin doon Alastair, naniniwala ka ba sa sinasabi niya?" tanong ni Loreen at pabagsak na inilapag ang kahon sa gilid ng kabayo niya.

"Alam ko ang ginagawa ko, magtiwala lang kayo. May magandang plano ako para sa kaniya. Huwag kang mag-alala Elysia, makakabawi ka rin sa kanila. Kung nais mo ay buong pamilya ang ating patutuluyin sa palasyo. Isasangguni ko muna ito kay Vlad, pero sigurado akong sasang-ayon siya sa plano ko," saad ni Alastair at makahulugang ngumisi. Saglit na kinilabutan naman si Elysia sa klase ng pagkakangisi nito. Iyon ang tipo ng ng ngiti na tila walang magandang ihahatid sa buhay mo.

Matapos maiayos ni Alastair ang mga kahon sa likod ng kaniyang kabayo ay mabilis na nilang nilisan ang lugar na iyon. Saktong hapon na nang makabalik sila sa palasyo. Pagkatapos ihatid ang mga kahon sa silid ni Elysia ay tinungo naman ni Alastair ang trono upang kausapin si Vladimir. Naabutan niya itong nakaupo at may binabasang papel, habang ang isang paa nito at nakapatong pa sa mesa at ang likod niya ay komportableng nakasandal naman sa sandalan ng kan'yang trono.

"Nagawa nang makuha ni Elysia ang pakay niya sa bahay na 'yon. Alam kong nabanggit mo na rin sa akin na nais mong bigyan ng leksyon ang pamilyang iyon, kaya naman nag-iwan ako ng mensahe sa kanila na may susundo sa kanila sa darating na byernes." 

Napaangat ng mukha si Vladimir at napangisi bago nagwika ng,

"Magaling, ibigay sa kanila ang akomodasyong nararapat sa kanila. Balita ko ay nasa hustong edad na ang anak na dalaga ng pamilyang iyon, at siya ang dapat na alay at hindi si Elysia. Siguraduhin mong magiging maganda ang magiging pagtanggap sa kanila," makahulugang tugon naman ni Vladimir bago ibinalik ang atensyon sa binabasa.

Bahagyang yumukod naman si Alastair at saka tahimik na umalis. Muling napatingala naman si Vlad at malalim na napaisip bago nagkibit-balikat.

Samantala, matapos umalis ni Alastair sa kaniyang silid ay sinimulan na niyang halungkatin ang mga kahon na iniwan ng kaniyang mga magulang. Mula roon ay nakita niya ang mga lumang damit at gamit ng kaniyang nanay at tatay. Sa pagkakataong iyon ay binalot naman siya ng kalungkutan at matinding pananabik sa mga ito. Bata pa siya nang mawala ang mga ito, kaya naman napakaikli lang ng panahong nakasama niya ang kaniyang mga magulang.

Sa kaniyang paghahalungkat ay nakita niya ang isang litrato na magkasama pa silang tatlo, sanggol pa lamang siya at buhat-buhat siya ng kaniyang nanay habang nakayakap naman sa kanila ang braso ng kaniyang ama. Parehong matamis ang ngiti ng mga ito habang siya ay walang kamuwang-muwang na nakapikit pa. Napapangiti na lamang siya at hindi niya namalayang tahimik nang naglalandas ang masaganang luha sa kaniyang mga mata. Nilukob ng matinding kalungkutan at panghihinayang ang puso niya.

Kung sana ay hindi sila napat*y noon, marahil ay magkakasama pa rin sila ngayon. Kung sana ay walang mga bampira sa buhay nila, sana hindi sila namat*y nang maaga. Kung sana nabubuhay sila sa isang mundo na malaya, sana hanggang ngayon ay masaya pa rin sila. Mga isiping, kahit anong hiling niya ay hindi mangyayari kung hindi siya gagalaw. Hanggang nananatili sa mundo ang mga bampirang hayok sa dugo ng mga tao at walang awang pumapat*y para lang mapunan ang kanilang pangangailangan, hindi magkakaroon ng kasiyhan at katahimikan ang mundo.

Maingat niyang inayos ang mga lumang gamit ng magulang niya sa isang malaking kahon na inihanda ni Loreen, itinabi niya ito sa kaniyang magarang aparador bago ngpakawala ng malakas na buntong-hininga. Sa kaniyang paglingon sa malaking bintana na nasa kuwarto niya ay doon niya nakitang papalubog na ang araw. Masyado siyang nalibang sa kaniyang ginagawa kaya hindi na niya namalayan ang mabilis na pagdaan ng oras. 

Paglabas niya ng kaniyang silid ay agad naman niyang binagtas ang mahabang pasilyo patungo sa kusina. Pagdating roon ay naabutan pa niyang nagluluto na si Loreen kaya naman naupo na siya at nangalubaba sa mesa habang pinapanood ang mga ito sa kani-kanilang ginagawa.

Habang siya ay matiyagang naghihintay ay may naulinigan naman siyang mga boses sa labas ng kusina. Mga dumadaang mga bampira na malamang ay kagigising pa lang. Ipagkibit-balikat na sana niya ito ngunit narinig niya ang pangalan ni Vlad.