Chapter 9 - Chapter 9

Kinabukasan ay maaga pa lamang, nilisan na nila ang baryo ni Luvan. Lulan pa rin ng kanilang karwahe ay tahimik na nilang tinahak ang landas pauwi sa palasyo ni Vlad.

Pagdating pa lamang nila sa labasan ng palasyo ay agad nang natanaw ni Elysia si Loreen at Vivian na kumakaway pa sa kaniya. Pagkababa sa karwahe ay dali-dali naman niyang sinalubong ang mga ito. Agad na ginagap ni Loreen ang mga kamay ni Elysia at mabilis na nagbago ang ekpresyon ng mukha nito.

"Limang araw ka lang doon pero ang laki na ng pinagbago mo, ang bilis mong nangayayat at tingnan mo 'to, gumaspang ng sobra ang mga kamay mo. Halika na sa loob para makapagpahinga ka na. Ano ba ang ginawa mo doon at bigla ka naman yatang pumayat ng husto, hindi ka ba nila pinapakain doon? Dapat pala ay sumama na ako para may nag-aasikaso ng pagkain mo." Sunod-sunod na reklamo ni Loreen. Ni hindi na makasingit si Elysia dahil sa bilis ng pagsasalita nito. Ngingiti-ngiti naman si Vivian na sumunod lang sa kanila at hindi na nila nilingon pa si Vladimir na animo'y wala ito roon.

Pagdating sa silid ay agad na ipinasok ni Loreen si Elysia sa banyo at pinaghubad ng damit para makapagbabad sa inihanda nitong maligamgam na tubig. Nakaramdam naman ng kaginhawaan si Elysia nang lumapat ang pagal niyang katawan sa tubig. Napapapikit pa siya at naabuntong-hininga.

"Mukhang napagod ka sa pinuntahan niyo Ely, maganda ba doon? May tubig din?" napamulat pa si Elysia nang marinig ang boses ni Vivian. Nakasampa ito sa pinagbababadan niya habang ang isang kamay nito ay naglalaro sa tubig.

"Oo maganda roon, medyo malayo nga lang sa bukal. Bakit hindi ka pa ba nakakalabas dito sa palasyo?" tanong ni Elysia.

"Hindi pa maaaring lumayo si Vivian sa tubig, dito sa palasyo ayos lang dahil napapalibutan tayo ng tubig, pero ang maglakbay ay hindi maaari, lalo na kung walang tubig sa malapit. Manghihina siya at matutuyo ang balat niya at maaari niya iyong ikamat*y." Si Loreen ang muling sumagot, bitbit nito ang isang bote na hindi mawari ni Elysia kung ano. Ngunit nang buksan ni Loreen ang takip nito ay agad na humalimuyak ang napakabangong amoy sa loob ng banyo. Parang pinaghalo-halong bulaklak iyon at mga prutas, napakalamig iyon sa kaniyang ilong at agad siyang nakaramdam ng kaginhawaan.

Paluhod na naupo si Loreen sa bandang ulo niya at naglagay ng mabangong likido sa kaniyang ulo. Kakaiba ang lamig no'n sa kaniyang anit at pakiramdam niya ay nanununot iyon sa kaniyang ulo. Muli siyang napapikit at hindi na niya namalayang nakakaidlip siya habang marahang minamasahe ni Loreen ang kaniyang ulo.

Sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata ay natagpuan niya ang sariling nakahiga na sa malambot niyang higaan. Bumangon siya at doon niya napansing nakasuot na siya ng puting bestida. Mahaba ang mangas ng bestidang iyon na umabot hanggang kaniyang siko, Simple lamang ang desinyo ng bestidang iyon ngunit kapansin-pansin ang maliliit na tila diamanteng dekorasyon sa bandang kuwelyuhan ng damit. Bumaba na siya sa higaan at tinitigan ang sarili sa malaking salamin na nasa gilid lamang ng kaniyang silid. 

Napangiti pa si Elysia nang makita ang kaniyang kabuuan, mahaba rin ang bestida, lagpas iyon sa kanyang sakong na kamuntikan pang sumayad na sa lupa. Marahan pa siyang umikot at tuwang-tuwa na pinagmasdan ang sarili. 

"Kahit kailan talaga ay napakagaling pumili ni Loreen, bukod sa maganda at simple ay napakakomportable rin ng damit na ito." Saad pa niya sa sarili niyang repleksiyon sa salamin. Muli na niyang ibinalik ang takip ng salaming iyon bago niya isinuot ang nakahandang sandalyas bago lumabas ng silid.

Paglabas niya ay saglit siyang nag-ikot-ikot sa palasyo, tahimik lang ang buong lugar nang mga oras na iyon. Umaga kaya alam niyang iilan lamang ang gising sa mga oras na iyon. Kalahati yata sa populasyon sa loob ng palasyo ni Vladimir ay bampira kaya siguradong natutulog pa ang mga ito. Sa kaniyang pag-iikot ay narating niya ang pinakatuktok ng palasyo. May malaki bintana roon na walang sara at malayang umiihip doon ang malakas at sariwang hangin. Bahagya niyang naiyakap sa sarili ang kaniyang braso nang maramdaman ang malamig na ihip ng hangin sa kaniyang balat. 

Dumungaw siya sa malaking bintana ay kitang-kita niya ang malawak na lawang nakapalibot sa kanilang palasyo. Sa sobrang taas din ng kinaroroonan niya ay kitang-kita niya ang mga kabahayan sa bayan. Muling bumalik sa alaala niya ang mga panahong nasa poder pa siya ng kaniyang tiyahin. Magmula nang kunin siya ni Alastair sa bahay ng tiyahin ay wala na siyang naging balita pa sa mga ito. Saglit siyang nakaramdam ng lungkot at marahang umupo sa bintana habang ang kaniyang paa ay nakalaylay sa labas nito. Hindi siya nakakaramdam ng takot, sa halip ay tila ba gumagaan ang pakiramdam niya habang nararamdaman ng huba niyang paa ang hangin.

Hindi niya alam kung ilang oras na siya roon at napapitlag na lamang siya nang marinig ag boses ng binata sa kaniyang likuran.

"Bakit ka nakaupo riyan? Paano kung mahulog ka?" tanong ni Vladimir at mabilis na binuhat si Elysia pababa ng bintana. Hindi na nakapiglas pa ang dalaga dahil sa bilis ni Vlad, napahawak na lamang siya sa braso nito para mabalanse ang kaniyang sarili. 

"Nagpapahangin lang." nagtatakang wika ni Elysia, nakatingin siya sa mga mata ng binata na bakas ang pag-aalala.

"Malawak ang hardin kung nais mong magpahangin, paano kung mahulog ka rito? Hindi ka bampira at lalong wala kang kakayahang makalipad. Hindi ko alam kung epekto ba yan ng lagnat mo , pero bakit parang nawala yata ang utak mo Elysia?" Marahas nitong tanong na ikinangiwi naman ni Elysia.

Medyo nagpanting ang tainga niya nang marinig ang mga kataga nito ngunit mabilis din siyang napipilan nang makita ang pag-aalala sa mukha ng binata. Ilang beses na niyang nabanaag sa mga mata nito ang sinseridad ng pag-aalala nito sa kaniya.

"Pasensiya na nawala sa isip ko." Sa halip na bulyawan ang binata ay kusa na siyang nagpakumbaba. Totoong nawala sa isip niya ang posibilidad na mahuhulog siya doon. Para kasi siyang tinatawag ng hangin at ramdam niya ang kapanatagan roon.

Napayuko naman si Vlad at doon lang nito napansin na wala na ang saplot sa paa ni Elysia. Maging ang dalaga ay napayuko na rin at doon lang niya napagtanto na marahil ay nahulog na ang sandalyas na suot niya kanina lamang.

Muli pa siyang napasinghap nang bigla na lamang siyang buhatin ni Vladimir.

"Ano bang ginagawa mo? Ibaba mo nga ako, nakakahiya." Saway niya sa binata ngunit higit itong mas malakas sa kaniya.

"Huminahon ka nga, kagagaling mo lamang sa sakit, malamig ang sahig ng mga pasilyo at ayokong magkasakit ka ulit dahil lang dito. Hindi ka naman kabigatan kaya huwag kang mag-alala." Napangisi pa amg binata at marahang inayos ang posisyon ni Elysia.

Buhat-buhat siya ni Vladimir na animo'y isang prinsesa at wala siyang nagawa kundi ang humawak sa balikat nito upang mabalanse niya ang sarili. Marahan lang silang naglalakad pababa mula sa toreng iyon. Habang pababa ay naitanong naman sa kaniya ni Vladimir kung nais ba niyang magpunta sa bayan.

"Bakit mo naman naitanong?" Balik-tanong ni Elysia at naramdaman niya ang pagkibit ng balikat nito.

"Naisip ko lang, malayo kasi ang mga tingin mo at naisip ko, baka nais mong mamasyal muna sa bayan. Hindi ka preso sa palasyong ito Elysia, kung nais mo ay maaari kang lumabas, isang kondisyon lang naman ang hiling ko, kapag wala ako, isama mo si Loreen o di kaya'y si Alastair." Mahabang wika ni Vladimir at napatahimik si Elysia.

"Kung sasabihin ko bang nais kung bumalik sa bahay ng tiyahin ko, papayag ka?" Tanong niya at natigilan naman si Vlad. Napahinto rin ito sa paglalakad at napatitig sa mga mata ng dalaga.

"Aalis ka? Hindi ka ba nasisiyahan sa palasyo ko? Mas nais mo bang maghirap sa kamay ng tiyahin mo kaysa ang magbuhay prinsesa dito sa palasyo ko?" Bakas ang lungkot ay bahagyang panunumbat sa tinig ni Vladimir nang pagkakataong iyon.

Nanlalaki naman ang mata ni Elysia nang makitang tila isang bata itong inagawan ng laruan. Mahina siyang natawa at tinapik ang balik ng binata na hawak niya.

"Hindi ko naman sinabing aalis ako, bakit parang ang dami mo nang sinabi. May nais lang akong kunin sa bahay nila, mga alaala ng mga nasira kong mga magulang." Sambit pa ni Elysia at napatango naman si Vladimir. Muli itong naglakad habang tila malalim na nag-iisip.

"Kung ganoon ay ipapakuha ko kay Alastair ang mga kailangan mo. Hindi mo na kailangang bumalik pa sa lugar na iyon Elysia. Paniguradong, hindi ikatutuwa ng kamag-anak mo na makita kang buhay." Saad pa ni Vladimir at si Elysia naman ang nahulog sa malalim na pag-iisip.

Kung tutuusin ay may punto nga naman ang binata. Ngunit nais niyang makasiguro na makukuha niya ang lahat sa mga kamag-anak niyang iyon.

Pagdating nila sa silid ay agad naman siyang inilapag ni Vladimir sa higaan niya. Kumuha ito ng isa pang pares ng sandalyas at pinasuot na sa dalaga. Ramdam naman ni Elysia ang malamig nitong mga palad na sa pagkakaalam niya ay normal na sa mga bampira ngunit sa kabila ng lamig ng balat nito ay ramdam din niya ang init na hatid nito sa kaniyang puso.

Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang sariling nagpatianod na lamang sa magiging agos ng kaniyang buhay sa palasyo at sa piling ni Vlad at ng nasasakupan nito.