"Hindi ikaw si Vlad, sino ka?"
Tumatahip sa kaba ang dibdib ni Elysia habang ang talim ng kaniyang sandata ay nakatuon sa harapan ng binata.
Dahil sa sagot nito ay lalo siyang nagduda rito. Oo at isa rin bampira si Vladimir ngunit sa pananatili nila sa pamayanang iyon ay napansin niya ang pagiging magalang ni Vlad sa mga nakakatanda kahit pa kung tutuusin ay higit siyang mas matanda sa mga ito. Kapansin-pansin rin ang pagiging magiliw sa kaniya ng mga tao at hindi iyon maaaring mapeke ng kung sino lang.
Ang taong nasa harapan naman niya ay tila ba walang pakialam sa kung ano ang mararamdaman o iisipin ng mga taong kanilang iiwan.
"Hindi ako si Vlad? Ano bang sinasabi mo?" Tanong pa nito habang matalim na napatingin sa kaniya.
"Sino ka, huwag ka ng magkunwari dahil, kilala ko si Vlad at hindi ikaw siya," giit niya at malakas na humalakhak ang binata. Walang sabi-sabi ay bigla na lamang itong umatake sa kaniya at mabilis na sinakal ang kaniyang leeg. Dahil sa sobrang pagkabigla ay nabitawan niya ang kaniyang espada at napahawak sa kamay na nakasakal sa kaniya.
"Tama ka, hindi ako si Vlad. Kamusta ka na Elysia, hindi ba't dapat ay matuwa ka dahil sa wakas ay nasilayan mo na ang tunay na nagmamay-ari sa'yo," saad pa nito at lalong humigpit ang kamay nitong nakasakal sa kaniya. Nahihirapan na siyang huminga at pakiramdam niya ay ano mang oras ay malalagutan na siya ng hangin.
"Napakarami nang napat*y si Vlad sa mga kampon ko para sa'yo at nagawa ka rin niyang kunin sa mga kamay ko. Ano ba'ng mayro'n sa'yo at nagkakandarapa siyang protektahan ka?" Gigil na tanong ng lalaki. Base sa mga narinig niya ay paniguradong si Vincent ang nilalang na iyon. Naramdaman niya ang lalong paghigpit ng kamay nito sa kaniyang leeg, itinaas niya ang kaniyang binti at sinubukan sipain ito ngunit dahil sa kawalan ng hangin ay wala siyang lakas upang saktan ito.
"Kung hindi ka magiging akin ay hindi ka rin mapapakinabangan ni Vlad." Sambit nito, akmang tatapusin na niya si Elysia ay bigla namang dumating si Luvan at Vladimir. Bakas ang hingal kay Luvan samantalang tila hindi naman iniinda ni Vlad ang pagtakbo nila. Mabilis siyang kumilos at sinipa si Vincent dahilan upang mabitawan nito si Elysia. Lupaypay na bumagsak sa mga bisig ni Vladimir ang namumutlang dalaga, marahas na humigop ito ng hangin at napaubo pa.
"Tsk—kahit kailan talaga Vlad panira ka sa kasiyahan ko." Galit na singhal ni Vincent. a Gulat na gulat naman si Elysia nang magbago ang anyo nito at makita ang tunay nitong wangis. Kahit saan mo titigan ay malayong-malayo ang itsura nito kay Vlad. Maputla ang balat nito na tila abo at ang gintong buhok naman nito ay tila lumulutang sa hangin habang ang balat ni Vlad ay maihahalintulad mo lamang sa kutis ng mga mapuputing normal na tao at ang buhok naman ng binata ay matingkad na kulay itim.
Ang mga mata naman ni Vincent ay mapupula habang ang mga pangil nito ay nakausli sa magkabila nitong labi hindi tulad ng kay Vlad na kulay ginto at ang pangil nito ay hindi kahabaan at kontrolado niya kung kailan lamang niya ito kinakailangan. Kung titingnan ay normal na tao lamang si Vladimir na may abilidad ng isang bampira.
"Vincent, kailan ka titigil sa kahibangan mo. Hindi lahat ng gusto mo mapupunta sa'yo?" Kontrang sigaw ni Vladimir, nagliliwanag ang mga mata nitong nanlilisik na nakatingin sa kapatid. Kitang-kita ni Elysia ang galit na namutawi sa mukha ni Vladimir, nakakapangilabot. Lalo pa nang bigla siyang bitawan ng binata at , mabilis na inatake si Vincent. Isang sapak lamang iyon ngunit walang nagawa si Vincent kahit pa sanggahin nito ang suntok ng kapatid.
Marahas na tumalsik si Vincent palabas ng bahay na halos ikasira ng dingding nito. Agad din namang nakabawi itong nakabawi at nakangising inatake pabalik si Vlad. Nagpambuno ang magkapatid at halos tila kidlat silang nagsasagupaan sa ere. Hindi masundan ni Elysia ang dalawa dahil sa sa sobrang bilis ng mga ito kung kumilos. Impit pa siyang napasigaw nang makit niyang tumilapon si Vladimir sa 'di kalayuan.
Tiim-bagang na sumigaw si Vincent at akmang muling aatakihin si Vlad ngunit sa kalagitnaan ay bigla itong napahinto at napatingala sa kalangitan bago mabilis na tumalikod at naglaho na lamang sa kanilang paningin.
Napalatak naman si Vladimir dahil sa tinamo niyang sugat habang nakikipaglaban sa kapatid. Malakas si Vincent at halos nasasabayan lang niya ang liksi at bilis nito. Kung ikukumpara ang lakas niya ay walang-wala iyon sa tunay na lakas ng kapatid niyang purong bampira.
Dali-dali naman siyang tumayo at tinungo ang kinaroroonan ni Elysia. Hinawakan niya ito sa braso at inalalayang tumayo bago sinuri ang buong katawan nito, partikular sa leeg nitong may marka ng mga kamay ni Vincent.
"Ayos na ako, salamat at dumating kayo agad." Sambit niya. Marahan naman hinaplos ni Vlad ang leeg niya na siyang nagpainit naman ng mukha ni Elysia, agaran niyang hinawakan ang kamay ng binata at ibinaba iyon, bago tila nahihiyang tumingin kay Luvan na kanina pa nakamasid lang sa kanila.
"Mamaya na kayo maglambingan, hindi na ninyo matitirhan ang bahay na ito, kailangan muna itong ayusin. Doon na muna kayo sa bahay ni Silvia." Suhestiyon naman ni Luvan.
Nagkatinginan pa sila at napatango lang si Vladimir. Wala na silang sinayang na oras at dali-daling tinungo ang nasabing lugar.
Kapatid ni Luvan si Silvia kaya naman nang makita nito ang kapatid ay agad na din silang pinapasok. Malayo ito ng 'di hamak sa bahay na tinutuluyan nila at higit din 'yong mas malapit sa iba pang mga kabahayan. Bali ang bahay kasing tinutuluyan nila ni Vlad ay malayo sa mga tao.
"Dumito muna kayo, bukas ay aayusin ng mga tao ang bahay niyo rito. At isa pa, bukas na rin lang ang huling araw ng pagsasanay natin at babalik na rin naman kayo sa palasyo. Vlad, sa tingin ko ay hindi ka titigilan ni Vincent, ang sapilitang paghinto niya kanina, palagay ko may kinalaman dito ang mga nilalang sa itaas ng ulap. Nakita ko siyang tumingala muna bago biglang nawala." Salaysay ni Luvan.
Malalim na napaisip naman si Vladimir, napansin rin niya ito kanina. Ngunit hindi niya alam kung bakit at paano. Sa pagkakaalam niya ay matagal ng nananahimik ang mga nilalang na iyon. Mga nilalang na mailap sa iba pang nilalang.
————
Samantala,sa malayong kastilyo na nababalot ng kadiliman at pighati, maririnig ang mga daing at iyak ng mga nasasaktang tao at atungal naman ng mababangis na nilalang, dinig ang galit na galit na sigaw ni Vincent.
Ibinalibag niya ang mesa sa harap niya kung saan kakatapos lang niyang sairin ang dugong dumadaloy sa katawan ng isang dalaga. Impit na ung*l lamang ang lumabas sa naghihingalo nitong katawan, habang nanlalaki ang mga matang nakatanaw lang sa kawalan.
"Inutil, kahit kailan Vlad, salot ka sa buhay ko. Pasasaan ba't dugo mo naman ang magiging sustanya ko." Malakas na atungal nito. Lahat ng nilalang sa kaniyang kastilyo ay tahimik lang na nagtatago sa mga sulok na hindi madaling mahanap ng kanilang hari. Walang nakaliligtas sa galit ng hari nila maliban sa mga kampon nitong malalapit sa kaniya.
Umalingawngaw sa buong kastilyo ang nakakatakot nitong mga sigaw, maging ang mga tunog na nanggagaling sa mga taong binibiktima nito.
———
Kinaumagahan ay hindi na natuloy ang huling pagsasanay ni Elysia, dahil sa nangyari kahapon at sa pagod na nakuha niya mula sa pagsasanay ay inapoy siya ng lagnat. Ayon pa sa matandang laging nag-aalaga sa kaniya sa baryong iyon ay natural lamang iyon at hindi naman malubha. Pahinga lang ang kailangan ng dalaga upang mabilis na gumaling.
Nang araw ngang iyon ay maghapong nagpahinga si Elysia. Sa tuwing natutulog siya ay tila bumabalik sa alaala niya ang mga pangyayari kung saan ay sinasakal siya ni Vincent. Paulit-ulit iyon na sa tuwing nagigising siya ay hingal na hingal siya at damang-dama niya ang pagkawala ng hangin sa kaniyang sistema.
"Mainit ka pa rin, magpahinga ka pa. Nais mo bang kumain?"
Tila lutang ang kaniyang isipan nang mapatingin kay Vladimir hindi siya sumagot bagkus ay ginagap niya ang kamay ng binata. Nang mahawakan niya ito ay tila kumalma ang takot na namumuo sa kaniyang puso. Maging ang pangamba ng kamat*yan ay tila magic na naglaho sa kaniyang sistema. Muli siyang napapikit at 'di kalaunan ay muling nakatulog. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya muling dinalaw ng masamang panaginip na iyon.
Madilim na sa labas nang magising si Elysia. Marahan siyang bumangon at doon lang niya napansin ang natutulog na si Vladimir na noo'y katabi na pala niya. Tuwid itong nakahiga sa higaan, ang isang kamay nito ay nakapatong sa dibdib habang ang isang kamay naman ay nakahawak lang sa kamay niya.
Nangungunot ang noo niya at pilit na inalala ang mga nangyari. Nasapo niya ang noo nang maalala ang kaniyang ginawa bago siya muling nakatulog. Marahan niyang inalis ang kamay ng binata sa kaniyang kamay subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay agad itong nagmulat at napatingin sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata nitong animo'y gulat na gulat. Agad itong napabangon at sinapo ang kaniyang noo.
"Wala ka ng lagnat, maayos na ba ang pakiramdam mo?" Tanong ni Vladimir at tumango lang si Elysia.
"Oo, maayos na, salamat." Tugon niya at napangiti naman si Vlad.
"Mahina talaga ang katawan ng mga tao. Mabilis kayong kapitan ng sakit." Wika nito, sa kabila ng mga salitang iyon ay ramdam niya ang pag-aalala nito sa kalagayan niya.
"Bakit hindi ba nagkakasakit ang mga tulad niyong bampira?"
"Hindi, mahigit isang daang taon na akong nabubuhay Elysia at kahit kailan ay hindi ko naranasan ang magkasakit nang kagaya sa inyong mga tao," tugon naman ng binata.
"Sabagay imortal nga pala kayo, hindi kayo tinatablan ng sakit na normal na tumatama sa mga normal na tao." Wika lang ni Elysia at napakibit-balikat na lang.