Chapter 3 - Chapter 3

Hindi na namalayan ni Elysia na nakatulog na siya sa silid na iyon, marahas siyang napabangon nang makarinig ng isang malakas na pagdagundong sa labas. Mabilis niyang tinungo ang bintana, akmang bubuksan niya ito ay isang kamay ang biglang pumigil sa kaniya.

"Huwag mong bubuksan ang bintana, Elysia." Boses iyon ni Vlad kaya agad naman siyang napalingon rito. Napasinghap pa siya nang makita ang namumula nitong mga mata at ang pangil nitong bahagyang nakausli sa pagitan ng magkabila niyang labi.

"Anong nangyayari bakit may napakarami akong ingay na naririnig?" Tanong niya at napangisi ang binata.

"Narito na si Vincent upang sunduin ka," tuon nito na siyang nagpakilabot sa kaniya. Tila ba umakyat ang takot sa kaniyang ulo nang marinig ang sinabi ni Vlad. Napaatras siya mula sa bintana at nangunot ang noo niya nang makita ang nakakalokong pagngisi ng binata, hindi niya tuloy alam kung nagbibiro pa ba ito o seryoso na.

Mayamaya pa ay lumabas na rin ito ng kaniyang silid matapos mag-iwan ng paalala at babala. Rinig na rinig ni Elysia ang malalakas na karambola sa labas ng kaniyang silid, sumasabay pa ang malakas ding pag-angil at atungal ng mga nilalang na hindi niya mawari.

"Vladimir, kahit kailan tuso ka talaga, ibalik mo sa akin ang iyong kinuha kung ayaw mong dumanak ang d*go dito sa lupa mo."

Umalingawngaw ang boses na iyon sa buong palasyo. Alam niyang sa labas iyon nagmumula ngunit hindi niya maiwasang isipin na galing iyon sa ilalim ng lupa.

"Kinuha? Wala akong kinukuha na pagmamay-ari mo Vincent. Bakit hindi mo balikan ang bahay na iyon, naroon pa ang babaeng para sa'yo." Tugon ni Vlad, banayad ang boses nitong tila ba wala itong pakialam sa mga nangyayari sa paligid niya. Hindi mababakas sa boses nito ang pag-aalala sa mga puwedeng mangyari.

"Huwag mong bilogin ang ulo ko Vladimir, alam kong nasa iyo ang babae, ibigay mo siya sa akin." Giit ng isa pang lalaki at narinig ni Elysia ang malakas na pagtawa ni Vlad kasabay naman no'n ang galit na galit na sigaw ni Vincent.

Hindi maintindihan ni Elysia kung anong hidwaan ang mayro'n sa pagitan ng dalawang hari ng mga bampira, ngunit sa isip-isip niya ay pabor naman ito sa kaniya, dahil hangga't magkagalit ang dalawa ay magagamit niya ang isa para maging ligtas ang buhay niya. Gagamitin niya ang mga panahong ito upang maihanda ang kaniyang sarili. Ngayon wala na siya sa poder ng kaniyang tiyahin ay malaya na niyang magagawa ang kaniyang mga nais gawin. Sa pagkakataong ito ay mapagtutuunan niya ng pansin ang kaniyang sarili.

Ilang sandali pa ay unti-unti na ring tumahimik ang palasyo, marahil ay natapos na ang laban sa pagitan ni Vincent at Vlad. Nagkibit-balikat lang siya at muli nang bumalik sa pagkakahiga upang ipagpatuloy ang kaniyang pagtulog.

Kinabukasan, nagising si Elysia dahil sa mumunting ingay sa loob ng kaniyang silid. Pagmulat niya ay bumungad sa kaniya ang isang batang babae na titig na titig din sa kaniya. Napabalikwas siya ng bangon na ikinagulat naman bata at natumba pa ito.

"Sino ka?" Tanong niya at dali-dali namang bumangon ang bata at inayos ang suot nitong bestida. Maganda ang batang iyon at kulay pilak ang buhok nito habang ang mata naman nito ay kulay berde na maihahalintulad mo sa berdeng lumot. Namimilog ang nangingislap nitong mata habang nakangiting nakatingin sa kaniya.

"Vivian. Ikaw anong pangalan mo?" balik na tanong ng bata.

"Ako si Elysia, Vivian tama? Isa ka din ba sa kanila?" Tanong niya dahil hindi niya makitaan ang bata ng katangian ng isang bampira, hindi ito maputla katulad ni Vlad nguit kaaiba pa rin ito sa kaniyang mga mata.

"Hindi isang bampira si Vivian, isa siyang batang serena, sa lawa siya nakatira at minsan sa isang linggo ay nakikipaglaro siya sa mga batang bampira na nandito sa palasyo. Mabuti naman at nagising ka na, nakahanda na ang tubig mo sa silid na iyon, maligo ka na at ihahanda na namin ang damit na susuotin mo. Ako nga pala si Loreen, ako ang naatasang maging tagapag-alaga mo habang nandito ka sa palasyo."

"Tagapag-alaga? Hindi ko naman kailangan ang tagapag-alaga." NAguguluhang saad niya at napangiti ang ginang.

"Noon 'yon, pero iba na ngayon, bilang magiging asawa ng aming hari, kailangan ka naming alagaan habang wala siya. Tulog ang mga bampira sa araw kaya lahat ng makikita mo sa loob ng palasyo ngayon, kung hindi tao ay mga nilalang na hindi mo aakalain. Pagkatapos mong maligo ay ipapasyal ka namin ni Vivian sa buong palasyo."

Napanganga na lamang si Elysia sa narinig, bukod sa bampira ay marami pang kakaibang nilalang dito? Ang buong akala niya ay puro bampira lamang ang naninirahan sa palasyo ni Vlad. Matapos maligo at magbihis, magkasabay na silang lumabas ni Vivian sa kaniyang kuwarto. Magkahawak kamay pa sila, natatayang nasa sampong taong gulang si Vivian at anim na taon ang tanda niya rito. Magaan ang loob niya sa bata ay dahil sa kaniya ay mas napanatag ang loob niya sa palasyong iyon.

"Mabuti at nakababa na kayo, kumain ka na, alam kong gutom ka," ani Loreen habang inilalapag sa mahabang mesa ang isang basket ng tinapay, bukod doon ay samo't-saring pagkain din ang nakahain sa mesa na ngayon lang din niya matitikman sa buong buhay niya.

"Salamat," sambit niya at nagsimula nang kumain. Tunay ngang gutom na siya dahil simula kahapo ay hindi pa siya nakakakain. Walang pagkain ang ibinigay sa kaniya ang tiyahin niya bago pa man siya kunin doon at wala rin siyang kinain pagdating sa palasyo hanggang sa makatulogan na niya ito.

Tulad ng unang sinabi ni Loreen, pagkatapos kumain ay marahan na nilang nilibot ang mga pasilyo at bawat sulok ng palasyo. Bawat silid na kanilang pasukin ay nagpapakita ng kakaibang ganda at namamangha na lamang si Elysia sa sobrang laki at lawak ng palasyong iyon. Kung hindi dahil sa gabay ni Loreen ay paniguradong mawawala siya kapag siya lang mag-isa ang naglakad-lakad doon. Bawat detalye, bawat pamaluting nakikita niya ay sumisigaw ng karangyaan, mga bagay na salat siya noon habang nabubuhay sa piling ng kaniyang mga kamag-anak. Sa kabila ng mga nakikita niya ay hindi kailanman sumagi sa isip niya ang mainggit o masilaw rito.

"Narito ang silid ni Haring Vladimir, nandito rin ang kaniyang trono kung saan madalas siyang nagbibigay ng kaniyang mga utos sa mga nasasakupan niya," wika ni Loreen, hindi na nila iyon binuksan dahil alam niyang nagpapahinga pa ito. Maging ang mga silid ng iba pang bampira ay itinuro din ni Loreen sa kaniya, wala naman itong mga babala or mga panuntunan na ibinigay sa kaniya, bagkus ay sinabihan pa siya nito na malaya niyang mapapasok ang bawat sulok ng palasyo dahil ito ay may pahintulot na ng hari.

Pakiramdam ni Elysia ay nangawit ang mga binti niya sa kanilang paglilibot, kasalukuyan siyang nasa hardin sa labas ng palasyo kung saan tanaw nila ang lawa. Nasa tabi lang niya si Vivian habang hinuhubad nito ang suot na saplot sa paa. Ilang sandali pa ay bigla naman itong tumalon sa tubig at napalingon nang marahas si Elysia. Inilinga niya ang kaniyang paningin sa tubig ngunit hindi niya nakitang umahon si Vivian. Tumahip ang kaba sa kaniyang dibdib, akmang tatalon na siya upang sagipin ang bata ay bigla naman itong lumitaw sa gilid niya ay marahan siyang sinabuyan ng tubig habang natatawa.

"Anong ginagawa mo, huwag mong sabihing tatalon ka rito? Marunong ka bang lumangoy?" Tanong ni Vivian at nasapo naman ni Elysia ang noo. Hindi nga pala siya marunong lumangoy at nakalimutan din niyang isang serena si Vivian. Dahil sa pagkataranta ay lahat ng iyon ay nawala sa isip niya.

"Bakit ka kasi tumalon bigla? Akala ko tuloy kung napaano ka na," nagrereklamong saad ni Elysia at lalong natawa ang bata, ni hindi nito alintana ang takot na naramdaman ni Elysia nang makitang hindi pa siya umaahon sa tubig. Marahas na napabuntong hininga si Elysia at pinagmasdan na lamang ang paglangoy ni Vivian sa tubig. Napakaganda ng makulay nitong buntot at ang buhok nitong tila kumikislap pa sa bawat pagtama doon ng liwanag ng araw.

Tahimik at unti-unting nawala ng pangamba ni Elysia, hindi niya alam ngunit naramdaman niyang mas naging maayos pa ang buhay niya noong napunta siya sa palasyo ni Vladimir. Dumaan pa ang maraming araw at tuluyan na ngang nasanay si Elysia sa buhay niya sa palasyo, minsan lang din niya nakikita sa palasyo si Vlad, dahil palagi itong wala at ang tangin nakakasama lamang niya ay si Vivian at Loreen.

"Kilala niyo ba si Vincent?" minsang naitanong niya kay Loreen.

"Si Haring Vincent ay ang namumuno sa mga bampira na nasa Kanluran, nakatatandang kapatid siya ng ating hari, masuwerte ka Elysia dahil si Haring Vladimir ang unang nakakuha sa'yo. Lahat ng babaeng napupunta sa palasyo ni Haring Vincent ay hindi na kailanman nasisilayan ang pagsikat ng bukang-liwayway. Para sa kaniya, pagkain lang ang mga babae, pero iba ang aming hari, hindi siya katulad ng kapatid niya dahil pinapahalagahan niya ang bawat buhay ng bawat nilalang sa mundong ito, mapa-mortal man o iba pang nilalang."

"Gano'n ba?" Mahinang wika ni Elysia at muling nahulog sa malalim na pag-iisip.

"Mabuting hari si Haring Vladimir ngunit masama rin siyang kaaway. Kaya sana, kung ano man iyang plano mo, huwag mong susubukan saktan o sirain ang tiwala ng aming hari sa'yo Elysia."

Nanlalaki ang mga matang napatitig si Elysia kay Loreen, gulat at nabahala siya dahil wala naman siyang sinasabi rito tungkol sa plano niya o kung ano pa man.

"Alam kong ginagamit mo lamang ang hari para maligtas ang buhay mo, pero sinasabi ko sayo Elysia, si Haring Vladimir ay hindi masama, kung nandito ka para maghiganti sa mga bampira, huwag mo nang idamay ang hari, dahil wala siyang kasalanan. Naging biktima din siya katulad nating lahat. At sana subukan mong buksan ang puso mo at kilalanin mo muna siya bago ka gumawa ng hakbang na sa huli ay siguradong pagsisisihan mo rin." 

Nang araw ay lalong naguluhan si Elysia, patuloy din siyang binabagabag ng mga katagang binitiwan ng kaniyang tagapag-alaga.