Chapter 2 - Chapter 2

Isang matipunong lalaki na nakasuot ng itim na damit na tumatakip hanggang sa tuhod nito ang lumabas mula sa magarang karwahe. Nakasuot din ito ng itim na sombrero na siyang tumatakip naman sa kabuuan ng mukha nito. Nang mag-angat ito ng mukha ay nakita naman niyang normal itong tao, maputi ito at makinis ang mukha, ngumiti ito at sa kaniya at doon niya nakita ang mapuputi nitong ngipin.

Napakunot ang noo ni Elysia dahil inaasahan niyang pangil ang bubungad sa kaniya, pero hindi, normal iyon kagaya ng sa mga tao.

"Sino ang magiging alay sa pamilyang ito?" Tanong ng lalaki at dali-daling tumungo sa harap si Elysia.

"Ako po." Lakas-loob niyang tugon. Bahagya pang nangunot ang noo ng lalaki subalit hindi ito ng salita at inakay na lamang siya papasok sa karwahe.

Pagpasok sa loob ay namangha naman si Elysia dahil sa ganda ng karwaheng iyon. Nangungunot ang noo niyang napatingin sa lalaking sumunod sa kaniya.

"Bakit binibini, may problema ba?" Tanong ng lalaki.

"W–wala naman, nagtataka lang ako, hindi ba dapat kulungan ang pinaglagyan niyo sa akin hindi dito? Paano kung tumakas ako?" Tanong niya at ngumisi ang lalaki. Tinapik-tapik nito ang binti at saka sumandal sa sandalan ng malambot nilang inuupuan.

"Bakit tatakas ka ba?" Sa halip na sagutin ang tanong niya ay nagbato rin ito ng isang tanong. Napayuko naman si Elysia sa sobrang kahihiyan. Paano naman siya makakatakas gayong alam niyang isang bampira ang kaharap niya. Kahit anong gawin niya ay maaabutan pa rin siya nito. Marahan siyang umiling at sumilip sa labas ng bintana.

Alam niyang hindi iyon ang oras upang mamangha ngunit hindi niya maialis sa sarili ang mamangha sa mga tanawing unang beses niyang masilayan sa tanang-buhay niya. Simula't-sapol, hindi na siya nakalalabas ng bahay, kung kaya't ito ang kauna-unahang pagkakataon na makalabas siya at makalayo.

"Hindi kami katulad ng iniisip mo binibini, marahil ay ibang angkan ng mga bampira ang tinutukoy mo. Nauna lang kami ngayon dahil inutusan ako ng aming hari na tunguhin ang isang partikular na bahay." Mayamaya ay wika ng lalaki. Napalingon si Elysia at bakas sa mukha niya ang pagtataka.

"Ang bahay namin?"

"Oo, ang totoo niyan ang alay sa bahay na iyon ang sadya namin." Maagap na tugon nito at pagkuwa'y napatingin sa dalang kahon ni Elysia.

"Maaari ko bang malaman kung ano ang bagay na nasa loob niyan?" Tanong ng lalaki at mariing napahawak si Elysia sa kahon.

"M–mga alaala ng aking mga magulang. Huwag kang mag-alala dahil wala akong gamit na maaaring makasugat sa inyo rito." Tugon niya at muli na silang tumahimik. Napakahaba ng naging byahe nila at hindi na namalayan ng dalaga na nakatulog na siya.

Nagising na lamang siya dahil sa malakas na pag-uga ng karwahe. Napabalikwas siya ng bangon at doon lang niya napagtanto na huminto na ang kanilang sinasakyan. Wala na din sa loob ng karwahe ang lalaki at ganoon na lamang ang gulat niya nang bumukas ang pinto nito.

Nakahinga lamang siya ng maluwag nang bumungad sa kaniya ang pamilyar na lalaki roon. Nakangiti itong inilahad ang kaniyang kamay sa kaniya upang alalayan siyang makalabas. Hindi ganito ang inaasahan niya ngunit hindi na lamang siya nagsalita. Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay at marahang bumaba sa karwahe.

Agad na napatingala si Elysia sa napakalaking palasyo na nasa harapan niya. Gawa iyon sa bato at ang taas nito ay halos hindi na maabot ng kaniyang paningin.

"Maligayang pagdating sa palasyo ni Vlad, binibini." Nakangiting bungad nito sa kaniya. Tipid siyang napangiti at masuring tiningnan ang buong paligid. Nilalamon ng pagtataka ang buong pagkatao niya dahil sa pagkakaalam niya ay isang madilim na lugar ang palasyo ng mga bampira. Subalit itong nasa harap niya ay hindi, normal itong palasyo—oo hindi ito kasingkulay ng mga palasyo ng mga tao ngunit normal ito kung titingnan. Gawa sa bato, wala gaanong magarbong palamuti, hindi napapalibutan ng makukulay na bulaklak.

"Vlad? Iyon ba ang pangalan ng Hari niyo?" Nagtatakang tanong niya at tumango naman ang lalaki.

"Pumasok na tayo, dahil mamaya lang siguradong may darating tayong mga bisita." Nakangiting wika ng lalaki at nagpatianod na lamang siya nang hatakin siya nito.

Nagtataka man ay mas minabuti niyang itikom ang kaniyang bibig hanggang sa halos lumuwa ang kaniyang mga mata sa mga nakikita. Napakaganda sa loob ng palasyong iyon. May nakikita siyang panaka-nakang naglalakad sa mga pasilyo ngunit hindi naman ito namamansin kaya hindi na rin niya pinansin. Dinala siya ng lalaki sa isang malawak na bulwagan at pinaupo sa isang malambot na upuan. Kulay pula iyon at napakalambot din. Nang haplusin niya ito ay ganoon na lamang ang pagkamangha niya dahil sa malambot na pakiramdam na animo'y balahibo iyon ng isang pusa.

Isang tikhim ang umagaw sa kaniyang pansin kaya naman napaayos siya ng upo. Pagtingala niya ay bumungad naman sa kaniya ang isang matangkad na lalaki, mahaba ang buhok nitong kulay itim na halos abot na sa kaniyang dibdib. Matatalim ang mga mata nitong kakulay ng sinag ng araw, malaginto iyon ngunit tila ba kasinglalim iyon ng dagat na sa tuwing magtatama ang kanilang paningin ay pakiramdam niya'y malulunod siya.

Napatayo naman siya at mariing napayakap sa kahon ang kaniyang mga kamay.

"Sigurado ka ba dito sa nakuha mo Alaistar?" dumagundong ang baritono nitong boses kasabay ng tila pagalingawngaw nito sa bulwagan.

"Oo, siya na nga iyon. Pero ang pinagtataka ko ay hindi pa siya nasa wastong edad, katulad ng nasa kasunduan ng mga tao at ni Vincent." tugon ng lalaking sumundo sa kaniya. Doon lang niya napag-alaman na Alaistar pala ang pangalan nito. At ang lalaking nasa harap niya ngayon ay si Vlad na hari ng mga bampira. Pero sino si Vincent? Muli na namang napakunot ang kaniyang noo, habang tahimik na nakikinig sa usapan ng dalawa.

"Wala akong pakialam sa edad niya, ang mahalaga ay hindi siya makuha ni Vincent kahit na anong mangyari. Sa ngayon ay maaaring nalaman na ng mga alagad niya ang ating ginawa kaya maghanda ka para salubungin ang ating mga bisita." Pagkuwa'y wika nito at muli siyang hinarap.

"Para naman sa'yo munting binibini, sumunod ka sa akin at dadalhin kita sa magiging silid mo." Wika pa nito at tila nahipnotismo siyang sumunod dito. Alam niyang mapanganib na nilalang ang mga bampira ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi siya nakakaramdam ng takot sa mga ito.

Tahimik lang na sumunod ni Elysia sa lalaki at panaka-naka niyang pinagmasdan ang likuran nito. Nagtataka man ay hindi na siya nagtanong pa, mas pabor nga sa kaniya ang mga pangyayaring ito, mukha namang walang balak ang mga ito na gawin siyang hapunan kaya magapapatianod na lamang siya sa kagustuhan ng mga ito.

Huminto si Vlad sa harap ng isang malaking pintuan. Tinulak niya ito ay bumungad sa kaniya ang isang silid. Hindi iyon isang kulungan bagkus ay isang napakagandang silid iyon na tila ba isang prinsesa ang gumagamit.

Pumasok ito, kaya naman dali-dali na rin siyang sumunod. Nagpalinga-linga ang kaniyang mga mata sa buong silid at hindi maitatago rito ang labis na pagkamangha at gulat.

"Hindi ba dapat nasa isang kulungan ako, bakit dito?"

"Bakit binibini, nais mo bang isang kulungan ang magiging pahingahan mo?" tanong nito at napaatras pa siya nang makitang naging pula ang mga mata nito, ngunit saglit lamang iyon at muli rin itong nanumbalik sa pagiging kulay ginto.

"Hindi naman sa gano'n, nagtataka lang ako, ang sabi kasi ng tiyahin ko ay isang akong alay, kaya hindi ko talaga maintindihan ang mga nangyayari." wika pa niya, bakas sa kaniyang mga mata ang pagkalito.

Nakita pa niyang ngumisi ang lalaki bago lumapit sa kaniya.

"Alay ka, kung si Vincent ang nakauna sayo. At dahil kalaban ko si Vincent, gagawin kitang asawa ko para lalo siyang magalit sa akin." Pabulong na wika nito bago humalakhak ng nakakaloko.

Lalo naman siyang naguluhan dahil muli niyang narinig ang pangalan ni Vincent.

"Sino ba si Vincent?"

"Si Vincent ang hari ng mga bampira sa Kanluran at siya ang may kasunduan sa inyong munting pamayanan. Sa ngayon mananatili ka sa palasyo ko bilang isang prinsesa hanggang sa dumating ang araw na sumapit ka sa hustong edad, saka kita gagawing aking reyna. Mamili ka, dito sa poder ko at maging aking asawa, o ibibigay kita kay Vincent para maging pagkain niya? Madali akong kausap Elysia, alin man diya ang piliin mo ay buong puso kong ibibigay sayo." saad nito sa mababang boses na nagpatindig sa kaniyang mga balahibo.

Hindi siya tanga para piliin ang huli. Kung ang pagiging asawa nito ay magbibigay sa kaniya ng pag-asang mabuhay ay gagawin niya. Tutal, wala na din naman silbi pa kung lalaban siya gayong hawak na nito ang buhay niya. Kung pipiliin niya ang huli ay siguradong hindi na siya sisikatan ng araw bukas. Pero, kung pipiliin niya si Vlad, malaki ang pag-asa niyang mabuhay pa.

"Kung susunod ba ako sa kagustuhan mo, masisiguro mong magiging ligtas ang buhay ko? Hindi mo ako papat*yin?" Tanong niya at napangiti lang ang lalaki. Iniangat nito ang kamay at marahang hinaplos ang kaniyang pisngi, patungo sa kaniyang baba at pagkuwa'y iniangat iyon.

"Makakaasa ka, isa lang naman ang nais ko, ang mamat*y sa galit si Vincent." sambit pa nito sabay halakhak. Hindi na ito muling nagsalita at tuluyan na siyang iniwan sa silid na iyon.

Napaupo siya sa malambot na higaan ay napabuntong-hininga. Hinaplos niya ang kahong iniwan sa kaniya ng kaniyang mga magulang at marahang binuksan iyon. Kinuha iya mula roon ang isang lirato at napangiti.

"Huwag sana kayong magagalit sa akin inay, itay. Gagawin ko lamang ito para mabuhay ako. Hindi pa ako handang mamatay, kailangan ko pang malaman kung sino ba talaga ang pumaslang sa inyo, si Vlad ba o ang Vincent na binabanggit nila." mahinang bulong niya at niyakap ang litratong iyon.