Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 31 - Chapter 31

Chapter 31 - Chapter 31

Lakad-takbo ang ginagawa ng isang dalaga hatak-hatak ang isang paslit sa kasukalan ng isang gubat. Napakaraming yabag ang nakasunod sa kanila na ang iba ay humahalakhak pa. Nakakangilong mga tawa at nakakarinding pagtawag ang nauulinigan ng dalawa na siyang nagbibigay sa kanila ng matinding takot.

"Malapit nang mag-umaga Lira, konting tiis na lang at makakawala na tayo sa mga nilalang na humahabol sa atin," pag-aalo niya sa bata habang patuloy na tumatakbo. Hindi nila alam kung saan sila tutungo at ang tanging mahalaga lamang sa kanila ay makalayo at makatakas sa mga nilalang na nais silang saktan.

********

Sumapit na ang umaga at tuluyan na ngang nagpaalam sina Milo, Maya at Simon sa mga tao sa bayan ng Miranda. Labis-labis na pasasalamat ang ipinahatid sa kanila ng mga taong-bayan, maging ang nasa kabilang parte ng bayan na noong una ay umusig sa kanila ay humingi na rin ng tawad.

Malugod namang tinanggap ng tatlo ang paghingi ng paumanhin ng mga ito dahil na rin sa nakikita nilang sensiridad. Sino nga ba sila para hindi magpatawad? Tao lang din sila na nagkakasaka at kailangan ding humingi ng tawad kapag nagkataon.

Naging masaya at emosyonal ang pamamaalam nilang iyon. Kahit pa naiisin nilang manatili muna saglit sa Miranda ay hindi na puwede dahil kailangan na nilang marating agad ang Bayan ng Talusan kung saan naroroon ang karagatang kanilang kailangang tawirin.

Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay ay ilang bayan din ang kanilang nilagpasan bago nila narating ang bayan ng Talusan. Ito na rin kasi ang pinakadulong bayan ng naturang islang kinaroroonan nila. Napapagitnaan naman ito ng bulubunduking topograpiya at malawak na karagatan kung saan komukonekta sa iba pang maliliit at malalaking isla.

Dalawang araw rin nang walang hintong paglalakad ang kanilang ginugol bago dumating sa bayan ng Talusan. Hapon na din kaya agaran din silang naghanap ng bahay na kanilang matutuluyan. Isang matandang lalaki naman ang kanilang tinuluyan, kasama nito ang isang dalaga at isang batang paslit na ayon pa sa matanda ay nakita raw niya sa kagubatan nang minsan siyang mangalap ng mga halamang gamot.

Isang simpleng albularyo si Mang Isko, tubong Talusan din siya kaya naman alam niya ang halos lahat ng nangyayari sa bayang iyon. Ang mga bata namang kasama nito ay nasa tatlong araw pa lang din ang tinatagal sa poder niya.

Ayon pa nga rito ay sugatan ang mga ito nang makita niya. Punong-puno rin sila ng putik sa buong katawan, kwento pa ng mga bata sa kaniya ay hinahabol daw sila ng mga itim na nilalang. Hindi naman mawari ni Mang Isko kung engkanto ba, maligno, tamawo o aswang ang tinutukoy ng mga ito.

Sa unang gabi ng kanilang pananatili ay marami na rin silang narinig na mga kwento kay Mang Isko, isa na nga rito ang kwento ng karagatan sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan.

Iyon naman ang hihintayin nila Maya, dahil sa kabilugan ng buwan lang sila maaaring maglayag.

"Nahihibang na ba kayo? Napakapanganib ng dagat sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan. Hindi niyo ba alam na napakaring nilalang ang lumalabas sa oras na iyon. Ang karagatan ng Talusan ay hindi ordinaryo mga bata. Nakakatakot at nakakapangilabot ang dagat na iyan." Nahihibtakutang wika ni Mang Isko.

"Pero Mang Isko, sa kabilugan ng buwan lang kami puwedeng maglayag dahil doon lang din namin masisilayan ang ang tutunguhin. " Sagot ni Simon at nanlaki ang mga mata ng lalaki. Napaantanda ito at napabigkas ng dasal nang wala sa oras.

"Ang Ilawud ba ang hanap niyo? Naku, mga bata pa talaga kayo. Hindi basta-basta ang mga nilalang sa Ilawud, bukod sa kanila nariyan pa ang masungit na dagat sa Ilawud na maaaring ikapahamak ninyo," wika pa ng matanda. Napansin naman ni Milo ang panginginig ng kamay nito habang nagsasalin ng mainit na tubig sa baso kaya agad din niya itong tinulungan.

"Hindi ko alam kung ano ang nais niyong patunayan o gawin sa pagnanais niyong marating ang Ilawud pero ang magagawa ko lang ay tulungan kayong makahanap ng bangkang inyong masasakyan sa oras na iyon," saad pa ni Mang Isko bago bumuga ng isang malalim na hininga.

"Maraming salamat po Mang Isko, malaking tulong po sa amin 'yang naiisip niyo. Kakailanganin talaga namin ng bangka," wika ni Milo. Napatingin naman siya sa dalawang bata at nginitian ang mga ito.

Pagsapit ng dilim ay nanatili naman sa labas ng bahay ang tatlo upang magmasid. Tahimik ang gabing iyon at banayad rin ang hangin na umiihip sa paligid.

Sa kanilang pagmamasid ay bigla namang lumabas ng bahay si Klarisa, nanlalaki ang mga mata nitong nakatingin sa malayo.

"Klarisa, bakit?" Tanong ni Milo nang makita ang tila pag-aalala sa mukha ng dalaga.

"Hinahanap pa rin nila si Lira, matatagpuan na naman nila kmi. Kailangan na naming makalayo sa lugar na ito dahil marami ang madadamay," wala sa sariling tugon ni Klarisa, bakas na bakas sa mukha nito ang pagkabahala.

"Sino ba ang humahabol sa inyo at bakit nila kayo hinahabol?" Tanong ni Maya at napailing naman ang dalaga.

"Hindi ko alam Ate Maya, nagsimula ang lahat ng ito nang salakayin ng mga kakaibang nilalang ang aming baryo sa gitna ng gubat, lahat ng mga tao roon ay pinaslang nila at kami ni Lira lang ang nakatakas. Kung hindi pa kami nagtago sa putikan ay hindi namin sila matatakasan. At kung hindi dahil kay Mang Isko hindi kami makakalabas ng gubat nang buhay. Pero parang hindi na rin kami ligtas rito." Salaysay ni Klarisa bago napaupo sa papag. Napatingin ito sa kaniyang kamay ay napakuyom ito ng palad.

Ramdam naman ni Milo ang takot at pangambang namumuo sa kalooban ni Klarisa. Muli nang napatahimik si Klarisa at muling pumasok sa loob ng bahay kasama ang tatlo. Doon ay pinagpatuloy nila ang pag-uusap at dito na nga nila nalaman ang tunay na pangyayari bago pa man sila mapunta sa poder ni Mang Isko.

Kinaumagahan, maaga pa lamang ay lumakad na sila para tunguhin ang kaibigan ni Mang Isko na hihiraman nila ng bangka.

"O' Isko, ang aga mo yatang napabisita ngayon, anong mayro'n?" Tanong ng isang may katandaan na ring lalaki. Mukhang matagal nang magkakilala ang mga ito. Agad na napangiti si Mang Isko at pinakilala na sina Milo at Simon sa matanda.

"Pareng Kanor, ito nga pala si Milo at Simon, mga manlalakbay, e' kailangan daw nila ng bangkang magagamit sa kanilang paglalayag. May maipahihiram ka ba?" Agad na tanong ni Mang Isko rito.

Sinipat naman ni Mang Kanor ang dalawang binata na kaagaran ding ngumiti rito.

"Aba'y meron akong bakanteng bangka ngunit kailangan pa iyong ayusin at baka hindi pa man nakakaabot sa gitna e' lumubog na. Kailan ba ang plano niyong umalis mga bata?" Tanong ni Mang Kanor.

"Sa Sabado po," sagot ni Simon at napamulagat naman ang matanda.

"Sa Sabado? Aba'y bilog ang buwan, mapanganib ang karagatan. At isa pa, hindi basta-basta ang mga nilalang na nagsisilabasan para tunghayan ang kabilugan ng buwan." Saad ni Mang Kanor na tinanguan naman ni Mang Isko bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.

"Iyan nga din ang sinabi ko sa kanila pare, pero alam mo naman ang mga kabataan ngayon, mahirap nang pagsabihan. At sabi pa e' kailangan daw nilang maglayag sa kabilugan ng buwan dahil doon lang nila mahahanap ang kailangan nilang matagpuan.

"Bakit ba ganoon na lamang ang pagmamalabis niyong makapaglayag? Aba'y hindi ba kayo natatakot na baka mapahamak kayo?" Nakapameywang na tanong ni Mang Kanor.

"Mahalaga po kasi ang gagawin namin sa araw na iyon. Kapag naman po sinabi namin baka hindi ein kayo maniwala. " Tugon ni Milo habang pinagmamasdan ang magiging reaksyon ng mga ito.

"Hindi naman namin ugaling manghusga mga hijo. Ayoko namang, baka masisi ako ng mga magulang niyo na pinahiram ko kayo ng bangka. Ayokong ako ang mahing dahilan para mapaaga ang pagbisita niyo kay bathala." Pabiro pa nitong wika at tatawa-tawa namang naihampas ni Mang Isko ang kaniyang kamay sa braso ng kaibigan.

"Hindi niyo po kailangang mag-alala dahil alam naman ng mga magulang namin ang aming ginagawa at isa pa po, magiingat naman po kami." Napapakot sa ulong sagot ni Simon. Kahit papaano at natutuwa sila sa pag-aalalang pinapakita sa kanila ni Mang Isko at Mang Kanor. Alam nilang mabubuting tao ang mga ito.

Kalaunan ay pumayag na din si Mang Kanor na ipahiram sa kanila ang isang bangka nito. Nangako rin ito na aayusin ang bangka bago pa man sumapit ang kabilugan ng buwan. Nag-iwan naman ng pera si Simon dito upang kahit papaano ay may magamit itong panggastos para sa aayusing bangka.

Matapos ang usapan nila ay muli na silang bumalik sa bahay ni Mang Isko at naabutan nilang nakaupo sa labas si Lira at Klarisa.

"O bakit dalawa lang kayo rito,nasaan ang Ate Maya niyo?" Tanong ni Simon nang mapansing wala roon ang kapatid niya.

"Kuya, may matandang babae na nakaitim na balabal ang dumating kanina, isinama niya si Ate, hindi po namin alamn kung saan sila pupunta," tugon ni Klarisa. Napakunot-noo naman si Simon at nagkatinginan sila ni Milo..

"Sa tingin mo Milo?"

"May tiwala ako sa kapatid mo, panigurado mayamaya lang e' nandito na 'yon," tugon ni Milo sa tanong ng kaibigan.