Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 30 - Chapter 30

Chapter 30 - Chapter 30

Sa pagsapit ng bukang-liwayway ay dahan-dahan na nilang inihanda ang kanilang mga kakailanganin. Ang mga baboy na nahuli nila ay inihilera na nila sa gitna ng daan na sumasakop sa bayan. Sa gitna naman ng maliit nilang bulwagan ay gumuhit doon ng malaking bilog si Simon. Sa gitna ng bilog ay naglagay sila ng isang altar na may sukat na isang metro kung saan tinambakan nila iyon ng mga kahoy na kinuha naman nila sa gubat habang naghihintay sila. 

Maayos na isinalansan ng mga kalalakihan ang mga kahoy sa altar, pinaikutan naman ni Milo ng pinaghalong asin at abo ang palibot ng bilog habang nag-uusal na siyang magsisilbing harang naman nito sa altar habang sa labas naman ng bilog ay inilagay nila ang iilang palayok na may lamang tubig at langis na punong-puno ng mga orasyon at engkantasyon na pinagtulungan namang ihanda ni Simon at ni Marion.

Mabilis na lumipas ang mga oras, sa pagsapit ng hapon ay nagpalit na ng kasuotan si Maya, Simon at Milo. Nagsuot sila ng kasuotang maihahalintulad mo sa mga katutubo, kulay lupa ang suot na pantalon ni Milo at Simon na hapit sa kanilang mga binti habang ang kanilang pang-itaas na kasuotan ay kulay pulang tsaliko na may gintong ukit ng mga simbolong ngayon ang nasilayan ni Milo. Gamit ang inuling na kawayan na may langis ay iginuhit din ni Simon ang mga simbolong iyon sa katawan ni Milo, mula sa dibdib hanggang sa mga braso nito at sa nakalabas nitong binti.

Matapos ang kanilang preparasyon ay lumabas na sila, saktong kalulubog lang din ng araw. Paglabas naman ni Maya sa bahay ni Manong Pedring kasama si Diana, ay napatulala naman si Milo. Tulad nila ay nakasuot rin ito ng damit na pangkatutubo, nakalugay ang mahaba nitong buhok na napapalamutian ng iba't-ibang uri ng palamuti na gumagawa ng tunog kapag nagagalaw ito. Kapansin-pansin rin ang mga guhit nito sa katawan na hindi tulad niya ay animo'y permanente na iyong nakaukit sa maputing balat ng dalaga. Hindi niya iyon napapansin dahil ngayon lang din niya nakitang magsuot ng maikli si Maya.

"Bakit Milo?" Tanong ni Simon nang mapansing natigilan ang binata sa pagkakatitig sa kaniyang kapatid.

"Simon, 'yong mga ukit sa balat niyo ni Maya, tunay ba iyan?"

"Batok ang tawag dito at oo, tunay ang mga iyan, bata pa lamang kami ay nasa balat na namin ito, ang sabi ni ina sa amin noon, marka daw ito ng mga diwatang gumagabay sa amin ang iba naman dito ay nakuha namin sa aming pagsasanay, iniukit ito ng pinunong asog sa kinamulatan naming baryo. Huwag kang mag-alala, pasasaan ba't magkakaroon ka rin ng mga batok," sagot ni Simon. 

Marahang tumango si Milo at muling itinuon ang pansin sa naglalakad na si Maya. Tinungo nito ang gitna ng bilog at tumayo sa harap ng altar kung saan kinuha nito ang tatlong sulo at dinala sa kinaroroonan ng dalawang binata.

"Mayamaya ay magsisimula na tayo, Milo alam mo na ang gagawin mo, sundan mo lang si Simon at manalig ka," wika ni Maya habang inaabot sa kanila ang sulo na siyang sisindihan nila sa pagsisimula ng ritwal.

Mayamaya pa ay isa-isa na nilang sinindihan ang sulo. Dahan-dahan silang lumapit sa altar habang nag-uusal ng panimulang dasal.

"Apoy ng pag-asa aming sisindihan, tatlong sulok ang sisilaban, tatlong pusong nagnanais ng bagong simula, sa bawat dasal na aming iuusal." Sabay-sabay nilang sambit kasabay ng paglagak nila ng sulo sa altar. Mabilis na kinain ng apoy ang mga kahoy roon na animo'y may sarili itong buhay. Tila ahas itong gumapang mula sa ibaba patungo sa itaas na bahagi nito.

Patuloy lamang ang kanilang pagdarasal bago marahang umatras ang dalawang binata at tumayo sa kani-kanilang puwesto. Gamit ang kanilang walang saplot na paa ay iginuhit nila ang mga simbolo mg kalikasan habang malakas na binibigkas ang pangalan ng mga diwatang kanilang tinatawag.

Ilang sandali pa ay hinapas nila ang tambol na gawa sa binutas na katawan ng kahoy at balat ng usa. Kakaiba ang tunog na ginagawa nito dahil sa bawat pag hampas ng kamay ni Milo ay ramdam niya sa kaibuturan ng kaniyang puso ang musika nito.

Tila ba dumadagundong din ang kaniyang dibdib sa bawat hampas at bawat dagundong nito. Kasabay ng tunog ng tambol ang malakas na pagsambit nila ng mga usal na sinasabayan naman ng grupo ni Marion kasama si Pedring at ang iba pang kalalakihan. Nabalot ng malakas na musika at usal ang buong bayan ng Miranda na siya namang pumukaw sa kamalayan ng mga naninirahan sa kabilang panig na tila humatak sa kanila na saksihan ang kaganapang iyon.

Nang marating nila ang bungad ng ritwal ay nakita nila ang napakalaking apoy na nasa gitna na iniikutan naman ni Maya. Bawat galaw ng dalaga ay umaayon at sumasabay sa pagtambol ni Milo at Simon. Hawak-hawak ni Maya sa kaniyang kanang kamay ang isang tungkod na napupuluputan ng kakaibang baging at sa bawat pagwasiwas nito sa ere ay lumilikha iyon ng tunog ng isang maliit na kampanilya na sumasabay sa pagbungguan ng maliliit na batong nakatali roon.

Patuloy lamang sila sa kanilang ginagawa habang si Maya ay paikot na sumasayaw sa apoy. Ilang sandali pa ay lumitaw na sa labas ng bilog ang limang engkantong gubat na nakausap nina Milo at Maya, bawat isa sa kanila ay may dalang nagliliwanag na bato na sumisimbolo sa elemento mg kalikasan: ang tubig, apoy, hangin, lupa at ang liwanag.

Marahan na ding lumapit si Diana bitbit ang sisidlang yari sa pilak kung saan nakalagay ang tatlong bertud ng aswang na siyang sumisimbolo sa elemento ng dilim.

Nang makumpleto na ang anim na elemento at lalong lumakas ang pagbigkas ng mga usal nina Milo at Simon. Naging mas agresibo na din ang mga ginagawang galaw ni Maya at pagwasiwas niya ng kaniyang tungkod.

Nang matapos ang pag-uusal ay tumayo na si Milo at Simon at lumapit sa altar, dito na rin pinapasok ng mga tao ang siyam na baboy ramo at itinali iyon paikot sa altar. Isa-isang ginilitan ni Milo ang leeg ng mga baboy-ramo at hinayaang dumaloy ang mga dugo nito sa lupa kung saan naroroon ang pinaghalong abo at asin.

Nang tuluyan namang humalo doon ang dugo ng kanilang alay ay sabay-sabay nilamg itinarak ang kanilang mga sandata sa lupa at lumuhod doon.

Binalot ng nakakabinging katahimikan ang buong lugar, maging ang mga nagmamasid at nataranta at nagpalinga-linga sa paligid. Ilang sandali pa ay pumatak ang gabutil na ulan mula sa langit. Sa una ay tila ambon lamang ito hanggang sa tuluyan nang bumuhos ang masaganang ulan.

Nakatingala ang mga tao at hinahayaan nilang mabasa mg ulan ang kanilang mga karawan. Hindi nila lubos maisip na muli nilang masisilayan at mararanasan ang ulan. Sa maraming taon ng tagtuyot ay pakiramdam nila ay panaginip lang ang lahat.

Nang tuluyan na silang mahimasmasan sa kanilang pagkagulat ay doon na nagsigawan ang mga tao dahil sa tuwa. Nagyayakapan ang mga ito at tuluyan nang nagkapatawaran ang dalawang panig.

Dahil sa ulan ay maging ang mga taong bayan, mapabata man o matanda, lalake o babae ay napasayaw at napaindak dahil sa lubhang kaligayahan.

Walang paglagyan ang kanilang tuwa lalo pa nang masilayan nila ang isang milagro sa kanilang bayan. Ang mga tuyong puno di kalayuan ay muling nabuhay. Umusbong sa mga basang sanga nito ang mga murang dahon, ang tuyong lupa ay nagkaroon ng mga damo.

"Buhay nang muli ang bayan ng Miranda!!" Tumatalong sigaw ng mga tao. Napaangat naman ng mukha si Milo at napangiti siya nang makitang nagsasaya ang mga ito. Bahagya niyang inilibot amg kaniyang paningin at nasipat niya ang pagtango ng mga engkanto sa kaniya bago naglaho anh mga ito. Tumayo na sila at lumapit sa silong ng bahay ni Pedring. Hinayaan nilang magsaya ang mga tao sa ilalim ng ulan.

Hindi inalintana ng mga ito ang lamig ng gabi dahil sa labis na kasiyahang kanilang nararamdaman.

"Kamusta ang unang sabak sa ritwal, Milo?" Tanong ni Simon habang tinutuyo ang sarili gamit ang tuwalyang ibinigay ng asawa ni Pedring.

"Nakakapagod pala, pakiramdam ko ay makakatulog na ako sa sobrang pagod," nakangiting tugon ni Milo at natawa naman si Simon.

"Ganyan talaga sa una, masasanay ka rin,"

Matapos ang mahabang oras ng ulan ay nagsiuwian na ang mga tao sa kani-kanilang bahay dala ang kasiyahan at pag-asang kanilang nararamdaman. Kinaumagahan ay nagising sila sa sigawan ng mga tao. Rinig na rinig na din ni Milo ang banayad na tunog ng lagaslas ng tubig sa ilog at ang pag-uumpugan ng mga dahon ng punong-kahoy.

Bumangon siya sa kaniyang higaan upang masilayan ang labas at napatulala naman siya sa kaniyang nakita. Napakaganda ng lugar na nasisilayan niya. Tila ba hindi ito dumanas ng salot at sumpa, buhay na buhay ang lupa at maging ang tubig sa ilog.

Taos-puso ang pagpasalamat ng mga tao sa kanila na halos lumuhod na ang mga ito. Ayon pa sa taong bayan ay isang malaking milgaro ang nagyari ngayon. Napangiti naman si Milo at malugod na tinanggap ang pasalamay ng mga ito.