Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 28 - Chapter 28

Chapter 28 - Chapter 28

Ilang sandali pa ay nasipat nila ang dahan-dahang pagpayat ng mga nilalang na halos maging buto't-balat na lamang ang mga ito. Hindi naman malaman ng mga tao kung ano ba ang nangyari sa mga ito at kung bakit sila nagkagano'n. Ang alam lang nila ay nag-uusal si Milo roon habang pinapaikutan ang mga nilalang ay may sinasaboy na mga dahon at talulot ng bulaklas na kulay berde na may halong puti. 

Nang tuluyan nang mawalan ng buhay ang apat na aswang ay halos kainin na din ng lupa ang kanilang mga katawan at tanging ang mga damit na lamang nila ang natira at ang tatlong kulay itim na ibon na naghihingalo na din sa lupa. 

Mabilis na kinuha iyon ni Simon at isinilid sa apat na bote bago na may lamang langis. 

"Tapos na ang misyon natin dito, bumalik na tayo sa bahay ni Manong Pedring, may apat na tayong aswang na iaalay sa ritwal, sobra na ito para sa tatlong kailangan natin," wika ni Simon. Napabuntong-hininga naman si Milo at napatitig sa lupa kung saan namat*y ang mga nilalang. Muli siyang nag-alay ng dasal para sa kaluluwa ng mga nasawi, matapos ay agad na rin nilisan ang bayan. Sumunod na din sa kanila si Marion at muli na silang bumalik sa bahay nito.

"Kasama ba sa ritwal na gagawin niyo ang mga bertud na iyan ng mga aswang?" mayamaya pa ay tanong ni Marion nang marating na nila ang bahay nito.

"Opo manong, tatlong nilalang ng kaliwa na nagbigay salot sa bayan, siyam na baboy-ramo, bilang alay, at kakailanganin din namin ang tulong ng asawa niyo bilang isang nilalang na konektado sa kalikasan. Alam naming may dugo siya ng engkantong gubat." Sagot ni Simon.

Napatahimik naman si Marion dahil hindi siya makapagdesisyon kung ano ba ang dapat niyang gawin. Bago pa man siya makapagsalita ay bumukas naman ang pinto ng bahay ni Marion, bumungad doon ang namumutlang si Diana.

"Kung maibabalik niyo ang buhay ng bayang ito, papayag akong maging alay sa gagawin niyong ritwal," wika ni Diana.

"Diana, ano ba 'yang pinagsasasabi mo? Hindi ako papayag na mapahamak ka, paano naman kami ng anak mo?" Tutol na wika ni Marion. Napangiti naman si Maya at Simon dahil sa sinabi ni Diana.

"Manong Marion, hindi naman namin gagawing alay si Ate Diana, siya lang ang isa sa magiging daan ng ritwal, pero bago namin gawin iyon, kailangan nasa maayos na kalagayan na ang kalusugan niya para makatagal siya sa ritwal." Paliwanag naman ni Maya.

Agaran ding napabuntong-hininga si Marion nang marinig ang paliwanag nila. Napahawak naman siya sa kamay ni Diana at inalalayan na ito pabalik sa loob ng kanilang bahay. PUmasok na rin sina Milo, Simon at Maya at doon na nila pinagpatuloy ang kanilang pag-uusap. 

Kinaumagahan, maaga pa lamang ay nakabalik na sina Milo, Simon at Maya sa bahay ni Pedring, sa pagkakataong iyon ay kasama na nila ang mag-anak ni Marion. Malugod naman silang tinanggap ni Pedring sa maliit nitong kubo at sabay-sabay na silang nag-almusal habang nag-uusap.

"Kailan ang balak niyong pagpanhik sa bundok, Simon?" Tanong ni Pedring matapos humigop ng mainit na kape.

"Bukas ng madaling araw po Manong Pedring,sa ngayon, kailangan muna naming pagalingin ang asawa ni Manong Marion upang makatuwang namin sa ritwal." Tugon ni Simon at napatingin naman si Pedring sa namumutlang asawa ni Marion.

"Ano ba ang sakit ng asawa mo pare? Malubha ba?" Hindi naiwasang tanong ni Pedring.

"Hindi ko rin alam pare e', pero sabi ni Simon may kinalaman daw ito sa nangyayari sa ating bayan." Sagot naman ni Marion at napatango naman si Pedring. Ibinaling naman niya ang pansin sa anak na babae ng dalawa na noo'y tahimik lang na kumakain sa harap ng hapag na tila walang naririnig.

Mayamaya pa ay natapos na din silang kumain. Saglit silang nagpahinga bago tinungo ang isang parte ng bayan na malapit sa isang patay na ilog. Katabi lang iyon ng bahay ni Pedring kaya naman hindi na sila nahirapang puntahan iyon.

Matapos maisaayos ang lahat ng kailangan nila ay nagsimula nang mag-usal ng orasyon si Maya at Simon. Nakaupo naman si Milo sa tabi ni Diana habang magkahawak ang kamay ng mga ito. Naririnig ni Milo ang bawat katagang binibigkas ng magkapatid na animo'y marahan lamang ang pagbigkas ng mga ito.

Bawat salita ay tila ba isang awit na nagiging malamyos sa una hanggang sa maging mataginting ito na animo'y nasa isang giyera. Sa pagdaan pa ng mga minutong nag-uusao ang magkapatid ay naramdaman na ni Milo ang tila paggaan ng kaniyang katawan. Bumibigat naman ang talukap ng kaniyang mga mata habang tila idinuduyan ang kaniyang katawan.

Sa dahan-dahang pagsara ng kaniyang mata ay nakita pa niya ang pagbagsak ni Diana sa kaniyang tabi bago siya tuluyang nilamon ng kadiliman.

Sa muling pagbubukas ng kaniyang mata ay nakita niya si Diana na nakahiga na sa madamong parte ng lupa na siya ring kinauupuan niya. Samo't-saring nilalang ang tila naglalagay ng kung anu-anong dahon sa katawan ng babae. Nagliliwanag ang mga dahong iyon at sa bawat pagdampi ng mga ito sa balat ni Diana ay naglalaho ito na tila ba pumapasok iyon sa katawan ng babae.

Bumangon siya at nagpalinga-linga sa paligid. Wala roon ang magkapatid subalit naririnig pa rin niya ang mga usal ng mga ito. Muling naglakbay ang kaniyang paningin at namangha siya sa kaniyang nakikita. Napakalawak ng damong kaniyang nakikita. Kahit hindi gaanong mapuno sa gawing iyon at nakapagtatakang napakalilim. May sikat ng araw subalit hindi iyon mainit, malamig na hangin din ang umiihip at ramdam niya ang paggaan ng kaniyang pakiramdam.

Hindi niya magawang ipaliwanag subalit ramdam niyang napakagaan ng hanging kaniyang hinihinga, iyong tipong malalaman mo talaga na malinis ang hangin.

Patuloy na pinagmasdan niya ang ginagawang paggamot ng mga lamang-lupa kay Diana hanggang sa matapos ang mga ito. Agad niyang ini-usal ang mga salitang pinabaon sa kaniya ni Maya at sinunod ang lahat ng habilin nito sa kaniya. Kinuha niya sa kaniyang bulsa ang isang telang puti at inilapag iyon sa tiyan ni Diana, matapos ay nilapag naman niya sa tela ang tatlong pirasong dahon na may iba't-ibang kulay, isang kapirasong sanga ng puno ng narra, talulot ng bulaklak ng waling-waling, at kapiraso ng balat ng puno ng sinukuan.

Kasabay ng bawat paglapag niya sa mga sangkap na 'yon ay ang pag-usap ng ng paulit-ulit ng tatlong kataga na ayon pa sa mgakapatid at tatlong mahihiwagang buhay na salita na itinuro pa sa kanila ng kanilang inang babaylan.

Matapos makompleto ang mga sangkap ay isang laman-lupa ang lumapit sa kaniya bitbit ang isang maliit na sulo na may apoy. Kulay lupa ang nilalang na iyon na may mahahabang balbas at buhok na may magkahalong kulay itim at puti. Agad namang kinuha ni Milo ang maliit na sulo na halos kasinghaba lamang ng tatlong posporomg pinagdugtong. Mabilis niyang sinilaban ang mga sangkap na nakapatong sa telang puti na nasa tiyan ni Diana.

Mabilis na kinain iyon ng apoy hanggang sa tuluyan itong naging abo. Nang makita niya itong naging abo ay binihusan naman niya ito ng tubig na galing sa isang bukal sa mundo na kaniyang kinaroroonan ngayon. Dala-dala ito ng mga lambanang naging kaibigan niya sa kanilang paglalakbay.

Nang makompleto na niya ito ay agaran din ang pag-ihip niya ng dasal dito habang binibilog ito. Nang maisagawa na niya ang mga dapat gawin ay inilagay niya ito sa bunganga ni Diana at pinainom niya ito ng tubig galing sa bukal.

Nakita pa niyang lumunok ng bahagya si Diana at ilang sandali pa ay muli nang umikot ang kaniyang paningin at tuluyang nandilim ang kaniyang paligid.

Sa mulimg pagmulat ng kaniyang mata ay doon na niya nasilayan si Maya at Simon na nakaupo 'di kalayuan sa kaniyang kinaroroonan. Bumangon siya at mabilis na iniikot ang kaniyang paningin. Doon ay nakita niya si Diana na kausap na ni Marion sa di kalayuan. Nagkaroon na ng kulay ang dating maputlang mukha ng babae at kapansin-pansin na din ang sigla sa pagkatao nito.

"Binabati kita Milo, matagumpay mong naisagawa ang iyong misyon. Napagaling na natin si Diana, maari na tayong mangaso bukas. Siyam na baboy ramo na lang ang kailangan natin." Wika ni Simon at napangiti naman si Milo.

Puno ng kagalakan ang kaniyang puso nang malamang tagumpay ang kaniyang misyon. Natutuwa rin siya para sa pamilya ni Marion. Hindi na din ito mag-aalala sa asawa nito, maging ang anak nilang si Nika ay halata ang kasiyahan sa bata nitong mukha. Mahigpit itong nakayakap sa kaniyang ina.

"Mabuti naman at nagtagumpay tayo," wika ni Milo.

Lumipas pa ang mga oras at dumating na ang madaling araw kung kailan sila lalakad.

Kasama ni Maya at Milo ang sampong kalalakihan na siyang magtutulong-tulong na ibaba sa bundok ang mga buhay na baboy-ramo na mahuhuli nila sa kagubatan.

Dahil may kasamang ordinaryong tao sina Milo at Maya ay halos tirik na ang araw nang marating nila ang paanan ng bundok. Nagpahinga muna sila at naghanda upang makapagtanghalian muna bago nila akyatin ang kabundukan iyon.

Nakatanaw lang naman si Milo sa nga tanawin, tahimik niyang ninanamnam ang kagandahan ng bawat buhay na naroroon.