Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 24 - Chapter 24

Chapter 24 - Chapter 24

"Ano naman po ang tawag sa kasunod na bayan?" Tanong ni Milo nang maalala nito ang matandang babae na nagpalayas sa kanila.

Agad nilang napansin ang pagsimnagot ni Pedring. Hindi ito agad nagsalita at matiyaga nilang hinintay ang tugon nito.

"Kalahati ng Miranda ang lugar na iyon. Isang malaking bayan ang Miranda. Simula nang malugmok ang parteng ito ng bayan, nagsimula na silang abandunahin ang lugar na ito. Maging ang mga taong orihinal na naninirahan rito ay itinuring nilang salot. Naging makasarili ang mga tao, hindi na tulad ng dati na nagtutulungan ang lahat." Malungkot na wika ni Pedring.

Ramdam nila ang emosyong nangingibabaw kay Pedring habang isinisiwalat nito ang mga kaganapan sa bayan ng Miranda na siyang naglugmok sa kasalukuyan nitong sitwasyon. Napapatulala lang si Milo sa lalaki habang nagkukuwento ito. Hindi niya mabatid kung paano ito nakaya ni Pedring, sa isip-isip niya ay kung siya ang nasa sitwasyon nito ay baka matagal na rin niyang nilisan ang lugar na iyon.

"Wala man lang mapagkunan ng mga pagkain, saan kayo kumukuha ng pagkain Manong Pedring?" Tanong ni Milo sa lalaki. Mapait na ngumiti si Pedring at itinuro ang isang malayong gubat na kaharap ng bayan. Ilang kilometro din ang layo nito at kung tatahakin ito nang naglalakad at halos kalahating araw din ang bubunuin mo.

"Minsan sa isang buwan o dalawang linggo, pumupunta kami sa bundok ng mga kasama ko para mangaso. Hindi sakop ng sumpa ang bundok na iyon kaya't mayaman pa rin ito sa likas na yaman. May sampong pamilya na lamang ang natitira sa gawing ito at labindalawa ang kalalakihan, may sampong babae at limang mga bata at tatlong nakatatanda. Anim o pito kami ang umaakyat ng bundok para managso at maghanap ng aming makakain. Kapag masuwerte kami ay nakakapag-uwi kami ng tatlong baboy ramo na siyang pinaghahatian ng bawat pamilya rito. ang matitira ay ibinababad namin sa asin at pinapatuyo sa araw upang hindi mabulok." Salaysay ni Pedring. 

Nagpatuloy ang kanilang pag-uusap hanggang sa dumating na ang maybahay ni Pedring na si Lisa kasama ang anim na taong gulang anak nilang lalaki. Nakangiting sinalubong ito ni Pedring at agad na kinalong sa kaniyang bisig ang bata at malugod na ipinakilala sa grupo nina Milo, Maya at Simon.

"Kinagagalak namin kayong makilala, pasensiya na kayo kung ito lang ang magiging hapunan natin mamayang gabi." Sambit ni Lisa na tinutukoy ang isang basket ng kamoteng kahoy na malamang ay binungkal pa nito sa di kalayuan.

"May mga dala po kaming pagkain, kailangan lang po namin ng bubong na matutuluyan habang nandito kami sa inyong bayan. Hindi rin po kami lilisan hangga't hindi namin naibabalik sa ayos ang bayan niyo." Nakangiting wika ni Simon. Tumango-tango naman si Milo at Maya bilang pagsang-ayon

"Ganoon ba, mabuti kung gano'n. Nakakahiya naman kasi na ito lang ang maihahain namin sa inyo." Ani Lisa. Hindi na nagdalawang isip pa si Milo na ilabas sa sisidlan niya ang mga karneng pinatuyo na pinabaon sa kanila ng mga tao sa bayan ng Isidro. May mga tuyong isda rin silang dala na ikinamanghaa naman ng anak ni Pedring. Animo'y noon lang ito nakakita ng isda sa buong buhay nito.

Nangingislap ang mga mata nito habang nakatingin sa mga dala nilang pagkain.

"Gusto mo ba nito, Lucas?" Magiliw na tanong ni Milo at inabot ang isang hinog na mangga sa bata. Tuwang-tuwa naman na tinanggap ito ni Lucas matapos magpasalamat.

"Nay, kain po tayo. Ngayon lang ako makakatikim nito." Sabik na wika ng bata at nagkatinginan lamang sila.

"Pagpasensiyahan niyo na itong anak ko, simula nang ipanganak siya ay ngayon laman siya nakakita ng mangga, at iba pang prutas." Malungkot na wika ni Pedring.

Doon na nabuo sa isipan ng tatlo na hindi talaga sila aalis hanggat hindi nila naibabalik sa dati ang bayang iyon.

Kinagabihan, pinagsaluhan nila ang simpleng hapunan na sa mata ng anim na taong gulang na bata ay napakasarap na. Ginisang monggo na may karne ang kanilang inihain na niluto pa ni Milo habang nag-ihaw naman ng karne si Simon at Maya na ipinamahagi din nila sa iba pang mga tao na naroroon. Tila nagkaroon ng maliit na fiesta dahil sa salo-saling iyon.

Noong una ay nag-aalangan pang makisalo ang iba sa kanila subalit nang makita nilang masayang nakikipagkuwentuhan si Pedring sa kanila ay isa-isa na ring lumapit ang mga tao sa kinaroroonan nila na malugod naman nilang pinaunlakan.

Natapos ang gabing iyon na nabusog ang lahat. Kahit papaano ay naging magaan ang pagtanggap sa kanila ng mga tao at nangako na nga ang mga kalalakihan na tutulong sa kanilang gagawing plano.

Kinabukasan, madaling araw pa lamang ay nakatanaw na si Maya sa kagubatan. Mahigpit na itinali niya ang kaniyang mahabang buhok at ipinusod ito.

"Sabi na nga ba, ikaw yan. Bakit gising ka na?" Tanong ni Milo nang maabutan niyang nakatulala ang dalaga sa labas ng pinto ng bahay ni Pedring.

"Bakit? Gising ka din naman ah. Ano ba sa tingin mo ang gagawin ko?" Balik na tanong ni Maya at napangisi naman si Milo. Isinukbit ng binata sa likuran niya ang kaniyang tabak habang nasa tagiliran naman niya ang itak na madalas niyang gamitin sa pangangaso.

Ilang sandali pa ay sinimulan na nilang takbuhin ang landas patungo sa kagubatan. Para silang naging hangin dahil sa bilis ng kanilang pagtakbo. Ang kalahating araw na ginugugol ng mga ordinaryong tao sa paglalakbay ay sinaglit lang nilang dalawa. Ilang minuto lang din ang ang lumipas nang marating nila ang paanan ng bundok.

Inamoy ni Maya ang hangin at napagtanto niyang walang masamang presensya sa gubat na iyon.

"Ligtas nga para sa mga tao ang gubat na ito, napakalayo lamang ito para sa mga ordinaryong tao. At naaamoy ko rin ang masaganang buhay sa buong gubat." Wika ni Maya.

Agad namang naintindihan ni Milo na ang gubat na iyon ay protektado ng mga engkantong gubat na siyang nagpapanatili ng kalusugan ng gubat. Ibinaba niya ang itak at inilapag iyon sa lupa bago nag-alay ng panalangin.

Matapos ang maikling panalangin ay pinasok na nila ang gubat. Hindi pa man din nila nararating ang gitna ng gubat ay isang nilalang ang agad na sumalubong sa kanila.

"Narinig ko ang inyong pagtawag. Ano ang aking maipaglilingkod sa inyo?" Turan ng isang malamig na boses na siyang pumukaw sa kanilang mga atensyon. Napalingon sila at doon nila nasipat ang isang matangkad na nilalang lulan ng isang puting usa. Napakalaki ng usang iyon na halos kasinglaki na ng isang matandang kabayo. Ang sungay naman nito ay tila mga sanga ng isang puno na napupuluputan pa ng mga berdeng baging at dahon. Ang wangis ng lalaki ay maihahalintulad mo sa isang ordinaryong tao na may kulay pilak na balat. Kulay berde din ang mga mata nito na hindi mo makikitaan ng itim o puti.

Nakatingin ito kay Maya at nang mapatingin ito sa gawi ni Milo ay nanlaki ang mga mata nito at saglit na natigilan bago muling napangiti.

"Malaya kayong kunin ang kahit ano sa kagubatang ito. Ano man ang inyong kailangan ay malugod na ibibigay ng kagubatang aking pinangangalagaan." Mayamaya pa ay wika ng nilalang bago ito tuluyang naglaho.

Matapos ang tagpong iyon ay nagulat na lamang sila nang may lumapit na apat na babaoy ramo sa harapan nila at isa-isa iyong natumba na animo'y nawalan na lamang ng buhay.

Nanlaki ang mga mata ni Milo sa nakita. Ito ang unang beses na makakita siya ng baboy ramo na kusang lalapit at magpapahuli sa kaniya.

"Gano'n lang 'yon?" Gulat na tanong ni Milo sa dalaga. Natawa naman si Maya at maingat na ininpeksyon ang mga baboy ramong nasa harapan nila.

"Hindi na pala tayo mahihirapang mangaso nang kakailanganin natins a ritwal eh. Isasama na lang kita ulit para makahingi tayo ng tulong sa engkantong iyon. Mukhang malakas ka talaga sa mga engkanto at diwata. Dinaig mo pa si Ina na may basbas ni Bathala." Masayang wika ni Maya.

Nakakunot naman ang noo ni Milo habang nakatingin sa dalaga. Napakamot na lang siya nang muli niyang makitang tumawa si Maya.

Kalaunan ay naghanap na lang sila ng mga kahoy na siyang ginawa nilang sakayan ng mga baboy ramo upang mas madali nila itong maibaba sa bundok. Gamit lamang ng mga kahoy at mga baging ay matagumpay silang nakagawa ng sakayan na sakto lamang sa apat na baboy na kanilang iuuwi.

"Paniguradong matutuwa ang mga tao kapag nakita nila ito. Magpahinga ka muna rito at maghahanap lang ako ng mga bungang kahot ay mga halamang gamot sa paligid." Anunsyo pa ni Milo bago iniwan ang dalaga na nagbabantay sa kanilng mga huli. Lumipas ang isang oras ay nakabalik na si Milo bitbit at mga nakuha nitong prutas at mga halamang gamot.

Napaangat naman ang kilay ni Maya ng makita ang punong-punong sisidlan nito ng samo't-saring mga prutas at bungang ugat.

"Hulaan ko, regalo iyan ng mga engkanto sa'yo?" Natatawang tanong ni Maya

Napakamot naman si Milo at alanganing natawa. Marahan niyang inilapag ang dala niyang sisidlan sa ginawa nilang kangga at mahigpit na itinali roon ang mga ito.

"Nagulat nga ako, pasensiya na kung natagalan ako, ang dami kasi nila na ilayan ko ng dasal. Ayoko namang maging bastos kaya lahat sila pinakain ko muna." Tugon ni Milo at ngumisi naman si Maya.

"Umuwi na lang tayo. Medyo inaantok na ako ." Sabad ni Maya na noo'y napapahikab na. Ilang sandali pa ay nagsimula na silang hatakin ang kangga gamit ang dalawang lubid na itinali nila sa magkabilang dulo nito. Hindi tulad ng una nilang pag-akyat, mas naging mabagal ang kanilang pag-usad dahil sa bigat ng kanilang mga dala. Halos tirik na ang araw nang marating nila ang bukana ng bayan.

Agad nilang natanaw si Simon na noo'y naghihintay sa labas ng bahay ni Pedring. Kumaway pa ai Maya rito bago ito tinawag.

Nagkagulo naman ang mga tao nang makita sila at ang mga dala nila. May iba pang napapaluha at napahagulgol dahil sa dami ng pagkain na nakikita nila.

"Saan ba kayo galing, paggising namin wala na kayo?" Tanong ni Simon na halata ang pag-aalala sa mukha.

"Nangaso muna kami Simon. Huwag ka nang magalit, tingnan mo ang dami naning nakuha." Pambibida ni Maya sa kapatid. Nasapo naman ni Simon ang noo at pinitik ang ulo ni Maya.

"Malamang marami kang makukuha, kasama mo si Milo. Malapit na ang Miranda sa Estrella. Lahat ng punong engkanto na makakasalamuha natin ay nasa hanay ng hari."mahinang wika ni Simon.

"Sabi mo nga. Pero ginawa naman namin ito dahil naaawa kami sa mga tao rito. Kahit isang beses naman na makakain aila ng sariwang karne at masagana, hindi iyong tinitipid nila." Paliwanag pa ni Maya at napabuntong-hininga na lang si Simon. Batid niyang mabuti ang hangarin ni Maya at Milo. Maging siya ay naaawa rin sa mga taong naririto, lalo na sa mga bata at matatanda.

"Oo na, sige na. Magpahinga ka na sa loob. Bawiin mo muna ang lakas mo. Magsasagawa tayo ng ritwal para maisaayos ang bayang ito. Hindi tayo puwedeng magtagal rito dahil malapit na ang takdang oras. " paalala ni Simon at tumango naman si Maya.