Chapter 29 - Chapter 29

Walang paglagyan ang kasiyahan ng ina ni Christy dahil sa nangyayari sa buhay nila. Kapag nagkatuluyan si Christy at si Mr. Saavedra ay paniguradong magbubuhay reyna na siya. Magagawa na niya ang lahat ng gugustuhin niya.

Punong-puno nang pag-asa ang kanilang mga mata at nag-uumapaw ang pagkaganid nila sa kayamanan habang nakatingin sa buong paligid.

"Ma, tayo na sa loob, baka naghihintay na sa Mr. Saavedra sa atin." tawag ni Christy sa kanyang ina. Agad na silang naglakad papasok sa function room at ipinakita na nila ng invitation card nila. 

"Ganito pala ang party ng mga mayayaman." bulalas na wika ng kapatid na lalaki ni Christy na si Arnold. Halos lumuwa ang mga mata nito sa mga babaeng napapadaan sa kanilang harapan. Bahagya niyang inayos ang kanyang suot na americana upang kahit papaano ay maging kaaya-aya siya sa paningin nang mga ito. Nang tuluyan na silang makapasok ay agad silang inihatid ng isang babae sa kanilang magiging upuan. 

Habang papalapit sila sa harap ng stage ay buong pagtataka naman silang tinitingnan ng mga taong naroroon. Taas-noong naglalakad si Christy na animo'y siya ang panauhing pandangal sa pagdiriwang na iyon. Kumakaway-kaway pa siya sa mga office mates niya niya tila ba isa siyang artista. May ibang tumugon sa pagkaway niya at may iilan din naman napairap lamang bago naupo sa kani-kanilang mga upuan.

"Naku Christy mukhang malakas ang tama ng boss mo sayo ah. Dito ka pa talaga sa harap nakapwesto." Wika si Arnold matapos nilang mauposa upuan. Agad namang may nag serve sa kanila ng inumin na siya namang nakadimig sa usapan nang mga ito.

"Ano ka ba Kuya, huwag ka ngang maingay mamaya may makarinig sayo eh." Saway ni Christy sa kapatid subalit ang mga ngiti niya ay hindi mapawi-pawi sa kanyang mga labi.

"Ano naman kung may makarinig, eh totoo naman eh." Mayabang na tugon ni Arnold at ininom ang wine nito sa baso.

"Wala ba kayong mas matapang-tapang pa dito?" Tanong ni Arnold sa waiter. Hinayaan lang naman ito ni Christy dahil alam niyang aasikasuhin ng mga ito ang kapatid niya dahil kay Sebastian.

"Sorry po Sir, itong wine lang po ang nakatakdang i-serve para sa mga guest." Mahinahong paliwanag naman ng waiter.

"Guest? Hindi mo ba alam na importanteng guest kami?" Wika pa nito na agad namang ipinagtaka ng waiter dahil hindi siya nasabihan ng kaniyang kapitan tungkol sa mga ito.

"Importanteng guest? Paano naman kayo naging importanteng guest?" Tanong ni Veronica sa mga ito. Isa-isa niyang tinitigan ang mga ito upang makabisa niya ang pagmumukha ng mga taong umalipusta at nanghamak sa pagkatao ni Mira. Hindi naman niya mawari kung paanong naging isang importanteng guest sila sa gabing iyon.

Marahas na nilingon ni Arnold ang nagsalita ngunit agad din siyang napipilan nang makitang isa iyong napakagandang babae.

Nang mapansin ni Veronica ang klase ng pagkakatitig ni Arnold sa kanya ay bigla namang napataas ang kilay ng dalaga. Ito ang isa sa pinakaayaw ni Veronica sa mga lalaki. Yung mga feeling entitled na kapag nakakakita sila ng babaeng gusto nila ay dapat magkakagusto narin sa kanila.

"Miss, we are also a guest invited by the owner. " Wika ni Christy sa malumanay na boses.

"Yes, you are indeed a guest. Pero hindi kayo importante. Kung tutuusin isa ka lang din sa empleyado sa kompanya ni Sebastian. And you should act like one. Paalala Miss, hindi ikaw ang may-ari ng kompanya. " Wika ni Veronica sabay alis sa harap ng mga ito.

"Sino ba yun Ate?" Tanong ng nakababatang kapatid ni Christy na si Margie.

" Hindi ko alam, pero palagi ko siyang nakikita sa opisina. Sabi ng mga kasamahan ko, bisita daw ni Sir Sebastian."

"Bisita lang?" Dudang tanong ni Agnes sa kanyang anak.

" Baka naman pinaglalaruan ka lang ng boss mo anak." Dagdag pa ng ama niya kaya naman lalo siyang nakaramdam ng inis kay Veronica. Bukod kasi sa napakaganda nito ay nahahalata niya ring galing iyon sa mayamang pamilya. May posibilidad nga na maging girlfriend iyon ni Sebastian at wala siyang panama kung iyon man ay totoo. Subalit nang maalala niya ang mga regalo at ang effort nito na imbitahan ang kanyang buong pamilya ay muling nanumbalik ang kompiyansa niya sa kanyang sarili at muli siyang napangiti at agad din pinakalma ang kaniyang pamilya.

Akmang uupo na siya ay bigla naman niyang nakita si Mira na naglalakad patungo sa kanilang mesa. Muli siyang napatayo at tiningnan ito nang masama. Lalo pa't nakita niyang ang suot-suot nitong damit ay minsan na niyang nakita sa isang sikat na boutique sa isang mall.

Anong karapatan ni Mira upang masuot ang ganoon kagandang damit? Nasa isip pa niyang kapag nagkatuluyan sila ni Sebastian ay hihimukin niya itong bilhin ang damit na iyon para sa kanya.

"Anong ginagawa mo dito Mira?" Agad na tanong niya dito nang tumapat ito sa kanilang mesa. Napatingala rin si Agnes ang ang asawa nito sa kanya na kaagaran din napakunot ang noo.

"Mira?" Gulat na bulalas ni Agnes. Napatingin siya dito mula ulo hanggang paa at hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita. Buhat nang maibenta niya ito sa pasugalang iyon ay hindi na siya nagkaroon ng balita tungkol dito. Ang buong akala niya ay nam*tay na ito o di kaya naman at isa na itong babaeng bayaran sa kung saan.

Basi sa pananamit nito ay mukhang naging maganda ang takbo ng buhay nito. Napangisi naman si Agnes at pinagkrus ang braso sa kanyang dibdib.

"Aba kita mo nga naman, sino ang mag-aakalang buhay ka pa pala. " Wika ni Agnes at tahimik lang na nakatingin sa kanila si Mira. Kalaunan ay napangiti din siya at pasimpleng hinawi ang hibla ng buhok sa kanyang pisngi.

"Salamat sa inyo at okay na ako." Simpleng tugon ni Mira at napalatak naman ng tawa si Agnes.

"Okay ka na pala, bakit hindi mo sabihan kung sino man iyang naloko mo gamit ang mukha mo na bayaran ang natitira mo pang utang sa pamilya namin. Aba, pinag-aral ka at pinakain sa aming bahay." Gigil na wika ni Arnold sa dalaga. Nilingon naman ito ni Mira at nagkibit ng balikat.

"Bayad? Nasabi ko na ito kay Christy at sasabihin ko ito ulit. Wala akong utang sa inyo. " Mariing sagot ni Mira at tinalikuran na ang mga ito. Paghakbang niya papalayo sa mesang iyon ay mabilis naman siyang pinigilan ni Arnold sa kanyang mga braso.

Naningkit ang mga mata ni Mira sa kamay ni Arnold at agad niya itong hinawakan at pinilipit. Napahiyaw naman si Arnold sa sobrang sakit. Hindi niya lubos maisip na ang dating lampamg pinsan niya ay marunong na ngayong lumaban at ramdam niya ang kalakasan nito.

"Sa susunod na hahawakan mo uli ako ay hindi na ako magdadalawang isip na baliin ang mga kamay mo. " Banta ni Mira at biglang nag-init ang ulo ng ama ni Arnold. Tumayo ito sa kanyang kinauupuan na agad naman nakit ni Mira. Mabilis siyang kumilos at sinipa iyon sa dibdib dahilan upang muli itong mapaupo sa upuan na sapo-sapo ang nasaktang dibdib.

"Uulitin ko, wala akong utang sa inyo. Kung tutuusin kayo ang may utang sa akin. Dahil lahat ng ipinundar at pinaghirapan ng Mama ko ay nilustay niyo ng walang habas hanggang sa maubos at walang matira sa akin. "

"Pinag-aral? Scholar ako at lahat ng gastos ko sa eskwelahan ay pinaghihirapan ko para mabayaran. Pinakain? Mas maswerte pa nga sa akin ang aso dahil may ulam." Umiiling na wika ni Mira.

Hindi makapaniwala si Agnes sa inasal ni Mira. Dati-rati ay tahimik lang ito kahit anong gawin nila sa kanya. Hindi ito umiimik o kumukibo. Ni hindi ito umiiyak o nagagalit man lang.

"Mira, nahihibang ka na ba. Uncle mo ang sinaktan mo." Galit na bulalas ni Agnes.

"Bakit Tiyang Agnes, itinuring niyo ba akong pamangkin?" Balik na tanong ni Mira. Dahil sa pangyayaring iyon ay naagaw nito ang atensyon ng mga taong naroroon.

"Mira, tumigil ka na kung ayaw mong ipatapon kita palabas ng hall na ito." Banta ni Christy at natawa naman si Mira.

"Christy, sa tingin mo ba kaya mo akong ipatapon palabas ng lugar na ito?" Tanong noya at halos umusok ang ilong ni Christy sa sobrang galit. Dahil sa napakarami na ang nakatingin sa kanila ay hindi niya magawang ito ay saktan o pagsalitaan ng masama.

"Kung nandito ka lang oara manggulo mas mabuti pang umalis ka na. Naririto kami para ipagdiwang ang anibersaryo ng kompanya at invited din sila Mama at Papa. Wala kang karapatan dito dahil hindi ka naman empleyado ng kompanyang ito. " Maalumanay na wika ni Veronica. Nakita niyang napapatango ang iilan sa mga tao at lalong lumakad ang kanyang loob.

"Mira kung ano man iyang hinanakit mo sa amin, maaari bang sa bahay na natin iyan pag-usapan? Nakakahiya sa mga bisita " dagdag pa niya na lalong ikinatawa ni Mira. Nakita niyang papalapit na sa kinaroroonan nila si Sebastian kaya alam niyang magsisimula na ang pagdiriwang. Ayaw din naman niyang masira ang gabing iyon kaya mas mabuti kung tatapusin na niya ang palabas na iyon. Nang mapatingin siya kay Christy ay agad niyang nakita ang kwentas niyang suot-suot pa rin nito. Mabilis niyang nilapitan si Christy at marahas na hinatak ang kwentas.

Napasogaw naman si Christy sa sakit at napahawak siya sa kanyang leeg.

"Akin ang kwentas na ito. At wala kang karapatang gamitin o ipagmayabang ito sa iba." Wika ni Mira at mahigpit itong itinago sa kaniyang kamay. Hindi agad nakapagreact si Christy dahil sa sobrang pagkabigla. Wala sa hinagap niyang magagawang kunin iyon ni Mira sa ganoong paraan.

"Walang hiya ka Mira. Tumawag kayo ng security. Ipatapon niyo amg magnanakaw na ito." Galit na sigaw ni Christy. Hindi na ito nakapagtimpi at paulit na sinisigaw nito ang pagtawag ng security.

"Who are you referring to, Miss Torres?" Tanong ng isang baritonong boses na siyang nagpatahimik sa mga taong nagbubulong-bulungan sa paligid nila.