'Alex, malaya kang gamitin ang lahat ng karunungang ibinabahagi ko sayo. Bukod sa mga itinuturo ni Celestia ay may mga bagay pa akong ipapakita at ituturo sa iyo.'
Wika ni Zedeus sa kanyang isipan habang nakahiga siya sa sahig. Napabalikwas siya sa kanyang pagkakahiga at nagpalinga-linga sa paligid. Pakiramdam kasi niya ay isang bulong iyon sa kanyang tenga. Ang buong akala niya ay nagkatawang lupa na si Zedeus ngunit nagkamali siya.
"Ituturo? Meron pa ba akong dapat malaman?"
'Marami pa Alex. Ang mga sinasabi sa iyo ni Celestia ay ang mga alam lang niya patungkol sa mga ordinaryong Balrog.' Panimula ni Zedeus at biglang naglakbay ang kanyang isipan sa isang pamilyar na lugar.
Doon ay nakita niyang nakatayo si Zedeus habang nakangiti sa kanya. Maamo ang mukha nito at napakaganda ng kulay ginto nitong mata. Mahaba rin ang buhok nito na maluwag na nakatali at nakapatong sa kanyang balikat. Nakasuot rin ito ng isang magarang kasuotan na animoy napapalamutian ng ginto.
"Nagulat ka ba sa iyong nakikita Alex?" Nakangiting tanong ni Zedeus sa kanya. Napakamot lamang siya ng ulo at hindi na sumagot. Kahit kasi magdahilan siya ay alam naman niyang kitang-kita na sa mukha niya ang sagot.
"Malayo kasi ang mukha mo kay Eleazar, parang hindi kayo magkapatid." Wika ni Alex at napatawa lamang ito.
Napangiti naman si Alex dahil ramdam niya ang kabutihan ng loob ni Zedeus. Napakapuro din ng pakikitungo nito sa kanya na kung nabuhay ito sa panahon niya ay paniguradong magiging matalik silang magkaibigan.
Sa kanilang paglalakad ay nadapo sila sa isang malawak na kapatagan kung saan ang bawat lugar na lingunin niya ay nababalutan ng berdeng damuhan. Panaka-naka rin niyang nasisipat ang mga batang balrog na animo'y naglalaro doon.
"Sino sila Zedeus?"
"Sila ang mga batang balrog na maagang namayapa noong nabubuhay pa ako. Nakakalungkot ang mag-isa kung kaya't hinatak ko ang mga kaluluwa nila sa kabilang buhay upang makasama ko rito." Sagot naman ni Zedeus at nabalot ng pagkamangha ang buong pagkatao ni Alex.
Huminto na sila sa lilim ng isang malaking punong kahit na nasa gitna ng damuhan at doon na naging seryoso si Zedeus.
"Nasabi na sa iyo ni Celestia ang tungkol sa ritwal ng pagtawag sa unang hari. Hindi ko na iyon uulitin pero isa lang ang tatandaan mo Alex, huwag mong hahayaan mapaslang ka ng hari bago mo pa man mapainom sa kanya ang iyong dugo. " Wika ni Zedeus.
Maya-maya pa ay itinaas ni Zedeus ang kanyang kamay, kasabay nito ang pag-ihip ng malakas na hangin na animo'y nanunuot hanggang buto ang lamig na nararamdaman niya.
Pagkurap ng kanyang mata ay nasipat niya ang unti-unting paglitaw ng isang mahabang espada sa kamay nito. Purong itim ang espadang iyon. Ang taguban nito ay napapalamutian ng gintong dragon na animo'y nakapulupot sa dulo ng taguban hanggang sa pinaka-ulo nito.
Pakiramdam niya ay binabalot siya ng kakaibang kilabot habang ang mga mata niya ay mariing nakatitig sa espada.
"Ito ang espada na gawa sa aking puro ng dugo. Bawat hari ay meron nito. At may kakayahan din itong wasakin ang buhay ng lahat ng mga balrog at ulipon sa mundo niyo. Kakambal nito ang espadang hawak-hawak ni Celestia." Paliwanag ni Zedeus at marahan iniabot iyon sa binata. Malugod naman itong tinanggap ni Alex at manghang-mangha siya ng makita ng malinaw ang espada sa malapitan. Napakagaan din nito sa kanyang kamay na animo'y isang bulak lamang ito. Hindi niya maintindihan ngunit pakiramdam niya ay napakainit nito at ang init na iyon ay yumayakap sa kanya.
"Kunin mo ang espada sa taguban Alex." Utos ni Zedeus na kaagaran din naman niyang sinunod. Pagkahatak ni Alex sa espada mula sa taguban nito ay muli siyang binalot ng pagkamangha dahil sa purong itim na kulay nito. Subalit sa kabila ng kadiliman ng kulay nito ay nasasalamin pa rin niya ng malinaw ang kanyang repleksyon dito. Kitang-kita niya ang pagbabago sa kanyang mukha habang nakatitig sa espada. Kulay ginto ang kanyang mga mata at isinasayaw ng malamyos na hangin ang may kahabaan na niyang buhok.
"Bakit nagbabago ang anyo ko?"
"Ganyan ang iyong anyo kaoag nilulukob ng pagiging Balrog mo ang iyong pagkatao." Wika naman ni Zedeus.
Maya-maya pa ay itinuro na niya kay Alex ang paggamit ng espadang iyon. Lumpias pa ang ilang minuto at halos mapaluhod si Alex sa sobrang pagod. Ramdam na ramdam niya ang pagbigat ng espada habang patuloy niya itong ginagamit.
"Tandaan mo, kapag marami ang balrog o ulipon sa paligid ay mag-iinit at bibigat ang espada sa kamay mo. Ikaw lang din ang maaaring makagamit ng sandatang iyan. At sino man ang humawak sa espada ay hindi niya kakayanin ang bigat niyan. " Paalala ni Zedeus.
"Isa pang maari mong magamit sa laban ay ito." Dagdag ni Zedeus at muntik pang matuba si Alex dahil sa pagkagulat nang lumitaw ang isang itim na lobo sa tabi nito. Napakalaki ng lobong iyon na halos nasa limang talampakan ang taas nito. Mabalahibo rin ang nilalang na iyon na halos nasa limang pulgada rin ang haba nito. Kulay ginto ang mga mata nito at matutulis ang mga pangil nito habang nakatingin sa kaniya.
"Bukod tangi sa mga hari ang magkaroon ng alagang Bakura. At si Ruka ang ating bakura. Maari mo siyang matawag sa oras ng kagipitan." Wika ni Zedeus at doon lamang napanatag ang loob niya. Kung hindi pa sinabi ni Zedeus na kakampi ang nilalang na iyon ay siguradong napatakbo na siya sa sobrang takot. Sino ba naman ang hindi matatakot kung makakakita ng isang nilalang na animo'y hinugot pa sa kailaliman ng impyerno? Pakiramdam niya kanina ay tatakasan na siya ng ulirat dahil sa takot na nararamdaman niya. Mabuti na lamang at hindi siya naihi sa kanyang pantalon.
Lumipas pa ang oras na magkasama sila ni Zedeus sa lugar na iyon habang isa-isang ipinapaliwanag sa kanya ng binata ang mga kahinaan ng kalaban at ang mga maaari nilang gawin sa oras na magtagumpay na si Eleazar sa pagtawag sa unang hari.
Nang muli siyang makabalik sa kasalukuyan ay napansin niya ang sariling nakahiga pa rin sa sahig at pawis na pawis. Nang igalaw niya ang kanyang katawan ay nasagi niya ang espada sa kanyang tabi. Dahan-dahan siyang bumangon at tiningnan ang paligid bago dinampot ang espada at lumabas ng silid.
Naabutan pa niya sa kusina sila Marcus habang nagtitimpla ng kape.
"O, gising ka na pala, tara na at magkape." Alok ng pinsan niya. Umupo naman siya sa upuan at kumuha na din ng isang malinis na tasa para magtimpla ng kape.
"Hindi ka dapat natutulog sa gym. Malamig doon baka magkasakit ka." Wika pa ni Marcus at napangisi lamang siya. Katawan lang niya ang tulog ngunit ang kaluluwa niya ay naroroon kasama si Zedeus at nag-iensayo.
"Napagod siguro ako sa pagwi-weights kuya kaya hindi ko na namalayang nakatulog ako." Pagdadahilan niya. Sa katunayan, ni hindi nga niya alam kung ilang oras din siyang naroroon sa lugar na iyon. Bigla tuloy niyang naalala ang kaanyuan ni Ruka at bigla siyang nakaramdam ng kilabot sa katawan. Nanayo ang mga balahibo niya at pilit niyang iwinaksi sa alaala ang kaganapang iyon.
"Ano ba yang dala-dala mo?" Tanong ni Rick. Ipinatong naman niya sa mesa ang dala niyang espada at pinagtumpukan nila ito.
"Wow, ang gara nito alex ah, saan mo to nakuha." Manghang wika ni Rick. Akmang kukunin niya iti at nagulat siya sa sobrang bigat nito. Napakunot ang noon niya at sinubukan naman niya itong hugutin sa taguban subalit bigo rin siya.
"Bakit ang bigat?" Tanong ni Rick.
"Sus, ang sabihin mo nangangalawang ka na. Puro ka kasi kain, hindi ka na nagdyi-gym." Biro pa ng isa nilang kasama at ito naman anh sumubok. Tulad ng nauna ay bigo rin ito sa paghugot ng espada.
"So, nangangalawang ka na din sa lagay na yan?" Tukso ni Rick at nagkatawanan sila.
"Puro kayo biro. Saan mo ba nakuha yan Alex?" Tanong ni Marcus.
"Bigay ni Zedeus. " Sagot niya at biglang umupo si Rick sa upuan. Nakatingin kay Alex na animo'y naghihintay na magkwento ito. Wala na ngang nagawa si Alex kundi ang ikwento sa mga ito ang nangyari habang nasa gym siya. Wala din naman masama kung ikwento niya ito at hindi din naman siya pinagbawalan ni Zedeus.
Matapos maikwento ang lahat ay naiwang nakanganga ang mga ito sa sobrang pagkamangha.
"Ibig sabihin ikaw lang ang makakagamit nito? Ipakita mo nga sa amin, Alex." Wika ni Rick na noo'y sabik na sabik makita ang kabuuan ng espada.
Mabilis naman hinugot ni Alex ang espada sa taguban nito nang walang kahirap-hirap. Para lang siyang humugot ng isang mahabang kutsilyo sa taguban nito. Gulat, mangha at kasabikan naman ang namutawi sa mga taong naroroon sa pagsilay nila sa itim na itim na kabuuan ng espada ni Alex. Ibang-iba ito sa hawak ni Celestia dahil sa kulay nito. Ang pagkakapareho lamang ay pareho itong nagbibigay ng pakiramdam ng kadalisayan at kaligtasan. Iyong tipong kahit nasa harap mo lamang ito o kahit alam mo lang na naroroon ito ay mapapanatag ang loob mo.
"Napakagandang espada. Walang binatbat ang mga katana ng hapon." Wika ni Rick na tila humaling na humaling dito. Kakatuwa rin ang reaksyon nito sa mukha dahil para bang nais niyang halikan ang espadang iyon. Kolektor ng espada itong si Rick kung kaya't kakaiba ang nagiging rekasyon nito tuwing nakakakita ng mga espada. Ilang sandali pa ay ibinalik na ni Alex sa taguban ang talim nito at muling umupo na sa harap ng mesa para mag-almusal.