"Ang daming bituin ngayon.." Nakangiting sambit ng aking anak habang nakatingin sa kalawakan.
Hindi ko maitago ang saya na nararamdaman ko ngayon habang pinagmamasdan ang masaya at namamanghang mukha ni Gaea. Kahit maraming beses na naming inulit-ulit ang mag-stargazing dito sa may damuhan malapit sa'min, hindi pa rin siya nagsasawang pagmasdan ang mga nagkikislapang mga butuin sa taas. Sa tingin ko nga ay mas lalo pa siyang nagiging interesado dahil panay ang pagtatanong niya sa'kin kung ano raw ba ang tawag dito at anong pangalan n'on.
'Pag nakikita ko ang masayang mukha mo Gaea, mas lalo kong naiisip na tama ang naging desisyon ko..'
"Ang presko rin ng hangin dito Nay.. buti nalang at hindi masyadong maulap ngayon.." dagdag niya sabay abot ng dala-dala naming basket na may lamang pagkain at tubig. Kumuha siya ng sandwich 'don at kumain.
"Matabang ba?" Nakangiting tanong ko sa kanya. Isa kasi sa mga hilig ni Gaea sa egg sandwich ay 'yung may maraming paminta. Nagkataong napa-onti ang lagay ko habang tinitimpla kanina ang palaman n'on kaya hindi ko maiwasang tanungin kung ano ang sa tingin niya.
"Medyo lang, Nay.. pero masarap pa rin naman hahaha.." Natatawang aniya.
Habang kumakain si Gaea, bigla-bigla nalang akong nakaramdam ng kakaiba na para bang may mga matang nakasubaybay saming dalawa ngayon at nagtatago. Hindi ko ipinahalata kay Gaea ang nararamdaman kong 'yon dahil ayoko rin naman siyang takutin at pag-alalahanin masyado, lalo na't hindi rin ako sigurado sa nararamdaman ko.
"Magligpit na tayo Gaea.. maaga pa pala ako sa palengke bukas.."
Hindi ako komportable sa nararamdaman ko ngayon. May pakiramdam kasi talaga akong hindi maganda at hindi kanais-nais kaya gusto ko na sanang magligpit na kami kaagad ni Gaea at maka-uwi na sa amin.
"Tulungan na lang kita bukas Nay.. dito muna tayo saglit.." pagpupumilit niya. Pinagbigyan ko siya pero sinubukan kong luminga-linga sa paligid para tignan kung mayroon bang tao sa paligid. Wala naman akong sinumang nakita subalit hindi pa rin nawawala ang pangamba na nararamdaman ko sa dibdib ko.
'May hindi talaga tama ngayon..'
"Bumalik na lang tayo b-bu--"
Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil walang pasabi ay bigla-bigla akong nakaramdam ng labis na pagkahilo at pagkasakit ng tiyan. Para bang tumutusok iyon sa kaloob-looban ko na habang tumatagal ay mas lalong sumasakit at humahapdi.
"N-nay.. m-may dugo ka.." nanginginig at nanlalaking matang saad ni Gaea sa'kin habang nakatingin sa may parteng tiyan ko.
Doon ko lang napansin na may tama na pala ng pana sa bahaging 'yon ng aking katawan. Sinubukan kong itayo ang sarili ko nang bahagya para sana silipin kung sino ang gumawa n'on sa'kin pero mas lalong sumasakit iyon pag gumagalaw ako, kaya hindi ko rin magawa.
Bigla akong napasandal kay Gaea at napainda ng 'di oras dahil masyado na talagang masakit ang parteng iyon ng aking tiyan.
"G-gaea.." Tawag ko sa kanya. Tanging pag-iyak lang niya ang naririnig ko ganoon din ang labis na panginginig ng kanyang katawan habang nakayakap sa'kin, animo'y hindi na makapagsalita dahil sa nasasaksihan niya ngayon.
"G-gaea.." Muling pagtawag ko kaya napatingin na siya sa'kin. Ramdam kong mas humigpit ang pagkakayakap niya pagkasabi ko n'on at marahang huminga para makapagsalita nang maayos.
"N-nay?" Humihikbing sagot niya habang direktang nakatingin sa mga mata ko. Hinawakan ko ang mukha niya at sinubukang pahiran ang naglalabasang mga luha roon.
'Hindi ko kayang makita kang ganyan Gaea.. p-patawarin mo 'ko..'
Napaluha na rin ako hindi dahil sa pisikal na sakit na nararamdaman ko ngayon, kung hindi sa nangyayari ngayon kay Gaea at sa posible ring mangyari sa kanya. Ayokong masaktan pa lalo ang anak ko.
Sinubukan kong ikalma ang sarili ko at huminga nang malalim para luminga muli at silipin kung sino ang gumawa nito, ngunit wala pa rin akong maaninag na kahit anong kakaibang mukha. Mas lalo akong nabalot ng takot at kaba dahil baka si Gaea naman ang sunod nilang pagtangkaan.
"U-uma..lis ka na... G-gaea.." Nahihirapang sabi ko sa kanya pero umiling lang siya sa'kin at patuloy pa rin sa pagyakap.
'S-sobrang s-sakit na..'
Ilang sandali pa ay may narinig na akong mga hakbang na para bang papalapit sa'min. Sa tempo n'on ay masasabi kong mga tatlo sila.
"M-masakit.." nanghihina na talagang daing ko.
Biglang hinablot nung isa sa kanila ang kaliwang kamay ko at hinila patungo sa gawi nila, dahilan para kumalas sa pagkakayakap sa'kin si Gaea.
"T-tama na po!"
Sa sigaw na 'yon ni Gaea ay nanlulumong humikbi na rin ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko para maprotektahan pa ang anak ko.
"H-hayaan... niyo lang s-siya.." paki-usap ko sa kanila, pero parang wala lang silang pakialam at hindi ako pinansin. Pagkatapos kong sabihin iyon ay bigla-bigla na lang akong nakaramdam nang labis na pagka-antok na para bang pilit na isinasara ang mga mata ko.
'Kakayanin ko para sa'yo Gaea.. pero matutulog lang ako sandali..'
----
---
--
-
-
--
---
----
"N-nay.."
Narinig kong tawag ni Gaea sa'kin, dahilan para magising ako. Wala na akong lakas para idilat pa ang aking mga mata at tignan siya, tanging pakikinig na lang sa mga sasabihin niya ang kaya kong gawin ngayon.
"N-nay.. B-babalikan kita.." humihikbing pa ring saad niya kaya sinubukan kong ngumiti sa kanya. Mahinang tumango rin ako para ipakitang humihinga pa rin ako at nananatiling buhay.
'Ganyan nga, Gaea... tatagan mo lang ang loob mo...'
Naramdaman kong papalapit nanaman sa gawi ko 'yung tatlo kanina at ilang sandali pa ay buhat-buhat nila akong isinama — paalis at papalayo kay Gaea. Narinig ko ang biglaang paglakas ng mga iyak at sigaw ni Gaea habang papalayo kami nang papalayo sa kanya. Napaluha ulit ako.
Sa loob-loob ko, kahit papaano ay napanatag ang aking isipan dahil mukha namang wala silang ginawang anuman kay Gaea kanina at ligtas siyang makakabalik sa amin. Ang mangyari ang bagay na iyon ay isang himala ko nang maituturing na habang buhay kong ipagpapasalamat.
'Kayo na ang bahala sa kanya..' tukoy ko sa mga bituin sa kalangitan, kahit alam kong wala namang silbi at kwenta iyon.
Buhat buhat pa rin nila ako dinadala palayo kay Gaea kaya ipinikit ko na lamang ang mga mata ko para hindi na maubos pa ang natitira kong lakas.
'Mahal na mahal kita Gaea, at pipilitin kong maging matatag hanggang sa makabalik ka gaya ng ipinangako mo.. kahit gaano pa 'yon katagal...'